Chapter 1: Nang Muli Kang Makita

1760 Words
Chapter 1: Nang Muli Kang Makita "HINDI ka dapat nakialam. Hindi ko kailangan ang tulong." Nang sabihin niya sa akin 'yon, agad na siyang umalis. Naiwan akong nakatayo lang. Hindi ako makapaniwala. Alam kong siya 'yon. Nararamdaman ko ang mabilis na pintig ng aking puso na matagal nang tahimik. Natagpuan ko na siya. Ang kanyang halimuyak na parang rosas na nakatatak na sa akin at matagal kong pinanabikang muling malanghap - nagbalik na. Ang kanyang pagtitig na tumatagos sa aking dibdib - muling napagmasdan ko na. Iba man ang kanyang tinig, ngunit ang musika no'n sa aking pandinig ay hindi nag-iba - muling pinabilis niya ang t***k ng aking puso. Nahanap ko na siya. Sa wakas, makalipas ang mahabang panahong paghihintay ay muli ko na siyang nakita. Dumaloy ang luha mula sa aking mga mata. May tuwa. At pakiramdam na hindi makapaniwala. Dahil Diyos ko naman, bakit nasa katawan siya ng isang binata? Base sa nabasa ko sa wikipedia, reincarnation is the philosophical or religious belief that the non-physical essence of a living being starts a new life in a different physical form or body after biological death. It is also called rebirth or transmigration. Ibig sabihin, posible nga na kung babae siya noon, ay maaring maging lalaki siya sa muli niyang pagkabuhay sa mundo. At posible kaya nang mga panahong nagdaan ay isinilang na siya na isang hayop o kung ano man? Napasandal ako sa pader. Siraulong tadhana! Scammer na kapalaran! Bakit mo ako pinaglalaruan? Blangko ang aking isip na naglakad sa direksyong tinungo niya. Ngunit hindi ko na siya naabutan. Masaya ako, ngunit puno ng katanungan. Isa na roon kung itutuloy ko ba ang muling makasama siya? "Aaaahhh! Diyos ko naman!" Pabagsak akong napahiga sa aking kama. Bago pa ako mapunta sa islang ito ng Catanduanes na sinasabing 'Happy Island', naayos ko na ang lahat. May matitirhan na ako, isang tatlong palapag na bahay na nasa sentro ng bayan ng Virac ng probinsyang ito. At kahit 'di ako magtrabaho, sapat ang pera sa bangko ko kahit manirahan pa ako rito ng isang daang taon na nakatambay lang. Kompleto at mamahalin ang mga gamit sa bahay. At sa aking silid, nakasabit ang malaking painting ni Joana na aking ipininta base sa aking alaala. 1937 noon, nasa Baguio ako nang ipinta ko ang larawan na may sukat na dalawang metro. Ilang buwan akong hindi lumabas no'n, at nagpinta lang nang nagpinta. Ibinuhos ko ang aking lungkot at inilabas sa pamamagitan ng paghaplos ng brush sa canvas. Kahit saang bahay ako lumipat dala ko painting. ---------- KINABUKASAN, maaga akong lumabas ng bahay upang mag-jogging. Pero hindi healthy lifestyle ang hinahabol ko. Dahil kahit hindi ako mag-exercise at isang taon pang nakahiga lang ako, basta may maiinom na dugo ng tao, mananatili ang lakas ko at magandang pangangatawan. Umaasa ako na muli siyang makita kaya heto ako tinatakbo ang bawat daang makita ko. Patakbo kong inikot ang sentro ng bayan, kung saan naroon ng munisipyo, cathedral, plasa, mga paaralan, ilang building at mga department store at may maliit din na mall. At salamat at may Jollibee. Sa pag-lipas ng mga taon, naka-adjust na ang katawan ko sa pagkain ng mga normal na tao. At ang fried chicken ang the best para sa 'kin. Tanging ang karne ng manok ang nalalasahan ko sa lahat ng mga pagkaing sinubukan ko. Wala mang naitutulong sa aking katawan ang mga iyon at hindi napapawi ang aking uhaw sa dugo ng tao, kahit paano'y nararamdaman kong normal ako. Sinubukan ko rin maghanap ng kauri ko sa mga panahong lumipas, ngunit wala akong natagpuan. Iniisip ko, marahil tulad ng sitwasyon ko ngayon, nais nilang mabuhay ng normal kaya hindi ko sila makilala. Narating ko ang Pamilihang Bayan, ang palengke ng Virac. Inikot ko na rin iyon 'di lang para maging pamilyar sa lugar, kundi para makita siya. Sa aking paglalakad ay bigla akong natigilan. At napapikit nang malanghap ko ang halimuyak ng rosas. Isang mahinang tapik ang nagpabalik sa aking ulirat. "Pogi, bili ka bulaklak?" sambit ng aleng tumapik sa 'kin. "Ha?" Napalingon ako. Nasa tapat ako ng isang flower shop. "Bili kang bulaklak, pili ka. May rose, sunflower, iba-iba. Kahit santan at gumamela, meron." Umiling ako sa alok ng ale at naglakad na muli hanggang marating ko ang tindahan ng mga karne. Nakaramdam ako ng uhaw sa dugo. Pero ang mas nagpauhaw sa 'kin... ay nang makita ko siya. Nakahubad siya. Duguan ang katawan. May buhat siyang bangkay na kalahati na lamang ang katawan, patay na baboy. Papalapit siya sa 'kin. Hindi ko alam kung nakikita niya ako. Pero ako, nasa kanya lang ang mga mata ko. Muling nagbalik ang dati. Ngunit sa totoo lang, hindi naman 'yon nawala. Mula noon hanggang ngayon, siya ang mundo ko. Tila nawala ang pag-aalangan ko kung itutuloy ko ba na muli siyang makasama. Dahil habang pinagmamasdan ko siya, punong-puno ako ng saya. Ang halimuyak ng rosas ay nagkalat sa paligid. Mistulang huminto ang oras at may mga petals ng pulang bulaklak na naglalaglagan mula sa langit. Pakiramdam ko ay nasa loob kami ng simbahan at hinihintay ko sa harap ng altar ang aking pinakamamahal upang siya'y pakasalan at tuluyan nang maging akin. Na wala nang makapaghihiwalay pa. Huminto siya sa harapan ko. Mas napagmasdan ko ang maamo niyang mukha at ang kanyang matipunong pawisang katawan. May mababakas na kalungkutan sa kanyang mapupungay na mga mata - papawiin ko ang kanyang kalungkutan. Nandito na ako, hindi na siya mahihirapan. Napalunok ako nang mapunta ang aking tingin ko sa kanyang mapupulang labi. Kay tagal kong inasam na mahagkan siya. Nasa akin na rin ang kanyang mga mata. Kapwa kami nakatitig sa isa't isa. "Joana..." mahinang nasambiy ko. Uhaw na uhaw na ako sa kanyang pagmamahal. Iba man ang nakikita ng aking mga mata, ngunit ang puso ko ay nakikilala siya. Pinagmamasdan ko ang pagbuka ng kanyang mga labi. May binibigkas siyang salita. "Nakaharang ka sa daan ko," sambit niya. "Ha?" Umatras ako. Dadaan pala siya. "Sorry." Pumasok siya sa isang puwesto ng tindahang nagtitinda ng mga karne. "Boss, bibili po kayong karne? Bagong katay mga karne namin dito, boss," sabi ng binatang halos kasing edad rin niya na kasama niya sa tindahan. "Manok. Bibili ako ng manok." Napabili ako ng wala sa oras. "Kilo boss o isang buo?" "Buo. Kinse." "Kinseng buong manok? Fifteen, boss?" tuwang-tuwang paniniguro ng tindero. Tumango ako at inihanda nito ang mga bibilhin ko. Syempre dapat magpa-impress ako. Napalingon rin siya. Hindi mapatid ang tingin ko sa kanya. Nakahubad pa rin siya habang nagtatadtad ng karne ng baboy. Bakas na batak siya sa trabaho. Maganda ang kanyang katawan na moreno ang kulay ng balat. Diyos ko naman! Hindi ko dapat pinagmamasdan ang half-naked na binata. Pero siya si Joana, eh. Ilang daang taon kong hinintay na muli ko siyang makita! "May handaan yata, boss, ah. Kaya mo kaya lahat 'to?" nakangiting tumango lang ako sa tindero at binayaran ito. "Insan, tulungan mo si boss, hatid mo sa sakayan ng tricycle." Sa probinsyang ito, tricycle ang pangunahing transportasyon. Pinsan niya pala ang binatang tindero. Tumango lang siya at 'di nagsalita. Kinuha niya ang dalawang plastik na puno ng manok at lumabas siya ng puwesto. May dumating na lalaki na may edad na, na binati ng tindero. Pumasok din ito sa puwesto nila. "Tay, buena mano, buwenas. Pinakyaw ni boss ang manok natin." Tiningnan ako ng lalaki na mga nasa singkuwenta anyos na. "Kayo hijo 'yong nakabili ng bahay sa Gogon?" tanong ng mama. Gogong ang barangay kung saan ako nakatira na walking distance lang mula rito sa palengke. "Opo," sagot ko. "Mag-isa ka lang daw ro'n sa bahay? Kumpare ko kasi caretaker no'n bago nabili, si Ramon." "Opo. Nasa abroad kasi ang parents ko." Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko nang nagamit na palusot ang kuwentong 'yon. "Hatid mo na si sir, hanggang sa bahay nila. Gamitin ninyo 'yong tricycle," utos ng lalaki kay... hindi ko pa pala alam ang pangalan niya. Malamang tiyuhin niya ang mama kung pinsan niya ang tinderong tinawag siyang insan. Inabot sa kanya ang susi. "Alam mo naman 'yong bahay." Tumango siya. Nagsuot siya ng itim na damit, lumang T-shirt na ginupit ang magkabilaang sleeve. "Tara," tipid na sabi siya. Sumunod ako sa kanya, kapwa kami may tig-dalawang plastic bag na puno ng buong manok. Muling napapatitig ako sa kanya habang naglalakad kaming dalawa. Hindi ako makapaniwalang nasa harapan ko na talaga siya. Nang marating namin ang kinaroroonan ng sasakyan namin, nilagay niya ang hawak niya sa loob at gano'n din ang ginawa ko. Kumabayo siya sa motor ng tricycle at sumunod ako sa kanya. Napalunok ako. Sobrang lapit ko sa kanya. Nakakabayo rin ako sa motor at hinawakan ko siya sa baywang. Naamoy ko ang balat niya na masarap sa ilong. "Makakasakay ka naman ata sa loob?" sambit niya. Nakita ko sa side mirror ng motor na nakasalubong ang mga kilay niya. Parang naiinis siya? "Puwede pala do'n?" sabi ko na lang at lumipat ako sa loob. Tahimik niyang pinaandar ang tricycle. Parang ang suplado niya? Hindi ko makita sa kanyang ang palakuwento at palatawang Joana. Nakatitig lang ako sa kanya habang umaandaar ang aming sinasakyan. Dahil sa hangin, mas nalalanghap ko ang amoy rosas niyang halimuyak. Ang dami kong gustong itanong sa kanya. Gusto kong malaman lahat ang tungkol sa buhay niya. Ngunit hanggang makarating kami sa bahay, hindi ko nagawang magsalita. Binuksan ko ang gate at pumasok kaming dalawa. Nilapag niya ang mga manok sa may pintuan. Ni hindi siya nagsasalita mula kanina. "Tanggapin mo," sambit ko hawak ang isang libo. Tiningnan niya ako. At tiningnan niya ang perang hawak ko. Tumalikod siya na walang binitawang salita. Pero nakita ko sa mga mata niya na nais niyang kunin ang pera. Katangian ni Joana, na ayaw tumanggap ng tulong sa iba hangga't kaya niya. Habang humahakbang siya palayo palabas ng gate, parang natataranta ang loob ko. Pakakawalan ko pa ba siya? Hahayaan ko bang umalis siya na hindi ako nagpapakilala? Pero paniniwalaan niya kaya ako? Siya man si Joana, ngunit hindi na niya natatandaan ang nakaraan. Hindi ako nakatiis. Bahala na! Mabilis akong napunta sa tabi niya. Kinabig ko siya sa braso niya. Napalakas ata ang hila ko kung kaya naisandal ko siya sa pader. Hawak ko na siya sa magkabilaang braso. Ramdam ko ang matigas na muscle sa kanyang mga braso. Masyadong malapit ang katawan naming dalawa. May kaba sa dibdib ko at naririnig ko ang mabilis na t***k ng puso niya. Ang paghinga ko ay tumatama sa gilid ng kanyang leeg na halos magdikit na ang dulo ng ilong ko sa leeg niya. Nakakaadik ang kanyang amoy. At nararamdaman ko rin ang init ng kanyang paghinga sa aking leeg. Ilang segundo na ang lumipas na tila nanigas ang aming mga katawan at kapwa hindi makakilos. Nais ko nang idampi ang aking labi sa kanyang leeg.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD