Chapter Six
"Boss Xachary, si ma'am po kasi. Bigla na lang niyang itinulak si Ester. Kaya po tumama ang siko niya sa upuan. Ito po." Saka ipinakita ng mga ito ang siko ng babae. Kahit ako ay nakaramdam ng guilt nang makita ko ang pasa roon. "Tapos po habang inaalalayan ko po si Ester na makatayo ay nanabunot na po si ma'am. Galit na galit po siya sa amin dahil hindi raw maayos ang pagsisilbi namin sa kanya." Napaawang ang labi ko dahil sa kasinungalingan ng babae.
"H-indi totoo iyan. B-akit ka po nagsisinungaling?" disappointed na tanong ko sa kanila.
"Anong tingin mo sa sarili mo, Allegra? Hindi ka prinsesa rito. Tinanggap kita rito dahil sa pakiusap ng ama mo. Pero wala kang karapatan na umiksena rito."
"Hindi po ako gumagawa ng gulo. Nagsisinungaling po sila." Naiyak na ani ko. Hindi ko alam kung paano dedepensahan ang sarili ko. Kahit naman palagi akong inaaway ng mga tiyahin ko ay hindi naman umaabot sa ganito na gagawa sila ng kwento.
"Boss Xachary, kilala po ninyo kami. Hindi po namin ugaling magsinungaling. Matagal na po kami rito. Pero ngayon lang po kami nakaranas nang pangmamaltrato mula sa amo namin. Kasambahay lang po kami. Mahirap lang po. Pero hindi po kami magsisinungaling para lang linisin ang pangalan namin. Si Ma'am po ang unang umatake sa amin ni Mirna." Ester at Mirna pala ang pangalan ng dalawang kasambahay na ito.
Nang tignan ako ni Xachary ay napayuko na lang ako. Hindi ko kayang salubungin ang tingin nito. Parang nanghihina ang tuhod ko sa takot. Nanlalamig ako.
"Lahat ng mga gamit na dinala ninyo para kay Allegra ay ilagay sa bodega. Doon ninyo siya patulugin." Agad akong napatingin sa lalaki. "Walang special treatment sa kanya dahil wala naman siyang ambag sa bahay na ito."
"Ihahanda po namin ang bodega para sa kanya." Mabilis na ani ni Ester, saka niya hinila si Mirna.
"You." Tinignan ko ang lalaki. "Hindi ka espesyal na bisita rito. Narinig mo ang sinabi ko. Walang special treatment para sa 'yo. Kung gusto mong nagtagal dito. Kung gusto mong mabalikan ka ng ama mo rito ay ayusin mo ang ugali mo. Hindi ka prinsesa para pagsilbihan ng mga kasambahay ko. Lahat ng mga bagay na kailangan mo... ikaw ang kumilos para kumuha. Naintindihan mo?"
"O-po."
"Huwag kang gumawa ng gulo rito, Allegra. Maiksi ang pasensya ko sa mga spoiled brat na katulad mo." Spoiled brat? Parang hindi ko naman nakita ang sarili ko na gano'n umasta. Pwede pa iyong pinsan kong si Verronica na anak ni Tiya Veron. Spoiled brat iyon. Well, kay Lola ko lang naman narinig iyon. Gano'n ang remarks niya sa pinsan kong babae.
Pero kaysa depensahan ang sarili ay tango na lang din ang sagot ko.
Hinakot ang ilang gamit para dalhin sa bodega. Si Ester at Mirna pa ang naghatid sa akin doon.
Okay naman pala ang bodega. May single bed doon na pwede ko namang gamitin.
Maraming gamit dito pero alam ko namang kaya kong tiisin ang ganitong klase ng lugar kaysa magpagala-gala sa labas na hindi ako pamilyar.
"Dito ka nababagay. Ingat ka rito. May multo rito." Saka sila naghagikhikan. Sabi ng isang kasambahay namin ay totoo raw ang multo. Nakakatakot nga ang mga kwento niya sa akin. Isa sa nakakatakot na kwento niya ay ang multong si Marites. Minsan lang niyang kwinento iyon pero halos hindi ako nakatulog.
Marites is so scary. Sana wala si Marites dito.
Pumasok ako. Binuksan ko ang bintana kaso nagpatay sindi iyon.
Napabuntonghininga ako. Ayos lang. Kaya ko ito.
"Alam mo, Allegra. Kahit anong sabihin mo kay boss ay hindi iyon papanig sa 'yo. Kaya kaysa ipaglaban mo ang sarili mo... mas mabuting manahimik ka na lang. Mamamatay tao ka. Baka naman magulat na lang kami'y kami na ang isunod mo, ha. Ingat ka." Saka nila hinila pasara ang pinto. Para akong nauupos na kandilang naupo sa gilid ng kama ko.
Sa sobrang sama ng loob ko'y hindi ko na ininda pa ang sakit ng balakang at tuhod ko. Tahimik akong umiyak.
Parang sa sitwasyon kong ito ay kalaban ko ang buong mundo... tama si Lola. Hindi ligtas ang mundo... hindi ako dapat lumabas ng mansion.
"Lola, sana po'y panaginip lang ito. Please. Balik ka na sa akin, Lola. Balik ka na po sa akin." Pero walang lola na bumalik sa akin. Nang may kumatok sa pinto ay hinintay ko na lang na bumukas iyon. Para kasing bumalik ang sakit ng katawan ko. Bumukas naman iyon at nakita ko si Nana Astrid.
"Oh, umiiyak ka?" takang ani ni Nana Astrid.
"I need a hug, Nana Astrid." Napahikbi pang ani ko. Agad namang pumasok ang matanda at lumapit sa akin. Nang umupo ito sa tabi ko ay agad akong yumakap dito.
"Bakit ka umiiyak? Ayaw mo ba rito? Gusto mo ba'y kausapin ko si Xachary?"
"No, Nana. I'm fine here po. Malaking pasasalamat ko na nga po na at least may ganito pa akong matutulugan."
"Ano ba kasing nangyari, hija? Bakit ka makipag-away sa dalawang kasambahay?"
"S-inabihan po nila akong mamamatay tao, Nana. Hindi naman po totoo iyon." Iyak ko. "Inosente po ako. Hindi ko po magagawa sa lola ko iyon. Mahal na mahal ko po ang lola ko."
"Sinabi nila iyon?"
"Opo. Pero kahit depensahan ko naman po ang sarili ko ay hindi po maniniwala si Boss Xachary. Pero hayaan na po natin. Kaya ko naman pong mag-stay rito. Hindi po ako pwedeng umalis sa mansion na ito dahil dito po ako babalikan ng daddy ko."
"Hija, napanood ko iyong balita." Napabitiw ako sa pagkakayakap ko rito.
"Po? A-no pong balita, Nana Astrid?"
"Laman na ng balita ang tungkol sa pagkamatay ni Esmerlita Romualdez. Ikaw ang itinuturong pumantay dahil ikaw raw iyong inabutan sa silid at may hawak ng kutsilyo. Nagkalat din sa television ang larawan mo."
"Hindi po ako ang pumatay." Naiyak na namang ani ko. "Hindi po ako ang gumawa no'n. Ang pagkakamali ko lang po dahil sa labis na pagkabigla ay hinawakan ko po ang kutsilyo. Hindi ko po pinatay ang Lola ko. Siya at si daddy na nga lang po ang meron ako. Dalawang tao. Tapos papatayin ko? No. Hindi ko po iyon kayang gawin." Napabuntonghininga ang matandang babae.
"Nararamdaman ko ang sinseridad mo, Allegra. Tahan na. Dito ka na muna sa mansion. Lalabas din ang totoo."
"Sana nga po, Nana Astrid. Kailangan po ni Lola ng justice. Kung ako po ang makukulong ay hindi makakamit ng Lola ko ang hustisya na nararapat. Dapat ang makulong ay iyong may gawa no'n."
"Ipagdasal natin iyan, Allegra. Tahan ka na, ha." Tumango naman ako rito. "Nagdala ako ng merienda." Biglang ani nito nang maalala ang kanyang sadya sa akin.
Saka ko lang napansin ang tupperware na may takip.
"Sopas ito. Kainin mo."
"Salamat po."
"May tubig naman dito." Sabay turo sa tatlong kahon ng bottled water. "Tawagin mo ako kung may kailangan ka." Pero naalala ko ang sinabi ni Xachary. Hindi ako bisita rito. Kung may kailangan ako'y ako ang dapat na kumuha. Pero tumango pa rin ako.
Nang iwan ako ng matanda ay mas pinili kong igilid muna ang pagkain. Hindi pa naman ako gutom.
Tanghalian, ipinatawag ako ni Boss Xachary. Iika-ika pa rin ang lakad.
"Mamaya'y hihilutin ko ulit iyan bago matulog." Napansin pala ni Nana Astrid ang lakad ko.
"Salamat po." Ipinaghila pa ako nito ng upuan.
"Let's eat." Nang marinig ko ang hudyat ni Boss Xachary ay kumilos na ako para kumain. Tamang dami lang ng pagkain ang kinuha ko kahit na paborito kong ulam iyong naroon.
Iyong bicol express na ulam ay inuntiunti ko iyon.
"Maraming ulam. Kumain ka." Puna ng lalaki nang makita ang ginagawa ko.
"B-awal pong marami, b-oss. Magagalit po ang Lola." Nagsalubong ang kilay ng lalaki.
"Pinagbabawalan kang kumain ng marami sa inyo?" ani nito.
"T-amang dami lang po ang pwede." Mahinang sagot ko.
"Tamang dami? Binilang ko kung nakailang subo ka na. Apat lang, Allegra. Hindi iyon tamang dami. Eat more." Dahil ayaw ko namang labagin ang utos nito ay sumandok ako pero kaunti pa rin.
Nauubusan ng pasensya si Boss Xachary, ito na ang sumandok ng kanin. Marami iyon.
"Ubusin mo iyan. Wala ka sa bahay ninyo. Mas lalong wala na ang Lola mo para kontrolin ka pa niya."
"Po? Nagkakamali po kayo. Hindi po ako kinokontrol ni Lola. Siya pa nga po ang nag-alaga sa akin---"
"Tsk. Of course iyon ang tingin mo. Pero kinontrol ka niya... hindi mo lang pansin." Napaisip ako. Hindi ko naman naramdaman na kinokontrol ako. Hindi ko iyon inisip sa tuwing napagsasabihan ako sa dapat at hindi ko dapat gawin. "Just eat, Allegra. Enjoy." This time ay hindi ko na tinipid ang sarili ko. Kinain ko ang pagkaing nasa plato ko. Ine-enjoy ko iyon.
Nang matapos mananghalian ay balak ko na sanang bumalik sa kwarto. Pero naalala kong hindi ako bisita rito. Halos lahat ng kasama namin ni Boss Xachary ay abala sa kanilang mga gawain kaya naman nagdesisyon akong kausapin ang lalaki.
"Boss Xachary," tawag ko rito. Napatingin ang lalaking akmang dederetso palabas.
"Yes?" ani nito.
"P-agtratrabahuan ko po ang pananatili rito." Tinignan ako nito mula ulo hanggang paa.
"May alam ka ba?" ani nito.
"Mabilis po akong matuto."
"Tsk. Magpagaling ka muna bago mo ulit ako kausapin." Sabay tingin sa tuhod kong may pasa.
"Sige po, b-oss." Umirap ang lalaki bago ito tuluyang umalis.
Ako naman ay naupo muna sa sala. May TV doon. Pwede ko naman sigurong gamitin.
Nang akmang dadamputin ko ang remote ay biglang may kamay na dumampot doon.
"Tapos na ako sa gawain ko. Manonood muna ako." Nakangising ani ni Mirna. "Ester, dalian mo d'yan. Nood tayo rito." Yaya nito kay Ester na pababa ng hagdan. May dala itong feather duster at mukhang naglinis sa itaas.
"Sige, itabi ko lang ito." Wala na akong angal dahil makakanood din naman ako kahit pa sila ang may hawak ng remote.
Bumukas ang TV. Saktong news ang ipinalalabas doon.
"Hanggang ngayon ay inaaalam pa ang dahilan kung bakit nagawang patayin ng dalagang apo ni Esmerlita Romualdez ang matanda. Ayon sa tauhan ng mga Romualdez ay hindi naman daw nagtalo ang dalawa at nagkakasundo pa nga sa mga bagay-bagay. Pero iba naman ang sinasabi ng mga anak ni Esmerlita---" inilipat ni Mirna ang istasyon. Nanonood pa ako. Gusto kong makibalita at sa TV lang ako makakakuha ng information.
"B-akit mo inilipat?" tanong ko sa babae.
"Anong pake mo?"
Hays. Hindi talaga ganito ang mga kasambahay namin sa mansion. Ganito ba ang trato nila sa akin dahil sa ako ang suspect sa pagkamatay ni Lola? Mamamatay tao ako sa paningin nila kaya hindi nila ako tinatrato ng tama?
"S-ige, kayo na lang ang manood." Mahinang ani ko.
"Talaga! Bumalik ka na nga sa bodega. Nakakasira ka ng araw, killer." Sabay pang nagtawanan ang mga ito.
"B-alik na ako." Tumayo ako at iika-ikang bumalik sa kwarto.
Nagkulong ako roon hanggang hapon. Inabot pa nga ng gabi.
"Ester, tawagin mo na si Allegra para maghapunan." Akmang bubuksan ko ang pinto pero nahinto ako.
"Opo, Nana Astrid." Tugon ni Ester. Mayamaya pa'y biglang bumukas ang pinto. Muntik pa akong tamaan no'n.
"Kakain na?" tanong ko rito.
"Hindi. Huwag kang lalabas. Sasabihin ko kay Nana Astrid na hindi ka kakain dahil busog ka pa. Kapag pumunta siya rito at tanungin ka... iyon ang sasabihin mo. Naintindihan mo?"
"Pero nagugutom ako." Amin ko sa babae.
"Wala akong pake. Gutom ka man o hindi... dito ka lang. Naintindihan mo?"
"E-ster..."
"Isusumbong kita kay Boss Xachary kapag nilabag mo ang utos ko."
Dahil takot na maisumbong ay tumango na lang ako. Isinara na nito ang pinto.
"Nana Astrid, busog pa raw si Allegra." Narinig kong ani ni Ester. Napakuyom ang kamao ko. Naluluha. Pero nang mapansin ko ang tupperware ng sopas ay agad akong napangiti. Buti na lang pala't hindi ko iyon kinain kanina. Ayos lang na hindi maghapunan sa labas.
Hindi na iyon mainit dahil kanina pa iyon. Pero okay lang. At least may laman pa rin ang aking sikmura.