SERENE
Sumilay ang nakakatakot na ngisi sa labi ni Fonso. Napatakip ako sa aking bibig nang hugutin niyang muli ang itak at tumalsik pa sa mukha ko ang mga dugo ni Lazarus.
“L-Lazarus…”
Nagbago ang mukha ni Fonso at nabura ang ngiti niya sa labi. Nanlaki ang mata ko nang bigla niyang sinipa ito at tumagos pa ito palabas na ikinasira din ng pinto. Paano nangyari yun? Paanong?”
Lumingon sa akin si Lazarus at para akong binuhusan nang malamig na tubig nang makita ko ang namumula niyang mga mata.
Lumapit siya sa akin kaya napahakbang ako pa-atras sa kanya hangang sa na-corner niya ako sa sofa.
“L-Lazarus…” Natatakot na sambit ko sa kanya.
“Huwag kang matakot, hindi kita sasaktan.” Mahinahon niyang sabi sa akin. Inangat niya ang kanyang kamay kaya napapikit ako. Naramdaman ko ang kanyang malamig na daliri sa aking noo. Nang dumilat ako ay tinignan niya ang daliri sa niya na may bakas ng dugo mula sa noo ko.
“Nasugatan ka, okay ka lang ba?” May pag-aalalang sabi niya. Kanina namumula ang mga mata niya. Ngayon ay nakita ko ang pag-usbong ng pangil niya! Nanginig ang aking katawan sa takot. Ngunit nakita ko ang pagtayo ni Fonso sa likuran niya at ang paghakbang niyang muli sa amin. Ibinato niya sa amin ang itak na hawak niya.
“Sa likod mo!” Sigaw ko. Parang hangin siyang umikot at sinalo niya ang itak na patungo sana sa amin. Kung gaano niya kabilis na nasalo ang itak ay ganun din siya kabilis na nakalapit kay Fonso. Hinawakan niya ang leeg nito at walang kahirap-hirap na itinaas niya ito sa ere. Umangat ang paa ni Fonso at namumula na ang kanyang buong mukha habang hawak ang kamay ni Lazarus na nakahawak din sa leeg niya.
“De-monyo ka!” Nahihirapang singhal ni Fonso sa kanya.
“Tama ka, kaya katapusan muna.”
“Huwag! Bitawan mo siya Lazarus!” Pigil ko sa kanya. Hindi ko alam kung tama ba ang pagpigil ko sa kanya. Ngunit masama pa rin ang pumatay ng tao. At sa mga oras na ito alam kong kaya niyang tapusin ang buhay ni Fonso.
“Hindi na dapat siya nabubuhay. Kaya dapat lang sa kanya ang mamatay.” Walang emosyon niyang sabi sa akin.
“Ngunit hindi dapat ikaw ang gumawa noon Lazarus. Kaya makinig ka sa akin. Bitawan mo na siya. Paki-usap…” Pagmamakaawa ko sa kanya. Unti-unti niyang ibinaba si Fonso at hinagis niya ito palabas ng bahay. Tumilapon ito sa lupa at halos hindi na ito gumagalaw.
“Sino ka ba talaga Lazarus? O anong klase kang nilalang?”
Lumapit siya sa akin. Magkahalong takot at pag-alala ang aking nararamdaman. Ngunit isa lang ang malinaw. Alam kong hindi niya ako sasaktan.
“Anong klaseng nilalang ka? Paano mo nagawa ang lahat ng yun?” Kinakabahan na tanong ko sa kanya.
“Isa akong bampira, at nandito ako para sa aking magiging kabiyak.”
Awang ang labi ko sa sinabi niya.
Tatanungin ko na sana siya ngunit nakita ko ang pagsulpot ng tatlong batang multo sa likuran niya. Lumapit sila kay Fonso na nakangiwing tumatayo at nanlaki ang mga mata nito nang magpakita ang mga bata sa kanya.
“H-Hindi!!! Mga patay na kayo!!!” Sigaw nito at kaagad itong tumakbo palayo at napatakbo na rin ako. Hangang sa kitang-kita ko kung paano ito nasagasaan nang dumaang malaking truck dahil sa hindi pagtingin nito sa kalsada makalayo lang siya sa mga batang multo. Nanghihinang napaluhod ako sa lupa. Kasabay ng ingay ng mga police car na paparating ay ang tuluyang pagkagutay-gutay ng katawan ni Fonso.
Itinayo ako ni Lazarus na wala pa rin sa aking sarili. Sa dami ng nasaksihan ko ngayong araw hindi ko alam kung ano ba itong nararamdaman ko. At kung totoo ang lahat ng nakita ko. Nakita ko ang tatlong bata na nakatunghay sa kanyang lasug-lasug na katawan. Pagkatapos ay lumingon sila sa amin at ngumiti hangang sa tuluyan na silang naglaho. Namalayan ko na lamang ang aking luha na dumadaloy sa aking pisngi.
“Wala ka nang dapat ikabahala. Nabigyan na sila ng hustisya. Hustisya na nararapat para sa buhay ng mga kinuha niya.” Narinig kong sabi ni Lazarus sa likod ko. Lumingon ako sa kanya wala na ang mapula niyang mga mata at ang kanyang pangil lumapit siya sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero nang makalapit siya ay napasubsob ako sa kanyang dibdib at napahikbi. Naging masaklap man ang kamatayan ni Fonso. Sa tingin ko, sapat na yun para sa mga tao at batang pinatay niya.
“Serene!”
Napalingon ako dahil sa sunod-sunod na tawag nila sa amin. Dumami na rin ang mga tao sa pinangyarihan ng aksidente. At may mga pulis na din silang kasama.
“Oh my god! What happen? Are you both okay?” Nag-aalalang tanong ni Kakai.
Saka ko naalalang nasugatan nga pala si Lazarus. Ngunit nang titignan ko na sana ito ay pinigilan niya ang kamay ko.
“Wala akong sugat, ikaw ang dapat magamot.” Seryosong sambit niya. Gustuhin ko man siyang tanungin ngayon tungkol sa katauhan niya. Hindi ito ang tamang oras dahil kailangan ko pang magpagamot at ipaliwanag ang lahat ng nangyari sa mga pulis. At pati na rin sa mga kaibigan ko.
At isa lang ang nasisiguro ko. Naniniwala akong isang vampire si Lazarus at may dahilan kung bakit siya naririto.
Pagkatapos ng nangyari ay ginamot ni Klay ang sugat ko sa noo. Mabuti na lamang at hindi malalim kaya hindi ko na kinailangan dalhin sa hospital.
"Kaloka ka talaga, alam mo bang nag super sayan na ako sa police station. Mapilit lang namin silang maniwala sa amin nang sabihin mong nandito si Fonso sa bahay mo?" Litanya ni Lea sa akin.
"Oo nga, kung alam mo lang ang ginawa ni bakla." Naiiling na sabi ni Kakai. Kakaalis lang din ng mga pulis matapos kaming makunan ng statement. Hindi ko alam kung naniniwala ba sila nang sabihin namin ang tungkol sa mga multo ngunit confirmed na maraming bata at tao ang nai-ulat na nawawala. At tumugma din sa record nila ang talong bata na kinukuwento namin na matagal nang hindi nakikita ng kanilang mga magulang. Case closed na ang kaso ni Fonso dahil wala na siya. At kasama nila Martin at Larry ngayon patungo sa babuyan kung saan makikita pa ang ibang ebedensya.
"Mabuti na lamang at andito si Papa Lazarus. Siguradong matinding labanan ang nangyari kasi pati pinto niyo nawasak." Pansin ni Lea habang nakatingin sa wasak na pinto.
Dumako ang tingin namin kay Lazarus na nakasandal at nakapikit sa upuan. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba ito sa mga kaibigan ko at kung dapat din ba nila itong malaman.
Hangang sa bigla kong naalala ang lahat. Ang pagpunta namin sa vampire hunted mansyon! At ang pagkuha ko ng singsing at pagsuot nito. At ang biglang pagsulpot niya!
Hindi...hindi maaari...ayokong isipin na totoo ang hinala ko. Imposibleng narito siya dahil sa bagay na ito!