“NASILAYAN niyo na ba iyong bagong head ng Design Department? Parang gusto kong lumipat sa department na iyon!” kinikilig na sabi ng isang officemate nila Jena. Dahil wala pa ang immediate boss nila at maaga pa naman ay nagkukumpulan ang mga staff sa isang panig ng opisina nila.
“Mukhang may bagong kakikiligan ang mga empleyado maliban kay Mister President,” sabi ni Aya na nakaupo sa swivel chair nito at pinagulong iyon palapit sa cubicle niya.
Tumingin siya rito at pagkatapos ay sa mga officemates nila. Matagal nang usap-usapan na ang magiging bagong head ng Design Department na matagal-tagal nang OIC lamang ang namumuno ay isang genius furniture designer na nag-aral pa sa Amerika. Wala silang ideya kung paano nakakilala ng ganoong klase ng tao ang presidente nila pero matagal na ring hinihintay ng mga empleyado ang pagdating nito. At kanina nga ay dumating na raw ang taong iyon.
“Nakita mo na ba siya Aya?” curious na tanong niya. Napapaisip siya kung talaga bang kayang makipagsabayan nang itsura ng lalaking iyon sa kanilang celebrity boss na si Damon Valencia.
“Hindi pa nga eh. Tingnan natin mamayang lunch?” nakangiting tanong nito.
Napangiti siya. “Sige. Lettie, sasama ka?” tanong niya kay Lettie na abala na sa pagbubukas ng computer nito habang mahinang nagha-hum ng isang kanta.
Nang lumingon ito sa kanila ay matamis pa itong ngumiti. “Okay,” sabi nito.
Nagkatinginan sila ni Aya at magkapanabay pang muling bumaling kay Lettie. Kapansin-pansin ang pagiging blooming nito na para bang may nagbago rito. Samantalang kailan lamang ay tila problemado ito.
“There’s something fishy going on Lettie’s life that she’s not telling us,” hindi niya napigilang ibulong kay Aya.
Ngumisi si Aya at bahagyang lumapit sa kaniya. “I think she’s in love. At mukhang reciprocated ang feelings niya dahil kung hindi, hindi siya ganiyan kaganda,” ganting bulong ni Aya.
Nagkatinginan silang dalawa. “Kailangang mapaamin natin siya,” magkapanabay na bulong pa nila. Pagkuwa’y nagkatawanan sila.
“Anong pinag-uusapan ninyong dalawa diyan?” takang tanong sa kanila ni Lettie.
“Wala,” natatawa pa ring sagot niya.
PAGDATING ng lunchbreak ay hindi na nagtaka si Jena kung halos lahat ng mga babae sa opisina nila ay nagmamadaling makalabas ng opisina. Lahat ay gustong mabistayan ang itsura ng bagong head ng Design. At siyempre kasama silang magkakaibigan doon. Hindi naman sila iyong tipong gaya ng ibang empleyado na kaya excited ay umaasang mapansin ng lalaki. Masyado silang realistic na magkakaibigan para doon. Curious lang talaga sila at marunong umappreciate ng magandang lalaki.
“Asan na kaya siya?” tanong ni Aya habang palinga-linga sa entrance ng cafeteria.
“Tingin niyo ba kakain iyon sa cafeteria?” tanong ni Lettie sa kanila.
Sumipsip muna siya ng juice bago nagsalita. “Kaya nga dito tayo pumuwesto sa lamesang malapit sa entrance para kung hindi siya dito pupunta makikita pa rin natin siyang dumaan sa lobby,” paliwanag niya. Glass wall kasi ang nagpapagitan sa cafeteria nila at sa malawak na lobby.
Tumango-tango ito at muling itinuon ang pansin sa pagkain. Halatang hindi ito interesado. Hindi na siya nagtaka dahil talaga namang walang interes si Lettie sa mga ganoong bagay.
“Teka, iyon na yata siya,” biglang sabi ni Aya. Medyo nagkaingay din ang mga empleyado doon. “Naku, mukhang naunahan na tayo ni Mrs. Ramos ah. Siya ang kasama,” patuloy ni Aya.
Napalingon na rin siya sa labas ng cafeteria at hinanap ng tingin ang sinasabi ni Aya. Napamaang siya nang ang makita niyang ang kasama ni Mrs. Ramos na naglalakad patungo sa cafeteria ay walang iba kung hindi si Woody!
Mukha itong kagalang-galang sa suot nitong polo na nakatupi hanggang siko at slacks. Ang buhok nito ay itim na itim at tila kay sarap haplusin na hindi gaya ng ibang mga lalaki roon na halatang naka-gel ang buhok. Ang mukha nito ay tulad ng dati na napakasarap pagmasdan. Para itong anghel na hinulog sa lupa.
“In fairness guwapo nga,” usal ni Aya.
Natauhan siya nang marinig ang boses ng kaibigan niya. Ipinilig niya ang ulo niya. Kung ganoon ay si Woody pala ang pinag-uusapan ng mga empleyado. Hindi na siya nagtaka na pinagkakaguluhan ito.
Nakatingin pa rin siya rito nang bigla itong mapabaling sa panig nila. Bahagya siyang napaatras sa kinauupuan niya nang magsalubong ang mga mata nila. Biglang kumabog ang dibdib niya kaya agad siyang yumuko at inabala ang sarili sa pagkain. Ano ba namang reaksyon iyon?
“He’s looking this way. Di kaya nagagandahan siya sa atin?” natatawang tanong ni Aya.
Nagkunwa rin siyang natatawa pero hindi ibinabaling ang tingin kay Woody. “Baka,” nasabi na lang niya.
“Kaso hindi ko siya type,” sagot ni Aya na inalis na ang tingin sa lalaki at tumingin na sa kanila.
“Bakit naman?” tanong ni Lettie. Maging siya ay iyon din dapat ang itatanong kay Aya.
“Well, unang-una, he’s so much younger than us. Hindi ba nga sabi kanina ng officemates natin twenty four lang siya? Masyado siyang bata para sa akin at ayokong matawag na sugar mommy ng ganito kaaga no,” paliwanag nito na bahagya pang tumawa.
Hindi niya maiwasang sumang-ayon sa isip niya sa sinabi nito. Kahit pa kasi sabihing age doesn’t matter, kahit siya ay maiilang kung ang lalaki ay di hamak na mas bata sa kaniya. Tulad ni Aya, mas gusto rin niya ng lalaking mas matanda sa kaniya dahil nga ang gusto niya sa lalaki iyong mature at kayang humawak ng responsibilidad.
“Isa pa, anak mayaman siya. Halata sa kilos, itsura at mannerism niya na kahit kailan hindi niya naranasang maghirap sa buhay. Tingnan niyo nga sa amerika nag-aral. E mas gusto ko ng lalaking self-made at aware sa paghihirap ng mga normal na tao na gaya natin. Kaya hindi ko siya type,” sabi pa nito.
“Pero kung mayaman naman siya bakit dito siya sa cafeteria kumakain ngayon?” tanong ni Lettie.
Nagkibit balikat si Aya. “Baka gusto niyang makita talaga siya ng mga empleyado. Tingnan mo bukas niyan mahirap na hagilapin iyan.”
Sa sinabi nito ay hindi niya naiwasang muling mapasulyap sa panig ni Woody. Nakaupo na ito at si Mrs. Ramos sa isang lamesa at tila may pinag-uusapan habang kumakain. Hindi niya alam kung makakahinga ba siya ng maluwag o ano sa kaalamang hindi naman niya ito makikita palagi kahit na sa iisang kumpanya na sila nagtatrabaho.
Ganoon ang iniisip niya nang bigla na naman itong lumingon sa panig niya. Maagap na nag-iwas siya ng tingin. Aksidente lang ba na palaging nagtatagpo ang mga paningin nila? O nahahalata nito na tingin siya ng tingin dito kaya napapatingin din ito sa kaniya? Nakakahiya siya! Kaya kahit ilang beses pa siyang nagka-urge na sumulyap dito ay hindi na niya ginawa.
YOU are really going to ignore me huh? Hindi maiwasan ni Woody ang makaramdam ng inis nang sa huling pagtatama ng mga mata nila ni Jena ay mabilis na naman itong nag-iwas ng tingin. Halatang halata sa mukha nito na umiiwas ito sa kaniya. At kung siya siguro ang tipo ng taong maiksi ang pasensya ay baka kanina pa siya lumapit sa lamesang inookupa nito at hinatak ito palayo sa lugar na iyon.
Kahapon pa siya nagpipigil na kuwestyunin ito sa ikinikilos nito. Nang makita niya ito kahapon ay akala niya namamalikmata lamang siya. Akala niya kasi ay mahihirapan siyang mahanap ito dahil bigla na lamang itong umalis ng hindi nagpapaalam sa kaniya at walang iniwang kahit ano. Nang magising siya noon sa hotel room niya na hindi niya ito mahagilap ay may panghihinayang siyang nakapa sa dibdib niya. At nang makita niya ito kahapon habang nagpapaalam siya kay Damon ay nakaramdam siya ng tuwa.
Ngunit sa labis na pagkamangha niya ay sinabi nito sa kaniya kahapon na kalimutan na niya ang pagkakakilala nilang dalawa. Hindi niya makuha kung bakit ganoon ito. Sa buong buhay niya, wala pang babaeng nakipag-usap sa kaniya ng ganoon. In fact, mas sanay siya sa mga babaeng kahit ilang minuto lang niyang nakakasama ay palaging ipinagmamalaki na malapit daw ang mga ito sa kaniya. But it seems that Jena doesn’t want to have anything to do with him. Somehow, that pisses him off big time.
“So Mr. Sandejas, kayo ba ang pipili o ako na ang magrerecommend sa inyo ng magiging temporary secretary niyo?” tanong ni Mrs. Ramos.
Muli siyang napatingin sa may edad na babae. Ito ang head ng General Affairs Department at sinabi ni Damon, na siyang presidente ng kumpanya at direktang naghire sa kaniya, na dito siya humingi ng tulong para makakuha siya ng temporary secretary niya.
“Well, may tiwala naman ako sa kung sino man ang ire-recommend niyo Mrs. Ramos,” sabi na lang niya rito at muling sumulyap sa panig nila Jena. Tumayo na ang mga ito. Base sa direksiyong tinatahak ng mga ito ay madadaanan ng mga ito ang lamesa nila. Hinintay niyang tumingin itong muli sa kaniya pero nakalampas na ang mga ito at nakita na niyang tumingin sa kaniya ang dalawang kasama nito ay ni hindi ito bumaling sa kaniya kahit isang segundo. Muli ay bahagya siyang nakaramdam ng inis dito. Hindi ba nito alam na kaya lamang siya doon kumain sa araw na iyon ay dahil nagbabakasakali siyang makikita niya ito? Pero hayun ito at iniignora siya.
“Ah, wait Miss Mendez, Miss De Guzman at Miss Padillia,” biglang sabi ni Mrs. Ramos. Huminto sa paglalakad ang tatlong babae at tumingin kay Mrs. Ramos. Maging si Jena ay napilitang humarap sa kanila. “Mabuti na ring nandito kayong tatlo. This man here is Mr. Woody Sandejas. He is the new head of the Design Department. Naghahanap siya ng temporary secretary at kayong tatlo ang balak kong irekomenda sa kaniya. Sa inyong tatlo siya ang pipili kung sino ang gusto niyang magtrabaho para sa kaniya,” patuloy nito.
Noon napalingon sa kaniya si Jena. Bakas ang pagkagulat sa mukha nito. May pumitik na ideya sa isip niya. Bahagya siyang napangiti. “I’m looking forward on working with one of you,” aniyang kay Jena nakatingin. He has the satisfaction to see her flustered. Akala yata nito mapapalampas niya ang ginagawa nito sa kaniya. Nagkakamali ito.
GUSTO ng magpapadyak ni Jena sa kinatatayuan pero dahil nasa harap siya ni Mrs. Ramos ay nanatili na lamang siyang nakatayo. “I beg your pardon ma’am?” tanong niya rito. Nagbabakasakali siyang nagkakamali lamang siya ng dinig.
“As I have said Miss De Guzman, ikaw ang napili ni Mr. Sandejas na maging temporary secretary niya. Bukas sasamahan kita sa kaniya para mai-orient ka sa dapat mong gawin. This is a good opportunity for you. Kapag nagustuhan niya ang performance mo ay baka ma-promote ka pa bilang permanent secretary niya. So do your best,” sabi pa nito.
Hindi na siya nagkaroon pa ng pagkakataong magprotesta. Nagpaalam na siya rito at mabigat ang loob na lumabas ng opisina nito. Ano bang plano ng Woody na iyon at siya pa ang napili nitong maging sekretarya nito? May hindi siya magandang pakiramdam sa magiging bagong trabaho niya. Naramdaman na niya iyon kanina sa cafeteria nang makita niya ang kakaibang ngiti sa mga labi ni Woody noong ipakilala sila ni Mrs. Ramos dito.
Nang makabalik siya sa cubicle niya ay wala nang masyadong tao doon. Oras na kasi ng uwian. Si Aya ay nakita niyang bitbit na ang bag. “Jena, mauna na ako sa iyo ha? May pinapabili si mama sa akin eh. Dadaan ako ng supermarket,” paalam nito sa kaniya.
Ngumiti siya. “Sige. Si Lettie?” tanong niya. Hindi na niya makita ang kaibigan niya.
“Nauna na. Lately parang laging nagmamadaling umuwi iyon eh. Hula ko may date iyon. Bye Jena,” muling paalam nito at humalik pa sa pisngi niya bago umalis.
Nangingiting nag-ayos na rin siya ng gamit niya. Mabilis na lumakad siya patungo sa sakayan niya. Tulad ng dati ay mukhang mahihirapan na naman siyang makasakay. Ngunit hindi pa man siya nagtatagal doon ay may pamilyar ng kotse na biglang huminto sa harap niya. Napaatras siya nang bumaba ang salamin niyon at makita niya ang mukha ni Woody.
Ngumisi ito. “Ano iiwasan mo na naman ako? Think again Jena,” sabi nito.
Napabuga siya ng hangin. “Bukas pa kita magiging boss. Bakit ka huminto?” tanong niya rito.
Pinakatitigan siya nito. “Mahirap sumakay diba? Ihahatid na kita,” alok nito.
Manghang napatitig siya rito. “Why would you do that?”
Nagkibit balikat ito. “I am trying to be kind to you as your future boss,” sabi nito. Pagkuwa’y bigla itong ngumisi. “You’ll never know this might be the last time I will show this kindness. Samantalahin mo na. Besides, hindi rin naman ako aalis dito hangga’t hindi ka pa nakakasakay. Maaabutan tayo ng ibang mga empleyado dito kung hindi ka pa sasakay at alam kong ayaw mong mangyari iyon dahil magtataka sila kung ano ang mayroon sa atin,” malumanay na paliwanag nito pero nakikita niya sa kislap ng mga mata nito na seryoso ito.
Mariin niyang naitikom ang bibig. May hindi talaga siya magandang pakiramdam sa mga ikinikilos nito. Para siya nitong binabantaan na magiging miserable ang mga susunod na araw niya.
“So? Make up your mind already Jena. I think I see employees coming,” sabi pa nito na nakangiti pa rin.
Sa sinabi nito ay mabilis na siyang lumapit sa sasakyan nito at pabalang na pumasok sa loob. Narinig niya ang bahagyang pagtawa nito. Inis na binalingan niya ito. “Bakit ba enjoy na enjoy kang gawin ito?” tanong niya.
Pinaandar na nito ang sasakyan nito at itinaas na ang salamin niyon. “This is your punishment for telling me to forget that we met before,” sabi nito.
Muli ay napamaang na lang siya sa sinabi nito. Hindi na naman niya masundan ang takbo ng isip nito. Umaakto ito ng ganoon dahil lang sinabi niya ritong kalimutan nito ang mga nangyari sa kanila? Bakit?
“If you still don’t get it huwag mo ng masyadong pag-isipan,” pukaw nito sa kaniya at bahagyang sumulyap sa kaniya. “I will make you understand… soon.”
Wala siyang naapuhap na isagot sa sinabi nito. Napamaang na lang siya rito. Hanggang sa nasa biyahe na sila ay hindi na siya nakapagsalita pa.
“SALAMAT sa paghahatid sa akin, pero hindi mo na kailangang bumaba pa ng kotse mo okay?” hindi nakatiis na sabi ni Jena kay Woody habang naglalakad siya palapit sa pinto ng apartment niya.
“I’m just curious kung ano ang itsura ng apartment mo,” balewalang sagot nito.
Napabuga siya nang hangin nang nasa tapat na siya ng pinto at marahas na nilingon ito. Kung makasunod ito sa kaniya ay para bang napakanatural lamang iyon sa pagitan nila. Natatandaan niya na ganoong ganoon ito umakto noong unang beses na nagkita sila. “Ang hirap mong intindihin sa totoo lang Woody,” sumusukong sabi niya.
Huminto ito at tumitig sa kaniya. Pagkuwa’y ngumiti ito. “This is the first time you called my name since that night,” sabi nitong mukhang walang balak pansinin ang sinabi niya.
Muli ay napabuga siya ng hangin at inalis ang tingin dito. Kinuha niya ang susi ng bahay niya mula sa bag niya at binuksan ang pinto. “Iba na talaga ang takbo ng isip ng mga bata ngayon. Ang g**o,” naiiling na bulong niya sa sarili. Pagkuwa’y bumaling siya paharap kay Woody upang pauwiin na sana ito.
Naumid ang dila niya nang bigla itong lumapit sa kaniya at isandal siya sa pader. Inilapat nito ang palad nito sa pader sa bandang gilid ng mukha niya at pinakatitigan siya. Bigla nawala ang tila anghel na itsura nito. “Age doesn’t have anything to do with this Jena. Hindi ibig sabihin na mas bata ako sa iyo babalewalain mo na ang mga ginagawa ko,” seryosong sabi nito. Napalunok siya. Bago pa siya makapagsalita ay huminga na ito ng malalim at bahagyang ngumiti. Pagkatapos ay lumayo ito sa kaniya at dumeretso ng tayo. “Next time ko na sisilipin ang loob ng apartment mo. See you tomorrow,” sabi nito at tumalikod na.
Tulad ng ilang beses na nilang engkuwentro mula ng malaman niyang sa iisang kumpanya na sila magtatrabaho ay napasunod na lamang siya ng tingin dito. Para itong bagyo na paiba-iba ang ruta, magulo. At may pakiramdam siyang mula bukas ay kailangan na niyang masanay sa ganoong takbo ng utak nito.