CHAPTER 9

2796 Words
MARAHAS na nagbuga ng hangin si Jena habang nakasilip sa maliit niyang sala kung nasaan ang papa niya at si Woody. Kanina pa tanong ng tanong ang papa niya kung saan sila nanggaling at kung anu-ano pa. Magalang itong sinasagot ni Woody pero siya ay malapit nang maubos ang pasensiya. Wala namang dahilan para e-interrogate nito si Woody. Nakakahiya lang!           Huminga siya ng malalim at hindi na nakatiis na tumayo mula sa pagkakaupo niya sa kusina. “Papa, pagod na rin siya kaya uuwi na siya. Huwag niyo namang ganyanin ang boss ko,” saway niya rito.           Bumaling sa kaniya ang dalawang lalaki. “Masama bang kilalanin ko kahit papaano ang lalaking nakasama mo ng dalawang araw sa isang malayong lugar? At kung boss mo siya mas marapat na kilalanin ko siya. Anak kita kaya natural lang na mag-alala ako kung sino ang nakakasalamuha mo na malayo sa akin,” matatag na sabi ng papa niya.           “Papa!”             “It’s okay Jena. Willing naman akong sagutin ang lahat ng tanong ng papa mo,” singit ni Woody na nakangiti pa.           Marahas siyang napabuga ng hangin at muling napabalik ng upo. Nafu-frustrate pa rin siya sa ginagawa ng papa niya. Nagulat na nga siya na biglang sumulpot ang mga ito, ngayon naman ay sinisira nito ang magic atmosphere na mayroon sila ni Woody kanina sa mga tanong nito.           Napatingala siya nang may ilapag na tasa ng kape sa harapan niya. Nasalubong niya ang nakangiting mukha ng madrasta niya. Isa sa talagang ipinagpapasalamat niya ay mabait ang naging asawa ng papa niya. Dahil gabi na ay pinatulog na nito ang mga kapatid niya sa silid niya kaya silang tatlo na lamang ang naroon.  “Pagpasensiyahan mo na ang papa mo Jena. That’s his way of showing how much he cares for you. Noong hindi ka sumasagot sa mga tawag namin ay talagang nagpanic siya. Kaya nga sumugod kaming lahat dito para masiguro naming maayos ang kalagayan mo. Nag-aalala siya kung ano ang buhay mo na malayo sa kaniya,” bulong nito sa kaniya.           Ang frustration niya ay napalitan ng kakaibang damdamin. So, they really care for her at nag-aalala ang mga ito na mag-isa siyang naninirahan sa maynila. Nakakahiya mang aminin pero may mga pagkakataong nagse-self pity siya at naiisip niya na hindi na siya importante sa papa niya mula nang magkaroon na ito ng sariling pamilya. It relieves her to know that she was wrong. Masaya rin siyang malaman na kahit ang madrasta at mga kapatid niya ay nag-aalala sa kaniya.           Umupo na rin sa tabi niya ang madrasta niya. “Besides, tingin ko naman wala kang dapat ipag-alala. Nakikita kang mabuting lalaki ang boss mo. O talaga bang boss mo lang siya?” nanunudyong tanong nito sa pabulong pa ring tinig.           Awtomatikong nag-init ang mukha niya sa tanong nito. Pasimpleng sumulyap siya kay Woody. Tumalon ang puso niya nang makita niyang sumulyap rin ito sa kaniya at bahagyang ngumiti bago ibinalik ang tingin sa papa niya. Ibinalik niya rin ang tingin sa katabi niya na nakangiti pa ring pinagmamasdan siya. “I… don’t know yet kung anong mayroon sa amin. Pero sigurado ako it’s something special,” pabulong ring sagot niya.           Lumawak ang ngiti nito at tinapik ang kamay niya. “I’m happy for you. Sandali nga at ako na ang magpapatigil sa papa mo para makapagpahinga ka na rin,” anito at tumayo na.           “Papa, tama na iyan. May pasok pa silang dalawa bukas. Kailangan na talagang umuwi ni Woody para makapagpahinga,” saway nito sa papa niya. Tumayo na rin siya at lumapit sa mga ito.           “O siya, siya,” tila sumusukong sabi ng papa niya at muling bumaling kay Woody. “Huwag mong sasaktan ang anak ko. Kahit pa ikaw ang boss niya ay hindi kita palalampasin,” seryoso pa ring sabi nito.           “Papa!” naeeskandalong saway niya rito ulit.           “Don’t worry sir. I will never hurt her,” seryoso ring sagot ni Woody.           Ngumiti ang papa niya at tumayo na rin. “Kung ganoon ay wala na tayong dapat pag-usapan.”             “SORRY kung naharang ka ni papa,” buntong hiningang nasabi ni Jena kay Woody nang nasa labas na sila ng apartment niya.           Ngumiti ito at bahagyang pinisil ang pisngi niya. “I said it’s okay. Makikilala ko rin naman siya sa hinaharap kaya wala namang kaibahan kung ngayon kami nagkausap,” pabiro pang sabi nito.           Napangiti siya sa implikasyon ng sinabi nito. Nagbuga siya ng hangin. “Fine. Sige na, kailangan mo na talagang umuwi anong oras na,” aniya rito sa magaang ng tinig.           “Sige. Bye,” paalam nito at tumalikod na. Ngunit nakailang hakbang pa lang ito ay muli itong humarap at mabilis siyang hinalikan sa mga labi. Saglit lamang iyon ngunit bahagya pa rin siyang natulala sa ginawa nito. Nang muli itong lumayo sa kaniya ay nakangiti pa rin ito sa kaniya. “Good night kiss. See you tomorrow,” anito at tuluyan nang lumakad palayo.           Nangingiting napasunod na lang siya ng tingin dito. Habang nakasunod siya ng tingin dito ay may nakumpirma siya. She really is already in love with her bully of a boss Woody Sandejas. At wala siyang makapang pagsisisi sa puso niya.             “SO, sumugod ang buo mong pamilya dito sa manila dahil akala nila kung ano na ang nangyari sa iyo? Kahit ako yata ganoon ang gagawin ko. Kasalanan mo iyan Jena,” pasermong sabi ni Aya. Nasa isang restaurant sila di kalayuan sa opisina nila. Minsan sa isang buwan ay doon silang magkakaibigan kumakain ng tanghalian himbis na sa cafeteria upang maiba naman. Inaaya siya ni Woody kanina na sabay na silang maglunch pero dahil minsan lang naman iyon at nakasanayan na ay tumanggi siya. Pero nangako siya rito na magdidinner sila mamaya.           “Alam ko. Humingi na nga ako ng sorry. Pinaliwanag ko na rin kay papa ng maayos ang lahat. Honestly, I think what I did is a good thing too. Kasi kung hindi sila sumugod sa manila, habambuhay kong iisipin na hindi na ako mahalaga kay papa dahil may sarili na siyang pamilya. Nalaman ko na mahalaga pa rin ako sa kaniya at maging sa asawa niya at sa mga kapatid ko,” nakangiting sagot niya.           “Kaya ba blooming na blooming ka ngayon? Dahil sa pamilya mo?” tanong ni Lettie sa kaniya.           Natigilan siya sa tanong nito. Bigla ay naalala niya si Woody at ang mga nangyari sa pagitan nila. Awtomatiko siyang napangiti.           “At ano iyang ngiting iyan ha? Don’t tell me nagkaroon na ng development ang relasyon niyo ng boss mo?” manghang tanong ni Aya.           Napamulagat siya rito. “Paano mo nalaman?” manghang tanong nito.           Tumawa si Lettie at tumirik naman ang mga mata ni Aya. “Duh! Ang tagal na naming napapansin ikaw lang ang hindi,” anito.           Lalong lumawak ang ngiti niya sa kilig. Sa totoo lang ay iyon ang unang pagkakataon na nakaramdam siya ng ganoon. Ang sarap sarap sa pakiramdam.           “Well I’m happy for you Jena. Pero ayos lang ba iyon kahit hindi siya ang ideal mo? Tapos masyado pa siyang bata sa iyo. Kapag in love ka natural sasabihin mo na age doesn’t matter. Pero sa katagalan lalabas at lalabas ang disadvantages ng kaibahan ng edad niyo. Do you think he’s mature enough to handle every situation? Baka kapag childish iyan palagi lang kayong magkaroon ng petty argument. Nakakapagod iyon believe me iyon ang dahilan kaya kami naghiwalay ng ex ko. “Tapos kapag umabot ka ng trenta siya twenty six pa lang. Tiyak marami pa siyang babaeng makikilala. Kapag nagloko siya in the future ikaw lang ang maiiwang luhaan dahil siya bata pa ikaw hindi na,” seryosong sabi ni Aya. Napangiwi siya sa mga sinabi nito           “Ang pessimistic mo naman Aya. Nagsisimula pa nga lang sila hiwalayan na agad ang sinasabi mo,” kontra ni Lettie.           “Sinasabi ko ‘to kasi kaibigan ko si Jena. Ang sa akin lang, sa edad natin mas mabuti kung papasok sa isang relasyon na siguradong long time na. Hindi lang ikaw ang dapat willing lumagay sa tahimik dapat pati yung partner mo. Bata pa siya malabong gugustuhin niya mag-asawa kaagad. Ang mga lalaki pa naman ang marrying age ay thirties. Aba ‘te kung ganoon ilang taon ka na ‘non? Six years old na ang anak ni Lettie ‘non. E hindi ba gusto mo na magpamilya?” patuloy ni Aya.           Nawala ang saya niya at napaisip sa sinabi nito.  May punto naman ito. Ang totoo sa sobrang tumpak nito ay hindi na niya magawang magdahilan pa.           Tumikhim si Lettie. “Well, matagal pa naman iyan. I-enjoy mo na lang muna ang kung anong mayroon kayo. Besides, wala naman talagang lalaking papasa sa lahat ng standards natin. Si Damon nga hindi ko siya gusto noong una dahil masama ang ugali at ubod ng sungit,” sabi pa nito.           Hindi pa rin siya nakakasagot nang may biglang tumawag sa pangalan niya. Awtomatiko silang napalingon sa pinanggalingan ng tinig. Agad niyang nakilala si Winona na kaibigan niya sa Design Department. Malawak itong nakangiti sa kaniya bago sumulyap sa kung saan at may iminuwestrang lumapit dito.  Lumapit dito ang isang matangkad at guwapong lalaki. Sa kilos at tindig pa lamang nito ay mukha na itong kagalang-galang at responsible. Nang bumaling sa kanila ang lalaki at mapatingin sa kaniya ay malawak itong ngumiti na tila tuwang-tuwa.           “Andito rin pala kayo Jena. Ang saya naman!” nakangiting sabi ni Winona nang makalapit ang mga ito sa kanila.  “Ito nga pala ang pinsan ko, si Michael. Last day na ng bakasyon niya kaya naglunch kami rito. Michael, mga officemates ko, si Aya, Lettie at- alam ko namang nakilala mo kaagad siya – si Jena,” pakilala nito.           Ngumiti ang lalaki at isa-isang nakipagkamay kay Aya at Lettie. Nang sa kaniya na ito nakipagkamay ay lumawak ang ngiti nito. “I’m glad I finally met you Jena. Akala ko hindi na kita makikita dahil tinanggihan mo ang alok kong date sa iyo,” pabirong sabi nito.           Apologetic siyang ngumiti at tinanggap ang kamay nito. Kung ganoon ay ito pala ang lalaking gustong gusto ni Winona na i-date niya. “I’m sorry palagi kasi akong busy sa work,” magaang rin na sabi niya rito.           “Well, now na nagkita na kayo bakit hindi na kayo magkape man lang to get to know each other? Hindi ba Aya, Lettie?” masiglang sabi na naman ni Winona.           Napatingin siya sa mga kaibigan niya na nagtinginan din. Pagkatapos ay magkapanabay pang ngumiti. “Oo nga naman. Wala namang mangyayari kung malate ka ng kaunti. Sa dami ng overtime ko pwede ka na ngang mag half day ngayon,” sang-ayon ni Aya.           “Great. Thank you girls,” magiliw na sagot ni Michael.           Lihim na lamang siyang napabuntong hininga. Paano pa siya magsasalita kung napagkaisahan na siya ng mga ito? Isa pa, tingin niya ay hindi naman masamang tao si Michael.             “HEY, busy as always boss?” nakangiting bungad ni Woody kay Damon nang makapasok siya sa opisina nito. Nag-angat ito ng tingin mula sa mga papeles na binabasa nito. “Yes. Kung mas pinili mong magtrabaho sa kumpanya ng mga magulang mo malamang subsob ka rin sa trabaho na gaya ko,” pabirong sabi nito. Tumawa siya at umupo sa silyang katapat ng lamesa nito. “Kaya pa nila na wala ako. Mas interesado ako sa furnitures kaysa sa interior design. By the way, ito iyong susing hiniram ko. Salamat, utang ko sa iyo ang lahat,” aniyang inilapag sa lamesa nito ang pumpon ng susi ng malaking bahay na inaayos pa lamang nito para gawing show room. Pabirong umangat ang mga kilay nito. “It went well? Paano mo siya nakumbinsi na doon ko kayo pinatuloy kahit afford ko naman kayong ikuha ng tig-isang hotel room doon?” takang tanong nito. Ngumisi siya. “Kilala ko si Jena. Ang tanging paraan para seryosohin niya ako ay kung dadaanin ko siya sa gulatan. Kung sa hotel kami tumuloy hindi kami magkakaroon ng pagkakataong magkausap dahil tiyak magkukulong lang iyon sa hotel room niya. And yes, it went well thanks to you,” aniya. Tumawa ito. “Well, I’m happy for you then. Kahit noong una kitang nakilala ay ginagawa mo ang lahat ng bagay sa sarili mong paraan. Kaya nga ibinigay ko sa iyo ang posisyon mo ngayon,” sabi nito. Ngumiti siya. Nakilala niya si Damon Valencia nang minsang magkita sila sa isang furniture design conference na ginanap sa amerika. Pareho sila ng insights tungkol sa mga napagusapan doon kaya nagkasundo sila. Eventually ay naging magkaibigan sila sa kabila ng malaking diperensiya ng edad nila. Kaya nang alukin siya nito ng trabaho ay hindi siya nagdalawang isip na tanggapin iyon. Bukod doon ay kilala ng mga magulang niya ang pamilya Valencia lalo na ang matandang si Melchor Valencia. Ayon sa mga magulang niya ay ilang beses nang naging maykasosyo sa poryekto ang mga ito noon. Tumayo na siya. “Well, tinanggap ko ang posisyon ko dahil pareho tayo ng takbo ng utak, in a way. Mauna na ako, tapos na ang lunchbreak. Baka bumalik na si Jena,” aniya rito. Palabas na siya ng opisina nito nang bigla iyong bumukas. Pumasok roon ang isang matandang lalaking nasisiguro niyang si Melchor. “Damon, I got to talk to you,” malakas na sabi nito. Napahinto ito nang makita siya. Bahagyang umaliwalas ang mukha nito. “Oh, Woody hijo nandito ka pala. How’s your parents?” tanong nito. Ngumiti siya. “They are perfectly fine,” tipid na sagot niya. “Ano ba ang gusto mong sabihin lolo?” singit ni Damon. Nawala sa kaniya ang atensyon ng matanda at muling kumunot ang noo. “Ang pinsan mo! May ginawa na namang kalokohan ang batang iyon. Sumosobra na talaga! Dapat turuan na siya ng leksiyon!” galit na sabi nito. Sumenyas siya kay Damon na lalabas na siya. Tumango ito at bumaling na sa lolo nito. “Ano na namang ginawa ni Brett?” Hindi na niya narinig ang pinag-usapan ng mga ito dahil nagmamadali na siyang lumabas ng opisina at sumakay ng elevator pababa. Ilang oras pa lamang niyang hindi nakikita si Jena ay hinahanap hanap na niya ito. Ang totoo ay gustong-gusto niya talaga itong makasamang kumain ng lunch pero alam niya ring mahalaga rito ang mga kaibigan nito kaya nagpaubaya na lamang siya. But we will have dinner later. Sa naisip ay napangiti siyang mag-isa. Laging ganoon ang nagiging reaksyon niya kapag naiisip niya si Jena. Nang malapit na siya sa departamento nila ay mas binilisan niya ang lakad patungo sa opisina niya. Ngunit ang saya niya ay napalitan ng pagtataka nang makitang wala pa rin si Jena roon. Nakatitig pa rin siya sa bakanteng lamesa ni Jena nang may mauliningan siyang hagikhikan sa isang panig. Nang lumingon siya ay nakita niya ang empleyadong sa pagkakatanda niya ay inaayang makipagdate si Jena. “Feeling ko talaga sila ang para sa isa’t isa. Akalain mo iyon, just when my cousin is about to go nakita namin si Jena sa restaurant. At mukhang pareho silang attracted sa isa’t isa. Kasi na kay Michael na talaga ang lahat ng hinahanap ni Jena sa lalaki. Guwapo, financially stable, responsible, mabait at mature. Siguradong masaya na silang nag-uusap ngayon habang nagkakape. Ang galing kong matchmaker no?” bida nito sa mga kausap. Kumabog ang dibdib niya sa sinabi nito. Kasalukuyang nakikipagdate sa ibang lalaki si Jena? Isipin pa lamang iyon ay tila may tumatadyak na sa sikmura niya. No, ayaw niyang may ibang lalaking makakadate si Jena! Hindi niya gusto ang posibilidad na mahanap nito ang ideal man nito at sa huli ay piliin iyon kaysa sa kaniya. The thought gave a bitter taste on his mouth. Mabilis siyang lumapit sa mga empleyado. “Where are they?” seryosong tanong niya. Napasinghap ang mga ito at napalingon sa kaniya. Mukhang nabaghan ang mga ito sa seryosong anyo niya. “S-sir?” tanong ng babaeng dahilan kung bakit may ka-date na iba si Jena. Kung lalaki lang ito ay malamang pinilipit na niya ang leeg nito sa sobrang inis niya. “Tinatanong ko kung nasaan si Jena!” sigaw na niya dahilan kaya maging ang ilang empleyadong naroon ay napatingin sa kaniya. Subalit wala na siyang pakielam sa mga ito. Sa nanginginig na tinig ay sinabi nito sa kaniya ang pangalan ng coffee shop kung nasaan si Jena. Nang marinig iyon ay mabilis na siyang tumalikod at malalaki ang hakbang na lumabas ng departamento nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD