Chapter 2: Nais Kong Makilala Ka
ITINULAK niya ako. "Ang werdo mo," salubong ang kilay na sabi niya.
Napayuko na lang ako. Dala ko pa rin ang dati, na tiklop ako sa kanya. "Sandali," tawag ko nang paalis na siya. Lumapit ako at inalok ang aking kamay upang makipag-kamay. "Ako si Tres," pakilala ko.
Tiningnan niya ako na parang litong-lito na siya sa 'kin. Ano kayang iniisip niya? Isang tango ang tugon niya, hindi siya nakipagkamay at 'di rin binigay ang kanyang pangalan. Lumabas siya ng gate. Naiwan akong nakatayo lang hanggang sa narinig ko ang pagpapaandar niya ng motor.
"Arjay ang pangalan ko!" narinig kong sigaw niya bago niya paharurutin ang tricycle.
Gumuhit ang ngiti sa labi ko. "Arjay," matamis na nasambit ko.
Ipinasok ko ang mga binili kong manok sa freezer. Tumuloy ako sa kuwarto at binuksan ang chiller, kung saan nakatago ang mga stainless tumbler na dugo ng tao ang nakalagay. Kumuha ako ng isa. Isang linggo na rin ang huling inom ko ng dugo. At ang isang tumbler na 'to, makakayang ma-sustained ang isang buwan kong pagkauhaw. Kailangan kong pigilan ang pagkauhaw ko sa dugo lalo na nahanap ko na siya. Hindi ko kasi mapigilan minsan na maging agresibo sa tuwing nakakainom ako ng dugo. At ipinangako ko sa aking sarili mula pa noon, na mabubuhay ako ng normal sa muli naming pagsasama.
Napaupo ako sa kama nang masaid ko ang laman ng tumbler. At bigla akong napahiga nang maramdaman ko ang init na gumagapang sa aking mga ugat na bumakat sa buo kong katawan. Nagbago ang kulay ng mga mata ko, kulay pulang animo'y nag-aapoy. Tumubo rin ang mga matatalim na kuko sa daliri ko sa kamay kasabay ng paglabas ng aking pangil.
Ipinikit ko ang aking mga mata. Sa pagdilat ko, hangos at pawisan akong naghabol ng hininga. May luhang kusang dumaloy sa aking mga mata dahil sa tuwing pinipigilan ko ang aking sariling maging halimaw, parang pinupunit ang aking mga laman at hinahablot ang aking mga ugat sa buo kong katawan. At sobrang lamig ng aking pakiramdam sa pag-aanyo kung halimaw. At literal na malamig ang aking katawan, ang pawis ko ay nagmimistulang butil ng yelo. Pagkatayo ko, naiwan ang mga iyon na kumikislap-kislap sa kama.
Hinubad ko lahat ang damit ko. Malakas ang tunog ng pagbagsak nito sa sahig sanhi ng mga nagyelong pawis. Tinungo ko ang shower at sinet ko ang water heater sa pinakamataas na degree. Nang buksan ko ito, nabuo ang makapal na usok nang tumama ang mainit na tubig sa balat ko. Naramdaman ko ang maginhawang pakiramdam sa buo kong katawan sa patuloy na pagbuhos sa akin ng mainit na tubig.
Pinagmasdan ko ang aking sarili sa salamin pagkatapos kong maligo - isang bente anyos na binata. Nang tumigil sa pagtanda ang hitsura ko, parang kasabay no'n na huminto na rin ang maturity ko. Ang pag-iisip ko ay parang nahinto sa edad na bente. Nakakapag-udjust ako nang kusa sa pananalita sa bawat panahong napagdaanan ko. Na kapag may makakausap akong matanda ngayon ay mababaduyan ako sa iniisip niya o 'di ko siya masasakyan kahit pa ang mga sinasabi niya ay akin din napagdaanan. Pati mga hilig ko nagbabago-bago like sa music at movies. Feelings ko lang para kay Joana ang hindi nagbabago. Tama siya, si Joana. Hindi. Si Arjay, werdo nga akong talaga.
Pinagmasdan ko ang hubog ng aking katawan, 'di ko maiwasang makumpara ang sarili ko sa katawan niya ngayon. Moreno siya, maputi ang balat ko. May abs siya, gano'n din naman ako. Mas malapad lang ang kanyang katawan ngunit halos magkasingtanggkad lang kami o may matanggkad siya ng konti? At ang kanyang mukha... napalunok ako. Maamo ang kanyang mukha. Masarap siya pagmasdan. Ang makapal niyang kilay, mapungay na mga mata, matangos na ilong, mapupulang labi at pantay-pantay na mapuputing ngipin. Wala akong kapintasang mahanap sa kanya. Gano'n siguro talaga kapag mahal mo ang isang tao, perpekto siya sa paningin mo.
Napatingin ako sa babang parte ng aking katawan, napagmasdan ko ang kumikislot na kaperasong laman. "Hay, Diyos naman!" napasampal ako sa mukha ko sa naisip ko. Sigurado, may lawit din siya gaya ko! Pero kahit iba na ang pisikal na anyo niya, 'di nagbabago ang t***k ng puso ko. Sa totoo lang, sa mga oras na 'to, gusto ko siyang muling makita.
Pagkabihis ko, kinolekta ko sa bookshelf ang mga librong nabili ko na ang iba mga noong 90's pa at baka may mas luma pa nga na 'di ko na napapansin. Mga libro kung pa'no manligaw at mga top pick up lines para dumiskarte sa babae na lagi kong dala saan man ako lumipat. Pinaghahandaan ko kasi talaga ang muli naming pagkikita. Pero mukhang hindi ko na magagamit ang mga libro kaya binasura ko na. Alangan naman bumanat ako ngayon ng pick up line kay Jo- kay Arjay.
Napaupo ako. Sarap murahin ng tadhana! Kung nakakalipad lang ako, pupunta ako ng kalawakan para pagmumurahin ang universe sa panggagagong 'to! 300 years akong naghintay! Ilang simbahan na ang pinuntahan ko at pinagdasalan, 'di lang dito sa Pilipinas maging sa ibang bansa! Karma ba 'to kasi ilang beses kong tinanggkang magpakamatay? Na sa totoo lang habang nasa barko ako papunta sa islang ito ng Catanduanes, pumapasok sa utak ko na tumalon sa gitna ng karagatan tapos bahala na. O dahil sa dami kong napatay na mga halang ang kaluluwa kaya ako ngayon napaparusahan?
Pero parusa ba na muli ko na siyang nakita? May mali, pero parang... hindi ko pagsisisihan kong magkamali ako.
----------
PINUNTAHAN ko siya. Mali. Dahil nasa malayo lang ako at nakatanaw sa kanya. Ilang metro man ang layo, malinaw kong nakikita siya. Maayos ko rin naririnig ang kanyang tinig. At napapangiti ako sa tuwing ngumingiti siya.
Naaliw ako na pagmasdan siya hanggang 'di ko namalayan na maggagabi na. Nag-aayos na sila ng tindahan para magsara.
May aleng dumating, nagmano siya rito at 'yong pinsan niya. Tinawag niyang 'mama' ang babae. Nauna silang umalis sa mga kasama nila. Naglakad ako para sundan sila. Nais kong malaman ang bahay niya, gusto kong makita ang lugar na kinalakihan niya.
May mga binili pa sila, parang ang tahimik nila, 'di ko sila marinig na nag-uusap. Sumakay sila ng tricycle nang marating nila ang terminal. Makikilala niya kaya ako kapag nakita niya ako? Papansinin niya kaya ako?
Habang iniisip ko kung susunod ako o hindi, may tumapik sa balikat ko. "Uy, pre?" ani nito.
"Uy?" nagulat na tugon ko. Ang pinsan ni Arjay kasama ang tatay nito at si Mang Ramon na caretaker no'ng bahay.
"Sir, Tres, galing ako sa bahay kanina. Kaya pala walang sumasagot, nandito kayo. Kukunin ko sana 'yong mga naiwan kong gamit," ani ni Mang Ramon.
"Nainip ako sa bahay," sagot ko.
"Sama ka sa 'min, pre. Birthday ni tatay," yaya ni... "Mengil nga pala, pre," ni Mengil, pakilala niya. Nakipagkamay ako sa kanya.
"Tres, pre," pakilala ko.
"Nakilala mo pala sila?" si Mang Ramon.
"Opo, sa kanila ako nakabili ng manok kahapon. Kumpare daw po kayo ni, sir?"
"Andoy, na lang, Tres," pakilala ng tinawag kong sir. Ang papa ni Mengil.
"Ah, kumpare talaga?" parang may patampong sabi ni Mang Ramon na halatang nagbibiro. Inakbayan siya ni Mang Andoy.
"Ano, sama ka? Para tropa na tayo. Inuman tayo nila Arjay, 'yong naghatid sa 'yo kahapon?" Tumango ako sa yaya ni Mengil. "Umiinom ka ba? Ilang taon ka na?"
"Oo. 20 na ako," sagot ko.
"Magkasing-edad pala kayo ni Arjay. Matanda ako ng dalawang taon sa inyo."
Naglakad kaming apat, nilagpasan namin ang paradahan ng tricycle dahil may sariling tricycle sina Mengil, 'yong ginamit namin kahapon. Nasa hulihan kami nina Mang Ramon at Mang Andoy.
"Uunahan na kita, pre. Si tatay at si tatay Ramon, magjowa 'yan. Magkababata sila. Matagal nang wala si nanay, nasa langit na siya, si tatay Ramon na ang tumayong ina sa 'kin. Tanggap ko sila, dahil wala namang masama, 'di ba? Eh, sa masaya sila at mahal nila ang isa't isa, eh." Nakangiting tumango ako sa binahagi ni Mengil. "Ayos nga 'yon para 'di na ako magkaroon ng kapatid. Hirap kaya ng buhay."
Sa panahon ngayon, marami na ang bukas ang isipan sa relasyon ng mga same s*x. Pero 'di pa rin mawawala ang mga mapanghusga at 'di makaunawa. Marami na rin akong nakasalamuhang nasa third s*x, at wala akong nakikitang masama sa pagkatao nila. Sa tagal ko rito sa mundo, ang pinakagintong aral na natutunan ko, ay ang salitang 'respeto'. Kung lahat tayo ay may respeto sa bawat isa, hindi tayo makakagawa ng mali o makakaisip manakit ng iba.
Halos siyam na kilometro mula sa bayan ang layo ng barangay nina Mengil. "Dito na tayo sa Igang," sabi niya pagkababa niya.
Bumaba na rin ako pati sina Mang Ramon at Mang Andy, tumuloy sila agad sa isang bahay. May mga tao na sa loob at narinig kong bumati ang mga ito ng happy birthday kay Mang Andoy.
"Bahay n'yo?" tanong ko kay Mengil na ang tinutukoy ang pinasukan ng mga tatay niya.
"Oo." May itinuro siya. "Iyan ang bahay nina Arjay." Magkatabi ang dalawang sementadong bahay na may isang palapag.
Napangiti ako. Kahit 'di sabihin ni Mengil 'yon, alam kung iyon ang bahay nina Arjay. Naririnig ko kasi ang tinig niya sa loob, may kinakausap siyang bata na tinawag siyang kuya. May kapatid pala siya.
"Tara, pre. Nagpaluto si Tatay sa mga amiga niya, masasarap ang luto nila at makakatikim ka ng sariwang isda."
Sumunod ako kay Mengil papasok sa kanilang bahay. Sa 'di kalayuan, naririnig ko ang hampas ng alon sa dagat.
Nagsimula ang kaininan. Ipinakilala ako ni Mang Ramon sa mga kabarangay nilang naroon at nandoon ang mama ni Arjay at kanyang kapatid na babae. Nora ang pangalan ng mama niya at Arjane naman ang pangalan ng bunso niyang kapatid na sampung taong gulang. Wala siya. Hindi ko naririnig ang tinig niya sa paligid.
"Pre, tara. Do'n tayo sa kubo sa labas. Dito kasi sila tatay sa loob mag-iinoman," yaya ni Mengil.
Walang tao sa kubo. Open ito na kubo na may mauupuan sa gilid at may mesa sa gitna. Malakas ang hangin dahil nasa tabing-dagat ito. Masarap ang hangin at presko. Nakaka-relax ang musika ng dagat sa tuwing hahampas ang alon sa buhangin. Nakahanda na sa mesa ang alak at pulutan.
"Iwan ko muna kayo, pre ni Arjay. Nakilala mo naman na pinsan kong 'yon. Sunduin ko lang syota ko at iba naming tropa," paalam ni Mengil.
"Oo. Close na rin kami no'n. Nakapag-usap na rin kami kahapon," sabi ko. Pero nasaan siya?
Umalis si Mengil. "Oh, insan Jay, kayo muna ni pareng Tres, d'yan."
Napalingon ako. Nasa likod na pala namin si Arjay. Dahil sa lakas ng hangin, 'di ko nalanghap ang amoy ng rosas. Pero nang maupo na siya sa tabi ko, nalanghap ko na siya. Limahan ang upuan na magkatapat, pero sa tabi ko siya naupo. Bagong ligo siya. At ba't naka-boxer lang siya? Nagka-T-shirt nga, bakat naman ang baba niya. Pokpok ba siya?
"Usap na pala 'yong pagtitig mo sa 'kin habang nagmamaneho ako kahapon?" sambit niya. Kaming dalawa na lang ang nasa kubo. 'Di ako nakaimik. Hindi naman siya mukhang galit. "Close na tayo kasi tinulak mo ako at sinandal sa pader?" nang-aasar ba siya?
"Nasabi ko lang 'yon. Sorry ulit kahapon," tanggi ko na lang. "Kumain ka na?" tanong ko.
Tiningnan niya ako nang nakangiti. "Lakas makajowa ng tanungan, ah?"
Nakatingin din ako sa kanya na awtomatikong napangiti sa sinabi niya. "Syempre, may handaan, kaya natanong ko lang kung kumain ka na?"
Binuksan niya ang bote ng alak. "Dinalhan ako ni mama ng pagkain sa bahay. Dami kasing tao kina uncle," sagot niya. "Ikaw kumain ka na?" tanong niya at muli niya akong tiningnan.
Saglit akong napatitig sa kanya. "Oo," sagot ko.
Ngumisi siya at napangisi na lang din ako. Masalita naman pala siya. Ngumingiti siya, pero ang mga mata niya ay may misteryo akong nararamdaman. Parang may nakakulong na kalungkutan.
"Nag-uusap na naman ba tayo?" tanong niya.
Napaiwas ako ng tingin. 'Di ko namalayan na napako na ang tingin ko sa kanya.
Tumagay siya at tinagayan niya rin ako. "Bawal sumuka, ah," sabi niya.
"Baka ikaw," sagot ko sabay lagot sa alak. Hindi ko man malasahan ang pait, uminom na rin ako ng tubig dahil 'yon ang paraan ng pag-inom no'n. Hindi ako nalalasing sa alak. Ang tanging epekto nito sa 'kin ay ihi ako nang ihi dahil kailangan kong ilabas ang likodo na pinapasok ko sa aking katawan.
"No'ng isang gabi, ikaw 'yon, 'di ba?" biglang tanong niya.
Tumango ako. Alam kong 'yong pagtulong ko sa kanya nang may nambugbog sa kanya ang tinutukoy niya. "Sino ang mga 'yon?"
"Mas okay kung hindi mo pinakikialaman ang mga bagay na wala kang kinalaman," sambit niya.
May pakialam ako, dahil ikaw 'yan. Gusto kong sabihin sa kanya ang bagay na 'yon, pero tumahimik na lang ako.
Lumipas ang ilang minuto, hindi na siya ulit nagsalita. Nakarami na rin kami ng tagay. Paminsan-minsan, napapatingin kami sa isa't isa. Ano kaya ang nasa isip niya?
"Mukhang close na nga kayo, ah," ani ni Mengil pagbalik niya.
"Tagal n'yo, insan. Mauubos na naman 'to," sambit ni Arjay.
"Tagal ng mga 'to, eh." Naupo sina Mengil at ang apat niyang kasamang dalawang babae at dalawang lalaki. Ka-holding hands ni Mengil ang isang babae. "Girlfriend ko, pre, si Maricel," pakilala niya sa 'kin sa mga kasama niya. "Mga pre, si pareng Tres, sila nakabili no'ng bahay na binabantayan ni tatay Ramon sa Gogon." Nakipagkamay sa 'kin ang dalawang binatang nagpakilalang Arturo at Noh. Jemalyn naman ang pangalan ng isa pang dalaga na nakipagkamay rin sa 'kin.
Nagsimula ang inuman. Hindi man ako sanay sa ganito, pero parang ayos lang dahil katabi ko si Arjay. Makulit pala siya at palabiro. Si Joana, ay nakikita ko sa kanya ngayon, kaya lihim akong napapangiti.
"J-Jay, ihi ako," sambit ko.
"Samahan kita?" nakangiting tanong niya.
"Dadaan ako," tanggi ko. Tumayo ako at dumaan ako sa harap niya. Napadilat ang mga mata ko, bigla niyang tinapik ang puwet ko nang mapatapat ako sa kanya.
Tinulak niya ako at paulit-ulit niya pang tinapik ang pisngi ng puwet ko. "Sige na, baka dito ka pa umihi!" natatawang sabi niya.
"Pasaway ka," nakangiting nasabi ko nang lingunin ko siya nang makalayo na ako. Si Joana, gano'n ang biro niya sa 'kin. Natutuwa siya sa matambok kong puwet.
Sa likod ng bahay nina Mengil ang banyo na hiwalay sa bahay nila. Sabi nila umihi na lang ako sa gilid, ngunit 'di puwede dahil nagkukulay pula kasi ang ihi ko. Baka kinabukasan, akalain pa ng makakita na dugo.
"Hindi mo ba susundin si Arjay na 'wag nang mamasukan kay mayor?" boses ni Mang Andoy.
"Manoy, mahirap naman kasi na sa bahay lang ako. Hindi naman sasapat 'yong kinikita niya sa karnehan mo." boses ng mama ni Arjay.
"Pero nagsisikap 'yong bata. May inaapplayan siyang iba."
"Bakit niya kasi pinapansin ang mga sinasabi ng mga tao? Manoy, hindi ko magagawang makipagrelasyon kay mayor."
"Alam ko. At alam ng anak mo iyon. Pero hindi 'yon, eh. Nora, ang asawa mo, ang ama niya, iyon ang iniisip ng anak mo. Hanggang ngayon, sinisisi niya pa rin ang sarili niya sa pagkamatay ng papa niya. Na kung hindi dahil sa kanya, buhay ang papa niya at hindi kayo nahihirapan ngayon. Na hindi mo kailangang mamasukan at matsismis ng mga bungangera sa paligid. At hindi mo ba alam, na ang anak ng mayor na 'yon ay pinagtripan na naman siya?"
Wala akong narinig na tugon sa mama ni Arjay.
"Unawain mo naman ang pakiramdam ng anak mo. Alam ko iniisip mo ang pag-aaral ng bunso mo. Pero ang emosyonal na pinagdadaanan ni Arjay, 'wag mo namang balewalain. Linggohan ka lang nilang makasama. Maging ang bagay na 'yon, iniisip niyang kasalanan niya."
"Pero manoy, 'di ko siya sinisisi."
Iyak na lamang ng mama ni Arjay ang narinig ko.
Nagpasya akong bumalik sa kubo. Habang naglalakad ako papalapit sa kubo, pinagmamasdan ko siya. Nakikipagtawanan siya sa mga kaibigan niya. Tumayo siya at naglakad papunta sa direksyon ko. Huminto ako. Madilim ngunit alam kong nakatingin siya sa 'kin. Patuloy ang kanyang paghakbang hanggang magkaharap kaming dalawa.
"Tres?" sambit niya.
"Joana?" nasabi ko.