Chapter 5: Ang Pader Sa Pagitan Nating Dalawa

2522 Words
CHAPTER 5: Ang Pader Sa Pagitan Nating Dalawa SA MAHABANG panahong nabuhay ako bilang isang bampira, ito ang unang pagkakataon na makaharap ako ng aking kauri. Alam kong hindi ako nag-iisa at nakahanda ako sa tagpong ganito. Pinagmasdan ko ang bampirang si Troy, makisig siyang binata at marahil hindi nalalayo ang edad namin sa isa't isa nang maging bampira siya. Guwapo siya at matipuno, ngunit mapapansin na lamang ang dating ko sa kanya maging si Arjay. Napangisi ako, isang binata na puno ng hangin sa ulo ang nakikita ko sa kanya. "Sa tingin mo, kaya mo ako?" may pangmamaliit na sambit niya. Marahil napansin niya ang pagngisi ko. "May kakayahan ka ba tulad ko?" pagyayabang niya. Tinitigan ko siya sa mga mata. Nagulat siya na may kung anong puwersa na sumasakal sa kanya at napatayo siya. "Telekinetic, iyan ang kakayahan ko," may pagmamalaking sambit ko. Kaming mga bampira, bukod sa kakayahan naming kumilos ng mabilis, maging malakas, maghilom ang sugat, may matalas na paningin, pang-amoy, at pandinig, may natatangi pa kaming kakayahan. At ako, kaya kong magpagalaw ng ano mang bagay sa pamamagitan ng aking isip. Mahirap, ngunit nagawa kong maikilos ang aking katawan. "At mukhang kaya ko rin malabanan ang nagagawa mong kakayahan," pagyayabang ko. Umupo ako nang maayos at nakangiti kong pinaupo siya. Bigla nang kumilos sina Arjay at ang dalagang si Selena na parang walang nangyari. Dama ko ang galit sa mga tingin sa akin ni Troy, ngunit nakangiti siya na parang may pagbabanta. Malamang ang pamilya nila ay mga bampira. At sa palagay ko, walang alam ang mga tao sa baryong ito tungkol sa kanila. Mukhang ang islang ito ay pugad ng mga katulad namin. Hindi ramdom lang na napunta ako sa probinsyang ito ng Catanduanes, mukha ito ay nakatadhana. At hindi lamang upang muli nang magkrus ang kapalaran namin ni Joana. Tila may laban pang kailangan naming pagdaanan. Tumayo si Troy. "Tayo na, babe, tumila na ang ulan," yaya niya sa kanyang nobya. "Ingat kayo," sambit ko sa kanila. Sina Arjay at Selena ay tahimik lang. Nagkatinginan pa sina Arjay at Selena bago umalis ang dalaga kasama ang maangas na nobyo niyang bampira. Naiirita ako sa biglang pagtahimik ni Arjay. Napangiti ako at tuluyang tumawa, at tumungga ng alak. Hindi man ako matatablan ng tama ng alak, ngunit parang nais kong magpakalasing dahil sa nararamdan ko. Selos, ito na marahil iyon. "Nangyari sa 'yo?" tanong niya sa 'kin. Marahil ay napansin niya ang pag-iba ng mood ko. "Kung ano ang nangyayari sa 'yo," sagot ko na diretsong nakatingin sa kanyang mga mata. Marahil nakikita niya rin ngayon sa aking mga mata ang nakikita ko sa mga mata niya na puno ng kalungkutan. Bumuntong-hininga siya at ginulo ang buhok ko. "Sakit 'no?" nakangiting sambit niya. Natawa ako sa patanong na sinabi niya sa 'kin. Pinagtawanan ko ang kaming dalawa. Pero sa totoo lang, gusto kong murahin siya at sigawan. Pero wala naman siyang kasalanan, dahil ako itong hindi bumibitaw. Kaya pinagtawanan ko na lamang ang aming kalagayan. Pareho kaming nasasaktan na walang may kasalanan kundi kami lang din naman. "Hindi pa naman tayo bukas magsisimula ng tour, 'di ba?" tanong niya. "Hindi pa," sagot ko. Tinikpan niya ang kanyang mga mata ng isa niyang kamay. "Nais kong magpakalunod sa alak, Dark." Umiiyak siya. Ayaw niyang makita ko 'yon, ngunit hindi niya napigilan ang kanyang emosyon. Pinatay ko ang ilaw, nabalot ng dilim ang paligid. "Sige lang," mahinang sambit ko. Inalis niya ang kanyang kamay na nakatakip sa kanyang mga mata, at tuloy-tuloy na ang pagdaloy ng kanyang luha. Pinipigilan niyang gumawa ng ingay at akala niya'y maitatago niya sa akin kung pa'no siya nasasaktan. Ngunit naririnig ko siya at malinaw na nakikita sa gitna ng dilim. Matapos niyang ibuhos ang kanyang luha, siya na mismo ang nagbukas ng ilaw at muling tumagay ng alak. Nakangiti niyang tinagayan ako at agad ko namang tinungga ang alak sa baso. Saglit kaming tahimik at nakailang tagay pa. "Na-turn off ka, 'no? Nababakla ka sa iyakin," pabirong saad niya. Napangisi ako sa ginamit niyang salita. Hinawakan ko siya sa kanyang batok. "Mas lalo kitang minahal, Dark," tugon ko sa sinabi niya. Nakangiti niya akong tiningnan. "Wow?" sambit niya kasabay ng pagtapik niya sa kanyang dibdib at pagbuntong-hininga. "Parang talab na sa 'kin, ah? Loko-loko ka, tinatablan na ako sa 'yo, ah." Hindi ko alam kung nagbibiro siya, pero gano'n ang tono niya. Ngunit alam ko rin na sa kailaliman ng kanyang damdamin, may puwang ako ro'n. Dahil siya si Joana, at mahal namin ang isa't isa. "Huwag mong pigilan," nasabi ko. Umakbay din siya sa 'kin. "Kapag gano'n na ang nararamdaman ko, lalayo ako sa 'yo. Dahil hindi puwede." Nakangiti siya at diretsong nasabi sa akin ang mga salitang 'yon. Tila nanlamig ako sa sinabi niya. Para siyang bumuo ng pader sa pagitan naming dalawa. Inalis ko ang pagkakaakbay ko sa kanya at gano'n din siya. Muling saglit namayani ang katahimikan sa aming dalawa. "Dahil lalaki ako?" tanong ko na hindi siya matingnan nang diretso. Mayroon sa loob ko na parang pinapatibay pa ang pader na ginawa niya sa pagitan naming dalawa at itinutulak ako nito palayo sa kanya. "Gusto kong magkaanak, Dark. Gusto kong maging ama at bumuo ng masayang pamilya." Napapikit ako nang marinig ko ang sagot niya. Pinagtatawanan ko ang sarili ko sa loob ko. Tumayo ako. "Ihi lang ako," paalam ko sa kanya. Tinungo ko ang tabing-dagat. Hindi ako umihi, nais ko lang makalayo sa kanya. Dahil nararamdaman ko sa sarili ko na nais kong magmakaawa sa kanyang tanggapin niya na ako. Na mahalin niya ako tulad ng pagmamahal ko sa kanya - tulad ng pagmamahal niya sa akin noon. Ngunit natatakot akong gawin 'yon, dahil baka mapaaga ang paglayo niya sa akin. Naguguluhan na ako sa nararamdaman ko. Dahil meron din nagsasabi sa parte ng utak ko na lumayo na ako at takasan ang kalokohang ito. Dahil pareho kaming lalaking dalawa at mali na ituloy namin ang pagmamahalan namin noon sa panahong ito. Na baka hindi pa ito ang tamang pagkakataon na bigay sa amin ng kapalaran. Na dapat ay hindi pa kami nagtagpo. "Ngunit baka ito na ang huling pagkakataon?" mahinang nasabi ko. Sagot ko sa sarili ko. Dahil sobrang tagal ko nang naghintay. At nararamdaman kong sobra ko siyang mahal sa kabila ng sitwasyon naming dalawa. Kabaliwan man, ngunit kahit magtalik kaming dalawa na kapwa kami lalaki ay magagawa ko sa labis kong pagmamahal sa kanya. Hindi ko pinipilit ang sarili ko, dahil iyon talaga ang nararamdaman ko. Hindi mo mapipili kong sino ang mamahalin mo, kusa itong isisigaw ng iyong puso. Noon sinubukan kong magmahal ng iba, makailang ulit akong nagtangka, ngunit hindi ko maibigay nang buo ang aking sarili. Kaya pa'no ako lalayo, ngayong nandito siya at alam na alam kong mahal na mahal ko siya? Na handa akong ibigay ang lahat sa kanya. Na gagawin ko ang lahat mapasaakin lamang siya. At makakaya ko kayang mabuhay nang maayos sa malayo gayung alam ko kung nasaan siya? Ngunit pa'no kong hindi ka niya mahalin? Pa'no kung wala talaga? Mga katanungan na naman ng parte ng utak ko. "Bahala na," sagot ko sa aking sarili. Diyos ko naman, bakit ganito naman? Nilingon ko siya sa kubo, patuloy ang pag-inom niya ng alak. Napaupo ako sa buhangin at inaliw ang sarili ko sa pakikinig sa musika sa paligid habang ninanamnam ang sariwang hangin. Natutunan ko sa buhay ko, na walang masamang talikuran mo muna saglit ang sitwasyong nagpapahirap sa 'yo, balikan mo na lang kapag okay ka na. May pader na sa pagitan naming dalawa, na kapag pinilit kong akyatin ay maaaring mabasag at kapwa kami masaktan. Hahanap ako ng daan, upang makatawid sa pader at makita siya. Sa ngayon, hahayaan ko muna ang pagiging magkaibigan naming dalawa. Enjoy ko muna siguro ang proseso. Lahat naman nagsisimula sa pagiging magkaibigan. Pero ipaparamdam ko pa rin sa kanya na mahalaga siya - siya lang at wala nang iba. Naramdaman ko ang paglapit niya. Payakap siyang naupo sa likuran ko, pumulupot ang mga kamay niya sa baywang ko at sumandal ang ulo niya sa aking balikat. "Umiihi kang nakaupo," sambit niya sa lasing niyang boses. Amoy na amoy na ang alak sa kanya. "Loko-loko. 'Wag ka ngang ganyan, Dark. 'Wag kang pa-fall at paasa," seryosong pahayag ko. Gusto ko sanang pasumbat ang pagsabi ko no'n sa kanya. "Kanina lang, tinanggalan mo ako ng pag-asa sa 'yo," patampong sita ko sa kanya. "Suko ka na?" "Hindi. Masakit lang." Napabuntong-hininga siya. "Sorry, Dark." Napabuntong-hininga ako. "Okay lang, Dark." Naramdaman ko ang paghinga niya muli nang malalim. "Ang bango mo, Dark," sambit niya. "Pero 'di mo pa rin mahal," pabirong banat ko. Mahinang natawa siya. "Dark?" "Uhm?" Siniksik niya ang ulo niya sa balikat ko. "Sa'yo lang ako komportable nang ganito." Humigpit ang yakap niya sa 'kin. "Salamat at dumating ka sa buhay ko..." Natigilan ako sa narinig ko. "Tang-ina mo," mahinang nasabi ko. Hindi ko napigilang mapamura. Dumaloy ang luha mula sa mga mata ko. Bakit ba ginagawa niya sa akin 'to? Nakatulog siya. Hinayaan kong lumalim ang tulog niya habang nakayakap siya sa 'kin at nakahilig sa likod ko. Binuhat ko siya papuntang kubo at inihiga siya sa pahabang upuan. Masuyo ko siyang pinagmasdan at natutukso akong hagkan siya. Ngunit may takot sa loob ko na baka magising siya at mabasag ko ang pader na maging sanhi nang pagbitak ng lupa at malayo kami sa isa't isa. Umayos ako ng tayo nang may maramdaman akong dumating. "Anong kailangan mo?" tanong ko sa biglang nagpakita, si Troy. Bumalik siya na mag-isa na lamang. "Nauuhaw ako," sagot niya. Inabot ko sa kanya ang bote ng alak na paubos na ang laman. Umiling siya at patabinging ngumiti, at matalim niyang pinukol ng tingin si Arjay. "Siya ang gusto ko. Paghatian natin ang kanyang dugo sa katawan," nakangising sabi niya. Tiningnan ko siya nang masama at tumilapon siya palayo. Mabilis ko siyang sinundan at sinakal sa leeg. Sinakal niya rin ako. Kapwa namin ngayon mahigpit na hawak ang isa't isa na may mga tumubo nang matatalim na kuko na bumabaon sa aming mga leeg. "Mukhang mahalaga sa 'yo ang Arjay na 'yon?" tanong niya. "Wala ka nang pakialam sa bagay na 'yon," sagot ko. Kapwa namin hinawakan ang kamay na nakasasakal sa aming leeg at puwersahan itong binabali upang makawala kami sa isa't isa. Nang pareho nang naiangat namin ang mga kamay na hawak namin, sabay naming itunulak ang isa't isa. At sabay rin na mabilis sumugod at nagsalpukan kaming dalawa. Nagsagutan ang aming mga kamao sa pagsuntok sa mukha at ibang bahagi ng bawat isa. May sipaan at hampasan ng bato pang mahawakan namin. Malawak ang nasasakop ng aming labanan, nagugulo namin ang mga buhangin at nagtatalsikan ang tubig kapag napupunta kami sa dagat. Nasusugatan namin ang bawat isa na agad din naghihilom ngunit may dugong naiiwan kaya duguan na ang aming mga katawan. Nasira na rin namin ang damit ng isa't isa kaya kapwa na kami walang suot pang-itaas. "Buong akala ko ay hindi ka umiinom ng dugo ng tao. Ngunit amoy-amoy ko sa iyong dugo at mga ugat ang kanilang dugo." Hindi ako umimik. "Ano ba ang ipinaglalaban mo?" Natawa ako sa tanong niya. "Loko ka pala, eh. Ikaw ang naghamon at nauna. Tapos ngayon ay tatanungin mo ako?" "Pagkain lamang natin sila. Hindi natin sila kauri. Hindi mo dapat pinoprotektahan ang tulad nila. Dahil mas malulupit sila sa atin. Kapag nalaman nila na iba ka, hindi ka nila bibigyan ng awa hangga't hindi ka nabubura sa mundo!" May galit sa kanyang tinig at naririnig ko ang sama ng loob sa kanyang dibdib. Marahil tulad ko, nakaranas rin siya ng kalupitan mula sa mga tao. Kusang bumalik ang alaala sa aking isipan nang gabing tugisin ako ng mga tao at gabing mamatay si Joana. "Ngunit hindi lahat ng tao ay masama," sagot ko. "At hindi lahat ay mabuti. At lahat ay maaaring maging masama. Kapag nalaman nilang banta ka sa kanilang kaligtasan, papatayin ka nila. At lahat na nilalang ay pumapatay upang mabuhay, ang tao pinakabihasa sa larangang iyon. Lahat ay papatayin nila mabuhay lamang sila nang masagana. Papatay sila para sa kanilang pansariling kapakanan!" Maaaring tama siya at maaaring mali. Lahat tayo ay nais mabuhay. At hindi natin masasabi kung hanggang saan at kung anong mga bagay ang maaari nating magawa upang mabuhay. Maraming direksyon ang tama at mali, at bumabase ito sa pananaw at paniniwala ng bawat isa. Gayun pa man, lagi mong piliin ang gumawa ng tama. "Malupit ang mundo, iyon ang totoo. Ngunit Diyos lamang ang makakapaghusga sa lahat," paunawa ko sa kanya. Ngunit sarado ang isipan ng bampirang kaharap ko. Tinawanam niya lamang ang sinabi ko. "Bampirang naniniwala sa Diyos?" Humalakhak siya. "Diyos ba ang may likha sa atin? Utos ba ng Diyos na 'wag tayong pumatay? Utos ba ng Diyos na gutumin natin ang ating sarili hanggang sa mamatay? Kung may Diyos, bakit marami ang nahihirapan?" Nanlisik at naging pula ang kanyang mga mata. "Kung may Diyos, hindi niya hahayaang mamatay ang inosenteng binatang mahimbing na natutulog sa kubo." Si Arjay ang tinutukoy niya. Mabilis siyang tumakbo papuntang kubo. Hindi ko na nagamit ang telekinesis na kakayahan ko sa kanya sa bilis niya kaya naman sinundan ko na lamang siya at pinilit mahabol. Nagliliparan pataas ang mga buhangin sa bawat pag-apak naming dalawa. Naabutan ko si Troy! Nahawakan ko ang kamay niya na may matatalim na kuko na halos dumikit na sa leeg ni Arjay na mahimbing pa rin ang tulog dahil sa kalasingan. Pinilipit ko ang kamay niya, ngunit nakabawi siya nang mahawakan niya ako sa leeg at inangat. Nauntog ako sa kahoy na nakasuporta sa bubong ng kubo at malakas niya akong hinampas sa buhangin. Umibabaw siya sa 'kin at buong puwersang sinakal ako. Halos nasa uluhan lang kami ni Arjay ngunit wala siyang malay sa nangyayari. Nag-concentrate ako at tinitigan ko nang maigi si Troy, napapatabingi ang kanyang ulo. Buong puwersa ko rin ginagamit sa kanya ang kakayahan kong kumontrol at magpagalaw sa pamamagitan ng aking isip. Napapaangat siya kaya nabigyan ako ng pagkakataon masuntok siya nang sunod-sunod sa tagiliran. Nasasaktan siya sa bawat pagsuntok ko, pero desidedo siyang muling masakal ako nang mahigpit at mas humaba pa ang kanyang mga kuko na bumabaon sa aking leeg. Pinahaba ko na rin ang mga kuko sa kamay ko at buong puwersa kong ibinaon ito sa magkabilang-tagiliran niya. Dumanak ang dugo sa aming katawan at kapwa kami napapasigaw sa nararamdaman naming sakit. Pula na ang aming mga mata at naglabasan ang mga ugat sa buo naming katawan tanda nang paggamit namin ng aming buong lakas. Sabay kaming napatigil ni Troy nang may marinig kaming mga paparating. Agad tumakas si Troy, mabilis siyang tumakbo papalayo. Ako ay mabilis rin na tinungo ang dagat. Naramdaman ko ang hapdi sa aking mga natamong malalim na sugat nang dumampi ang tubig alat sa aking katawan. Natanaw ko ang mga dumating, tatlong lalaking lasing. Hindi ko sila kilala ngunit wala akong bantang nakikita sa kanila. Ininom nila na walang paalam ang tira naming alak. Mga lasenggong pasaway lamang pala. Pero salamat pa rin sa kanila. Nakangiting pumailalim ako sa dagat. Ipinahinga ko ang aking katawan. Ang tunog sa ilalim ng dagat lamang ang aking naririnig. Nakararamdam ako ng kapayapaan sa unti-unting pagbalik ng aking lakas at sa paghilom ng aking mga sugat. Nadagdagan pa at tila mas tumitibay ang pader sa pagitan namin ni Arjay. At mas lalong hindi ako dapat lumayo. Kailangan ko siyang protektahan maging ang buhay ko man ang malagay sa alanganin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD