Chapter Four
"Ayusin mo ang itsura mo." Utos ni daddy habang nagmamaneho siya. Sobrang dilim ng daang binabagtas namin. Ang tanging ilaw lang ay mula sa sasakyan. Wala pa ring tigil ang ulan. Kumukulog at kumikidlat.
"Daddy, si Lola..." iyak ko. Hindi pa rin maproseso nang maayos ng utak ko ang nangyari. Iyong dugo... iyong kutsilyong nakabaon sa dibdib ni Lola, iyong itsura ng Lola ko habang nakabulagta sa sahig. Parang horror iyon sa aking isipan. Nakakatakot. Nagbibigay ng kakaibang lamig sa pakiramdam ko.
"Wala na tayong magagawa, Allegra. Wala na ang lola mo." Kumuyom ang kamao nito. Halatang nagpipigil ng kanyang emosyon.
"Hindi ko matanggap, daddy. Sobrang sakit. Sino ang gumawa no'n kay Lola? Bakit ang lola ko pa?" mas lalong lumakas ang iyak ko.
"Hindi ko alam, Allegra. Hindi ko rin alam kung bakit kailangan mangyari ito. Pero aalamin ko ang katotohanan, Allegra. For now itatago muna kita. Sa ganitong paraan lang kita maproprotektahan, anak." Hindi ako kumibo. Pakiramdam ko'y pagod na pagod ako. "Magpahinga ka na muna. Mahaba-habang biyahe ito."
Nakatulog ako sa biyahe. Nang magising ay nakita kong nakahinto na ang sasakyan sa tapat ng isang mansion.
"Nasaan na po tayo, daddy?" takang tanong ko habang nakatitig sa labas ng bintana.
"Nandito sa bahay ng kaibigan ko, anak. Halika na." Wala ng ulan. Pero bakas sa paligid na kahit dito'y umulan.
Hinawakan ni daddy ang kamay ko. Wala pa rin ako sa sarili kahit naglalakad na papasok. Unang nakita ko ay ang malaking orasan sa dingding ng sala.
4:36 am na. Sobrang tahimik ng paligid. Para akong ignoranteng hindi mapigilang igala ang tingin. Ibang-iba ito sa mansion kung saan ako nakatira. Nangingibabaw ang kulay kahoy na kulay.
"Josh, hindi ko akalain na seryoso ka sa pagpunta rito ng alanganing oras." Agad gumawi sa hagdan ang tingin ko. Pababa ang isang lalaki na parang nagmulat sa mga magazine sa library ng mansion.
"Xachary, pasensya na kung alanganing oras at biglaan."
"Have a seat." Hawak pa rin ni daddy ang kamay ko na iginiya paupo sa couch.
"Ano ang sadya mo, Josh?" tanong nito bago gumawi ang tingin sa akin. Ang kilay ay bahagyang umangat. "Who is she?"
"Ah, si Allegra. Siya iyong kwenekwento ko sa 'yo na anak ko." Napayuko ako. Hindi ko alam kung ano ang iaakto sa harap ng isang istranghero. "Hijo, hindi ko alam kung gaano ka katagal dito sa mansion mo. Pero makikiusap sana ako kung pwedeng dito muna mamalagi ang anak ko." Saka ko lang ulit iniangat ang ulo ko para silipin ang reaction ng lalaki sa pabor ng aking ama.
"What?" ani nito.
"Dito muna sana si Allegra habang may inaayos ako sa kabilang bayan. Hindi magiging sagabal ang anak ko habang narito siya. Hindi lang kasi siya ligtas sa labas... tiyak na hindi niya pasasakitin ang ulo mo. Dito muna siya."
"Bakit hindi sa farm mo, Josh? Alam mo naman na hindi ako nagtatagal dito. Madalas ay nasa siyudad ako."
"Hindi siya ligtas doon. Hija, maglibot ka muna sa mansion. Kakausapin ko lang si Xachary." Ayaw ni daddy na marinig ko ang pag-uusapan nila kaya tumango ako't lumakad patungo sa pinto.
Pero hindi rin naman ako tuluyang lumayo. Gusto kong marinig at ayaw kong maging clueless sa mga bagay na katulad nito.
"Hijo, napagbibintangan ang aking anak na pumatay sa Lola niya. Kaya ko siya itinakas sa mansion at dinala rito. Hindi ko kayang makitang nasa rehas ang anak ko sa kasalanang hindi naman niya ginawa. Kaya nakikiusap ako sa 'yo. Dito muna si Allegra. Walang ibang alam ang anak ko sa takbo ng Mundo sa labas dahil ikinulong siya ng kanyang ina at ng Lola niya sa kanilang mansion. Gagawa ako ng paraan para makahanap ng safe na lugar sa kanya para alisin din agad dito. But for now kung pwede ay rito lang muna siya, hijo. Parang awa mo na."
Dahan-dahan akong napaupo. Napayakap sa aking tuhod at tahimik na lumuha.
Ang sakit sa dibdib na marinig si daddy na nagmamakaawa sa ibang tao. Ang bigat-bigat ng dibdib ko ngayon. Sa labis kong pag-iyak ay hindi ko na narinig pa ang naging sagot ng kaibigan ni daddy. Sunod ko na lang na narinig ay ang mga yabag nila. Napaangat ako ng tingin nang tumapat sa daddy sa gilid ko.
"My princess, dito ka lang muna." Hirap na ani nito. I'm scared. Hindi ba pwedeng dito na lang muna kaming dalawa? Bakit niya ako iiwan dito?
"Daddy, dito ka lang po. Huwag mo po akong iwan." Bago ang lahat sa akin. Natatakot ako dahil pakiramdam ko mag-isa ako kapag iniwan nito.
Umiling si daddy. Pilit na ngumiti.
"Anak, tiyak na ipahahanap din nila ako. Kaya mas mabuting magtago ka rito habang ako naman ay gumagawa ng paraan para patunayan sa kanila na inosente ka. Mas mahihirapan akong kumilos kung kasama kita, Allegra. I'm sorry, anak." Yumakap ako sa binti ni daddy.
"I'm so scared, daddy. Don't leave me." Pagmamakaawa ko rito.
"Stay here, Allegra."
"No!" matinding tanggi ko.
"Allegra!" this time ay malakas na itong sumigaw. Natakot ako. This is the first time na narinig kong nagtaas ng boses si daddy. Napabitaw ako at napaatras. "Oh God! I'm sorry, my princess." Agad na lumuhod si daddy at kinabig ako at niyakap. "Hindi ko sinasadyang sigawan ka. Sorry. Sorry." Paulit-ulit na ani nito. "Pangako ko sa 'yo na babalikan kita agad. Naintindihan mo?" pinunasan pa nito ang basa sa aking pisngi.
Humigpit ang yakap ko rito.
"Balikan mo ako, daddy. Huwag matagal." Pakiusap ko. Tumango naman ito at saka tumingin sa lalaki. Nang tumayo siya ay tumayo na rin ako pero muli ring yumakap sa kanya.
Pero inaalis na ni daddy ang mga braso kong nakayakap dito. Saka ko rin naramdaman ang pagpulupot ng isang braso sa bewang ko at pwersahan akong hinila palayo kay daddy. Nagpumiglas ako. Sinubukan kong makawala sa brasong nakapulupot sa bewang ko.
"Daddy! Daddy!" ilang ulit ko itong tinawag ngunit tuluyan na itong lumulan sa sasakyan. Umalis.
Iniwan ako sa lugar na bago sa akin ang lahat. Binitiwan na ako ng lalaki kaya napasalampak ako sa sahig. Umiiyak pa rin.
"Get inside." Utos ng lalaki. Nag-angat ako ng tingin. His facial expression was serious as he stared at me. "Move."
Takot ako sa kinalalagyan kong sitwasyon. Tapos takot pa ako sa lalaking ito. Kaya halos gumapang ako makapasok lang. Isinara nito ang pinto. "Stop crying, Allegra. It's annoying." Gamit ang laylayan ng pantulog ko'y pinunasan ko agad ang mukha ko at sinubukan kong tumigil sa pag-iyak.
Lumakad ang lalaki paalis. Pero ilang hakbang pa lang no'ng kumulog nang pagkalakas-lakas. Nakita ko pa ang pagliwanag sa labas dahil sa lakas no'n. Agad akong nakahabol sa lalaki at kumapit sa braso nito.
"I don't know you po... but I'm scared." Manghang napatitig ito sa akin saka may pandidiring inalis nito ang kamay kong humawak sa kanya.
"I don't f*****g care, woman. Matanda ka na. Kidlat at kulog lang iyan. Patutulugin kita rito pero hindi ka rin magtatagal. Aalis ka rin agad. I don't want responsibility. Follow me. Ituturo ko sa 'yo ang gagamitin mong kwarto." Malalaki ang naging hakbang nito. Para hindi mawala sa lugar na ito ay nilakihan ko rin ang hakbang ko. Pumanhik kami sa second floor.
Sinabi na ni daddy ang pangalan ng lalaki pero hindi ko maalala.
Nang makarating kami sa second floor ay dalawang pinto pa ang nilagpasan nito bago ito huminto sa isang pinto na agad din nitong binuksan.
"Pasok." Masungit na ani ng lalaki. Sumunod ako. Doon naman ako magaling. Sa pagsunod sa bawat sabihin ng ibang tao.
Pagpasok namin ay tumambad sa akin ang isang silid. Kulay kahoy ang dominant sa silid na ito. Kisame lang ang ang puting-puti at pati na ang dingding. Pero ang mga gamit ay kulay kahoy. Pati na iyong pinto.
"Stay here. May dala ka bang pamalit?" tanong ng lalaki kaya naman umiling ako. Saka ko lang din napansin ang mantsa ng dugo sa suot kong pantulog. Umalis ang lalaki. Akala ko'y iniwan na ako nito. Pero bumalik ito na may dala ng pajama at t-shirt. "Gamitin mo muna ito." Nang tanggapin ko iyon ay basta na lang itong umalis. Hinila pa nga pasara ang pinto kaya bahagya akong napaiktad dahil sa gulat. May kalakasan kasi ang pagkakasara niya no'n.
Binitbit ko ang mga damit na ipinahiram niya patungo sa isang pinto. Hindi ako nagkamali ng hinala. Banyo iyon. Kaya pumasok ako roon.
Nang maisara ko ang pinto ay ipinatong ko muna ang damit sa lagayan bago ako naupo sa toilet bowl.
Muli na namang pumatak ang luha ko.
"L-ola," hirap na anas ko. Sobrang sakit sa dibdib na sa gano'n pang paraan ako iniwan ng aking abuela.
Siya lang ang kakampi ko sa mansion na iyon. Mas maraming panahon na magkasama kami kaysa sa mommy ko na maagang yumao at sa daddy kong abala sa trabaho.
Si Lola... siya ang kakampi ko. Parang bangungot na muling sumagi sa isipan ko ang itsura nito. Napasabunot ako sa buhok. Sinubukan kong iwaglit iyon sa aking isipan dahil para akong dinudurog.
Para mawala ng tuluyan sa isip ko ay hinubad ko na ang suot ko na may bakas pa ng dugo. Saka ako tumutok sa shower. Ngunit habang unti-unting nababasa ay napahiyaw ako sa takot nang makita kong dugo iyon.
"No! No!" ani ko. Napasiksik ako sa gilid ng banyo habang nanginginig sa takot. Hindi ko ito kaya. "Lola, I need you." Luhaang ani ko. Kung panaginip ito. Pakigising na lang ako. Hindi ko kaya ito.
Pero lumipas ang oras na walang lolang dumating kahit tinatawag ko... kasi wala na siya. Wala na si Lola.
Pinilit kong tumayo. Pumikit na lang ako.
"Sa isip ko lang ito. Walang dugo. Sa isip ko lang ito." Paulit-ulit na ani ko hanggang sa matapos akong maligo.
Tinuyo ko na rin sa banyo ang katawan at buhok ko bago ako nagbihis.
Damit ng lalaki ang ibinigay niya sa akin. Isang malaking puting t-shirt at isang pajama na abot ata hanggang dibdib ko dahil sa haba no'n. Pero dahil hihiga na rin naman ako ay hindi na iyon big deal sa akin.
Patuloy pa rin ang pag-ulan. Naririnig ko ang malakas na ingay na nililikha no'n. Nang nakapagbihis ako'y agad na akong nagtungo sa kama at humiga roon. Binalot ko rin ang sarili ko ng comforter.
"One sheep... Two sheep... Three sheep." Sinubukan kong matulog. Nagbilang ng tupa. Nagbabakasakaling sa paraan no'n ay makapagpahinga ako. Baka sakaling kapag nakatulog ako'y magising ako na kasama ko na ang Lola ko at ang lahat ng mga nangyari ay hindi totoo. Panaginip lang sana. Sana talaga.