Ang Sumasabog na Damdamin Chapter 5

7837 Words
CHAPTER 5 Bumangon siya habang dama pa niya ang kakaibang init na iyon na kaniyang naramdaman kanina sa kaniyang panaginip. Nakita niya si Justine na noon ay humihilik ng mahina at walang kumot ang hubad nitong katawan. Nakita niya ang nakatigas na iyon na bahagyang lumabas sa garter ng boxer nito. Oh my!!! Si Mr. Pinkish na kusang nagwawala na para bang nagyaya na malapitan at mahaplusan ito. Kinakabahan siyang tumayo. Dahan-dahang siyang lumuhod sa mismong bahaging iyon ng katawan ni Justine. Nanginginig ang kaniyang mga kamay kasabay ng bilis ng pintig ng kaniyang puso. Kumilos ang nanlalamig at nanginginig niyang kamay at dahan-dahang lumapalit sa bahagyang nakasilip na si Mr. Pinkish. Pinanghihinaan na talaga siya. Sa init na naramdaman niya sa kaniyang panaginip at sa nakikita niya ngayon ay bumibigay na siya. Wala na siya sa katinuan para pigilan ang kaniyang pagnanasa. Tuluyan nang nanikluhod ang lahat ng kaniyang pagpipigil. Ngunit biglang nagkamot si Justine sa tiyan. Dahil sa biglaang paggalaw nito ay nataranta siya. Bigla siyang tumayo. Napaatras at nauntog sa isang nakasabit na bayong na may lamang santol at suha. Natanggal ang bayong sa pagkakasabit nito. Sinikap niyang saluhin iyon at nasalo nga niya ngunit tumapon ang ilang laman nito sa mismong katawan ni Justine na noon ay mahimbing pa ding natutulog. "Anong nang...!" napabalikwas ang naalimpungatang si Justine. Napakabilis nitong nahugot ang baril mula sa kaniyang ulunan. Ikakasa na sana niya ito nang makitang si Liam lang pala lumikha sa ingay na iyon. Napakamot saka niya tinanggal ang ilang santol at suha na naipon sa kaniyang kumot na sa kaniyang paa. Napailing ito saka siya tuluyang bumangon. Kitang-kita pa din ni Liam ang pag-angat ni Mr. Pinkish sa kaniyang boxer short at nang napansin ni Justine ang pagkakadikit ng paningin ni Liam dito ay mabilis siyang tumalikod at inayos niya pababa kahit pa bumabalik ito sa pag-angat. "Ano ba kasing ginagawa mo?" tumingin ito sa pambisig nitong orasan. Huminga ng malalim. "Mag-aalas dos palang ng madaling araw. Hindi ka ba napagod o napuyat sa biyahe?" Kinukusot nito ang kaniyang mga mata. Nang naramdaman niyang umamo na si Mr. Pinkish ay saka siya humarap sa kanina pa natatamemeng si Liam. "Ano ha? Bakit di ka makasagot?" "Wala, kasi kuwan.." "Kasi ano? Huwag mong sabihing balak mo akong takasan?" nakapamaywang si Justine sa harap niya. "Tatakas? Hindi ah. Naiihi lang ako." "Next time, kung may kailangan ka, kung naiihi ka o kahit gusto mong lumabas at magpahangin lang, gisingin mo ako." binuksan niya ang pintuan ng kubo na yari sa kawayan. Noon lang napansin ni Liam na tinanggal pala talaga ni Justine ang may kataasang hagdanan. Lagpas tao ang taas ng kubo at kung lumabas pala siya kanina ay maaring mabalian siya kung magmamadali siyang lumabas at hindi niya napansing natatanggal din pala ang hagdanang yari din sa kawayan. Mula sa nakausling sanga ng punong mangga ay doon naglambitin muna si Justine hanggang sa nakababa ito at muling inilagay ang hagdanan. Kaya pala hindi na siya nito binantayan pa at natulog dahil sigurado naman siya sa kaniyang kaligtasan. "Adda problema manong?" (May problema ba kuya?") tanong ni Boknoy nang ibinabalik na ni Justine ang hagdanan. Sa di kalayuan. Nandoon din ang anim na mga Barangay Tanod sa paligid ng kubo na biglang napabalikwas nang tinapik sila ni Boknoy. Mukhang doon na din sila naglatag at dalawa doon ang nag-uusap pa sa hindi kalayuan na nagbabantay. "Wala Bok. Iihi lang ang Sir Liam mo. Sige mga manong, uncle, pwede na kayong magpahinga sa mga bahay-bahay ninyo. Maaga pa kayo magigising bukas." Malakas na sinabi iyon ni Justine. "Ayos lang kami kaanakan (pamangkin). Salitan naman kami sa pagtulog at pagbabantay. Ngayon lang kami makakabawi sa mga utang na loob namin sa'yo kaya pagbigyan na lang ninyo kaming bantayan namin kayo ni Sir Liam hanggang matapos ang immersion niya dito. Hayaan na ninyong kami naman ang tumulong." Sagot ng Chief Tanod. Dahil sa narinig niya ay lalo nang naging malabo pa na makakatakas siya. Napapailing na lang siyang bumaba sa hagdanan. Biglang gusto siyang alalayan ni Boknoy ngunit hindi niya ito pinansin samantalang tinitignan lang siya ni Justine habang bumaba siya. Alam niyang nakikita nila ang lungkot sa kaniyang mukha. Sa totoo lang mabigat na mabigat talaga ang pakiramdam niya. Una, hindi siya makakatagal sa ganito kahirap na lugar. Hindi niya kaya yung lungkot na walang magawa, yung katahimikan ng paligid na di niya kinasanayan, walang TV, laptop o kahit cellphone man lang. Pangalawa, habang maaga pa, gusto na niyang layuan ang tuksong hatid ni Justine sa kaniyang pagkatao. Ngayon, inaamin niya, pinagnanasaan niya ito at ayaw na niyang umabot pa sa sandaling tuluyan niyang mahalin ang kaniyang bodyguard. Dalawang mabibigat na pagsubok ang kaniyang gustong talikuran ngunit mas umiiwas siya sa pangalawa. Kilala niya kasi ang sarili kung paano siya magmahal at ngayon palang natatakot na siya sa maaring maling ibunga nito lalo pa't sa katulad pa ni Justine na sa tingin niya ay straight at may kasintahan. "Nasaan ang CR?" tanong niya. "Iihi ka lang di ba?" balik tanong ni Justine. Tumango siya. "Diyan, puwede na diyan sa likod ng punong mangga o kaya kung gusto mo doon sa tabi ng sagingan." Nakangiting sagot ni Justine. "Samahan na lang kita sir Liam. Kuya Jazz, ako na lang ho bahalang magbantay sa kaniya." masayang tinuran ni Boknoy ngunit hindi niya ito pinansin. Gusto niyang magreklamo na basta na lang ba siya iihi sa kung saan-saan na parang aso lang pero naiintindihan din naman niya ang sitwasyon. Wala din lang naman patutunguhan pa kung makipagtigasan pa siya. "Sir Liam, tubig ho at sabon. Alam ko kasi kapag umihi ang mga mayayaman laging naghuhugas ng kamay." Nakangiting tinuran ni Boknoy, hawak ang maliit na piraso ng sabong pampaligo at tabo na may tubig. Inabot niya ang tabo, binasa ang kamay saka niya iyon sinabon. Nang natapos siya ay muli niyang ibinigay kay Boknoy ang sabon at tabo. Saka siya ngumiti ng tipid para dito. Iyon na para sa kaniya ay isang pasasalamat. Nang makahugas na siya ay bumalik na siya sa kubo. Dinaanan lang niya si Justine at iba pang mga tanod na nagbabantay sa kanila. Naiirita siya. Akala siguro ng mga tanod ay natutuwa siya sa kanilang ginagawang pagbantay. Kung alam nilang tinutulungan nila si Justine at hindi siya. "Sir, kapit lang ho kayo ng mabuti sa hagdanan at baka mahulog kayo." Pagpapansin ng chief tanod sa kaniya ngunit parang wala siyang narinig. "Good night po sir. See you tomorrow" Malakas na tinuran ni Boknoy ngunit hindi na niya niligon din. Sumunod si Justine sa kaniya. Tulad dati ay narinig na naman niya ang buntong hininga nito. Alam niyang tungkol na naman iyon sa kaniyang inasal kanina. "Binati ka nila, kahit nahihiya silang imikan ka, hindi mo alam kung gaano nila pinag-ipunan ang kanilang lakas ng loob para lang mapansin mo sila ngunit ano ang ginawa mo? Pinahiya mo lang sila." "Nagpapalapad lang naman ang mga iyan para makahingi ng tulong." Sagot niya at saka siya humiga. Huli na nang gusto niyang bawiin ang sinabi niyang iyon. Kaya para makaiwas sa sasabihin ni Justine ay nagtalukbong na lang siya. Naramdaman niya ang pag-upo ni Justine sa kaniyang hinihigaang kama. Sumilip siya at pasikretong pinagmasdan si Justine sa kaniyang paanan. Nakita niya ang lungkot sa mukha nito. Nakatitig lang siya sa gaserang siyang nagsasabog ng liwanag sa kubo. Huminga ito ng malalim. Alam niyang nasaktan siya sa sinabi niya. "Iyon talaga ang masaklap na tingin ng mga mayayaman sa mga mahihirap. Siguro nga, may mga taong mapagsamantala, may mga mahihirap na nagpapalapad para maambunan sila ng tulong o kaya gumagawa ng mabuti sa mga mayayaman dahil naghihintay sila ng kapalit. Ngunit madalas nasa Lungsod yung mga ganoong tao, sanay sa ganoong kalakaran ng buhay. Siguro kasi, wala silang magawa kundi kumapit sa mga maykaya. Malamang din may mga taong gano'n dito sa probinsiya ngunit kilala ko ang mga tao dito Liam, hindi sila mapagsamantala. Nagawa nilang igapang ang buhay nila sa sarili nilang pawis, kumakain mula sa kanilang pagod at wala ni isa sa kanila ang naghihintay lang ng biyaya mula sa mga mayayamang kagaya mo. Iyan ang pinakamasakit na narinig ko mula sa'yo ang husgahan mo ang mga kamag-anak ko. Pinsan ko si Boknoy at kapatid ng tatay ko yung chief tanod na bumati sa'yo. Hindi lang kayo ang naghahangad ng respeto, kami din kahit salat sa buhay ay kailangan din naman kaming irespeto." "Dami mo namang sinabi. Inaantok na ako. Puwede bang tumahimik ka na at matutulog na ako?" singhal niya. Paraan lang niya iyon. Galit ang ipinapakita niya dahil iyon ang gusto niyang maramdaman sana niya. Ngunit sa bawat oras na dumaan, sa bawat mga salitang binibitiwan ni Justine ay lalo lang siya nitong napapasuko. Lumalabas ang kung ano talaga ang nasa kaibuturan ng kaniyang puso. Hanggang kailan kaya niya mapapanindigan ang ganoong pag-uugali? Tahimik na bumalik si Justine sa higaan nito. Tanging mga buntong hininga na lang ang kaniyang narinig. Tumagilid siya sa bahaging malapit at tanaw niya ang higaan ni Justine. Sa pagkakatalukbong niya ay sumilip siya. Gusto niya sanang bago siya igupo ng antok ay makita niya ang magandang kahubdan ni Justine ngunit pinigilan niya ang kaniyang sarili. Naiinis man siya sa gusto ng kaniyang damdamin ngunit kailangang labanan ng isip ang binubulong ng kaniyang puso. Kaya muli siyang tumihaya ngunit kahit hindi niya tinititigan ang katawan ni Justine, naikintal na sa kaniyang alaala ang kahubdan nito at ang nag-aanyaya kaninang si Mr. Pinkish! Tuloy naisip niya, ano kayang nangyari sa kanila kung itinuloy niya yung paghawak niya kay Mr. Pinkish? Susuntukin kaya siya nito? Magagawa kaya siya nitong saktan? Pakiramdam niya kaiidlip palang niya nang biglang may tumapik na sa kaniyang balikat. Nagmulat siya ng kaniyang mga mata ngunit sadyang mabigat pa din ang mga iyon. Sunud-sunod na tilaok ng mga manok ang kaniyang naririnig. Naninibaguhan siya. Walang gano'n sa Malakanyang. Dito lang niya iyon narinig. "Gising na, kailangan na nating pumunta sa bukid para magtanim ng palay." Boses iyon ni Justine. Tinignan niya ang orasan. Alas-singko palang ng umaga. "Ang aga pa ihh! Saka ayaw kong pumunta sa bukid." Singhal niya saka nagkumot. "Anong ayaw mong pumunta? Let me remind you Liam, you are here for your immersion. Mamuhay kagaya ng mga tao dito, magsasaka sila kaya dapat ilagay mo sa sistema mo na sa isang buwan ay magsasaka ka na din. Ngayon sa ayaw mo't sa gusto bumangon ka na diyan at magsisimula na ang araw mo." "Wala kang magagawa kung ayaw ko. Inaantok pa ako kaya puwede ba, ikaw na lang ang pumunta sa bukid kung gusto mo!" singhal niya. "Ahh ganun ba? Sige! Huwag mong hintaying balikan kita dito dahil hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa'yo." "Try me! Basta kung sinabi kong ayaw ko! Wala kang magagawa!" muli siyang tumagilid patalikod kay Justine at nagtalukbong. Umalis din si Justine. Ngumiti siya at muling pumikit. Sa wakas makakatulog na muli siya. Akala siguro ng Justine na 'yan susunod siya sa sinasabi niya? Sino ba siya? Inaantok na siya nang maramdaman niyang parang may pumapanhik sa kubo. Sa tulad niyang gusto pang matulog ay di niya iyon pinansin. Hanggang sa bigla siyang napabalikwas nang naramdaman niya ang biglaang pagsaboy sa kaniya ng maligamgam na tubig. "What the...! Ihhh! Anong ginawa mo! f**k you! Bakit mo ako binasa!" singhal niya. Basa ang kumot, unan at ang buong niyang katawan. Nagtatalon muna siya sa pagkabigla at inis! "May angal ka pa? Gusto mong dagdagan ko pa ng isang drum?" natatawang sagot ni Justine na may hawak na balde. Sa galit niya ay bigla siyang tumayo at inambaan ng suntok si Justine ngunit magaling umilag ang huli. Wala sa mga suntok niya ang tumama hanggang sa hinawakan nito ang dalawa niyang kamay at binuhat siya. Doon sa balikat ni Justine ay para siyang kinatay na baboy. Nang ibinaba siya sa harap ng mesa ay hindi pa din nawawala ang inis niya. Pinulot niya nga isang dos por dos at nang makita ni Justine iyon ay tumakbo na din ito palayo. Pinagtatawanan pa siya kaya lalong siyang nainis. Nagpaikot-ikot sila sa sagingan, hanggang sa hindi na niya mahanap pa si Justine. "Duwag! Naku kapag makita kita tandaan mo, mga mata mo lang ang walang latay!" sigaw niya. Hinubad niya ang basam-basa niyang sando saka nagngingit na bumalik sa kung saan siya ibinaba ni Justine ngunit hindi pa siya nakakalabas sa sagingan nang biglang hinila siya ni Justine at niyakap siya nito. Nagpumiglas siya nang una. Buong lakas niyang tinanggal ang nakapulupot na bisig ni Justine sa kaniyang katawan ngunit sadyang kulang siya ng lakas lalo pa't ramdam din niya ang pagkakalapat ng matikas na katawan nito sa kaniya at ang lalong nagpahina sa kaniya ay ang naramdaman niyang pagkakadantay ni Mr. Pink sa isang pisngi ng kaniyang puwit. Unti-unting humupa ang kaniyang galit, naging inis at nauwi na lang sa pagtatampo. Kahit anong gawin niya ay hindi niya kakayanin sa pisikal na labanan si Justine. Tanggap naman niya iyon at mukhang kahit sa usaping emosyon ay talo parin siya nito. Siya at siya pa din ang magiging talunan at luhaan sa huli. Napilit siya ni Justine na pumunta sa bukid ngunit hindi siya nito mapilit lumusong sa putikan. Kahit hilain pa siya ni Justine, buhatin sa gitna ng taniman ng palay ay hindi siya mapilit magtanim. Maglalakad at maglalakad siya pabalik sa pilapil. Doon lang siya nakaupo at sinusunog ng matinding sikat ng araw ang inalagaan niyang kutis. Ngunit sa pagkakaupo niya doon ay nakita niya ang hirap ng maghapong pinagdadaanan ng mga magsasaka. Siya, nakaupo lang doon sa pilapil hindi siya nakayuko at nagtatanim katulad nina Justine ngunit ang tindi ng sikat ng araw ay hindi na niya halos makayanan, paano ka kaya silang nandoon sa gitna ng putikan at ilang oras nang nakayuko at nagtatanim ng palay. Biglang mula sa kaniyang likuran ay may naglagay ng isang makapal na jacket sa kaniyang ulo kaya naliliman ang iba pang bahagi ng kaniyang katawan. "Baka ho kasi magkasakit kayo, Sir." Nahihiyang sinabi iyon ni Boknoy sa kaniya. Hindi na siya nakasagot pa. Kaagad ding nagsalin ng tubig sa isang plastic na baso si Boknoy. "Uminom na din muna kayo ng tubig nang hindi kayo ma-dehydrate." "Hayaan mo 'yan diyan Bok! Dapat matutunan niya ang mahirap na buhay nang matuto!" sigaw nang noon ay abala sa pagtatanim na si Justine. Lumingon siya kay Boknoy. Tinanggap niya ang iniaalok sa kaniyang tubig. Hinintay niyang lumayo sa kaniya tulad ng sinabi sa kaniya ni Justine. "Pahinga lang din muna ako Kuya Jazz. Sandali lang ho!" sagot nito saka humarap sa kaniya at nakangiti. Noon lang niya napansin na kung hindi lang amoy putik at sunog sa araw itong si Boknoy, lalabas ang kaguwapuhan nito. Itinaas nito ang laylayan ng kaniyang lumang sando at pinunasan niya ang kaniyang noo. Lumitaw ang matikas na katawan dahil na din siguro sa banat ito sa trabahong bukid. Nang napansin nagkatitigan sila ay si Boknoy ang unang nagbaba ng tingin saka ito tumabi sa kaniya. "Masasanay din kayo dito Sir." "Hindi ko kailangang masanay. Hindi ito ang totoong buhay ko. Kahit kailan hindi ako maging magsasaka lang kagaya mo." sagot niya. Mukhang napahiya si Boknoy sa tinuran niya. "Sige ho, sir. Balik na po ako sa pagtatanim." Pagpapaalam nito. Nang tanghali na ay nagkayayaan na sila sa kubo para mananghalian. Ngunit parang wala lang sa kanila ang ilang oras na pagtratrabaho sa tindi ng sikat ng araw. Masaya silang naghugas ng kamay at sa pinagtabi-tabing dahon ng saging ay doon ibinuhos ang kanin at mga inihaw na isda, bagoong at kamatis. Tumabi sa kaniya si Justine at gamit ang kamay nito ay kumuha siya ng kanin at iniumbok nito sa mismong harapan niya. Nagtabi siya ng kamatis at bagoong na nakalagay sa mangkok at inilagay din sa tabi ng kanin. Kukuha pa sana si Justine ng inihaw na tilapya nang nagsalita si Boknoy. "Kuya Jazz, ito na lang ho ang ibigay ninyo kay Sir Liam. Natanggalan ko na 'yan ng mga tinik. Mahirap na kasi kung matinik pa siya." Pagmamalaking inilagay ni Boknoy ang laman ng inihaw na tilapya. "You expect me to eat that, don't you?" "What's wrong?" balik tanong ni Justine. "Yuckkk! Mga hinawakan ninyong pagkain at hindi ko alam kung gaano kalinis ang inyong mga kamay." Nagkatinginan ang mga magsasaka. Namula si Justine at sa totoo lang napapahiya na siya sa inaasal nito sa harap ng kaniyang mga kamag-anak. Gusto sana niyang hangaan nila ang anak ng Presidente. Gusto sana niyang makilala siya ng mga ito na hindi bastos at matapobre ngunit sa ipinapakita niya ngayon ay parang gusto na muli niyang maniwalang wala na ngang pag-asa pa itong magbago. "Kung ayaw mong kumain, e, di huwag. Hindi ka naman pagod hindi ba? So, bakit ka nga pala namin niyayang kumain. Umupo ka lang naman at nanood." "Kuya, hayaan na lang ninyo si Sir Liam." Pagtatanggol ni Boknoy. "Sumosobra na siya Bok. Nawawalan ako ng gana sa inaasal niya." kasabay niyon ng muling pagkuha niya sa kanin sa harap ni Liam at inilagay sa tapat niya. Huminga ng malalim at siya na lang ang kumain sa dapat ay kakainin ni Liam. "Bawat butil ng kanin na ito ay galing sa pawis nila. Kaya kung nandidiri ka dahil nahawakan namin ang kakainin mo, matuto kang pagtiisan ang gutom mo. Ginawa lang namin iyon kasi akala lang namin pagpapakita iyon ng kabutihang loob. Hindi namin naisip na pandidirihan mo pala kami. Saka ka na lang muling magpakaamo pagbalik mo sa Malakanyang ngunit dito, matuto kang makisama." Tumayo si Liam. Dahil outcast siya doon at alam niyang mapapasama pa siya lalo kung sasagot siya ay minabuti na lang niyang lumayo. Nang makakain ang mga magsasaka ay muli silang nagpahinga. Nakaramdam na din siya ng gutom ngunit nag-inarte na siya kanina. Gusto sana niya iyong panindigan. Nakita niyang nakahiga sa papag na yari ng kawayan sina Justine at Boknoy. Tanging lumang butas butas na pantalon ang suot ni Justine samantalang si Boknoy naman ay manipis na sira-sirang short na lagpas tuhod. Tumingin siya sa itinabi ni Justine na pagkain kanina. Hindi nito sinabing para sa kaniya iyon ngunit para kanino naman e, alam naman niyang lahat ay nakakain na. Kanina pa siguro siya napapansin ni Boknoy kaya ito bumangon. Tumingin muna siya sa katabi niyang naghihilik dahil sa pagod bago ito tumayo at kinuha ang pagkain. Lumapit ito sa kaniya na noon ay sinasapo niya ang kumakalam na sikmura. Sa tanang buhay niya, pakiramdam siya magkakasunod na araw na siyang ginugutom ni Justine at sa totoo lang, kahit man hindi niya tanggapin, lumalawak ang kaniyang pang-unawa sa mga kababayan niyang walang makain. Ganoon pala ang pakiramdam. "Kumain ka na sir. Ipinagtabi talaga 'yan ni Kuya Jazz para sa'yo. Alam kasi niyang gugutumin ka." nahihiyang wika ni Boknoy. Tumingin muna siya sa kinahihigaan ni Justine. Sinisuguro nitong hindi siya makita. "Tulog pa 'yan kaya sige na, kumain ka na sir bago siya maging." Bulong sa kaniya ni Boknoy. Mukhang namang madali itong makabasa sa ikinikilos ng tao. Mabilis niyang tinanggap ang iniaalok sa kaniya ni Boknoy na pagkain ngunit wala na namang kutsara kaysa saglit silang nagkatinginan. "Sandali lang at kukuha ako ng huhugasan mong malinis na tubig para makakain ka na." nagmamadaling umalis si Boknoy. Nang kumakain na siya at dahil nakabibingi ang katahimikan sa gitna ng bukid na tanging huni ng mga nagliiparang ibon sa tanghali at pagaspas ng mga nagtatayugang damo ang naririnig niya ay pinagtiisan niyang kausapin ang tahimik na nakaupo sa tabi niyang si Boknoy. "Bakit Boknoy ang pangalan mo?" hindi pinag-isipang tanong. Basta lang may mapag-usapan. Di naman din kasi siya interesado sa sagot. "Borgie ang totoong pangalan ko sir, Boknoy o Bok lang ang tawag sa akin dito sa baryo pero sa mga kaklase ko dati at katrabaho ko ngayon, Borj ang tawag sa akin." Nagulat siya siya. Mukhang mali yata siya. "Ibig sabihin nag-aral ka pala? Nakatapos ka ba?" "Sa tulong ni Kuya Jazz, nakatapos ho ako ng Criminology at isa akong bagong saltang pulis sa bayan habang hinihintay ko yung resulta ng isa ko pang pinapangarap na trabaho. Sana matanggap ako pagkatapos ng ilang mabibigat na trainings kong pinagdaanan. Dahil sinabi ni Kuya Jazz na kailangan niya ang tulong ko to protect you, nag-leave na muna ako sa trabaho ko para kahit papaano ay masuklian ko ang tulong ni Kuya Jazz sa akin." "Pulis ka pala. Okey, ano namang yung inaplayan mong isa pa?" "Saka ko na siguro sasabihin kapag sigurado na ako, Sir. Nakakahiiya naman." "Okey bahala ka. Pasensiya ka na ha. Akala ko kasi, magsasaka ka." "Magsasaka pa din naman ang pamilya ko sir. Mahirap lang din kami pero dahil napag-aral ako ni Sir Justine, ako na din ang tumutulong sa iba ko pang mga kapatid para makatapos. Ako ang unang napagtapos ni Kuya Jazz. Dati, mga pinsan lang naman at kamag-anak ni Kuya Jazz ang tinutulungan niya para makakuha ng scholarship ngunit nang naglaon, dumami ang mga magulang na humingi ng tulong sa kaniya hanggang sa kahit na hindi niya kaanu-ano ay di na niya pinagkaitan ng tulong. Tanging mga panganay na desididong makatapos ang tinutulungan ni Kuya Jazz na makakuha ng scholarship kaya siya ang idolo naming lahat. Nasa anim na kaming mga nakatapos at sa ngayon, ibinabalik namin ang tulong na iyon sa mga sumunod pa naming mga kapatid para makatapos din sila. Paulit-ulit na sinasabi sa akin ni Kuya Justine na dapat daw, magkakamag-anak ang dapat magtulungang umangat. Hindi dapat inaalila o kaya pinagsasamantalahan ang mga kadugo. Hindi ko man alam kung anong mga pinagdaanan niya noong nag-aaral pa siya pero alam kong ginamit niya ang mga pagsubok na iyon sa nakaraan niya para maging inspirasyon niya at magbahagi sa amin ng biyaya. Napakabuting tao ni Kuya Justine sir. Bihirang-bihira na ang kagaya niya. Isang taong akalain ng mga taong hindi nakakakikilala na isa siyang taong likha lamang ng idea ngunit para sa amin dito sa baryo, isa siyang hero, kaya naman mahal na mahal siya ng lahat dito." Tumingin siya sa noon sa gising at nakaupo nang si Justine. Uminat-inat ito saka niya kinuha ang damit na ginamit niyang panlatag sa hinigaan niya. Tumalikod siya. Pilit itinago ang kaniyang pagsubo. Ayaw niyang makita siya nito. Nahihiya siyang ipakitang nilamon niya ang pride niya dahil lang sa kumalam ang kaniyang sikmura. "Kakain ka din naman pala eh, dami mo pang arte." Pagpaparinig ni Justine nang dumaan siya sa harap niya. Nagkatinginan sila ni Boknoy. Kumindat sa kaniya si Boknoy na parang sinasabi ng kaniyang tingin na balewalain na lang niya ang mga banat ng Kuya Jazz niya. Nagpatuloy ang pagdaan ng oras, hindi na muli siya napilit ni Justine na mapalusong siya putikan ngunit may kurot sa kaniyang puso nang nakita niya ang mga batang tumutulong sa kanilang mga magulang na magtrabaho sa bukid. Tanaw niya ang mga iyon sa hindi kalayuan kina Justine. Anong kinabukasan ang naghihintay sa mga batang ito? Sa murang edad nila, imbes na nasa paraalan at nag-aaral ay nasa bukid sila para tulungan ang mga magulang na kumita ng pera. Mga batang babae at lalaki ang mga iyon. Lumapit siya sa kanila habang nagmimiryenda at nilagang saging ang kanilang nilalantakan. Parang sa kanila ay pista na daw iyon. Lumiban daw sila sa klase nila dahil mas kailangan nilang kumita ng pera para makatulong sa kanilang mga magulang. Napalunok siya para mapigilan ang kaniyang luha sa ibinahagi ng mga bata kuwento ng kanilang buhay. Nasasaktan siya para sa kanila. Dumaan pa ang ilang araw at gabi. Lalong lang niyang naramdamana ang hirap ng baryong iyon. Nagtatanim sila ng palay ngunit nilagang kamoteng kahoy ang madalas na nasa hapag-kainan nila. Pinagbebenta kasi nila ang palay na nakukuha nila sa pakikiani para magkapera. Oo nga't may alaga silang baboy, manok at gulay ngunit sa palengke ang bagsak no'n at hindi sa kanilang sikmura dahil may tinutustusan silang mga pangangailangan sa bahay. Ang mga nakikita niyang kahirapang iyon ang patuloy na nagpapamulat sa kaniya sa katotohanang. Mga tagpong tuluyang nagpapalambot sa kaniyang puso. Isang gabi pagkaraan ng tatlong araw niyang pakikipagmatigasan niya kay Justine ay naisipan nitong umupo sa isang bench na yari sa kawayan. NIlagang kamote lang ang ipinakain sa kaniya ni Justine ng gabing iyon. Ang dahilan, bakit daw siya kakain ng masarap kung wala naman siyang ginawa sa maghapon. Gustuhin man niyang pumunta sa tindahan para bumili ng softdrinks o kahit anong makakain ay wala din naman siyang pera. Magkakapera lang daw siya kung makikigapas siya, makikitanim ng palay o mangisda sa kalapit nilang ilog para may pambili siya ng sabon at shampoo. Kinakati siya at pakiramdam niya dumidikit na ang libag sa buo niyang katawan. Hindi na niya nagugustuhan ang amoy putik niyang katawan. Matigas na din ang kaniyang buhok dahil tatlong araw nang bareta na sabong panlaba ang ginagamit niya kapag naliligo sa banyo na tinatakpan lang nila ng nipa. Nakaramdam na siya ng sobrang lungkot. Namimiss na niya ang kaniyang pamilya. Ang magaan nilang pamumuhay. Si Boknoy ang madalas na lumalapit sa kaniya sa tuwing ganoong nag-iisa siya. Sa totoo lang, pinagtitiisan lang niya ito ngunit inaamin din naman niyang nawiwili din siya sa kaniyang mga kuwento kaysa sa tutunganga siyang mag-isa. Tumingala siya sa langit. Parang napakaliwanag ng buwan at mga bituin sa probinsiya. Kumukuti-kutitap pa ang mga ito na para bang isinabog na Christmas light sa himpapawid. Malamig na din ang simoy ng hangin at tanging manaka-nakang huni ng kuliglig at mga palaka sa bukid ang tanging pumupunit sa katahimikan. Pinuno niya ng malinis at preskong hangin ang kaniyang baga. Nakakalungkot lang na kailangan niyang dumaan sa kahirapang ganito. Kung hindi niya lalaruin ang kaniyang baraha ng mahusay, hindi niya makukuha ang loob ni Justine at lalo lang matatagalan ang pamamalagi niya dito. Kung makikipagtigasan siya, lalo lang siya nitong hihigpitan at mahihirapan siyang makatakas sa pinakamadaling panahon. Kailangan niya si Justine, ang pagtitiwala nito at ng mga mamayan sa purok. Kailangan niya si Boknoy para makasangkapan niya sa kaniyang plano. Kapag nakuha na niya ang tiwala ng mga ito, mas madali na sa kaniya ang tumakas pabalik sa Manila. Habang tumatagal, lalo siyang nahuhulog kay Justine. Ilang gabi siyang di na makatulog dahil sa palihim niyang pagtitig sa katawan nito at ang pagbukol ng bumabakat na si Mr. Pinkish. Hirap na hirap na siyang tiisin pa ang kaniyang nararamdaman. Pakiramdam nga niya, hindi na lang init ng katawan ngayon, nahuhulog na siya ng tuluyan kay Justine. Dumating na ang kinatatakutan niya at wala na siyang lakas pa para pigilan iyon. "Hindi ka pa ba inaantok?" tanong ni Justine. Tulad ng nakagawian nito, tanging boxer short lang ang suot nito. Isa pa ito sa kinaiinisan niya. Nanadya yata itong tuksuin siya. Tumango siya. Humalukipkip. Hindi niya alam kung bakit hindi giniginaw si Justine sa suot niyang boxer short lang. Ni hindi siya naalangan na nakahubad sa harap ng ibang tao. Siguro nga, ganoon talaga kadalasan ang mga straight, hindi nakakaramdam ng pag-aalangan na ibuyangyang ang kanilang katawan sa harap ng kapwa nila lalaki. Gusto naman niya iyon, ang laging nakikita ang nakakapanghinang katawan ni Justine ngunit habang tumatagal kasi, lalo lang siyang nahuhulog. Lalo siyang pinanghihinaan. Tahimik na umupo ito sa tabi niya. Tinignan siya saka humawak sa kaniyang balikat. Ang paghawak na iyon ay nauwi sa pag-akbay. Lumapat ang nakadadarang na bisig at katawan nito sa kaniya. Pakiramdam niya nang mga sandaling iyon ay napakaayos ng lahat sa paligid. Ang katahimikan ng gabi, ang malamig na dantay ng hangin sa kaniyang balat at ang maliwanag na kalangitan. Ngunit hindi sila ni Justine. Sa tatlong araw na itinagal niya sa baryo ay lalong sumindhi ang kanilang awayan. Laging nauuwi sa sigawan ang kanilang bangayan, ilang beses na din niyang nasuntok sa katawan si Justine ngunit ni minsan ay hindi ito gumanti. Pinababayaan lang siya nitong pagbuhatan siya ng kamay hanggang sa siya na itong napapagod at nakokonsensiya lalo na kapag nakikita niya ang payapang pagtulog nito sa baba ng kamang tinutulugan niya. Oo, mahal na niya si Justine ngunit kahit gustuhin niya at darang na darang na siya ay alam niyang hindi puwede. Ganoon man ay tumingin parin siya sa mga mata ni Justine. Nakita niya ang parang nakikusap ang mga ito. Naramdaman ni Justine na napakislot si Liam sa ginawa niyang pag-akbay ngunit sa totoo lang, gusto niyang ituring ito bilang isang nakababatang kapatid lang. Gusto niyang intindihin ang pinagdadaanan nito. Hindi kasi talaga madaling mag-adjust ngunit tao din lang siya na minsan, nauubusan ng pasensiya. Ngunit sa gabing iyon na pakiramdam niya ay marami nang mga pagpapahirap ang ipinatikim niya kay Liam ay gusto niyang bumawi. Umaayon naman ang kapayapaan ng gabi at paligid. Sana makapag-usap sila ng masinsinan. Yung pag-uusap na magkaintindihan sila. Sana sa paraang ganoon ay magsisimula ang kanilang pagkakaibigan kahit hanggang dito lang sa probinsiya. Alam naman kasi niyang pagbalik nila sa Manila, may mga sarili na silang buhay, babalik si Liam sa marangya nitong estado at siya ay manatiling bodyguard lang ng First Family. "Puwede na ba kitang kausapin ng masinsinan?" mapagkumbaba nitong sinabi. "Pagkatapos mo akong pahirapan sa pagkain at mga personal hygiene ay lalapit-lapit ka sa akin. Nangangati na ako, nahihirapan tapos lagi mo din lang akong inaaway. Hindi mo kasi ako naiintindihan eh. Madali sa'yo ang buhay na ito kasi kinalakhan mo, paano naman ako? Lahat ng ito sa akin bago." Tumigil siya. Huminga ng malalim. "Pero paano mo nga ba pala ako maiintindihan e, wala ka din naman sa posisyon ko, ipagpipilitan mo siyempre yung sa tingin mo dapat at tama." "Naiintidihan kita Liam. Akala mo lang hindi. Totoong hindi tayo magkasundo, madalas napipikon ako sa'yo o naiinis ka din siguro sa akin ngunit ito yung trabaho ko. Ang ipadama sa'yo ang buhay ng katulad namin. Kung buksan mo lang ang puso at isip mo, sana mas madali sa'yong pagdaanan ang lahat ng ito. Hindi mo ikamamatay ang isang buwang pakikiisa sa mga magsasaka. Kung ako lang ang masusunod, gusto kong manatili ka na lang sa kubo. Magpahinga, matulog at hintayin ang pag-uwi ko ngunit alam nating dalawa kung ano ako sa'yo kaya kahit halos buhatin kita ay kailangan mong pumunta sa bukid kasama ko. Kung may mangyaring masama sa'yo hindi ko mapapatawad ang sarili ko kasi responsibilidad kita. Sana maintindihan mong trabaho kong iligtas ka. I am here to keep you alive kaya kung nasaan ako, dapat nado'n ka din." "Handa ka bang mamatay para sa kaligtasan ko?" Tinapik muna niya ang balikat ni Liam saka siya muling tumitig sa mga mata nito. "Mamatay muna ako, bago may mangyaring masama sa'yo." Hindi niya alam kung bakit lalo siyang tinamaan sa sinabing iyon ni Justine ngunit alam niyang trabaho lang ng binata ang iligtas siya. Walang ibig sabihin ng sinabi niyang iyon. "Gusto ko din sanang humingi ako sa'yo, kahit sa tingin mo, inaapi o inaaway kita, nakikiusap ako na Sir Liam, kailangan ko ang pakikipagtulungan ninyo para na din sa kaligtasan ng buhay ninyo." Sa Malakanyang, hindi niya dapat gawin ang bagay na ito ngunit desperado siyang makuha ang loob ni Liam. Hindi kasi nito alam kung ano ang taktikang gagamitin niya para mapakinis niya ang magaspang nitong pag-uugali. Umaasa siyang kakagat ang pagpapakumbaba niya. Pagod na siyang makipagtaasan dito. Hindi yata siya titino bruskong paraan. Tinanggal niya Liam ang kamay ni Justine. Nadadarang na kasi siya sa int ng katawan nito. Tumayo at nagdesisyong pumanhik na lang sa kubo. Napansin niya ang nakatayong si Boknoy, hindi kalayuan sa kanila na parang nakikinig sa kanilang usapan. Lumingon sa kanila si Boknoy saka ito ngumiti at tumalikod palayo. "Okey din yang Assistant Bodyguard mo ano? Kung nasaan tayo, nando'n din siya. Kung nag-aaway tayo, lagi siyang nandiyan para pagaanin ang loob ko. Mabuti na nga lang talaga nandiyan si Boknoy, kung wala siguro siyang nagpapalakas sa loob ko, noon pa ako tuluyang bumitaw." "Noon pa naman bumitaw ka na talaga, Liam e. Ngunit ako, di kita puwedeng ibalik sa Palasyo na ganyan parin. I still believe the goodness in you kaya naman kahit tuyo na ang pasensiya ko ay pilit kong pinupunan kasi naniniwala akong di talaga ikaw 'yan e. Ewan ko ba, napakalakas kasi ng kutob ko na may kabutihan sa'yo na pilit mong itinatago." Tinamaan siya sa narinig niyang iyon kay Justine. Iba ang naging dating niyon sa kaniya. Noon lang muli siya nakarinig ng mga ganoong salita. Katagang kahit sarili niyang ama ay hindi niya nahintay na sabihin iyon. "Mauna na akong matulog." Mahina niyang pagpaalam. Nakadalawang hakbang palang siya at kahit kinakabahan siya ay lumingon siya sa noon ay nakatayo na ding si Justine. Nagtagpo ang kanilang mga mata. "Good night, Jazz." Hindi sumagot si Justine ngunit inakbayan siya nito at sinamahan hanggang sa kubo na kung saan sila matutulog. Napakalas ng kabog ng kaniyang dibdib nang mga sandaling iyon kasi dama niya ang bisig ni Justine sa kaniyang balikat. Nang umaakyat na siya sa hagdanan ay naroon si Boknoy. "Good night sir Liam." Nahihiya man ngunit lakas loob na sinabi nito kasabay ng kaniyang matamis na ngiti. "Good night Borj." Sagot niya. Gusto na niyang maramdaman ni Boknoy na isa na siya sa mga kaibigan niyang tumawag iyon sa kaniya. Lalong naglikha kay Boknoy iyon ng walang pagsidlang kasiyahan. Si Justine ang nag-ayos ng kaniyang higaan bagay na hindi naman dati nitong ginagawa sa kaniya sa mga nakaraang gabi. Nanibaguhan siya lalo pa't kahit pinigilan na niya itong gawin iyon ay hindi pa din nagpapigil. "Sige na, humiga ka na." Nakangiting sinabi iyon ni Justine at sumunod din naman siya. Nang makahiga na siya ay ibinalot ni Justine ang kumot sa kaniyang katawan. "Pumikit ka na at nang maagang makatulog. Mahaba-habang araw na naman ng pagbibilad mo sa araw bukas. Hirap din ng ginagawa mong panonood sa pilapil ha. Nakakangawit kaya 'yun." "Nang-aasar ka?" "Hindi ah. Sinasabi ko lang yung kakaibang trabaho mo sa bukid." "Matulog ka na nga din. Inaasar mo pa ako ih!" "Babantayan na muna kita. Dito lang ako sa tabi mo." malambing nitong sinabi. Sa mga ipinakita ni Justine na iyon ay lalo lang siyang nahuhulog dito. Kinaumagahan ay nagulat si Justine nang magising siyang wala si Liam sa higaan nito. Mabilis niyang tinungo ang bahaging iyon ng kubo kung saan niya itinago ang pitaka at cellphone ni Liam. Naroon pa din naman ang mga iyon. Sa mga nakaraang umaga, kahit kasi tanghali na ay ayaw pa din itong magising, kailangan pa niyang takutin iyon sa pagdadala ng isang baldeng tubig para lang ito tatayo ngunit asahan niyang mumurahin muna siya o itutulak bago ito tatayo sa kaniyang higaan. Minsan lang niya iyon nasabuyan ng tubig, hindi na naulit pa kasi siya na ang kusang tumatayo kapag winiwisikan niya ng tubig ang mukha nito. Nasaan kaya 'yun? Hindi kaya tumakas na ito? Nagmamadali na siyang bumaba. "Bok, nakita mo si Liam?" tanong niya kay Boknoy na noon ay naglalakad papunta sa malaking bahay nina Boknoy na yari sa boho at cogon. Doon kasi sila nag-aagahan bago pupunta ng bukid. "Wala ba siya sa kaniyang higaan?" nagtatakang tanong din ni Boknoy sa kaniya. "Wala e. Paano kung may nangyari doon? Kailangan ko siyang sundan. Hindi pa siguro iyon nakakalayo." Mabilis siyang pumunta kung saan nakatali si Damulag. "Hoy, Jazz! Saan ka pupunta? Halika na muna, sabayan mo na kaming mag-almusal." Nang lingunin niya ang pinanggalingan niyon ay nakita niya ang nakangiti at bagong Liam. May hawak pa itong sandok. "Ano ba! Tinakot mo ako! Di ba kabilin-bilinan kong gisingin mo ako?" huminga ng malalim si Justine kasunod ng pag-akbay niya dito. "Nagluto ako ng masarap na agahan natin. Inutang ko pa ito sa tindahan. Sabi ko, babayaran natin bukas kung may bayad na ako sa pakikiani mamaya." Pagmamalaki ni Liam. "Talaga lang ah. Makikiani ka na? magkakasya kaya ang kikitain mo sa inutang mo sa tindahan." "E kung kulang, may pera naman ako sa pitaka kong itinago mo e." "Anong niluto mong agahan?" malambing at nakangiting tanong ni Justine. Gusto niyang ilayo sa usapan ang pitaka. "Halika sa loob." Hinila ng nakatawang si Liam ang di makapaniwalang si Justine. isa-isa niyang binuksan ang mga natatakpang pagkain sa hapag-kainan. "Diyaran! Scrambled egg, meat loaf at sinangag!" Dahil doon ay nagkatinginan ang gising nang nanang at tatang ni Boknoy at mga kapatid nito. Sa kanila kasi sila pansamantalang nakitira. Napakamot si Justine sa nakita niya. Tumingin siya sa Tiya Mameng niya na nanang ni Boknoy. "Ayaw niya akong palapitin sa kusina. Tinulungan ko lang siyang sindihan ang kalan kasi di raw niya alam magpaapoy sa gatong na kahoy." Kinagat niya ang kaniyang labi. Ayaw niyang matawa o kaya sirain ang magandang gising ng First son. It's the effort that counts. "Aba, mukhang masarap ang agahan ah! Ano pang hinihintay natin? Attack!" sigaw ni Boknoy. Naunahan tuloy siya nito. "Oo nga, galing naman nang nagluto." Dagdag na lang ni Justine sabay tapik sa balikat ni Liam. Magkatabi silang umupo at humarap na din ang mga kapatid at mga magulang ni Boknoy na nakangiti. Kumuha muna si Justine ng sinangag, "scrambled egg" daw at ang nangingitim na meat loaf. "Sarap nito, Bok, di ba?" nakangiti niyang sinabi just to compliment Liam's effort. "Aba, masarap talaga 'yan, mukhang sunog lang kasi di ko alam hinaan ang apoy." Pagmamalaki ni Liam. Sabay na sumubo si Justine at Boknoy. Nakatingin si Liam sa kanila. Umaasa siyang nagustuhan nang mga ito ang kaniyang unang pinatikim na luto. Kitang-kita niya ang pagbago ng mukha ni Justine. Sumubo pa ng sumubo ng kanin nang maisubo niya ang scrambled egg saka siya ngumiti. Si Boknoy naman ay agad na uminom ng tubig. "Ansarap! The best scramble egg and meat loaf ever!" wika ni Justine habang puno ang bibig nito ng sinangag. Nagthumbs up pa ito. "Talaga? Naks naman. Lagi ko na kayong ipagluluto ne'to" Nakangiting sagot ni Liam. Pagkatapos ay siya naman ang sumubo sa niluto niya. Ngumuya. Natigilan. Nagbago ang ekspresyon ng mukha. Nalasahan niya ang sunog kaya mapait na bawang sa sinangag, ang sobrang alat na scrambled egg at matigas at mapait-pait ding meat loaf. "Excuse me." Pagpapalam niya saka siya nagmamadaling pumunta sa kusina. Doon sa hugasan ay iniluwa niya ang sinubong nilutong pagkain. Lumabas siya ng bahay na hiyang-hiya. "Saan na pumunta 'yun?" bulong nI Justine kay Boknoy. "Baka nagtampo kasi naman pang-asar ka din eh. Sana di ka na lang nagcomment na the best yung niluto niya." pinipigilan ni Boknoy ang matawa ngunit mabilis din siyang lumabas para sundan ang napahiyang si Liam. Ilang sandali pa ay pumasok na muli si Liam. Tahimik pa din ang lahat. Tinitiis pa ding kainin ang niluto niya. Sayang naman kasi kung di pagtiisan. "Excuse me po." Mabilis na pinagkukuha ni Liam ang pinggan ng mga kumakain. Natigilan ang lahat sa ginawa niyang iyon. Nakatingin lang sila sa kanya. Nagtataka. Nasasayangan sa mga pagkaing nasa hapag-kainan na noon ay itinabi at mukhang itatapon na lang niya. "Sa labas na lang tayo kakain. Paseniya na." paghingi niya ng dispensa. Nagtataka pa din silang lahat ngunit sumunod pa din sila sa kahiligang niya. Paglabas ni Justine ay naabutan niya ang mga iba pa nilang kapitbahay na nagtitimpla ng kape habang nakahain ang maraming tinapay, puto at kutsinta. Lahat nahihiya at wala ni isang gustong gumalaw sa nasa mesang yari sa kawayan na pagkain. Tumabi siya kay Boknoy. "Sinong bumili diyan?" Inginuso ni Boknoy ang noon ay di mapakaling si Liam. "Saktong magdeliver sana ng paninda ang panadero diyan sa tindahan. Pinakyaw niya ang paninda nito at nagtawag pa siya ng mga kapitbahay. Tinipon niya lahat dito sa isnag kondisyon, magdala sila ng mainit na tubig. Hayan pati kape, asukal at coffeemate siya na din ang sumagot. Pinigilan ko dahil nakakahiya sa kaniya ngunit ayaw paawat." Lumapit si Justine kay Liam. Sumunod naman ang napapangiting si Boknoy. "Saan ka kumuha ng pinampakyaw mo dito?" tanong niya. "Pinautangan ko muna siya para daw makabawi sa mga kapurukan natin." Bulong ni Boknoy. Kumindat lang si Liam. "Utang ko 'yan no. Magababayad din ako. Kung di ko kikitain sa bukid, mayaman na muli ako pagkaraan ng isang buwan. Bakit may problema ka?" Umiling na lang si Justine. Hindi man niya naiintindihan ang ginagawang ito ni Liam ngunit nando'n na. Mas mainam naman itong ipinapakita niya ngayon kaysa sa mga nakaraang araw. May topak kaya ang First Son? "Sige po. Kumuha na ho kayo ng puto, tinapay o kutsinta. Pagkakaalam ko ho, kinakain yang mga 'yan at hindi tinititigan lang." nakangiting tinuran ni Liam dahilan para magtawanan ang lahat. Halatang nahihiya silang kumuha. Nakikiramdam kung anong nakain nito at biglang nagbago. Para hindi makaramdam ng hiya ang mga ito ay sina Justine at Boknoy na utang kumuha. Nagsunuran na din ang lahat. Hindi maintindihan ni Liam ang sayang nararamdaman. Hindi na din kailangang hilain pa ni Justine si Liam para pumunta sa bukid nang umagang iyon. Noon kasi ay kailangan naman nilang makigapas ng palay. Binigyan siya ni Boknoy ng gagamitin sa pang-gapas at malaking sumbrero. Para daw hindi siya kakatihin sa dahon ng palay ay pinag-jakcet siya at pinasuot ng manipis na lumang pantalon. Tinuruan siya ni Justine na gumapas ng palay. Nagkakangitian pa sila at natatawa sa mga korning jokes ni Boknoy noon habang sinimulan ang paggapas. Dahil hindi siya marunong ay nakailang balik na ang mga katabi niya ngunit siya hindi pa niya nararating ang dulo ng hilera ng palay na kaniyang ginagapas. Kalat ang mga kumpol ng palay. Tagaktak siya ng pawis at sumasakit ang kaniyang likod at balakang sa kayuyuko. Hanggang sa dahil inaasar na siya at hindi makalayo ay sinubukan niyang bilisan. Kailangan niyang magpakitang gilas. Hanggang sa di sinasadyang nahiwa ng "kumpay" ang kaniyang hinliliit. Sumirit ang dugo. Nanginginig siya nang makita niyang umaagos na ang dugo at di niya alam kung ano ang gagawin niya. "Jazz! Nasugatan ako!" maluha-luha nitong sigaw Mabilis na nag-unahang lumapit sina Justine at Boknoy sa kaniya. "Tumawag kayo ng doctor. Dalhin naman ninyo ako sa hospital bago ako maubusan ng dugo." Maluha-luha niyang pakiusap sa dalawa. "Isubo mo yung hinlilit mo. Sige na, para tumigil sa pagdurugo." Bilin sa kaniya ni Justine ngunit nandidiri siya sa ideyang iyon. "Ayaw mo ba?" tanong muli ni Justine. "Ayaw ko! Ayaw kong mamatay, dalhin na kasi ninyo ako sa hospital please!" nagsisigaw na siya dahilan para mapatingin ang ilang mga nakikigapas. Dahil hindi na mahintay Justine na gawin iyon ni Liam ay pikit mata niyang kinuha ang hinliliit nito at siya na ang sumubo. Natigilan siya. Dama niya ang mainit na labi ni Justine na sumisipsip sa kaniyang daliri. Nawala ang nerbiyos niya. Napalitan ng pagkakilig. "Tama na 'yan kuya Jazz. Kailangan nating talian para mas matigil ang pagdurugo niya." natatarantang wika ni Boknoy. Nang hinawakan ni Justine ang palad niya at nakita nilang dalawa ang sugat ay muling nagkangitian ang magpinsan. Ayaw talaga nilang pinahalatang OA lang talaga ang First Son. Kinakagat ni Boknoy ang kaniyang labi para hindi bibigay ang kaniyang pinipigilang halakhak habang tinatalian ang sugat mula sa pinunit niyang laylayan ng kaniyang sando. "Hindi ba ninyo ako ipa-oospital?" "Tinignan mo ba ang sugat mo?" "Hindi, pero di ba nakita naman ninyo ang dugo?" Hindi na napigilan ng dalawa ang pigil na hagikgik. "Pinagtatawanan ninyo ako e, nasugat na nga lang ako!" "May tumatawa ba, tumatawa ka ba Kuya Jazz?" tanong ni Boknoy. "Ako? Tumatawa? Hindi ah!" ngunit naluluha na siya sa pagpigil sa sarili. Hanggang sa di na kinaya ni Boknoy ang sarili. Tumalikod ito at humagalpak na ito ng tawa na sinundan na din ni Justine. Padabog na tumalikod si Liam. "I hate you both!" singhal nito. Mabigat ang kaniyang mga pang lumayo. Bago siya tuluyang makalayo ay nilingon muna niya ang dalawa. Saglit na tumigil ang mga ito ngunit nang muling tumalikod ay muli silang nagtawanan ng malakas. Kinabukasan, araw ng Linggo. Iyon ay araw ng pahinga sa mga magsasaka kaya bago sumikat ang araw ay tumabi si Justine sa higaan niya. Nag-unan ito sa kaniyang tiyan saka siya kiniliti para magising. "Ano ba! Napagod ako sa bukid ih!" kunyari ay naiinis siya ngunit sa totoo lang kinikilig siya ng sobra. Malambing si Justine sa lahat, alam niya iyon ngunit ang maglambing sa kaniya ng ganoon pagmulat niya ng kaniyang mga mata sa umaga ang lalong tuluyang nagpahulog sa kaniyang damdamin. "Bangon na. Dapat mag-enjoy din tayo habang nandito pa." "Mamaya na!" mahina niyang sagot ngunit hindi sumusuko si Justine. Kiniliti siya ng kinilita hanggang sa nakipagkilitian na din siya. Kapwa sila walang damit at boxer short lang ang suot nilang pareho. Nagkikiskisan ang mainit-init at matigas nilang katawan. Walang gustong mapatungan kaya halos nagkakayakapan na sila pagulong-gulong sa yari ng kawayang kama. Hanggang sa napapasigaw na si Liam sa di mapagilang pagtawa dala ng sobrang kiliti. Hirap siyang makahinga. Namumula na ang maputi nitong mukha at nakita iyon ni Justine. "Suko naahhhh!" tanong nang noon ay nakapatong na si Justine. "Oo nahhh! Suko na akooohh!" sagot ni Liam. Nakataas pa ito ng kamay tanda ng pagsuko. Ibinagsak ni Justine ang kaniyang katawan sa tabi ng humihingal na si Liam. Hapo siya sa pakikipagkulitan. Bumalik sa alaala niya si Jay na pinsan ng kasintahan niyang si Janna. Unti-unting naglaho ang ngiti nito sa labi. Naalala niya bigla si Jay kay Liam. Ganoon sila noon magharutan. Kasunod iyon ng paghugot ng niya ng malalim na hininga. Hindi pala talaga niya kayang kalimutan ang pangyayaring iyon sa kaniyang buhay. Napansin ni Liam ang biglang pagkawala ng ngiti sa labi ni Justine. Tumabi siya dito at sa magkalapat ang kanilang ulo sa iisang unan. Tinignan niya si Justine. Iniharap din ni Justine ang kaniyang mukha sa kaniya. Halos magkabunggo na ang kanilang mga ilong. Lumakas ang kabog ng kaniyang dibdib. Matagal niyang pinangarap na maglapat ang kanilang labi. Noon pa niya pinipigilang halikan ito. Ilang gabi nang gusto niyang nakawan ng halik ang mapupulang labing iyon ni Justine at ngayon, parang hindi na niya kailangan pang magnakaw. Nararamdaman niyang doon na din mapupunta ang lahat. Napalunok siya. Dahan-dahan na niyang inilalapit ang mukha niya sa mukha ni Justine. Hindi pa din tumitinag ito. Parang hinihintay lang siya na gagawa sa unang hakbang. Hinihintay lang kaya nitong ilapat niya ang kaniyang labi sa naghihintay at nag-aanyaya nitong labi? Kung susugal ba ako ng maipananalo ko kaya ang pagmamahal ko sa kanya? Sasaluhin ba niya ako kung malaman niyang nahulog na ako sa kaniyang pagmamahal? Matutunan niya kayang mahalin ang kagaya ko? Note from the Author: Kung gustong mabasa ang buong nobelang ito... follow me at http://www.dreame.com/ Hanapin lang po ang account ko: Joemar Ancheta and pls Follow me
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD