SERENE
Lalong nagkagulo nang ang pati mga malalaking baboy ay nakawala na rin sa kulungan nila. Kaya pati ang guwardiya ay nakihabol na rin. Nakakapagtaka ang nangyari pero habang abala sila sa paghabol sa mga baboy ay hinanap ko naman si Lazarus. Ang malaki at lumang bahay ang tinungo ko. Pumasok ako sa kahoy na pinto at dahan-dahan akong humakbang papasok sa loob ng nakabukas na kahoy na pinto. Bumungad sa akin ang magabok at mabahong amoy sa paligid. Parang amoy ng nabubulok na patay na hayop. Napatakip ako sa aking ilong. Kulay pula ang semento ng sahig at may marami din itong pinto akong nakita. Nilagpasan ko ang sala nilang may dalawang upuan at dahan-dahan kong nilapitan ang mga nakabukas na pinto. Malakas ang kabog ng aking dibdib at lumalapot na rin ang aking pawis sa noo. Kinakabahan akong baka may makahuli sa akin. Ngunit kailangan kong gawin ito hindi lang para hanapin si Lazarus kundi pati na rin makakita ng ebedensya. Sa unang pintong binuksan ko ay mga nakatambak na gamit lang ang aking nakita. Marami na itong mga agiw at alikabok. Hindi na ako halos humihinga dahil sa masangsang na amoy sa paligid.
Dahan-dahan kong isinara ang pinto at yung pangalawang pinto naman ang binuksan ko. Mga luma at magkakahalong bagay parin ang bumungad sa akin.
Sana naman bago nila mahuli lahat ng baboy ay makalabas agad ako dito. Isinara kong muli ang pangalawang pinto at tumawid ako sa pangatlo. May kandado ito pero bukas na. Hinawakan ko ang doorknob at dahan-dahan kong binuksan ito.
“Ahh—”
Nabitin ang pagsigaw ko nang may humila sa akin papasok sa loob ng isang kuwarto at mabilis pa niyang natakpan ang bibig ko.
“Ako lang ‘to.”
Napamulat ako at nakita ko ang mukha ni Lazarus. Isang dangkal na lamang ang layo ng mukha naming dalawa. Sinabihan niya akong huwag maingay gamit ang daliri niya pagtapos at unti-unting sumara ang pinto.
Nakarinig kami ng yabag ng tsinelas na kumikiskis sa sahig na semento sa labas. Pero habang nasa labas nakatuon ang aking pandinig nasa mukha naman ni Lazarus ang aking paningin.
Sa kanyang malalim at itim na mata sa matangos niyang ilong at sa katamtaman ang kapal na mapula niyang labi.
Napatitig din siya sa akin dahil sa pagtitig ko sa kanya. Ngunit nabaling ang attensyon ko sa likuran niya dahil sa nakita kong mga multo sa likuran niya.
Nanlaki ang mata ko sandali siyang lumingon at bumalik din ang tingin niya sa akin.
“Lalabas na tayo…huwag kang lumikha ng ingay…” Mahinang bulong niya sa tenga ko na nagpatayo ng balahibo ko. Dahan-dahan akong tumango sa kanya. Unti-unti niyang niluwagan ang malamig niyang kamay sa bigbig ko. At sumilip siya sa pinto bago unti-unting binuksan ito. Hinila niya ako palabas at isinarado niyang muli ang pinto pati ang padlocked nito.
Dahan-dahan kaming humakbang patungo sa pinto ngunit para akong binuhusan ng malamig na tubig nang sumulpot si Fonso pagkabukas namin sa pinto. May dala pa siyang malaking butcher knife.
“Sino kayo? At anong ginagawa niyo dito?” Seryosong tanong niya sa akin. Itinago ako ni Lazarus sa likuran niya.
“Makikihingi lang sana kami ng tubig.” Wika ni Lazarus sa kanya. Hindi siya nagpahalata pero ako nanginig na ako sa takot. I’m not scared of ghost but sa masamang tao ay takot ako dahil may kakayanan silang gawan ka ng masama. Tumiim ang anyo ni Fonso at naramdaman ko ang mas mahigpit na paghawak ni Lazarus sa kamay ko.
Sana lamang ay maniwala siya sa sinabi nito.
“Heto na ang tubig.”
Napalingon kami nang marinig namin yun mula sa isa pang lalaki sa likuran namin. Kung hindi ako nagkakamali siya ang tatay ni Fonso. Matanda at kulay puti na ang buhok nito. At padaus-dus pa ito kung lumakad. Sigurado ako na tsinelas niya ang narinig namin kanina ni Lazarus. Pero ang ipinagtataka ko hindi naman talaga kami nanghihingi ng tubig!
“Salamat.” Sambit ni Lazarus kinuha niya ang tubig at ininum inubos ang laman nito ni hindi nga ito nagtira kahit isang patak.
“Umalis na kayo, nasa labas na ang mga kaibigan niyo.” Seryosong sabi ni Fonso sa amin. Kaagad kaming dumaan sa tabi niya at nagmadali kaming humakbang palabas.
Lumingon pa ako sa likuran namin dahil baka may gawin sila sa amin pero nanatili silang nakatayo habang nakatingin sa amin.
“Huwag mo na silang tignan.” Seryosong sabi ni Lazarus. Sinunod ko siya at nagpatuloy kami sa mabilis na lakad. Ngunit bago pa kami makarating sa gate ay napahawak na siya sa kanyang dibdib at napangiwi.
“A-anong nangyari?” Kinakabahan na tanong ko sa kanya. Muli siyang humakbang at hinila ako palabas ng gate sinalubong kami ng mga kasamahan namin.
“Let’s go!” Nagmamadaling sabi ni Martin sabay sakay sa unahan ng sasakyan. Hawak naman ni Lea ang biik na binili ni Lazarus.
“What happen? Nahuli ba kayo?” Nag-alalalang tanong ni Klay. Sasagutin ko na sana siya ngunit biglang bumagsak si Lazarus.
“Anong nangyari?!”
“Lazarus!” Nag-aalalang sambit ko.
“Umalis na tayo.” Nahihirapang sabi niya.
“Larry, Lea! Tulungan niyo ako!” Sigaw ko sa kanila. Kaagad na hinagis ni Lea ang biik kay Kakai at mabilis na lumapit sa amin. Nanginginig ang tuhod niya nang pinagtulungan namin siyang itinayo. Wala nang kulay ang kanyang labi at nanlalim na din ang mga mata niya.
Ipinasok namin siya sa loob ng van at nagmadali na rin kaming sumakay para makaalis na din kami.
Habang nasa daan ay na kay Lazarus lang ang paningin ko. Nakapikit siya at napapangiwing nakahawak sa kanyang dibdib.
“Martin, dalhin natin siya sa hospital. May kutob akong dahil yun sa pinainom sa kanya ng matanda!” Nagpapanic kong utos kay Martin.
“Hindi na, hindi nila ako matutulungan. Mabuti pa i-uwi mu muna ako sa inyo. Pahinga lang ang kailangan ko.” Wika ni Lazarus na hindi ko inaasahan.
“Anong pahinga!? Kailangan mong matignan! Pareho nating nakita ang lamang ng kuwarto na yun kaya alam mo na siguro ang tinutukoy ko!” Giit ko sa kanya. Nag-alala ako na baka lason ang pina-inom sa kanya at bumula na lamang ang bibig niya worst baka mamatay pa siya kapag hindi namin siya nadala sa hospital. Pati ang mga kaibigan ko ay hindi na rin makapagsalita dahil sa nangyayari sa amin.
“Kaya ko ‘to. Pahinga lang ang kailangan ko kaya sa inyo mo na ako dalhin.” Pamimilit pa niya sa akin.
“Serene, anong gagawin natin?” Nag-aalalang sabi ni Klay.
“Paki-usap Serene, gawin mo ang nais ko.”
Napabuntong hininga ako at wala akong nagawa kundi ang sundin siya. Inutusan ko si Martin na sa bahay namin dumerecho. Pagkarating sa bahay ay tinulungan nila akong ibaba si Lazarus. Dinala namin siya sa sofa at pina-upo namin siya.
“Anong gagawin namin?” Nag-alalang tanong ko sa kanya. Nasa kanya ang atensyon naming lahat.
“Bigyan niyo ako ng isang oras na pahinga. At sabihin mo sa kanila ang nakita natin doon.” Wika niya habang nakapikit. Pinaupo ko sila sa upuan.
“Guys, confirmed. Fonso is a killer. Pagpasok palang namin sa bahay ay masangsang na amoy na ang nalanghap ko. Nagawang mabuksan ni Lazarus ang isang nakalocked na kwarto na naroon. At doon nangagaling ang masangsang na amoy. Sa mga nakatambak na sako na tinakpan lang ng makapal na tolda.” Kwento ko sa kanila na ikinalaki ng mata nila.
“Ibig sabihin may iba pa siyang biktima maliban sa tatlong bata?” Tanong ni Larry na sinangayunan ko.
“Oh my gosh! Isang serial killer ang lalaking yun?” Hindi makapaniwalang sabi naman ni Kakai. Bitbit pa rin niya ang biik sa kandungan niya.
“What if hindi tao ang laman noon? Paano kung patay na baboy?” Sansala naman ni Martin.
“No Martin, malakas ang kutob ko. Nakakita ako ng mga kaluluwa na nandoon. Mga bata din sila katulad nila.” Sagot ko sabay turo sa nakatayong tatlong bata sa likuran nila.
“Serene naman! Huwag naman basta-basta ang turo!” Natatakot na sabi ni Lea sabay lipat sa tabi ko dahil sa likuran niya ako naturo.
“Kung totoo man ang sinasabi mo. I think we need to call the pulis para ma-raid na ang katayan na yun.” Seryosong sabi ni Klay. Kaagad siyang tumayo.
“Sino sasama sa akin?” Pahabol na tanong niya.
“Ako!” Taas kamay na sabi ni Kakai.
“Ako din ayoko paiwan dito!” Mabilis na tumayo si Lea at kumapit sa kanya. Tumayo na rin si Martin at Larry.
“Balitaan niyo kami okay?” Bilin ko sa kanila.
“Wait, okay lang ba talaga si Papa Lazarus? Baka pagbalik namin tege na yan!”
Pahabol ni Lea. Napalingon ako sa likuran ko at bahagya siyang dumilat.
“Huwag niyo akong alalahanin. Magpunta na kayo sa sinasabi niyong police.” Seryosong sabi niya. Hinatid ko sila sa labas at nagbilin akong mag-iingat sila. Pagbalik ko sa loob ay wala na sa sofa si Lazarus.
Itinuro siya ng mga batang multo sa banyo na para sa mga bisita.
Lumapit ako sa pinto at kumatok. Narinig ko ang pagsuka niya sa loob.
“Lazarus? Okay ka lang ba? Dadalhin na kita sa hospital.” Nag-alalang sabi ko sa kanya. Bumukas ang pinto at lumabas si Lazarus.
“Kailangan ko lang magpahinga. Nanghina ako sa lason na pinainom sa akin ng matanda. Kapag nakabawi na ako ay babalikan ko sila.” Seryosong pahayag niya na lalong ikinapag-alala ko. Sinamahan ko siya sa guest room para mas maayos siyang makapagpahinga.
“Kung may kailangan ka tumawag ka lang.” bilin ko sa kanya. Akmang aalis na sana ako ngunit hinawakan niya ang kamay ko.
“Dito ka lang, pakiusap.”
“Pero—”
“Paki-usap kahit sandali lang…”
Napilitan akong maupo sa tabi niya. Pinikit niya ang kanyang mga mata at nanatiling nakahawak ang kanyang kamay sa akin.
Nag-uumpisa na akong magduda sa kanya. Sa lahat ng nakikita ko at sa lahat ng ipinapakita niya. Palagay ko hindi siya tao. Kung tao siya at lason ang ininum niya paniguradong nangisay na siya. Sabi din niya kanina walang maitutulong ang doctor sa kanya.
Ayaw ko mang paniwalaan ang kutob ko pero sa tingin ko hindi siya normal na tao. Hindi kaya isa siyang multo? O di kaya impakto? Pero imposible naman na impakto siya. Paano kung totoo? Tapos mag-transform siya sa harapan ko? Kakayanin ko bang tumakbo?
Haist!!! Ano ba itong iniisip ko! Bunga ito ng malikot na imagination ko kaya para na rin akong nababaliw.
Naramdaman ko ang pagluwag ng pagkakahawak niya sa kamay ko kaya tumayo na ako para lumabas ng kuwarto at tawagan sila Martin. Nag-aagaw na ang liwanag at dilim nang makababa ako sa hagdan. Dinukot ko ang phone ko at hinanap ang number ni Martin. Hindi ko siya makontact kaya sinubukan kong tawagan si Klay.
“Anong balita?” Tanong ko sa kanya nang sagutin niya ang tawag ko.
“Serene, hindi daw puwedeng i-raid ang babuyan nang walang search warrant. Dapat nakakuha tayo ng ebendensya bago sila umaksyon.” Sagot niya sa akin.
“Ano?! At paano naman kami makakakuha ng ebendensya? Muntik na ngang manganib ang buhay namin doon eh!”
Napabuntong hininga ako sa sinabi niya. Hindi ko na alam next naming gagawin o kung paano namin siya ipapahuli sa mga pulis.
“Klay, baka puwede niyo silang kumbin–” Para akong naitulos sa kinatatayuan ko nang may makita akong malaking anino sa loob ng bakuran namin. Nandito kasi ako sa sala at nakatanaw ako sa labas ng pinto. At nagulat ako nang humakbang ito papalapit. May hawak pa itong malaking bucther knife. “Klay! Nandito si Fonso!” Sigaw ko sa kanya. Hindi ko na narinig ang sagot niya dahil naitapon ko na ang phone ko at kaagad na akong lumapit sa pinto upang isara sana ito. Ngunit naiharang niya ang malaking kutsilyo niya.
“Paki-alamero ka! Papatayin kita at tatadtarin ng pinong-pino!”
Nagimbal ako sa sinabi niya at naiyak dahil sa takot. Katapusan ko na! Hindi man lang ako makakapagpaalam kina mommy at daddy! Buong lakas kong isinara ang pinto ngunit malakas siya at naitulak niya ito kasabay ng pagtalsik ko ay ang tuluyang pagkabukas nito. Tumama ako sa arm rest ng sofa at napaupo sa sahig. Hindi pa ako nakakabangon ay mabilis na niya akong nilapitan akmang hahampasin na niya ako ng itak nang mahawakan ko ito.
“Mamatay tao ka!” Matapang na sigaw ko sa kanya. Alam kong kahit magmakaawa pa ako ay hindi niya ako pakikingan dahil halang ang kanyang kaluluwa.
“Tama ka! At isusunod ko kayong lahat!”
Winasiwas niya ang itak kaya tumilapon ako sa mesa. Tinamaan ako sa noo ng salamin nito kaya para akong nahihilong tumayo.
Akmang sasaksakin na sana niya ako nang may biglang humarang sa harapan ko.
Nagimbal ako nang makita ang pagtagos ng itak sa tiyan niya patungo sa likuran niya.
“Lazarus!”