CHAPTER 5

1625 Words
The number you have dialled is either unattended or out of coverage area… The number you have dialled… Muling tinawagan ni Yvonne si Eiann ngunit nakaramdam muli siya nang pagkabigo dahil hindi pa rin nito sinagot ang tawag niya. Dahan-dahang inalis ni Yvonne sa tapat ng kanyang kanang tenga ang cellphone na hawak niya. Ibinaba na lamang niya ang tawag saka napabuntong-hininga. Tiningnan ni Yvonne ang mga niluto niyang pagkain para sa hapunan na nakahain ngayon sa mahabang mesa. Gabi-gabi siyang nagluluto para sa pag-uwi ni Eiann ay sabay silang kumain ngunit sa huli ay mag-isa lamang din siyang kumakain dahil palagi ding late umuwi si Eiann. Minsan ay tinanong niya ito kung bakit laging late na itong umuwi at ang laging sinasabing dahilan nito sa kanya ay marami itong trabaho na kailangang tapusin sa opisina. “Nasa opisina pa rin kaya siya?” pagtatanong ni Yvonne sa hangin. May himig ng lungkot ang tono niya. Mag-iisang buwan na silang tila walang komunikasyon ni Eiann sa isa’t-isa matapos ang hindi magandang nangyari sa baby nilang dalawa. Pakiramdam ni Yvonne, unti-unti nang lumalayo si Eiann, bagay na ikinasasakit ng kanyang damdamin. Minsan ay tinangka ni Yvonne na kausapin si Eiann ngunit nanlamig lamang siya sa pakikitungo nito sa kanya. Tila ayaw na siya nitong kausapin o makita man lang. Pakiramdam niya, tanging ang pagpapahinga na lamang ang dahilan nito kaya ito umuuwi sa bahay nila at hindi na dahil sa kanya. Napabuntong-hininga nang malalim si Yvonne. Tunay ngang sinisisi siya ni Eiann dahil sa pagkawala ng anak nila. Tumingala siya para mapigilan ang pagtulo ng kanyang luha. Nang mapigilan ni Yvonne ang pagtulo ng kanyang luha ay muli niyang tiningnan ang mga pagkaing niluto niya. Sumilay ang maliit na ngiti sa kanyang labi pagkatapos ay nilapitan niya ang mesa. Hinila ni Yvonne paatras ang isang upuan at doon naupo. Mag-isa siyang kumain sa tahimik na dining area ng bahay nila. --- “Mga damit ba ‘yan ng Sir mo?” tanong ni Yvonne sa nakasalubong niyang katulong na may buhat-buhat na laundry basket. Tiningnan ng katulong si Yvonne. Tumango-tango ito. “Opo Ma’am,” magalang na sagot ng katulong. Ngumiti si Yvonne. “Akin na at ako nang maglalaba,” pag-prisinta niya. “Pero po Ma’am-” Hindi na lamang ipinagpatuloy ng katulong ang sasabihin niya. Ngumiti na lamang ito saka ibinigay kay Yvonne ang dala niya. “Salamat,” sambit ni Yvonne nang makuha na niya mula sa katulong ang laundry basket. “Sige po Ma’am,” magalang na sambit ng katulong. Umalis na ang katulong at pumunta sa kusina. Naiwan si Yvonne na nakatayo malapit sa hagdanan. Tiningnan ni Yvonne ang mga damit ni Eiann. Ngumiti ito saka inilapit niya ang mukha sa mga ito at inamoy-amoy. Wala naman siyang masangsang na naamoy dahil hindi naman amoy pawis ang mga iyon ngunit kumunot ang noo ni Yvonne dahil may naamoy siyang kakaiba. Inilapag ni Yvonne ang laundry basket sa marble na sahig ng bahay saka siya kumuha ng isang polo ni Eiann. Sinipat niya iyon nang tingin saka inamoy-amoy. “Amoy pabango ng babae,” mahinang sambit ni Yvonne. Kumabog ang dibdib niya. Inamoy-amoy muli ni Yvonne ang polo. Halos lahat ng parte nito ay inamoy niya at iisa lamang ang amoy na iyon, amoy pabango ng babae. Nakaramdam nang paghihinala si Yvonne ngunit pamaya-maya ay umiling-iling din siya ng mabilis. “Marami siyang nakakasalamuhang tao sa opisina man o sa mga meetings na pinupuntahan niya,” pagkumbinsi ni Yvonne sa sarili niya. Ayaw niyang mag-isip ng kung ano-ano. Baka mamaya nagkakamali lang siya nang iniisip. Galit man sa kanya si Eiann ngunit kilala niya ang asawa. Hindi magagawa ni Eiann na lokohin siya. Nagbuga na lamang ng hininga si Yvonne saka ibinalik sa laundry basket ang polo na kinuha niya. Muli niyang binuhat ang laundry basket saka na siya pumunta sa laundry area para maglaba. Hindi naman siya mahihirapang maglaba dahil may washer naman sila at dryer. Hihintayin lamang niyang malinis at matuyo ang mga ito saka niya ibabalik sa kwarto nila ni Eiann kung saan may kwarto pa doon na lagayan nito ng mga damit at gamit. --- “Anong ginagawa mo dito?” madiin na tanong ni Eiann kay Yvonne nang makita itong pumasok sa opisina niya. Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa at napansin niya ang new look nito. Hindi maitatanggi ni Eiann na maganda talaga si Yvonne at dahil sa suot nitong dress, mas napansin ang maganda nitong pangangatawan at malusog na dibdib. Matamis na ngumiti si Yvonne. Dahan-dahan itong naglakad palapit sa kinaroroonan ni Eiann na nakaupo sa swivel chair nito. “Ito at dinadalaw ka,” nangingiting sagot ni Yvonne. “Hindi naman siguro masamang dalawin ang asawa ko, ‘di ba?” tanong pa nito. Binawi ni Eiann ang pagtingin kay Yvonne. Muli nitong tiningnan ang screen ng laptop na nakapatong sa office desk niya. “Marami akong ginagawa kaya kung pwede lang umalis ka na,” malamig na sambit ni Eiann nang hindi tinitingnan si Yvonne. Hindi nagsalita si Yvonne. Tuluyan itong nakalapit kay Eiann. Inilapit nito ang mukha sa asawa at gagawaran sana ng halik ang kanang pisngi nito ngunit mabilis iyong iniwas ni Eiann sa kanya kaya hindi niya ito nahalikan. Nakaramdam nang pagkadismaya si Yvonne pero hindi niya iyon pinahalata. Ngumiti na lamang ito saka tumayo nang maayos. Hanggang ngayon ay malamig pa rin ang pakikitungo sa kanya ni Eiann. “Kung wala kang gagawin dito ay umalis ka na,” pantataboy ni Eiann kay Yvonne. “Nakakaabala ka,” nagsusupladong dugtong pa nito ng hindi man lang tinapunan nang tingin si Yvonne. “Grabe ka naman!” aniya ni Yvonne habang diretso ang tingin kay Eiann. “Huwag mo naman akong balewalain na parang wala kang puso,” dugtong pa nito. Napapalatak na lamang si Eiann sa sinabi ni Yvonne. Siya? Walang puso? “Anyway, nagpunta ako dito kasi malapit na ang anniversary nating dalawa,” sabi ni Yvonne na ikinakunot ng noo ni Eiann.. “As you can see, nagpaayos pa ako ng sarili para sa okasyong iyon,” dagdag pa nito sa sinasabi. Tiningnan ni Eiann si Yvonne. Malamig ang tingin nito sa asawa. “Anniversary?” nagtatakang tanong ni Eiann. Ngumiti si Yvonne. Tumango-tango ang ulo niya. “Yeah… wedding anniversary natin,” sagot ni Yvonne. “Malapit na iyon,” dugtong pa nito. Umiwas nang tingin si Eiann kay Yvonne. “Kailan ba iyon?” patanong na saad ni Eiann. Sa totoo lang, nakalimutan na niya ang wedding anniversary nila ni Yvonne. Sumeryoso ang mukha ni Yvonne. Kumirot ang puso niya. “Nakalimutan mo ba?” seryosong tanong ni Yvonne. Hindi sumagot si Eiann. Nananatiling nakatingin ang mga mata nito sa screen ng kanyang laptop. Napakagat-labi si Yvonne habang nakatingin pa rin kay Eiann. Mas lalo siyang nadismaya. Sa totoo lang, ginagawa naman niya ang lahat para magkaayos silang dalawa ng asawa ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring pagbabago. Pakiramdam nga niya, mas lalo lamang lumalala ang lahat. Iniisip na nga minsan ni Yvonne, siya na nga lang ba ang nagmamahal sa kanilang dalawa ni Eiann? Pinilit na ngumiti na lamang ni Yvonne. “Sa makalawa ang anniversary natin, Hon,” sabi nito. Hindi na pinansin ni Yvonne ang mga sinabi ni Eiann. “Kaya umuwi ka ng maaga kasi maghahanda ako ng espesyal para sayo,” dugtong pa niya. “I’m not sure about that,” saad ni Eiann nang hindi tinitingnan si Yvonne. “Marami akong trabahong ginagawa,” sabi pa nito. “Kahit sa araw lang na iyon, bigyan mo ako ng oras,” mariing pakiusap ni Yvonne na ikinatingin muli ni Eiann sa asawa. “Gusto ko pang sagarin ang kung anong meron tayo, Eiann. Gusto ko pang isalba tayo,” sambit pa nito. Hindi nagsalita si Eiann. Nakatingin lamang siya sa kanyang asawa. Hindi niya maitatanggi na nakakaramdam din siya ng awa para dito. Alam niya na nagtitiis lamang ito sa hindi niya magandang pakikitungo dito. Gayunpaman, hindi niya kayang pakitunguhan ito ng mabuti lalo na at hanggang ngayon ay galit pa rin siya kay Yvonne. Mas lalong pinilit ngumiti ni Yvonne. “Basta umuwi ka ng maaga sa araw na iyon, okay?” sabi nito. Umaasa si Yvonne. Labis siyang umaasa na kahit sa araw lang na iyon ay mapagbigyan siya. Hindi sumagot si Eiann. Binawi nito ang tingin kay Yvonne. Muling napakagat-labi si Yvonne habang nakatingin pa rin siya kay Eiann. Samantala… Nasa labas ng pintuan ng opisina ni Eiann si Alexa. Nakaawang ng kaunti iyon kaya naririnig niya ang usapan sa loob. Dadalhin na sana niya sa loob ang tray na hawak niya na naglalaman ng pagkain para kay Yvonne pero napatigil siya at pinasya na lamang na huwag na munang pumasok sa loob dahil sa narinig niyang usapan ng mag-asawa. Mahinang nagbuga nang hininga si Alexa. Sa totoo lang, nakokonsensya din siya dahil sa ginagawa niyang pakikipagrelasyon kay Eiann. Alam pa rin naman kasi niya ang tama sa mali. Ngunit mahal ni Alexa si Eiann at hindi niya kayang itigil ang meron sa kanilang dalawa at layuan na lamang ito. Si Eiann ang first love niya at sa tingin niya, last love na rin. Iniisip pa lamang niya na layuan si Eiann ay parang mamamatay na siya dahil hindi talaga niya kayang gawin iyon. Kaya nilulunok na lamang ni Alexa ang konsensya niya. Hindi na lamang niya iniisip na mali ang makipagrelasyon siya kay Eiann. Hangga’t gusto ni Eiann na nasa tabi siya nito, hindi siya aalis. Napangiti nang tipid si Alexa. Umalis na lamang muna siya sa tapat ng pintuan at bumalik sa office desk niya. Inilapag doon ang dala niyang tray saka siya naupo sa swivel chair niya. Muli na lamang siyang napabuntong-hininga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD