CHAPTER 6

2755 Words
KATULAD noong huling inihatid si Jena ni Woody sa bahay niya ay hindi ito pumayag na hindi siya nito samahan hanggang sa tapat ng pintuan niya. Gusto daw nitong masiguro na nasa loob na siya ng apartment niya bago siya mawala sa paningin nito. Nabuksan na niya ang pinto nang muli niya itong lingunin upang sana ay magpaalam. Ngunit nang mapatingin siya sa mukha nito ay parang ayaw pa niya itong umalis. “Ahm, gusto mong magkape muna?” naitanong niya bago pa niya napigilan ang sarili. Matagal itong napatitig sa kaniya na halos lukuban na siya ng hiya bago ito ngumiti. “Sure. Pwede mo na rin bang samahan ng makakain? Ayaw mo kasing mag dinner tayo sa labas eh. Nagugutom na talaga ako,” anito sa magaang na tinig. Napangiti na rin siya. “Okay. Pero sandwich lang ang kaya kong ipakain sa iyo ha?” aniya rito at tuluyan nang pumasok sa loob ng apartment niya. Nilawakan niya ang pagkakabukas ng pinto upang makapasok ito. Binuksan niya ang ilaw at inilapag ang bag niya sa sofa. “Sandali lang at gagawa ako ng sandwich at magtitimpla ng kape,” aniya rito. Dumeretso siya sa kusina. “You have a nice place. Very homey at halatang babae ang nakatira,” komento ni Woody na hindi niya namalayang nakasunod pala sa kaniya. Nilingon niya ito pagkatimpla niya ng kape. Inilapag niya sa lamesa ang tasa. “Siguradong kumpara sa kinalakihan mo at tinitirhan mo ngayon, napakasimple lang nitong bahay ko,” aniya rito. Tumawa ito at umupo sa isang silya doon. “Yes, it is very different. Dahil nasa interior designing ang linya ng mga magulang ko ay mas mukhang show room ang bahay na kinalakihan ko kaysa tirahan. Dapat maingat sa kilos dahil baka may masirang display at furnitures na daang libo at minsan ay milyon pa ang halaga. So, I never felt at home. Hindi gaya dito sa bahay mo na isang tingin pa lang alam ko ng personal na ikaw ang nag-ayos. Halata ring ginagamit ang lahat ng kasangkapan. It has a warm feeling to it,” sabi nito. Tiningala siya nito at ngumiti. “I’m sure you will be a very warm homemaker,” dagdag nitong ikinainit ng mukha niya. Alam niya kasing katumbas ng sinabi nito ay magiging mabuti siyang asawa at sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay bigla siyang nahiya. Tumikhim siya. “I hope so. Ah, ang sandwich mo pala,” nasabi niya at mabilis na kumilos upang gawan ito ng makakain. “Lagi bang sandwich lang ang kinakain mo sa gabi? O nagluluto ka pa pag-uwi mo?” tanong nito nang inihain na niya rito ang gawa niyang sandwich. Nagkibit balikat siya at umupo sa katapat nitong silya. Nagtimpla na rin siya ng sarili niyang kape. “Kapag maaga akong umuuwi oo. Pero dahil madalas naman akong nasa date after work kaya nakakakain ako sa labas kaya pag-uwi ko matutulog na lang ako,” aniya rito sabay higop ng kape. Nakita niyang natigilan ito at napatitig ito sa kaniya. “You always go on a date?” tanong nito. “Yes. Blind dates actually. Hindi naman na ako bumabata kaya tingin ko hindi masama kung magbakasakali akong makita ko ang lalaking hinahanap ko ng ganoong paraan. Hindi rin naman ako heroine sa romance novels na kahit hindi naghahanap ay bigla na lamang nakikilala ang lalaking para sa kaniya in the most extraordinary way. Kaya ako na ang humahanap sa kaniya,” aniya rito.Naging kumportable na siya magsalita sa harap nito. Bigla pakiramdam niya ay bumalik sila sa panahong nag-uusap sila sa loob ng hotel room nito. Hindi nito inalis ang tingin sa kaniya. “So, nahanap mo na ba siya?” maingat na tanong nito. Muli ay nagkibit balikat na lamang siya. “Sa ngayon wala pa akong nakikilalang pumasa sa mga ideals ko.” “Bakit ano bang ideals mo?” Napatitig siya rito. Bahagya siyang nailang nang makita ang kislap ng kaseryosohan sa mga mata nito na agad ding nawala. “What’s with the questions?” tanong niya rito na bahagyang tumawa upang palisin ang pagkailang na iyon. Ito naman ang nagkibit ng balikat at kumagat ng sandwich. “Just trying to make a conversation,” sagot nito. Oo nga naman. “Well, gusto ko responsible, financially stable at mature. Not necessarily rich but at least he must be someone who will be a good provider. Hindi rin naman ako masyadong partikular sa itsura. As long as I find him pleasant to look at kahit hindi sobrang guwapo okay sa akin iyon. And I think I prefer someone older than me of course. Tulad nga ng sabi ng kaibigan kong si Aya, masyado pa kaming bata para matawag na sugar mommy,” napahinto siya sa pagsasalita nang bigla itong maubo. Napatingin siya rito. “Okay ka lang?” tanong niya rito.  “I’m okay,” sabi nito nang mahimasmasan. Tumikhim ito at tumingin sa wristwatch nito. “I think it’s already getting late. Kailangan ko ng umalis. Salamat sa kape at sandwich,” anitong tumayo na. Napatayo na rin siya. Hinatid niya ito hanggang sa labas ng pinto ng apartment niya. “Mag-iingat ka,” paalam niya rito. Ngumiti ito at tumango. Patalikod na ito nang bigla itong tumigil at muli itong humarap sa kaniya. “Jena, I think it will be good if you could find your ideal man. But I think someone who is willing and will make you really really happy would be better,” biglang sabi nito. Bago pa siya makapagsalita ay muli na itong ngumiti. “Mauna na ako.” Napasunod na lang siya ng tingin dito hanggang sa matanaw niya itong sumakay sa kotse nito. Nanatili siyang nakatayo roon hanggang sa mawala na rin sa paningin niya pati ang sasakyan nito. Pagkuwa’y napangiti siya. Those were sweet words coming from a bully. Sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay nakaramdam siya ng kasiyahan.   ABALA si Jena sa pagtipa sa computer nang makita niyang may inilapag na tasa ng kape sa lamesa niya. Awtomatiko siyang napatingala. Bahagya siyang napamaang nang makita niya si Woody. “That’s a thank you for the coffee that last time,” tipid na sabi nito at pumasok na sa opisina nito. Maang na napasunod na lang siya ng tingin dito. Pagkuwa’y napatingin siya sa umuusok na kape at napangiti. Mula nang gabing pinatuloy niya ito sa apartment niya ay napansin niyang mas naging mabait na ito sa kaniya kahit papaano. Hindi gaya noong nagsisimula pa lamang siya bilang sekretarya nito na halos pansinin nito kahit kaliit-liitang mali niya sa mga pinapagawa nito o kaya naman ay sawayin siya kahit isang minuto lamang siyang malate sa trabaho. Akala pa nga niya noon ay may lihim itong galit sa kaniya. Masaya siya na hindi naman pala ganoon ang kaso. Kinuha niya ang tasa at sumimsim ng kape. Feeling niya iba ang lasa niyon, mas masarap kaysa sa kapeng natikman na niya noon. Lumawak ang ngiti niya. Dahil lang sa tasa ng kape na bigay ng boss niya ay para na siyang umangat sa lupa.   SA hindi na niya mabilang na beses ay muling napasulyap si Woody sa salaming bintana ng opisina niya kung saan tanaw niya ang mga cubicle ng mga staff niya sa departamento niya, partikular kay Jena na nakapuwesto sa cubicle na pinakamalapit sa opisina niya at tanaw na tanaw niya. Abala ito sa pagtipa sa computer nito habang seryoso ang mukha. Hindi niya maiwasang mapangiti habang pinagmamasdan ito.  Sa totoo lang, sa simula ay hindi niya maintindihan ang sarili niya kung bakit aliw na aliw siya rito at palagi niya itong gustong nakikita. Kumpara sa ibang babae, normal lang naman ito. Aside from her expressive eyes, everything about her is average. Ngunit sa tuwina ay tila may magneto itong palaging nagpapa-attract sa kaniya. Hindi rin iilang beses na tuwing kasama niya ito ay parang gusto niya itong higitin palapit sa kaniya. Tulad na lamang noong nagovertime silang magkasama sa unang pagkakataon. Noong bigyan siya nito ng kape at igiit na tutulungan siya nito. Hindi niya alam kung pagod lang ba siya noon o sadyang mabilis mabagbag ang damdamin niya pagdating dito, but he found her actions and words then heartwarming. Nang ihatid niya ito sa apartment nito at inalok siya nitong pumasok muna upang magkape, he was really happy. Pakiramdam niya kahit papaano ay pumapayag na itong maging bahagi siya ng buhay nito hindi lang bilang boss nito. Something he wanted ever since he first met her but just didn’t have the chance because she was gone before he woke up. Noong nasa loob na siya ng apartment nito ay hindi niya maiwasang makaramdam ng kakaibang kapanatagan. Bawat sulok ng bahay nito ay may bahid ni Jena. He even smelled her faint scent inside her house and he found it intoxicating. Bigla ay naisip niya ang dahilan kung bakit palaging gusto niya itong kasama. There was something in her that is very homey tulad ng bahay nito. Kapag nakikita niya ito ay nagiging kumportable at panatag siya. Naalala niya na ganoong ganoon ang naramdaman niya noong nasa loob sila ng hotel room niya. Iyong tipong gusto niyang ihinto ang oras upang hindi matapos ang sandaling magkasama sila. Ngunit agad nabura ang mga isipin niyang iyon nang mag-usap na sila. Walang pagdadalawang isip nitong sinabi sa kaniya na nakikipag-date ito para makilala ang lalaking makakapareha nito habambuhay. Sa umpisa ay napahanga siya nito sa conviction nitong hanapin ang kaligayahan nito. Noon lamang siya nakakilala ng babaeng ganoon kadeterminado. Hindi ito tulad ng iba na nagpapatumpik tumpik at hinihintay lamang ang kapalaran nito. Habang nagsasalita ito ay parang gusto niyang sabihin dito na tapos na ang paghahanap nito. That he is more than willing to be the man she’s been looking for. But his heart sank when she told him her ideal man. Sure, pasado siya sa halos lahat ng iyon. Pero bagsak siya sa isang bagay at tingin niya ay pinakamahalaga para dito. Mas gusto nito ng lalaking mas matanda dito. Kahit kailan hindi siya naging insecure sa edad niya, ngayon lang. And why must age matter so much for a woman anyway? It’s just a number for God’s sake! Hindi naman sukatan ng p*********i at abilidad ang edad. Gusto niya iyong sabihin dito nang gabing iyon pero napigilan niya ang sarili. Mahirap na at baka mahalata nitong naging sensitive siya sa isyu ng age difference nila. Afterall, halata namang wala itong interes sa kaniya. Dahil kung oo ay hindi ito magkukuwento sa kaniya nang ganoon. Marahas siyang napailing sa itinatakbo ng utak niya. Hindi siya makapaniwalang darating ang panahong mamomroblema siya ng ganoon. Buong buhay niya, hindi niya naging problema ang babae. Nakita niyang ilang empleyado na ang tumatayo at kumakausap kay Jena. Nginingitian lang nito ang mga iyon. Napatingin siya sa wristwatch niya. Lunchtime na. Nang muli siyang mapatingin kay Jena ay may kausap itong isang empleyado. Tumayo na siya at nagtungo sa pintuan upang sana ay ayain na rin itong mananghalian. Bahagya na niyang nabuksan ang pinto nang matigilan siya sa naririnig niyang pag-uusap ng mga ito. “Jena, free ka mamayang gabi?” tanong ng empleyado na hindi niya matandaan ang pangalan. “Oo. Why?” “Natatandaan mo iyong naikuwento ko sa iyo dati na pinsan kong Engineer? Iyong palaging naa assign sa malayong lugar at pinag-iisipan ng pumirmi dito sa Manila?” “Ay oo. Michael ang pangalan ‘non diba? Iyong gusto nang lumagay sa tahimik?” “Siya nga. You see, nasa Manila na siya ngayon. E naikuwento kita sa kaniya and you know, naipakita ko sa kaniya iyong picture natin noong lumabas tayo minsan. He’s obviously interested in you. Gusto ka niyang makilala. Gusto mong makipagdate sa kaniya mamayang gabi?” excited pang sabi ng empleyado. Pero si Woody ay biglang tila itinulos sa kinatatayuan sa narinig. Ano bang klaseng kaibigan ang babaeng ito at ibinubuyo si Jena sa kung sino? “Mamayang gabi na? Hmm, teka lang Winona hindi ako sure kung gusto kong makipag-date mamaya.” Bahagya siyang napangiti sa sagot ni Jena. “Naku girl, you have to go. Super good catch si Michael. Promise you will like him. He’s exactly your ideal man,” giit pa ng kausap nito. Hah! There’s no way na papayag si Jena dahil sa sinabi mo. “Sige na nga.” Nawala ang ngiti niya at tuluyan nang binuksan ang pinto sa labis na pagpoprotesta ng kalooban niya sa sagot ni Jena. Sabay na napalingon ang mga ito sa kaniya. Bantulot siyang binati ng empleyado at nagpaalam na kay Jena saka mabilis na umalis. Si Jena naman ay tumayo at bahagya siyang nginitian. “Magla-lunch ka na?” magaang ang tinig na tanong nito. Kung sa ibang araw ay baka natuwa siya rito pero sa mga oras na iyon ay sira na ang mood niya. “Yes,” walang ngiting sagot niya at naglakad na palayo rito. Nakailang hakbang pa lamang siya nang huminto siya at muling lumingon dito. “By the way, marami tayong gagawing trabaho mamaya. Mag-o-over time tayo.” Bumakas ang pagkabigla sa mukha nito. “Do you have any problem with that?” tanong niya. “Ah, wala ho sir,” alanganing sabi nito. “Good. At mag-oover time din pala tayo bukas at sa mga susunod pang mga araw kaya if I were you hindi ako magi-ischedule ng kahit ano sa gabi.” Iyon lang at tinalikuran niya ito. There is no way na hahayaan niya itong makipagdate sa kung kani-kanino.   MALAPIT nang mamuti ng buhok ni Jena sa sobrang inis. Akala niya okay na ang lahat sa pagitan nila ni Woody. Ngunit kung gaano kabilis itong naging mabait sa kaniya ay ganoon din kabilis na bumalik ito sa dating nakakakiritang pambubully nito. Mas matindi pa nga. Halos araw-araw siyang pinag-oover time nito at hindi siya makatiyempong magprotesta. Nasira ang plano niyang makipagdate sa pinsan ng isang katrabaho niya at hindi siya makapagsabi kung kailan siya pupuwede dahil hindi nga niya malaman kung kailan siya makakauwi ng maaaga. Bukod doon ay naging masyadong metikuloso si Woody sa lahat ng ginagawa niya. Pati font ng report niya pinapapalitan nito kahit dati naman ay ayos na rito ang ginagamit niya dati.  Mas madalas din itong humingi ng kape sa kaniya. E dati naman hindi naman ito mukhang mahilig sa kape. Para itong batang nang-iinis sa araw-araw na pagtatrabaho nila. Napukaw ang isip niya nang marinig niya ang paghum ni Lettie. Kakabalik lang nito galing sa leave nito at kumpara sa kaniya ay para itong nakalutang sa ulap kung makangiti. “Hindi ko alam kung matutuwa ako o maiinis ako na mukhang ang saya-saya mo Lettie,” matamlay na sabi ni Aya. Makalipas ang halos dalawang linggo ay noon lang ulit sila nagkasama-sama. Naglalakad sila patungo sa cafeteria upang mananghalian. “I just want to take a leave too,” frustrated na nasabi niya.  Tumawa si Lettie. “Bakit Jena, terror ba ang bago mong boss?” Naitirik ni Jena ang mga mata. “Woody Sandejas is the bulliest of all the bully I met in my life! And to think he’s four years younger than us! Malapit na ko magresign!” naiiritang sabi niya.  “Aya, may problema ka ba?” tanong naman nito kay Aya. Napasulyap din tuloy siya kay Aya. Mukha nang lumilipad din ang isip nito sa kung saan.  “Ha? Wala no. Tara na ngang bumili ng pagkain,” aya nito. Halatang umiiwas ito sa tanong ni Lettie pero dahil nagpatiuna na ito sa counter ay hindi na siya nakapagtanong. Nakabili na sila ng mga pagkain nila at nakapuwesto na sa isang lamesa nang biglang magsalita si Lettie. “Ang baho!” Napatingin sila ni Aya dito. “Anong mabaho?” takang tanong niya. Tumingin ito sa garlic rice nila ni Aya. Umasim ang mukha nito at napatayo. Tinakpan nito ng kamay ang bibi na tila naduduwal. “Huy Lettie anong nangyayari sa iyo?” tanong ni Aya na napatayo na rin. Himbis na sumagot ay nagtatakbo ito patungo sa restroom. Windang na napasunod siya ng tingin sa kaibigan. Pagkatapos ay nagkatinginan sila ni Aya. May ideyang lumilipad sa utak niya. “Aya, are you thinking what I’m thinking?” hindi niya naiwasang itanong. “Yes. Come on, sundan natin siya,” aniya. Mabilis siyang tumalima.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD