CHAPTER 4: Nakaambang Panganib Sa Ating Dalawa
NARINIG ko ang pagtawa niya. "Nagpapakawerdo ka na naman," sambit niya. Madilim ngunit malinaw ko siyang nakikita. Tumayo siya at naglakad palapit sa bintana, hinawi niya ang mga kurtina.
Pagharap niya sa 'kin nang magkaroon na ng liwanag, nagulat at napaatras siya nang makita niya ako. Nagbago ako ng hitsura, anyo ko bilang isang bampira - pula na animo'y nag-aapoy ang mga mata, maputla ang kulay ng balat na may maaaninag na asul at berdeng mga ugat, at may matatalim na pangil. Nanlaki ang mga mata niya nang matitigan niya ako.
"Prank ba 'to?" 'di makapaniwalang tanong niya. Nararamdaman ko ang labis niyang takot. Naririnig ko ang mabilis na t***k ng kanyang puso sanhi ng labis na kaba. Ito ang ikinatatakot ko, ang katakutan niya ako. "A-Ano ka? A-Aswang?"
Nakikita kong nais niyang kumaripas ng takbo ngunit hindi siya makakilos. Hindi niya magawang maihakbang ang kanyang mga paa sa takot.
"Bakit noon, maluwag mo akong natanggap? Bakit ngayon ay nakararamdam ka ng takot sa akin, mahal ko?" malungkot na nasambit ko. Tumayo ako. "Marahil dahil hindi pa halimaw ang anyo ko noong una tayong magkita. Ngunit ikaw ang humiling nito."
"Anong s-sinasabi mo?" Muling napaatras siya.
Nang mapansin ko ang balak niyang paglabas, inunahan ko siya at humarang ako sa pinto. Mabilis akong kumilos at isinandal siya sa pader. Mas lalo kong naramdaman ang kanyang takot.
"Dark," nasambit ko.
Umagos ang luha mula sa kanyang mga mata. "Huwag mo akong papatayin," nanginginig na pagmamakaawa niya na nagpadurog sa aking puso.
"Hinding-hindi kita sasaktan. Pakiusap, 'wag kang matakot." Hindi nawawala ang kanyang takot. "Ako si Tres." Hindi na niya ako kilala. Idinikit ko sa noo niya ang aking noo. "Huwag kang matakot, Dark. Ako 'to, Dark. Hindi kita sasaktan." Tinutulak niya ako, ngunit walang laban ang lakas niya sa lakas ko. Hinawakan ko siya sa mukha at tinitigan siya sa nanlalaki niyang mga mata. "Hindi mo maaalala ang lahat. Hindi mo nakita ang aking anyong bampira. Mawawala ang mga sandaling ito sa 'yong alaala."
Magagawa kong mabura ang alaala ng taong makikita ang anyo kong bampira. Kung sana kaya ko na lang maibalak ang alaala nila sa nakaraan nilang buhay o sana maaari kung diktahan ang kanilang damdamin at isipan. Ngunit wala akong ganoong kakayahan.
Mabilis akong naupo muli sa sofa at bumalik sa normal kong anyon. Naiwang nakatayo siya sa may pintuan.
"Ba't nakatulala ka d'yan?" natatawang sabi ko sa kanya?
"Ha?"
"Maupo ka, Dark. May offer lang ako sa 'yo," saad ko.
Naupo siya at nakangising tinitigan ako. "Dark, alam kung gusto mo ako. At sinabi kong hindi kita huhusgahan. Tapos ngayon gusto mo akong bayaran para makuha ang katawan ko? Tikim na tikim?" natatawang sabi niya.
Tinawanan ko ang sinabi niya. Pero bakit parang nakaramdam ako ng init sa aking katawan sa narinig kong sinabi niya? "Hindi 'yon ang ibig kong sabihin. Gusto kitang makasama."
"Gusto mo akong makasama?"
"Oo!" mabilis na sagot ko. "Pero hindi tulad ng iniisip mo. Ang judgemental mo, Dark." Napakunot ang noo ko na muling tinawanan niya lang.
"Sige, ano ba kasi ang offer na sinasabi mo?"
"Maging tour guide kita. Gusto kong ikutin ang isla ng Catanduanes."
Tinitigan niya ako na parang nagdududa. Na parang sinasabi ng mga mata niya na wala siyang tiwala sa 'kin at may iba akong nais mangyari. Bakit ba ang malisyoso niya? "Magkano?"
"Isang libo, isang araw," mabilis kong sagot. Kahit pa taasan ko sana at kung magkano ang gusto niya. Ngunit alam kung hindi magiging maganda ang impresyon niya sa gano'n.
"Lumapit ka nga rito," utos niya sa 'kin. Bakit ba pakiramdam ko ina-under niya ako. Naging seryoso siya, ang dominante ng kanyang hitsura at parang nanlalambot ang mga tuhod ko sa titig niya. Na para niya akong alipin na kailangan ko siyang sundin. "Dark, halika," tawag niya sa 'kin na sumesenyas pa ang kanang kamay niya na lumapit ako sa kanyang harapan.
Tumayo ako at humakbang palapit sa kanya. Ako dapat ang amo niya ngunit mukhang ako ngayon ang nais niyang alilain. Ang estupido ng tingin ko sa aking sarili, dahil walang pagtangging sinusunod ko siya. Nakatayo na ako ngayon sa harapan niya. Huwag niya lang akong utusang lumuhod sa harapan niya. Napalunok ako sa naisip ko. Bakit ba ako nagiging ganito pagdating sa kanya?!
Nanlaki ang mga mata ko, pinatalikod niya ako hawak sa baywang ko. "Huwag kang nagsasayang ng pera, pinagpaguran 'yan ng parents mo!" pangaral niya sa akin kasabay ng pagpalo-palo niya sa puwet ko. Pinaupo niya ako sa tabi niya at inakbayan. "Okay na ako sa limang-daan, o kahit three hundred. Hindi mo kailangan magpa-impressed sa 'kin. Pag-iisipan ko, Dark." Napatitig lang ako sa kanya.
"Hindi ako masamang tao," sambit ko.
"Alam ko," nakangiting sagot niya. "Nararamdaman ko 'yon. Ayaw ko lang kasi na magmukhang sinasamantala kita dahil may gusto ka sa 'kin."
"Pero hindi ko iisipin 'yon."
Nakangiting tinitigan niya lang ako. "Pero gano'n ang magiging dating sa mga mata ng mga tao." Naging seryoso siya at inalis niya ang kamay niya sa pagkakaakbay sa 'kin. "Mapanghusga ang mundo. Iisipin nila ang gusto nilang isipin at paniniwalaan 'yon, kahit pa may natatapakan silang tao." Naalala ko ang narinig kong usapan ng mama niya at ni Mang Andoy. Tungkol sa usap-usapan na babae ng mayor ang kanyang ina. Na siyang dahilan kung bakit siya binu-bully ng anak ng mayor sa bayang ito. Pero kahit pa'no, ipinagpapasalamat ko na nang gabing 'yon ay napagtripan siya ng mga bully, dahil iyon ang gabing nakilala ko siya.
"Hindi kita huhusgahan," seryosong nasabi ko.
Mahinang pinisil niya ang baba ko. "Pag-iisipan ko," nakangiting sabi niya. "Mauna na ako," paalam niya. Tumayo siya at naglakad.
Pinigilan ko siya, hinawakan ko ang kanyang kamay. Ang init ng kanyang palad na nagbigay sa 'kin ng payapang pakiramdam. "Nagpapahanap ako kay Mang Ramong ng makakasama sa bahay, baka puwedeng ikaw na lang, Dark?" Napatitig lang siya sa 'kin. "May tiwala ako sa 'yo at palagay na ang loob ko na kasama ka. Walang kinalaman ang damdamin ko sa 'yo sa alok ko."
Nakangiting tumango siya. "Isasama ko 'yan sa pag-iisipan ko."
Tumango ako. "Sana hindi ka matagalan sa pag-iisip."
"Alis na ako," muling paalam niya.
"Sige, ingat," tugon ko.
"Ang kamay ko?" Inangat niya ang kamay naming magkahawak. Hindi. Ako lang pala ang mahigpit na nakahawak sa kanya.
"Ah, pasensya na." Binitawan ko ang kamay niya. Tuluyan na siyang umalis at naiwan akong nakangiti.
--------
KINAGABIHAN, gamit ang motor na bagong bili ko, pumunta ako ng barangay nila. Nagtago ako sa madilim na bahagi malapit sa kanilang bahay. Nais ko lang kahit saglit ay mapakinggan ko ang kanyang boses. Kausap niya ang kanyang mama at bunsong kapatid.
"Jane, laro ka muna sa labas," boses ni Arjay. Narinig ko ang paglabas ng kanyang kapatid at pumunta ito sa kapitbahay.
"Kung hindi ako magtatrabaho, sa tingin mo makakakain tayo, tatlong beses sa isang araw? Anak, 'di sasapat ang kinikita mo. Sa pasukan, nais kung ituloy mo ang pag-aaral mo," tinig ng kanyang ina.
"Pero, 'ma, okay lang naman kahit 'di na ako mag-aral."
"Dahil na naman ba ito sa mga naririnig mo? Ilang beses ko bang ipapaintindi sa 'yo? Oo, kaklase ko si mayor noong high school, nanligaw siya sa 'kin, pero wala kaming naging relasyon. Tumutulong lang siya bilang kaibigan. Namamasukan ako 'nak. Hindi ako nakaupo lang sa bahay nila. Pinagpapaguran ko ang kinikita ko. Nakikinig ka mga naririnig mo na chismis, pero ako na sarili mong ina na nagpapaliwanag sa 'yo nang maayos, hindi mo pinakikinggan." Bakas ang pagkadismaya sa tinig ng kanyang ina.
"Nakikinig ako sa 'yo, 'ma." Huminto siya sa pagsasalita. "Hindi pa rin kasi maganda 'ma na gano'n ang tingin nila sa 'yo. Kahit balewalain ko, nakakainis pa rin, eh. Pati si Francis, alam ko ganito rin sa nararamdaman ko ang nararamdaman niya. Sa 'kin niya binubunton ang galit niya, eh. Parang ikaw ang dahilan sa paghihiwalay ni mayor at ng mama niya. No'ng isang gabi, bumili ako ng burger para pasalubong kay Jane, nandon si Francis at mga barkada niya. Inagaw nila ang binili ko, tinapon nila sa basurahan. Tapos gusto nilang pulutin ko. 'Ma, gusto ko na silang patulan. Pero 'ma, lumayo ako. Umiwas ako, 'ma. Ang liit ng tingin ko sa sarili ko, 'ma." Nararamdaman ko ang kalungkutan niya. Nais ko siyang lapitan at yakapin. "Akala ko 'ma okay na, pero sinundan nila ako. Pinagtulungan nila ako, pinagsasapak nila ako. Gusto kong gumanti 'ma, pero naisip kita. Ayaw kong magalit ka sa 'kin ulit 'ma. Kaya tumakbo ako. Tumakbo na lang ako. Pero naabutan pa rin nila ako. Mabuti dumating siya, si Tres. Siya lang ang naglakas loob na tulungan ako." Napahinto si Arjay. "Kung sana, buhay pa si papa, sana maayos tayo ngayon."
"Anak, hanggang ngayon ba..." Narinig ko sa tinig ng kanyang ina ang pag-iyak. "Dala mo pa rin ba hanggang ngayon 'yon? 'Nak, kung nagalit ako sa 'yo no'n, kung nasisi man kita sa nangyari sa papa mo, iyon lang kasi ang magagawa ko 'nak no'ng mga panahong 'yon. Patawarin mo si mama 'nak kung nagalit man ako sa 'yo."
"Hindi ako galit sa 'yo, 'ma. At ang hindi ko mapatawad ay ang sarili ko..."
Naputol ang pakikinig ko nang may humawak sa kamay ko. "Kuya, Tres! Hello po!" masayang bati sa 'kin ni Arjane. "Ang lamig po ng kamay n'yo." Naloko na. "Ano pong ginagawa n'yo dito?"
"Napadaan lang," sagot ko. Classic na palusot sa ganitong sitwasyon.
"Kuya Jay! Kuya Jay, nandito si Kuya Tres!" Patay na.
Paalis na sana ako nang - "Dark?"
"Uy? Musta?" nasabi ko nang lingunin ko siya. Diyos ko naman!
"Tara sa loob," paanyaya niya.
Pumasok ako at naupo sa upuang sofa na gawa sa kawayan. "Magandang gabi, po," bati ko sa mama niya.
"Magandang gabi, Tres," nakangiting tugon nito.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong niya.
"Napadaan lang," sagot ko. Ngumiti siya. May ibang iniisip na naman 'to sigurado. Napangiti na lang din ako. Kahit paano nawala ang bigat ng usapan nila ng kanyang mama. Masaya akong nakangiti siya ngayon.
"Ano nga?"
"Ha?"
"Napadaan ka lang talaga?" Bakit ba ang kulit niya? Nakakaloko niya pa akong tiningnan.
Sige, ito gusto mo. "Gusto kong itanong kung anong desisyon mo sa offer ko sa 'yo? diretsong sabi ko. Napatikhim siya.
"Offer?" tanong ni Aling Nora.
"Gusto ko po kasing kunin si Arjay."
"Kunin?" naguluhang muling tanong ni Aling Nora.
"Ah, 'ma, gusto niya akong kuning tour guide," paliwanag niya. Tiningnan niya ako na parang sinasabi niyang 'loko ka'.
"Magkano naman ang ibabayad mo sa anak ko?"
"Isang libo, isang araw," mabilis na sagot ko.
"Hindi. Napag-usapan namin limang daan lang," singit niya.
"Ano ka ba, sinabi na ngang isang libo." Tiningnan ako ni Aling Nora. "Siya ba magmamaneho?" Tumango ako. "Reasonable lang 'yon. Sige, payag ako. 'Nak, ilibot mo si Tres. Ipapaalam kita sa Uncle Andoy mo na 'di ka muna papasok. Hindi na rin muna ako papasok kina mayor."
"Ma?"
Hinaplos ni Aling Nora ang mukha ni Arjay. "Baka tulad mo, may mahanap din akong ibang mapagkakakitaan. Baka magtindahan ako ulit, para dito na lang ako sa bahay." May nangilid na luha sa mga mata ni Aling Nora.
"At 'yong isa ko pang inaalok?"
"Ano 'yon, hijo?" tanong ni Aling Nora.
"Gusto ko sanang si Arjay ang makasama ko sa bahay," diretsong sagot ko. Tila nasamid si Arjay.
"Nabanggit nga ni Ramon sa akin na naghahanap ka ng makakasama sa bahay. Sa totoo lang, nagtanong nga si Ramon sa 'kin baka puwede si Arjay. Kasi hindi na magbabantay sa bahay si Ramon, makakatulong na siya sa karnehan ni Manoy Andoy."
"Isang libo rin po ang araw," sambit ko.
Tumayo si Aling Nora at hinawakan ang kamay ni Arjane. "Tara 'nak, sabihan natin si Uncle Ramon mo na 'wag na maghanap ng makakasama ni Kuya Tres mo," anito at mabilis silang umalis.
Naiwan kaming dalawa ni Arjay, nakatitig siya sa akin na pailing-iling. "Ang agrisibo mo, ah. Kakaiba ka ngayon. Gusto mong mapalo sa puwet?" Tumayo ako at tumalikod sa kanya, at bahagya akong tumuwad. "Loko-loko," natatawang sabi niya at tinulak ako.
Muli akong naupo kaharap siya. Seryoso ko siyang tiningnan. Pa'no ko ba sasabihin na lahat ay gagawin ko at ibibigay sa kanya, mapasaya lamang siya. Maging bahay at lupa, mga sasakyan, maraming pera, mismong sa oras na 'to ay kaya kung ibigay sa kanya. Ngunit alam kong tatanggi siya at baka lumayo lamang siya sa 'kin. Unti-untiin ko ang proseso, alam kung mamahalin niya rin ako. At alam kong hindi ko siya madadala sa mga materyal na bagay. Dahil siya si Joana, ang Joana ko na mas piniling mamuhay sa kagubatan dahil sa pagmamahal niya sa 'kin.
"Nanliligaw ka na ba?" biglang tanong niya.
"Papayag ka?" tanong ang naging sagot ko. Hindi siya nakasagot, parang gusto niyang bawiin ang tanong niya.
"Para mo na akong binibili sa mama ko," seryosong sabi niya.
Umayos ako ng upo at tiningnan siya ng diretso. "Sabi mo sa akin, huwag kong pakialaman ang bagay na wala akong kinalaman. Pero sana, huwag mong bigyan ng kahulugan ang lahat ng bagay. Huwag kang masyadong mag-isip, relax ka lang, Dark."
Ngumisi siya. "Loko-loko," sambit niya. Nanatili akong nakatingin lang sa kanya. Gusto ko kapag nakangiti siya ng ganyan.
Tumayo siya at lumapit sa 'kin - nakaupo ako, nakatayo siya sa harap ko. Napalunok ako. Buti hindi siya naka-boxer short ngayon. Ginulo niya ang buhok ko. "Hindi kita ituturing na amo," sabi niya.
Tiningala ko siya. Muling napalunok ako. Diyos ko. Bakit biglang bumilis ang pintig ng puso ko sa view na nakikita ko. Nalalanghap ko ang amoy niyang rosas at ang lalaking amoy niya. Naririnig ko rin ang biglang pagbilis ng pintig sa kanyang dibdib.
Biglang nagbukas ang pinto. Mabilis na napatayo ako. "Nag-aaway kayo? Mukhang may galit, ah?" bungad ng pumasok sa amin, si Mengil.
"Wala, ah!" sabay naming tanggi ni Arjay.
Napakunot-noo si Mengil sa reaksyon namin. "Pre, insan, tara tagay tayo. Ubusin natin 'yong tira kagabi. Sina Ante Nora, tumatagay na sila nina papa," alok ni Mengil. Sabay kaming sumang-ayon ni Arjay. "Motor mo pre 'yong nasa labas?"
"Oo," sagot ko kay Mengil.
"Lupit, ah. Ang mahal no'n."
"May motor ka?" gulat na tanong niya.
"Gagamitin natin para sa pamamasyal." sagot ko. Lumabas na kami ng bahay nila.
"Nakuwento sa 'min ni Ante Nora." Umakbay sa akin si Mengil. "Ingatan mo pinsan ko, ah." anito.
Tumango ako. "Oo, siyempre!" sagot ko na akala mo kasintahan ang ibinilin sa akin.
Naramdaman ko ang pagtapik ni Arjay sa puwet ko. "Pasok ko muna motor mo, boss-amo," paalam niya. Natawa na lang ako sa kanya. Pinasok niya muna ang motor bago kami pumunta ng kubo.
"Sabi mo hindi mo ako ituturing na amo?" sita ko sa kanya nang nag-uumpisa na kaming uminom ng alak.
"Hoy, paabot ng baso," biglang utos niya sa akin.
Tinawanan siya ni Mengil. "Sesantihen mo na nga 'yan, pre."
"Walang bunos 'yan," biro ko.
Inakbayan niya ako palapit sa kanya. "Hindi mo matitikman extra service ko," pilyong bulong niya sa 'kin.
Napangisi ako. Pinagmasdaan ko siya nang kumalas siya sa 'kin. Hindi talaga ako makapaniwala na makalipas ang ilang daang taon, ganito ang magiging set up naming dalawa. Isang guwapong binata siya na may malalim na hugot at pinagdadaanan sa buhay, and the same time, ang pilyo niya at hindi siya ilang na ipakita sa 'kin ang side niyang 'yon kahit alam niyang lalaki rin ako na may gusto sa kanya. Pinagtatawanan ko sa loob ko ang aking sarili. Dahil ang bulong niyang birong 'yon, ay may kakaibang dating sa 'kin.
"San, magsyota na raw sina Selena at Troy," sambit ni Mengil.
Nilingon ko si Arjay, napatiim-bagang siya. Tumunga siya ng alak at nagsalita. "Edi wow," sambit niya. Edi wow, pero nasasaktan siya. Nakikita ko 'yon sa kanyang mga mata.
Tumawa ako. Hindi ko napigilang pagtawanan ang sarili ko. Nagtatakang nilingon nila ako. "Edi wow," sambit ko sabay tungga ng alak.
Nagpaalam si Mengil na mauuna na siya, kaya naiwan kaming dalawa. Pangalawang gabi nang ganito. Bakit pakiramdam ko, pagkalasing lang ang lahat. Na kapag nahimasmasan, wala na. Parang ilusyon ang gusto kong mangyari sa aming dalawa. Isinasampal na sa harap ko na iba na siya ngayon, pero parang lasing na hindi pa rin ako tumitigil sa pagtagay ng alak - kahit alam kong sa huli talo ako na bubulagta sa kalasingan, sige pa rin ako dahil alam kong iyon ang magpapasaya sa 'kin. Nararamdaman kong mahal na mahal niya ang dalagang si Selena. Sa loob-loob ko, natutuwa ako na may iba na ito. Ngunit nasasaktan pa rin ako, dahil nasasaktan siya para sa iba. At mapapansin niya ba ako o papansinin niya ba, kung sakaling may ibang Selena na dumating muli sa buhay niya?
Bumuhos ang ulan, tuksong dumating si Selena kasama niya ang binatang si Troy. Naupo sila sa kabilang upuan, katapat ni Arjay si Selana at katapat ko naman si Troy. Nakisilong sila, inabot sila ng ulan sa paglalakad sa tabing-dagat. Inalok sila ni Arjay ng alak na walang salitang sinambit. Nakangiting tumanggi si Selena. Si Troy na kakaiba ang pakiramdam ko ay nakangiting kinuha ang baso at ininom ang lamang alak.
"Kayo na raw?" diretsong tanong ni Arjay sa dalawa bago siya uminom ng alak.
"Isang buwan na," nakangiting sagot ni Troy. Hindi siya makikitaan ng pagkailang. Imposibleng hindi niya alam ang tungkol kay Arjay at sa nobya niya ngayong si Selena.
"Monthsary namin ngayon," dagdag ni Selena. Diretso niyang nasabi iyon sa ex niya.
Gusto kong matawa, pero pinagmasdan ko lang sila. Hindi pumasok sa isip ko na mapapagitna ako sa ganitong awkward na sitwasyon.
"Masaya ako para sa inyo," nakangiting tugon ni Arjay sa dalawa.
Iinom sana ng alak si Arjay, ngunit bigla siyang tumigil. Gano'n din si Selena, huminto ang pagkilos niya. Para silang naka-pause, mistulang laruan na nawalan ng baterya. At maging ako? Hindi ko maigalaw ang katawan ko, ngunit nagagalaw ko ang aking mga mata at gumagana ang aking pandinig, naririnig ko ang hampas ng alon sa dalampasigan.
Nakita ko ang paglapit ng mukha sa akin ni Troy, naging pula ang kanyang mga mata na bigla rin bumalik sa pagiging itim. Malademonyo siyang patabinging nakangiti. "Alam kong nakikita mo ako at naririnig. Naniniwala ka ba sa sinabi niya na masaya siya para sa 'min? Patayin ko na kaya siya?" Nakaramdam ako ng matinding galit sa aking narinig. Pinilit kong gumalaw ngunit hindi ko magawa. Subukan niya lang na dumikit sa kahit dulo ng daliri ni Arjay, pupugutin ko ang ulo niya at babalatan ko ang kanyang katawan! At bibiyakin ko sa gitna at isa-isa kong tatanggalin ang kanyang laman loob! Mas lumapit siya sa 'kin at naramdaman ko ang malakas na puwersa na nagmumula sa kanya. "Alam kong kauri kita, na isang bampira."