CHAPTER 3: Ikaw Ang Madilim Kong Lugar
ISANG hakbang niya, nagkalapit ang aming katawan. Inakbayan niya ako at inakay palakad. "Samahan mo ako umihi," pakisuyo niya.
"Pre!" narinig kong tawag ni Mengil. "Pakialalayan, baka kasi mapa'no pa 'yan at saan mapunta."
Sinunod ko lang kung saan gusto pumunta ni Arjay, ang aking Joana. Sa tabing dagat kami huminto mga dalawang dipa ang layo sa tubig ng dagat. Low tide, ngunit maririnig mo ang mahinang hampas ng mga alon sa dalampasigan. Walang tao sa paligid, maliban sa mga nangingisda na naririnig ko sa malayo. Tahimik ang paligid. Malakas ang hangin na masarap sa pakiramdam ang paghampas nito sa iyong balat na awtomatikong mapapapikit ka. Nagsisilbing liwanag ang bilog na buwan. Isa sa romantikong eksenang maiisip ko kasama ang iyong iniibig. Na akin din pinangarap sa muli naming pagkikita.
Napapangiti na lang ako sa biro ng tadhana, ito siya kasama ko, na isa nang binata. Lasing at...
"Huwag kang titingin," biglang sabi niya, umiihi na siya. Lasing at may lawit siya.
"Sorry, hindi ko sinasadyang makita," paumanhin ko. Nakangiti siya nang mapaharap ako sa kanya. Ang lapit ng aming mukha, nakaakbay pa rin siya sa akin. Naamoy ko ang rosas na may halong amoy ng alak.
"Laki, 'no?" tanong niya, tumaas pa ang kilay niya.
"Gago," napangiti na lang na sagot ko. "Kaya pala umaalat ang dagat."
"Ang gago, 'yang dagat, eh." Napaatras siya nang matapos na siya. Nahila niya ako at napahiga kami sa buhangin. Napaunan ako sa matigas niyang braso, naamoy ko ang kanyang katawan at dinama ko ang sandaling iyon. Napakasarap lang na kasama ko siya.
Bumangon ako, kinulong ko siya sa aking bisig. Napagitna ang kanyang ulo sa aking mga kamay na nakatukod sa buhangin at magkatapat ang aming mukha. Ang sarap niyang pagmasdan kahit hindi na ang dating mukha ni Joana ngayon ang aking nakikita.
Ang bilis ng pintig ng puso ko. Gago na kung gago. Diyos ko, patawad kung unti-unti kong nilalapit ang aking mukha sa mukha ng lalaking kaharap ko na nakatulog na sa kalasingan. Napapalunok ako na tila nablangko na at nahipnotismo ang aking utak na idampi ang aking labi sa kanyang labi.
Ngunit bigla akong tumayo na ginamit ko pa ang kakayahan kong kumilos nang mabilis bilang isang bampira. Napansin ko kasi na didilat siya. At hindi ako nagkamali, dumilat siya at naupo. "Balik na tayo do'n," nasabi ko.
"Dito muna tayo. Lakas mo pala sa alak, parang wala ka pang tama."
"Mahina ka lang talaga."
Natawa siya at hinila ako paupo sa tabi niya. "Enjoy muna natin 'to, oh," sambit niya. Kapwa namin pinagmasdan ang buwan habang dinadama ang ihip ng hangin at nagsisilbing musika ang paghampas ng alon sa dalampasigan.
Sumilay ang ngiti sa aking labi. Ganito ang romantikong eksenang na-imagine ko no'n. Inakbayan niya ako. Napatingin ako sa kanya. Sa pinangarap kong eksena, ako dapat ang gagawa no'n. Hindi ko nabawi ang pagtitig ko sa kanya, nahuli niya akong siya na ang aking pinagmamasdan.
"Huwag kang maiinlove sa 'kin, ah," nakangiting sabi niya. Tulad noon, sinasabi niya pa rin kung ano ang laman ng utak niya kahit awkward pa ang sitwasyon. Natigilan ako. Nanatiling nakatitig ako sa kanya. Inalis niya ang pagkakaakbay niya sa 'kin at mahina niyang pinisil ang baba ko. "Hoy, guwapong-guwapo, ah?" pabirong sabi niya.
Natawa ako. Humalakhak ako. Napatukod ang dalawa kong kamay patalikod at tumingala. Diyos ko. Itatanggi ko ba ang sinabi niya? O aaminin ko na gusto ko siya? Pero pa'no ko ipapaliwanag? Ngayong sinabi niya sa 'kin 'yon, muling may nabuong katanungan sa isip ko, kung dapat ko pa bang gustuhin siya? Parehas na kaming lalaki ngayon at maaaring iba na ang s****l orientation niya. At ako, kaya ko bang patuloy na mahalin siya? May mapupuntahan ba 'to? At matatanggap niya kaya na isa akong bampira? Natatawa ako. Na pinagtatawanan ang aking sarili. Dahil kanina lamang ay ginusto kong halikan siya. Kahit pa buo sa isip ko na lalaki siya. Naguguluhan ako. May mga pagdududa ako kung ipinaglalaban ko ba ang kaming dalawa o ipinagpipilitan ko na lang dahil sa aming nakaraan at sa paghihintay ko nang kay tagal sa kanya.
"Gusto nga kita," diretsong sabi ko sa kanya. Siya naman ngayon ang natigilan at napatitig lang sa akin. Nakakagago ang sitwasyon namin ngayon. Visible ang mali sa sitwasyon. Pero kilala ko ang aking sarili, ngayong nahanap ko na siya, hindi ko na mapipigilan ang sarili ko na gustuhin siya kahit ano pa siya. Alam kong hindi ko na siya maiiwasan pa. Pinaglaruan man kami ng tadhana, nararamdaman ko at alam kong kami ang itinadhana.
Ngumiti siya. "Hindi kita huhusgahan," sambit niya at tinapik niya ako sa balikat. "Umpisa pa lang, alam ko nang may iba sa 'yo, eh. Na nawerdohan ako sa 'yo. Pero gaya ng sabi ko, 'wag kang mai-in love sa 'kin. Gustuhin mo ako, pero 'wag mong laliman." 300 years na akong naghuhukay. "Dahil may laman na ang puso ko."
"Okay lang," tugon ko. Pero aaminin ko, hindi okay na may iba nang laman ang puso niya. Hindi niya ba talaga ako naaalala? Wala ba ako sa isip niya? Ako ang lalaking pinakamamahal niya. Ako ang lalaking handa niyang itaya at ibuwis ang lahat maging ang sarili niyang buhay mailigtas lamang ako.
"Dark ang itatawag ko sa 'yo," biglang sabi niya.
"Dark?" pagtataka ko.
"Ang pangit naman kasi kung itim, kasi maputi ka. Ang jologs naman ng dilim, kaya Dark na lang. Dark, dahil para kang madilim na lugar na 'di ko alam kung ano ang meron sa 'yo. Para kang isang malaking misteryo na biglang sumulpot." Tiningnan niya ako. "Na parang matagal na kitang kilala?"
Nabakas ko ang pagtataka sa kanyang mukha. Dahil iyon ang totoo. "Dark na rin ang itatawag ko sa 'yo. Dahil para ka rin isang madilim na lugar, na gustong-gusto ko. Lugar na walang manghuhusga sa 'kin at ligtas ako," muling diretsong sinabi ko sa kanya. Dahil noon pa man, siya na ang safe place ko. Buong buhay ko nagtago ako sa gubat sa takot ko sa mga tao dahil sa pagiging iba ko, ngunit mula nang makilala ko siya noon, nakaramdam ako ng kapayapaan at ng kaligtasan. At natanggap ko ang sarili ko. At ngayon, malaya kong nasasabi sa kanya na gusto ko siya kahit pa parehas kaming lalaki, wala akong maramdamang pagkailang. Dahil siya ang lugar ko, ang safe place ko.
"Banat ba 'yan?" natatawang tanong niya.
Napangiti ako. "Endearment na ba natin 'yon? tanong ko naman.
"Kinikilig ka?" biro niya at sinundot pa ako sa tagiliran.
"Tumigil ka," saway ko. Do'n ang kiliti ko, eh. Nakangiting napayuko na lang ako. Madalas niya rin gawin iyon noon.
Muli niyang pinagmasdan ang kalangitan kasabay ng pagpapakawala ng isang malalim na hininga. Pero ako, sa kanya na nakatanaw. Dahil siya ang langit ko. Ilang saglit pa, nagyaya na siyang bumalik sa kubo. Habang naglalakad kami, muli niya akong inakbayan at tinapik niya pa ang puwet ko nang paupo na kaming dalawa. Napapangiti na lang ako na napapailing. Bakit parang ako ang nagiging babae sa aming dalawa?
Nag-umpisa kaming muling makipag-inuman sa mga kasama namin. Hanggang sumapit ang alas-dose at nagyaya nang umuwi ang iba. Nagpaalam si Mengil na ihahatid niya ang kanyang mga kaibigan na mga bago kong kakilala. Naiwan kaming muling dalawa ni Arjay at pinipilit niya pang tumagay kahit kita nang lasing na siya.
"Tayo ang nag-umpisa, tayo pa nahuli," may pagyayabang na sabi niya. Napangiti ako. Tama siya, umpisa pa lang kami na at alam kong hanggang sa huli ay kami.
Hinawakan ko siya sa batok, dinama ng palad ko ang parteng iyon ng katawan niya na 'di ko alam bakit parang ang sarap sa pakiramdam. Kumilos siya kaya pasimple kong hinimas ang likod niya. "Tama na 'yan, Dark," sambit ko.
"Kaya ko pa, Dark," nakangiting tugon niya na diniinan ang salitang dark. "Kilig ka?"
"Gago," sabi ko at kinuha ang baso sabay inom ng alak.
"Ang gago, ang dagat." Muli kong narinig sa kanya ang mga salitan 'yon.
"Parang ang laki ng problema mo, ah. Puwede ko bang malaman, Dark?"
Umimom siya ng alak. "Hindi mo na dapat pinakikialaman ang mga bagay na wala kang kinalaman," sambit niya. Pero may pakialam ako, dahil ikaw 'yan.
Tinulak-tulak niya ako upang magkaroon siya ng space. Nahiga siya at ginawang unan ang isang hita ko. Nakatulala siya. Mababakas ang malalim na iniisip sa kanyang mukha. Hindi ko naawat ang kamay ko na haplosin ang kanyang buhok bilang pagdamay sa kung ano mang gumugulo sa kanyang isipan.
"Dark?" ani niya.
"Um?"
"Naisip mo na bang magpakamatay?"
Nabalot ng kaba ang dibdib ko sa tanong niya. Para ako no'ng dinala sa madilim at malalim na lugar. Bakit lumalabas sa kanya ang gano'ng katanungan? Bakit siya nasasaktan? Sino ang nananakit sa kanya? Gusto kong itanong sa kanya ang mga bagay na iyon, ngunit alam kong wala akong makukuhang sagot.
Sumandal ako. "Nang mga panahong nais ko nang sumuko dahil hindi kita mahanap, maraming beses kong tinangkang kitilin ang sarili ko. Tumalon ako sa matataas na building, nagpasagasa sa truck, bus at tren. Nasubukan ko rin ibigti ang sarili ko. Pero hindi ako mamatay-matay. Tulad ng pagmamahal ko sa iyo na hindi mawala-wala." Sinulyapan ko siya. Nakangiti siya. Siguro iniisip niya na gumagawa ako ng kuwento. Hindi pa talaga siguro tamang panahon na malaman niya ang lahat.
"Pero hindi mo pa rin ako mahanap, dahil nasa madilim akong lugar," sambit niya.
"Ngunit nararamdaman kita, Dark." Pumikit siya. "Sigurado akong nahanap na kita." Masuyo kong hinawakan ang baba niya at mahinang pinisil ito. "Mahal na mahal kita, Joana..." Nakatulog na siya.
Gusto ko siyang yakapin. Ngunit nakontento na lang akong pagmasdam siya at haplosin ang kanyang mukha. At nadedemonyo na naman akong halikan siya. Muling sumandal na lamang ako pumikit.
------------
PAGDILAT ko, maliwanag na at mag-isa na lamang ako sa kubo. Nakahiga na ako na may unan at kumot. Bumangon ako. Nang unang maging bampira ako, ilang buwan akong walang tulog noon. Hanggang maka-adjust ang sarili ko sa bago kong pagkatao bilang isang ganap na bampira.
"Dark?" narinig kong tawag. Napangiti ako, si Arjay, papalapit siya sa 'kin. Pero bakit nakahubad siya at naka-boxer lang nang ganito kaaga? "Laway na laway, ah?" Nag-flex pa siya ng katawan niya sa harap ko. Napangisi na lang ako pero 'di ko iniwas ang tingin ko.
"Ikaw ang nagkumot at nagbigay ng unan sa 'kin?"
Tumango siya. "Kape?"
"Hindi na," tanggi ko.
"Gatas?"
"Okay lang ako, Dark," muling tanggi ko.
"Gatas ko?" pilyong tanong niya na tumingin pa sa babang parte niya na may nakabakat.
Napalunok ako. "Gago. Bahala ka na nga."
"Uy, gusto?" Natawa na lang ako sa kakulitan niya. "D'yan ka lang. 'Wag kang aalis."
"Hinding-hindi," sagot ko.
Umalis siya. At sa pagbalik niya, nakasuot na siya ng puting damit at may dalang dalawang tasa ng kape. Damating din si Mengil na may dalang tatlong cup ng lugaw para sa aming tatlo na may sahog na manok. At iyon ay mas na-enjoy ko dahil nalalasahan ko ang karne ng manok. Nagkuwentuhan kami habang kumakain, hindi muna sila magtitinda ngayon, pahinga muna dahil lasing din sina Mang Andoy at Mang Ramon.
"Ubusin mo 'yan," sabi ni Arjay nang makaalis na si Mengil nang maubos namin ang lugaw. Hindi ko man lang nakalahati ang tasa ng kapeng tinimpla niya pero ang lugaw na dala ni Mengil ay naubos ko. "Hindi ka makakauwi hangga't may laman 'yan."
Napangiti na lang ako. Kung hindi lang siya ito, tinapon ko na siya sa dagat o kaya ihiwalay ko ang ulo niya sa kanyang katawan. O dukutin ko ang kanyang puso.
Bumalik si Mengil. "Pre, sabihin mo lang 'pag ready ka na, hahatid kita sa Gogon."
"Ako na insan maghahatid sa kanya," presenta ni Arjay.
Tumango si Mengil. "Sige, ito susi. 'Yong motor ang gamitin n'yo."
Nang makaalis si Mengil, paglingon sa akin ni Arjay ay wala nang laman ang tasa ng kape. "Tinapon mo?" nakakunot noong tanong niya.
"Ininom ko," sagot ko. "Tara," yaya ko sa kanya nang makatayo na ako.
Nagpaalam ako kina Mang Ramon at Mang Andy, sabi nila bumalik lang ako kung naiinip ako sa bahay at puwede ako dumalaw-dalaw sa kanila sa karnehan. Na ikinatuwa ko. Nagpaalam din ako sa mama ni Arjay at sa kapatid niyang si Arjane.
Nasa kalsada kami ni Mengil habang nilalabas ni Arjay ang motor. "Insan, si Selena," ani ni Mengil. Nagtago si Arjay at 'di muna nilabas ang motor.
May dalaga at binatang naglalakad sa kalsada. Nagtatawanan ang mga ito, naririnig ko ang usapan nila sa malayo tungkol sa battle of the band nilang pinuntahan kagabi. "Sino si Selena?"
Parang nagdalawang isip sumagot si Mengil. "Ex ni insan. Pero mahal niya pa rin 'yan. Buti nga 'di siya umiyak kagabi, lagi niyang iniiyakan 'yan."
"Sino ang kasama niya?" Pinagmasdan ko ang binatang naka-all black. Medyo iba ang pakiramdam ko sa kanya. At kahit medyo nasa malayo, parang nakita kong tiningnan niya ako mata sa mata?
"Manliligaw ni Selena. Mga taga-Manila 'yan. Mga dalawang taon na ata sila ng pamilya nila rito. Sila ang may ari ng Twin Rock Beach Resort dito na sikat sa buong Catanduanes. Sabi mga kamag-anak nila, parang family business? 'Yong dati kasing namamahalang pamilya, nag-migrate na raw sa Canada kaya sila naman. Mababait mga 'yan, pre. Libre kaming mga tagarito sa resort, wala kaming entrance. Minsan pasyal tayo do'n. Problema lang sa mga 'yan, ang mga staff puro mga taga-Manila rin. Ang iba galing sa norte."
Dumaan ang dalawa sa harap namin, naglalakad sila sa kabilang kalsada. Nagtama ang mga mata namin ng binata. "Ano ang pangalan niya?" tanong ko.
"Troy. Walang laban si insan d'yan. Kaya nang nanligaw 'yan kay Selena, nakipaghiwalay na si insan. Mukhang pera rin kasi magulang ni Selena. Kinausap ba naman si Tita Nora na sabihan si insan na lumayo na sa anak nila. Kala mo nasa drama sa TV ang mga potek na 'yan."
Hinatid sa bahay ang dalagang si Selena ng binatang si Troy, iba talaga ang pakiramdam ko sa lalaking 'yon? "Kumakain ba sila ng manok?"
"Si Troy?" natatawang tanong ni Mengil. Tumango ako. "Malamang pre, may chicken restaurant sa loob ng resort, eh. Minsan nga nagsu-supply kami ng manok sa kanila. Dinadayo rin ng ibang mga tagabayan ang kainan na 'yon. May fried chicken at inasal, at kung anong luto pa."
Lumabas ng tarangkahan ng bahay si Troy na may akay ng motor. Bago ito sumampa at umalis, kumaway ito kay Mengil. At muli rin kaming nagkatitigan.
"Piling close ampotek," komento ni Mengil. "San, labas na," tawag niya kay Arjay.
Nilingon ko si Arjay. Seryoso siya. Nakikita kong nasasaktan siya. "Tara," ani niya nang makasampa siya sa motor.
"Salamat, pre," paalam ko kay Mengil at umalis na kami.
"Humawak ka, baka mahulog ka," sambit niya.
Walang imik na sinunod ko siya. Humawak ako sa beywang niya at isinandal ko ang noo ko sa kanyang likod.
Malayo na ang tinakbo namin. Nanatili akong walang imik. Ganito pala ang pakiramdam na alam mong may mahal nang iba ang taong mahal mo? Iba ang sakit na 'to sa sakit nang mawala siya sa 'kin. May naramdaman na lang akong likidong lumabas mula sa mga mata ko. At para akong baliw na tumawa nang tumawa. Malakas na tawa habang nakadikit ang mukha ko sa likod niya na napunas na ang luha ko sa damit niya.
Patuloy lang siya sa pagmamaneho hanggang marating namin ang bahay. Mabilis akong bumaba at naglakad papunta sa gate na walang binigkas na ano man salita. Papasok na ako nang marinig ko ang tanong niya. "Dark, may problema ba?"
Nilingon ko siya at tinitigan. "Pumasok ka," pautos na sabi ko.
"Hindi na," tanggi niya.
"Please, Dark." Hindi na ako naghintay ng sagot niya. Pumasok ako at iniwan kong nakabukas ang gate. Nagtuloy-tuloy ako sa bahay na iniwang nakabukas rin ang pinto.
Narinig ko ang pagsara ng gate at naririnig ko ang yapak niya papasok ng bahay. Pagkapasok niya, tumambad ako sa kanya na nakaupo sa sofa. Nagulat siya nang biglang magsara ang pinto. Madilim ang loob ng bahay dahil nakababa ang mga kurtina at walang ni isang bukas na ilaw.
"Maupo ka," utos ko na agad niyang sinunod. Nakikita ko na naguguluhan siya habang nakatitig kami sa isa't isa. "Dark, magsama na tayong dalawa," diretsong sabi ko na may awtoridad. Na hindi tatanggap ng hinding sagot.