Prolonged
Title: "DARK KISS"
Story by: Xiunoxki
Genre: Boys-Love(BL), Romance, Fantasy
"Paalam, mahal ko. Paalam, Joana..."
Ngumiti siya - pinilit niyang bigyan ako nang matamis na ngiti sa mga huling sandali at pinunasan niya ang luha sa aking mukha.
"Alam kong magkikita pa tayong muli, Tres. Patawarin mo ako sa aking paglisan..."
Iyon ang mga huling salitang narinig ko kay Joana, ang mga huling sandaling kasama ko siya - ang babaeng pinakamamahal ko.
"Hihintayin kita...nang habambuhay..."
Unti-unti siyang tila nalantang bulaklak nang bawian siya ng buhay sa mga bisig ko at naglaho ang mala-rosas niyang halimuyak na minahal ko. Halos tatlong-daang taon na ang lumipas mula nang iwanan niya ako. Itinaya niya ang sarili niyang buhay mailigtas lamang ako sa kamay ng taumbayang tinutugis ako para patayin.
Isa akong nilalang na iba sa iba. Pinandidirihan. Kinatatakutan. Kilala sa ngayon bilang isang bampira. Nabubuhay ako sa dugo ng hayop. Kailan man ay hindi ko tinangkang pumaslang ng tao at inumin ang kanilang dugo. Dahil para sa akin, tao rin akong may iba lang katauhan - isang karamdaman. Pero ang mga tao'y nasabik na patayin ako nang malaman nila ang lihim ko - lihim na hindi ko ginusto at hindi ko masagot kung paanong nangyaring naging iba ako. Siguro'y sadyang may isisilang sa mundo na iba sa karamihan tulad ko. Inilayo ako ng magulang ko sa mga tao para protektahan - hanggang sa mamatay sila sa isang aksidente kasama ang sekreto ng aking pagkatao.
Sa kabila ng lihim ng aking pagkatao, natuto akong umibig at ibigin - pag-ibig na akala ko ay imposible. Dumating siya dala ng hangin - ang halimuyak niyang mala-rosas ang bumihag sa akin. Pinahinto ni Joana ang mundo ko sa una naming pagkikita sa kakahuyan - naroon ako para sa pagkain kong sariwang dugo mula sa ilang na hayop at naroon naman siya dahil siya ay naligaw sa masukal na gubat mula sa pamamasyal. Akmang dadanggitin ko ang baboy-ramo nang umihip ang hangin mula sa aking likuran, sa paglingon ko, nakita ko siya sa 'di kalayuan.
Sa pagtama ng aming mga mata, naramdaman ko ang mabilis na t***k ng aking puso - t***k na unang beses kong naramdaman, at t***k na awtomatikong gumuhit ng ngiti sa aking labi. Ngunit biglang natigilan ako nang mapansin ko ang takot sa kanyang mukha. Ang akala ko noo'y natakot siya sa akin, pero hindi. Patakbo siyang nilapitan ako at mahigpit na niyakap. Nagpasalamat siya dahil akala niya ay mag-isa lamang siya sa gubat. Takot na takot siya - ilang oras na rin siyang naglalakad sa kakahuyan. Uhaw na uhaw ako noon sa dugo, siyam na araw na rin akong hindi kumakain. Hindi man napawi ng mainit niyang yakap ang gutom ko, gumaan naman ang aking pakiramdam - na tila ba lumulutang na ako sa hangin.
Tiniis ko ang gutom, sinamahan ko siya sa palabas ng kagubatan. Nagpasalamat siya at nagpakilala - na lihim ko talagang hiniling sa isip ko na sabihin niya sa akin ang kanyang pangalan.
"Ang pangalan ko ay 'Joana'. Ikaw?"
"...Tres."
At doon na nagsimula ang aming pagkakaibigan - pagkakaibigang nauwi sa malalim na pagtitinginan. Na kahit pa nalaman niya ang aking lihim ay hindi niya ako iniwan - niyakap niya ang aking kakulangan.
Hindi tulad sa mga fictional na kuwentong mababasa sa ngayon at mapapanood sa mga pelikula, walang espisyal na kakayahan ang tulad ko maliban sa pagtubo ng pangil ko sa tuwing iinom ako ng dugo mula sa nabiktima kong hayop. Sadyang iba lang ang pagkaing bumubuhay sa katawan ko, sariwang dugo.
May binatang kaibigan si Joana na lihim na may pagtingin sa kanya, nalaman ng binatang iyon ang lihim ko at doon na nagsimula ang kalbaryo ng aming buhay - tinugis ako ng taumbayan. Likas sa mga tao na pagtawanan, pandirihan at katakutan ang mga bagay na hindi nila maunawaan at kakaiba, at itinuturing nilang hindi nila kauri - hindi tao ang naging tingin nila sa akin, kundi isang hayop na banta sa kanilang kaligtasan.
Maulang gabi noon nang sumugod ang mga tao sa pinagtataguan kong bahay sa gitna ng kagubatan, kasama ko noon si Joana. Kasama ng mga tao ang magulang niya. Sinabi kong magpaiwan na siya, ngunit sumama siya sa pagtakas ko - noong gabi nang iyon ang araw nang kamatayan niya. Hinarang niya ang kanyang sarili sa papalapit na sibat na para sana sa akin - tinamaan siya sa tiyan. Binuhat ko siya at buong lakas akong tumakbo - puno ng takot at pangamba.
Dahil sa kabisado ko ang gubat, nakalayo ako sa mga tao. Ibinaba ko si Joana at binunot ko ang tumusok na kahoy sa kanyang tiyan. Dumaloy ang dugo mula sa sugat at naaninag ko ang takot at sakit na nararamdaman niya sa tulong ng liwanang mula sa bilog na buwan. At sa unang pagkakataon, nakaramdam ako ng uhaw sa dugo ng tao - sa tao pang pinakamamahal ko. Hindi ko napigilan ang paglabas ng aking mga pangil kasabay ng pagdaloy ng aking luha. May hiniling siya sa akin na ayaw ko sanang pagbigyan - dahil nang panahong iyon, nais ko nang tapusin ang aking buhay para magkasama kaming haharap sa kamatayan. Pero bumitaw siya ng pangako na pinanghahawakan ko, hanggang sa ngayon.
"Kagatin mo ang leeg ko at inumin ang aking dugo."
"Ano ba ang sinasabi mo?"
"Nalaman ko na maari kang mabuhay nang panghabambuhay kapag uminom ka ng dugo ng tao. At maari ka pang magkaroon ng mga kakaibang kakayahan. Kakayahang imposible para sa pangkaraniwang tao. Maipagtatanggol mo ang iyong sarili, Tres. Wala nang sino mang mananakit sa iyo. At payapa akong tatawid sa kabilang-buhay kapag nangyari iyon. Dahil alam kong ligtas ka. Hindi ka na nila masasaktan pa."
Umiling ako. Dahil ayaw kong mabuhay nang habambuhay kung wala rin lang naman siya sa piling ko. Masahol pa sa kamatayan ang mabuhay nang mag-isa na wala siya sa tabi ko.
"Babalik ako. Pangako, babalikan kita. Hihilingin ko sa Diyos na muli kang makasama. Makikiusap ako at magmamakaawa para hindi ka maging malungkot at mag-isa." Hinaplos niya ang luhaan kong mukha. "Mabuhay ka..."
Ibinuka ko ang aking bibig at dahan-dahang inilapit sa kanyang leeg.
Kinabukasan nang inumin ko ang dugo ni Joana, nakaramdam na ako nang kakaiba sa aking katawan. Doon na ako nagkaroon ng mga kakayahang hindi magagawa ng tao tulad sa mga mababasa at mapapanood ngayon tungkol sa mga bampirang tulad ko; naghihilom agad kapag nasugatan ako na walang bakas, tumalas ang paningin at pandinig ko, nakakatalon ako nang mataas at nakakakilos ako nang mabilis, nagkukulay pula ang mga mata ko sa tuwing nagagalit ako, at kaya kong patubuin nang mabilis at matalim ang aking mga kuko sa daliri.
Pinilit kong umiwas sa pag-inom muli ng dugo ng tao. Pero sadyang naging malakas ang pagkauhaw ko na hindi na naiibsan pa ng dugo ng mga hayop. Pumatay ako at muling uminom ng dugo ng tao. Naghanap ako ng mga halang ang kaluluwa, mga taong pumapatay ng kapwa nila at walang awang nanggagahasa ng mga babaeng kaawa-awa, sila ang binibiktima ko.
Hindi totoong namamatay ang tulad ko sa sikat ng araw at pagtusok sa puso. At hindi ko rin kahinaan ang silver. Tanging pagkagutom ang kahinaan ko at ang labis kong pangungulila kay Joana.
Sa paglipas nang maraming taon, napagod na akong maghintay. May mga nakilala ako na kamukha niya, pero hindi siya ang mga iyon. Nagalit ako sa kanya sa hindi niya pagtupad sa kanyang pangako at ginusto kong sundan na siya sa kabilang-buhay. Tumalon ako sa napakataaas na building, pero nasaktan lang ako at nakasira ng kalsada. Ilang beses akong nagpasagasa, sa truck, sa bus at maging sa tren, pero inilagay ko lang sa panganib ang buhay ng mga pasahero. Marami pang uri ng pagpapakamatay ang ginawa ko, pero hindi pa rin ako mabura-bura sa mundo - umiyak na lamang ako at muling kumapit sa pangako niya.
Marami na akong lugar sa Pilipinas na tinirhan, halos lahat na ng bayan. Maging sa ibang mga bansa ay nagtungo na rin ako at nanirahan, nagbakasakaling doon ko siya makikita. Hindi ko na matandaan kung ilang beses na akong nagpalit ng pangalan at kung ilang kurso na ang natapos ko, at mga trabahong pinasukan. Marami akong pera at ari-arian, ngunit hindi ako maaring manatili sa iisang lugar. Dahil nananatiling dalawampung taong gulang ang aking hitsura. Naging iwas ako sa mga tao at hindi nagkaroon ng kaibigan dahil hindi ako maaring maging malapit kanino man dahil nga sa lihim kong katauhan. Naging napakalungkot ng buhay ko. Ang tanging nagpapasaya sa akin ay ang mga alaala namin ni Joana at ang pag-asang muli ko siyang makakasama.
Hanggang isang araw, sa isla ng Catanduanes kung saan ako maninirahan ng ilang taon, muli kong naamoy ang halimuyak ng rosas na siya lamang ang nagtataglay. Patakbong palapit sa akin ang pinagmumulan ng amoy na nakatatak na sa isip ko at nanuot na sa puso ko nang mahabang panahon. Nagtama ang aming mga mata, muli kong naramdaman ang pakiramdam noong unang pagtatagpo naming dalawa sa gubat. Bumilis ang t***k ng puso ko at natulala. Mistulang huminto ang oras - tila tumigil ang pag-ikot ng mundo para ipagdiwang ang muli naming pagkikita. Namalayan ko na lamang ang malakas na pagbunggo niya sa akin at napaatras ako. Tuloy-tuloy lang ang mabilis niyang pagtakbo at hindi ako nilingon o humingi sa akin ng paumanhin. Hinahabol siya ng apat na binata. Sinundan ko sila para masiguro kong siya nga iyon.
Sa isang tagong iskinita sila huminto at pinagtulungan siya ng apat na binata. Naging awtomatiko ang kilos ko na tulungan siya - kinontrol ko ang aking lakas nang labanan ko ang apat na binatang nasa dalawampung taong gulang din tulad namin. Umatras ang apat at naiwan kaming dalawa. Naamoy ko ang dugo mula sa kanyang nasugatang labi - siya nga si Joana. Ngunit binata ang nasa harap ko - matipuno't guwapong binata. Pero sa 'di ko malamang dahilan, kahit pa puno ako nang pagdududa at katanungan, masuyo kong pinahid ang dugo mula sa kanyang labi na gumapang na sa kanyang baba. Hinawi niya ang kamay ko at walang emosyon niya akong tiningnan. Puno ng galit at kalungkutan ang kanyang mga mata.
"Hindi ka dapat nakialam. Hindi ko kailangan ang tulong."
Nang sabihin niya sa akin 'yon, agad na siyang umalis. Naiwan akong nakatayo lang. Natagpuan ko na siya. Pero muling naglalaro ang tadhana.
"Ang pag-ibig ay hindi pinipili,
ito'y nararamdaman..."