CHAPTER 5

2442 Words
HINDI pa man nagsisimula ang araw ay parang pagod na pagod na si Jena. Hindi siya masyadong nakatulog kinagabihan. Hindi rin siya excited pumasok sa araw na iyon dahil iyon ang araw na ma-aasign siya kay Woody.           “Jena!” napalingon siya nang marinig niya ang pagtawag sa kaniya ni Aya. Base sa ekspresyong sa mukha nito ay may importante itong sasabihin sa kaniya. “Ang bruhang si Lettie magle-leave hindi sinasabi sa atin,” sabi nito.           Bahagya siyang napaderetso ng upo sa sinabi nito. “Ha? Bakit daw siya magle-leave?” takang tanong niya.           “Ewan ko nga eh,” sagot ni Aya.           Noon naman lumabas sa opisina ni Mrs. Ramos si Lettie. “Huy bakit ka magle-leave na babae ka?” magkapanabay pang tanong nila ni Aya dito. Himbis na sumagot ay ngumiti lang ito at lumakad patungo sa cubicle nito. Nagkatinginan sila ni Aya at magkasabay na sinundan ito.           “At bakit ganiyan ka makangisi ha? May inililihim ka sa amin ano? Napapansin ko na na parang may iba sa iyo Lettie. Umamin ka nga, may boyfriend ka na no? Ang aura mo lately ay kulay pink e,” sabi ni Aya rito.           Nanlaki ang mga mata ni Lettie at namula pa ang mukha. Patunay na tama ang hinala nilang magkaibigan. “P-paano mo napansin?” tanong pa nito.           Napasinghap siya sa sinabi nito. “So totoo!” malakas na sabi ni Aya. Sa pagkataranta nito ay natakpan nito ng kamay ang bibig ni Aya. “Aya ang ingay mo!” saway nito. Muntik na siyang matawa sa reaksyon nito. Inalis ni Aya ang kamay ni Lettie sa bibig nito at muling nagtanong. “So, hanggang kailan mo balak ilihim sa amin ang love life mo? Magkaibigan ba tayo ha?” Ngumiwi si Lettie. “H-hindi naman sa inililihim ko. Hindi lang ako makakuha ng tiyempong sabihin,” paliwanag nito. Siya naman sana ang magtatanong nang biglang lumabas ng opisina nito si Mrs. Ramos.  “Ms. De Guzman, halika sandali. Pupunta tayo sa Design Department para sa sinasabi ko sa iyong magiging trabaho mo temporarily,” tawag nito sa kaniya. Napatayo siya. Gusto niyang pagalitan ang sarili niya na bigla siyang kinabahang makaharap muli si Woody. Pero hindi niya iyon maaring ipahalata sa amo niya at sa mga kaibigan niya dahil hindi naman alam ng mga ito na magkakilala na sila ni Woody bago pa ito maging head ng Design Department. Kaya tumingin siya sa mga kaibigan niya at pilit na ngumiti. “Sige, maiwan ko na kayo ha,” aniya sa mga ito at sumunod kay Mrs. Ramos. Habang tinatahak nila ang daan patungo sa opisina ni Woody ay paulit-ulit siyang humihinga ng malalim. Nang huminto si Mrs. Ramos sa harap ng pinto sa pinakaloob ng departamentong iyon at kumatok ay nahigit niya ang hininga. “Come in,” narinig niyang sabi ni Woody sa loob ng silid. Binuksan ni Mrs. Ramos ang pinto pero hindi ito pumasok. “Mr. Sandejas, sinamahan ko lang dito si Miss De Guzman,” sabi nito at nilingon siya. Sinenyasan siya nitong pumasok sa loob. Muli siyang huminga ng malalim at pumasok na nga. Nakita niya si Woody na nakatayo at bahagyang nakasandal sa lamesa nito. Nakatingin ito sa panig nila kaya nang mapatingin siya rito ay agad na nagtama ang mga mata nila. Hindi nakaligtas sa paningin niya ang bahagyang pag-angat ng gilid ng mga labi nito bago inalis ang tingin sa kaniya. “Thank you Mrs. Ramos. I’ll take it from here,” sabi nito sa boss niya na nagpaalam na at isinara ang pinto sa likuran niya. Naiwan silang dalawa doon. Tumikhim siya. “Well, Sir, I am Jena De Guzman. I will be your temporary secretary until you find one,” pormal na pakilala niya rito upang iparating dito na purely professional na dapat ang maging relasyon nilang dalawa. Dumeretso ito ng tayo at ngumiti. Pagkuwa’y lumakad ito palapit sa kaniya at huminto sa harap niya. “Then, let’s work hard together from now on Jena,” sabi nitong inilahad pa ang kamay. Saglit siyang napatingin sa kamay nito bago iyon tinanggap. Tila may humalukay sa sikmura niya nang bahagya nitong pisilin ang palad niya at hindi iyon agad pakawalan. Napaangat ang tingin nito sa kaniya. Malawak na ang pagkakangiti nito. “Now, for a start, come with me,” sabi nito at walang sabing hinatak siya palabas ng opisina nito.   MAANG na napatingin si Jena kay Woody nang balewalang abutan siya nito ng tray at hatakin patungo sa counter ng cafeteria nila. “Hindi pa ako nag-aalmusal kaya kumain muna tayo. Let’s also use this chance to get to know each other and the nature of our work,” sabi nito habang tumitingin ng mga pagkain. Hindi na siya nagreklamo at pumili na lang din ng pagkain. Hindi pa rin naman siya nag-aalmusal. Pero ang hindi niya maintindihan ay kung bakit ang isang head ng department na tulad nito at anak mayaman daw ay kumakain sa cafeteria na kung tutuusin ay para sa mga tulad niyang normal na empleyado. Gusto niya iyong itanong pero alam niyang ngayon ay wala siya sa posisyong gawin iyon. Afterall, amo na niya ito. Nang matapos silang magbayad sa counter ay tumayo pa ito sandali doon at matagal na iginala ang tingin para pumili ng mauupuan. Hindi nakaligtas kay Jena ang tinging ipinupukol sa kanila ng mga empleyadong nag-aalmusal din doon partikular kay Woody. Hindi naman niya masisi ang mga ito dahil talaga namang mahirap ignorahin ang presensya nito. Ang kaso, hindi rin niya magawang ignorahin ang mga curious na tingin ng ilan sa kaniya. Marahil ay nagtataka ang mga ito kung bakit kasama siya ng binata. Kating-kati na siyang sabihin kay Woody na sa pinakadulong lamesa na lang sila pumuwesto. Ngunit bago pa niya magawa iyon ay nagsimula na itong lumakad. Makakahinga na sana siya ng maluwag. Pero nanlaki ang mga mata niya nang ilapag nito ang tray nito sa pinakagitnang lamesa at balewalang umupo sa isang silya doon. Pagkuwa’y nilingon siya nito at ngumiti. “This way Jena,” tawag pa nito sa kaniya. Mukhang balewala rito ang atensyong nakukuha nila. Napabuga siya ng hangin at mabilis na lumapit dito. Umupo siya sa katapat nitong silya at iniwasang tumingin sa paligid nila. Nang sulyapan niya ito ay bahagya siyang napaatras nang makitang nakatitig ito sa kaniya. “B-bakit ganiyan ka makatingin?” hindi nakatiis na tanong niya rito. Malawak itong ngumiti.  “You look funny when you’re uncomfortable,” sabi nitong halatang aliw na aliw. Naningkit ang mga mata niya nang may marealize siya sa sinabi nito. “So, sinasadya mong mapansin tayo ng mga empleyado dahil alam mong naiilang ako ganoon ba?” mahinang akusa niya rito. Hindi nawala ang ngiti nito. “That’s because I don’t understand why you are so scared to be seen with me by the employees,” sagot nitong walang halong guilt. Pagkuwa’y nagsimula itong kumain. Manghang napatitig siya rito. He is a devil with a face of an angel. Hindi ako makapaniwalang may ganitong klase ng lalaki sa mundo! Obvious kasi na binu-bully siya nito. Ito ba talaga ang mabait na lalaking in-offer ang hotel room nito sa kaniya? Ang lalaking kumportable siyang nakakuwentuhan kahit wala siyang ibang alam dito kung hindi ang pangalan nito? “You are so different from when I first met you,” hindi niya napigilang isatinig. Muli itong napatingin sa kaniya. “Huh? Have we met before?” painosenteng tanong nito. Muli ay napamaang siya rito. Sa paraan ng pagtingin nito ay para nitong sinasabi sa kaniya na “Hindi ba ikaw ang nagsabing hindi pa tayo nagkikita?” Mariin niyang naitikom ang bibig niya sa pagpipigil ng inis. Ang sarap sapakin ng lalaking ito. Huminga siya ng malalim at itinuon na lang ang atensyon niya sa pagkain. “Fine. Whatever,” aniya na lamang. Madali siyang magkaka-wrinkles kung pagtutuunan niya ng pansin ang obvious na pang-iinis nito.   BUKOD sa pagiging bully ng bago niyang boss, wala namang ibang maipipintas si Jena dito. Katunayan ay sa loob ng ilang araw na pagiging sekretarya nito ay hindi niya maiwasang humanga rito. Masyado itong maraming ginagawa tulad ng pakikipag-meeting sa kung kani-kaninong malalaking kliyente na personal nitong hinahawakan, paggawa ng presentations para sa board of directors at sa ibang kliyente na rin, pagre-review ng lahat ng dati ng designs ng kumpanya at pagre-revise niyon. Pero kahit napaka-busy nito ay hindi niya ito naringgan ng kahit isang reklamo. Propesyunal din ito makiharap sa lahat pagdating sa trabaho kahit sa kaniya.  “Jena, hindi ka pa ba uuwi?” tanong sa kaniya ng isang empleyado. Sa sinabi nito ay napatingin siya sa wristwatch niya. Alas sais na ng gabi. Pagkuwa’y napasilip siya sa salaming bintana ng private office ni Woody. Nakayuko pa rin ito sa mga papeles na nasa harap nito at mukhang wala pang balak tumayo roon. Alam niya na kapag nagpaalam siya rito ay hahayaan na siya nitong umuwi at pagkatapos ay hindi na niya alam kung hanggang anong oras itong mananatili sa opisina nito gaya ng ginagawa nito ng mga nakaraang araw. Inalis niya ang tingin dito at bumaling sa kausap niya. “Mamaya pa ako,” nakangiting sagot niya. Isa-isa ring nagpaalam sa kaniya ang iba pang staff doon. Nang wala nang tao ay muli niyang sinilip si Woody. Mukhang abala pa rin ito. Napabuga siya ng hangin at tumayo. Dumeretso siya sa pantry at nagtimpla ng kape. Pagkatapos ay kumatok siya sa opisina nito at binuksan iyon. Nang mag-angat ito ng tingin ay bahagya siyang ngumiti. “Coffee?” aniya rito at iniumang ang dala niya. Tila noon lamang ito natauhan at dumeretso ng upo. “Yes, thank you.” Lumapit siya rito at inilapag sa gilid ng mesa nito ang tasa ng kape. Nang silipin niya ang mga nasa lamesa nito ay nakumpirma niyang mga previous designs iyon ng Valencia Furnitures. “I think you need to take a break first sir,” aniya rito. Napatingin ito sa wristwatch nito. “Oh, it’s late already,” usal nito na mukhang nawala na talaga sa isip ang oras. Pagkuwa’y bumaling ito sa kaniya. “Then if you want to go home you can go Jena. Thank for the coffee by the way,” sabi nitong kinuha ang tasa ng kape at sumimsim doon. Mukhang nasarapan naman ito base sa ekspresyon sa mukha nito. “Okay lang naman sa aking mag-overtime. Sabihin niyo lang sa akin kung ano ang pwede kong gawin para mapadali iyang ginagawa niyo,” aniya rito. Napahinto ito sa muling akmang paghigop ng kape at tiningala siya. Hindi siya nag-iwas ng tingin. “I am your secretary. Kung mag-oovertime ka hindi ba dapat mag-oovertime din ako? At least kapag tinulungan kita mas maaga ka makakauwi,” giit niya pa. Inilapag nito sa lamesa ang kape nito at napahawak sa batok nito. “Kung mag-oovertime ka kasi gabi ka na makakauwi. Delikado para sa isang babae ang nasa labas ng gabi. Nag-ko-commute ka pa naman,” paliwanag nito. Natigilan siya sa sinabi nito. Ang ibig sabihin ba noon ay nag-aalala ito sa kaniya kaya ayaw siya nitong gabihin? Hindi niya naiwasang bahagyang mapangiti. “Okay lang ako. Nag-oover time din naman ako dati. Besides, wala rin naman akong gagawin pag-uwi ko kung hindi matulog kaya tutulungan na kita,” aniya rito. Muli ay tinitigan lang siya nito. Nagbuga ito ng hangin at mabait na ngumiti. “Fine. Thank you Jena,” sabi nito. Natatandaan niya na ganoong ngiti at tono ang gamit nito sa kaniya noong unang beses silang magkita. Hindi rin tuloy niya napigilan ang sariling gumanti ng ngiti. Pagkatapos niyon ay tinulungan niya ito sa ginagawa nito. Dahil nagkaroon siya ng pagkakataong makausap ito tungkol sa trabaho ay lalo niyang nalaman na nakakabilib talaga ang takbo ng utak nito. Namamangha na lang siya sa mga ideya nito. Mag-aalas nuwebe na sila natapos. “Ihahatid na kita dahil gabi na and don’t even dare to argue Jena,” sabi nito sa kaniya nang nakapag-ayos na siya at nakalabas na sila ng opisina. Napabuga na lang siya ng hangin dahil wala na rin naman siyang lakas na makipagtalo pa rito. Isa pa deep inside ay nakaramdam siya ng tuwa sa concern nito. “Fine.” Nakita niya pa ang pagngiti nito. “Good. Dapat pala lagi kitang pinapagod para nagiging masunurin ka,” pabirong sabi nito. Inirapan niya ito na ikinatawa nito. Pagkuwa’y napamaang siya rito nang bigla nitong iangat ang kamay at bahagyang pisilin ang pisngi niya.  Marahan nitong inalis ang kamay nito sa mukha niya, his fingers softly touching her skin in the process. May tila kuryenteng nagmula sa mga daliri nito na biglang kumalat sa pisngi niya patungo sa iba’t ibang bahagi ng katawan niya. Bigla ring sumasal ang pintig ng puso niya. “You know what, may nakalimutan akong sabihin sa iyo noong nagkita tayo ulit dito sa Valencia. Tinakbuhan mo kasi ako kaya hindi ko nasabi sa iyo.” “Ano iyon?” tanong niya. Naging affectionate ang ngiti nito habang nakatingin sa kaniya. “I’m really, really glad that I saw you again Jena.” Napatitig siya rito. Tila may mainit na kamay na humaplos sa dibdib niya sa sinabi nito at sa nakikita niya sa mga mata nito. She was touched. Bago pa siya makapag-react ay muli na itong nagsalita. “There, nasabi ko na. Tara na nga ihahatid na kita. Mukhang magsasara na rin ang guwardiya dahil tayo na lang yata ang tao dito,” sabi nito. Nagulat siya nang walang sabing ginagap nito ang kamay niya at hinatak siya palabas ng building nila. Napatitig siya sa magkahugpong nilang mga kamay habang naglalakad sila. Masarap sa pakiramdam ang init na nagmumula sa kamay nito. His big and strong hand also gives her a sense of comfort and security. Kailan ba niya huling naramdaman iyon? O kung pakaiisipin pa niya, naramdaman na nga ba niya iyon sa buong buhay niya? Wala siyang maalala. Napakurap siya nang maramdaman niyang pinisil nito ang kamay niya. “Hey, are you alright?” tanong nitong nakapagpaangat ng tingin niya. Noon lamang niya namalayan na nasa tapat na pala sila ng kotse nito. Nang mapatingin siya rito ay may bahid ng pag-aalala ang mukha nito. Napahinga siya ng malalim. Bakit ba bigla siyang nagiging sensitive sa lalaking ito? “W-wala. Let’s go home,” nasabi na lamang niya. Ipinilig niya ang ulo dahil hindi niya alam ang sagot doon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD