Kiro’s POV
Lumabas ako ng kwarto niya upang pagbuksan ang nag doorbell sa labas ng kanyang unit. Kinagat ko ang pangibabang labi at napangiti ng maalala ang sinabi ko. T*ngina! Ibang kain ang rumehistro sa utak ko. Pinilig ko ang ulo upang tanggalin ang kahalayan sa isipan ko.
Binuksan ko ang pinto. Mukha ni Ian ang nabungaran ko. Hindi nakaligtas sa akin ang bahagyang pagkagulat niya ng makita ako. Marahil ay hindi nito inasahan na ako ang makikita niya. Nakapang bahay at naka tsinelas lamang ito. Magkabitbahay lamang kasi sila ni Lee, isang unit lang ang pagitan ng kanilang mga condo.
Nagkasalubong ang mga kilay ni Ian habang hinagod ako ng tingin pababa. Kumunot ang noo nito.
“Nababakla ka na ba?” Natatawa kong saad sa kanya ngunit imbes na matawa siya ay inis na tinignan niya ako pabalik sa mga mata. “O! Sorry na, agad!” Hingi ko kaagad ng pasensya. "Aga-aga salubong agad kilay mo, nagmemeno pause ka ata." Alam ko kung anong kinaiinisan nito. Yung hindi na ako nakabalik kagabi sa A’choholic. “Pasok ka, tol,” inakbayan ko siya at hinila siya papasok. Nagpatianod naman ito sa akin. Sinarado ko ang pinto.“Ano yang dala mo? Pagkain? Uy! Tamang-tama, hindi pa kami nag-almusal ni Lee,” anas ko.
Nanatili itong tahimik. Kinuha ko mula sa kamay niya ang bitbit. Iniwan ko siya sa sala at dinala sa dining area ang bitbit nitong pagkain.
“Ayaw mo kong maghatid dahil baka ‘di na ako babalik. Tapos ikaw pala itong hindi na nagpakita hayop ka.” Natawa ako sa sinabi niya. Nag-angat ako ng tingin sa kanya habang isa-isang nilabas mula sa plastic ang dala niya. Yung inorder niya ay mula sa paboritong restaurant ni Lee. Naka-upo na siya sa couch.
“Sorry na nga ‘di ba? Nakatulog kasi ako pagkagising ko, umaga na,” saad ko sa kanya.
“Buti nagising ka pang, hayop ka.”
“Sama ng ugali mo,” biro ko.
“Si Lee?” Tanong nito.
“Nagbibihis pa. Lalabas din yun mamaya,” saad ko. Kumuha ako ng plato, spoon and fork at isa-isang nilatag sa maliit na lamesa ni Lee.
“Saan ka natulog?” Tanong nito.
“Sa kwarto ni Lee,” diretsong sagot ko.
“Magkatabi kayo?”
“Oo, Bakit?” sagot ko muli. Natahimik ito saglit.
“Natulog lang kayo?” Napakunot ang noo ko sa sunod niyang tanong. Natigil ako sa aking ginagawa. Pwede iyong biro pero yung tono ng boses niya ay hindi himig nagbibiro, seryoso iyon kaya nag-angat ako ng tingin uli sa kanya. Nahuli ko siyang kay riin ng mga titig sa akin ngunit kay bilis niyang nag-iwas ng tingin kaso nahuli ko pa rin ang klase ng titig na pinukol niya, galit ba siya? Pero baka nagmamalikmata lamang ako.
“Nag-tumbling. Nag-tumbling kami magdamag,” pilosopo kong sagot sa kanya.
“Gago,” mura naman niya sa akin. Tinawanan ko lamang siya.
Sabay kaming napalingon sa pinto ng kwarto ni Lee ng bumukas ito at iniluwa si Lee. Nakapagbihis na ito pero may nakaikot pa ring tuwalya sa buhok nito at may hawak na puting t-shirt.
“Hoy! Kiro Magbihis ka nga-” natigilan ito saglit ng makita si Ian. “Hi Ian! Good morning!” Bati ni Lee.
“Hi, good morning. I brought you food,” saad nito. Agad namang nalipat ang tingin ni Lee sa lamesa. Nanlaki ang mga mata nito ng makilala agad ang logo ng restaurant ng favorite niya.
“Oh! Thank you, Ian!” Saad nito sabay lapit kay Ian at patagilid itong niyakap, saglit lamang at agad ring bumitaw. Naglakad siya palapit sa dining table. Sumunod naman si Ian sa kanya.
“Magbihis ka nga!” sita nito sa akin.
“Saglit lang, maghugas lang ako ng kamay,” saad ko dahil nagkaulam ang mga daliri ko.
“Hands in the air,” saad nito sa akin. Agad ko namang nakuha ang nais niya. Sinuot niya sa akin ang puting damit. Bagong laba na ito, isa ito sa mga t-shirt kong hiniram niya sa tuwing nakakatulog siya sa condo ko.
“Thanks!” Anas ko ng matapos niyang isuot ang damit sa akin.
Maya-maya nga’y umupo na kami sa dining table ni Lee upang pagsaluhan ang breakfast na dala ni Ian. Magkaharap kami ni Ian habang nasa gitna naman ni Lee.
“Thank you, Yani,” saad ni Lee nang lagyan agad ni Ian ng kanin ang plato niya. “Konti lang, diet ako,” saad pa nito. Sunod na nilagay ni Ian sa plato ni Lee ang steak. Nasanay na ako na ganito siya kaasikaso kay Lee. He always treats her like a princess. Well, we all did. Lahat naman kami sa mga barkada naming babae lalo na sa mga kapatid naming babae.
Kukuha na sana ako ng food ng maagaw ang atensyon ko sa pagtunog ng cellphone ko. Agad ko naman itong nireplyan. It was Janine, our group leader sa isa sa mga subject namin. “Put your phone down, Kiro, nasa hapag tayo,” sita sa akin ni Lee habang nilalagyan niya ng kanin ang plato ko.
“Saglit lang, nagchat ang group leader namin. Kailangan ko lang replyan,” saad ko at nagpatuloy sa pagtitipa. Pagkatapos ko nga mareplyan ay agad kong binaba ang cellphone dahil kay sama na ng tingin na pinukol ni Lee sa akin. Ngitian ko siya.
“Ang cute mo,” saad ko sabay pisil ng magkabila niyang pisngi.
“No! Kiro!” Pilit naman na umiwas si Lee ngunit hinabol ko pa rin ito.
“Stop it, bro,” napalingon ako kay Ian ng marahan niyang tinampal ang kamay ko. “Nasa hapag tayo, behave,” saad nito.
“Sorry na po, tay!”
“F*ck you-” natigil ito ng tampalin naman ni Lee ang bibig niya.
“Nasa hapag tayo, mas lalong masama ang magmura.” Sita ni Lee sa kanya.
“Sorry,” tanging nasambit niya. Ilang sandali lang ay nagsimula na kaming kumain.
“Here,” napasulyap ako sa plato ni Lee ng lagyan iyon ni Ian ng shrimp na binalatan na.
“Thank you, Yani! Love you!” nakangiting saad ni Lee sa kanya. Sana all, bulong ko sa aking isipan.
Nagpatuloy lamang ako sa pagkain habang si Ian ay tila walang ibang ginawa kung hindi pagbalatan ng shrimp si Lee. It’s Lee’s favorite kasi. Habang si Lee naman ay panay ng lagay sa plato ko ng shrimp na bigay ni Ian.
“Thanks bro,” kay Ian ako humingi ng thank you dahil siya naman nag-effort mag balat na hindi ito tinitignan at habang patuloy ako sa pagkain. Bigla na lamang akong napasulyap kay Ian ng maramdaman kong kay riin ng pagkakatitig niya sa akin ngunit ng tingnan ko siya’y nakayuko naman ito habang nagpatuloy sa pagbalat ng shrimp. Dumako ang tingin ko sa shrimp na hawak niya, tila ako yung naawa sa gawi ng pagtanggal niya ng balat tila may dalang sama ng loob. “Bro, chill! Kung ano mang kasalanan ng hipon sayo, patawarin mo na,” natatawa kong saad sa kanya.
“Gago,” anas niya.
“Saan ka pupunta?” Tanong ko kay Lee ng tinangka nitong tumayo.
“Kukuha ng pineapple juice-”
“Ako na,” nagkasabay pa kami ni Ian ngunit naunahan na ako ni Ian tumayo. Pagbalik niya’y sinalinan na niya ng juice ang baso ni Lee mula sa pouch ng pineapple juice na kinuha nito mula sa loob ng ref.
“Thanks, Ian,” saad ni Lee habang patuloy sa pagkain. Bumalik naman si Ian sa kanyang upuan matapos ibalik ang pineapple juice sa loob ng ref. Nauhaw naman ako bigla kaya ininum ko ang pineapple juice ni Lee and while drinking it ay napatingin naman ako kay Ian. Kay riin ng pagkakatitig niya sa akin.
“You want?” Alok ko sa kanya ng matapos kong uminom. Umiling lamang ito at nagpatuloy sa pagkain. Hindi ko mapigilang magtaka. Hindi ko lang alam kung ako lang ba ang nakakahalata na may iba kay Ian ngayon ngunit kinibit balikat ko lamang iyon.
Tumayo ako at tinungo ang ref. Kinuha ko muli doon ang pouch ng pineapple juice. Bumalik ako sa mesa at sinalinan ang baso naming tatlo. Nilagay ko lamang sa gitna ng lamesa ang natirang juice. Tumalikod ako at kumuha ng ice cubes mula sa freezer at nilagyan ang mga baso naming tatlo. Muli ay umupo ako at nagpatuloy sa pagkain.
Tumunog ang phone ko. Agad ko iyong sinagot ng makita ang name ni mommy sa screen.
“Mom,” sagot ko.
“Where are you? We’re going to the cemetery, it’s your grandpa’s death anniversary,” natuptop ko ang aking noo. F*ck! Mura ko sa aking isipan.
“Sorry, mom. I’m in Lee’s condo. I’ll be there in a minute,” saad ko.
“Okay, take care, sweetheart,” saad ni mommy.
“I will mom, bye! Love you!” pagkarinig niya sa tugo ko ay agad niya kong binabaan ng phone.
“What?” Tanong agad ni Lee.
“I have to go, it’s mom dad's death anniversary. Thank you, Ian sa breakfast,” pagkasabi ko’y mabilis ko na tinungo ang kwarto ni Lee at muling sinuot ang pants kong hinubad ko kagabi.
Pagkalabas ko’y nagtulongan na si Ian at Lee na iligpit ang pinagkainan naming tatlo.
Lumapit ako kay Lee, hinalikan ko siya sa kanyang noo.
“I’ll go, now,” paalam ko sa kanya.
“Thank you for sending me home. Take care,” saad nito.
“Bye, bro!” Paalam ko naman kay Ian, tinapik ko ang balikat nito at nagpaalam.
LEE’S POV
Saturday Night.
Kakatapos lang ng finals. Nagdecide ang buong barkada na mag-overnight swimming sa Isla Claira pantanggal stress. Pagmamay-ari ng mga magulang ng mga magulang ko. Binili ito ni Daddy mula sa kaibigan niya at iniregalo kay Mommy noong kasal nila kaya nakapangalan ang buong isla kay Mommy. That’s how sweet my dad is, hanggang ngayon and I wish I can find someone like him. He is the standard.
Pinarenovate ng mga magulang ko ang isla. May mga cottages na sa tabing dagat ngunit exclusibo pa rin ang Isla para sa aming buong pamilya at malalapit na kaibigan.
Katulad ng nakagawian ay hindi mawala-wala ang inuman at habang nagiinuman ay hindi rin pwedeng hindi magpatugtug. Malalim na ang gabi at marami ng nainom ang tropa.
Nakaupo ako sa buhangin habang kausap sina Amber, Kiara, Fifth at Shine habang ang mga lalaking tropa ay nakatayo at sumasayaw.
Nang sumalang ang kantang Uhaw by Dilaw ay bahagya akong nagulat ng mabilis na kinuha ni Kiro ang kamay.
“Come here!” Saad niya. Agad naman nagpatianod bitbit ang bote ng beer sa kanang kamay ko.
“Fifth, halika, sayaw tayo!” Rinig kong alok ni Uriel kay Fifth.
“Black eye-yan kaya kitang gago ka! Sayaw mong mukha mo!” Inis na tugon ni Fifth. Natawa ako ng bahagya.
“Sabik nang mahalikan.Mayakap ka’t masayaw sa ulan. Ang mundo’y gagaan. Mundo ko’y gagaan,” nag-angat ako ng tingin kay Kiro when he started singing. Sinalubong niya ang mga titig ko, habang nakangiti. Yung mga ngiti niyang kahinaan ng puso ko. Namumungay ang mga mata niya halatang natatamaan na siya sa ininom niyang alak. Dahan-dahang giniya niya ang mga braso ko payakap sa likod ng kanyang leeg. I swallowed hard habang mariing nakatitig sa kanya, d*mn! Yung isip ko biglang nag send ng SOS, humihingi ng tulong dahil nanganganib na naman ang puso ko sa ginagawa niya kahit alam kong walang ibang ibig sabihin ang mga kilos niya.
“Dumilim man ang paligid ay ikaw pa rin ang ilaw ko. Oh! Oh! Oh! Oh! Oh!”
Kinuha niya ang magkabila kong kamay mula sa leeg niya. Binitawan niya ang isa kong kamay at dahan-dahan niya akong inikot. Sumunod ang katawan ko sa kanya. Nilapat niya ang isang palad sa likod ko,agad na naramdaman ng balat ko ang mainit niyang palad, I was only wearing a bikini top and a mini shorts. Naramdaman ko pa kung paano unti-unting dumausdos ang palad niya pababa sa likod ko at dahan-dahan niya akong tinihaya habang hindi binibitawan ng titig ang mga mata ko. Mula sa mga mata ko’y nakita ko kung paano niya titigan ang mga labi ko. Muli ay napalunok ako. Kay lakas na ng kalabog ng puso ko.
“Bakit uhaw sa’yong sayaw? Bakit ikaw? ‘Di bibitaw, sa ‘yong sa’yo laging ikaw.” D*mn! Bakit pakiramdam ko para sa akin ang mga linya niya iyon? Muli tinignan niya ko sa mga mata at dahan-dahan niya kong tinayo. “Ako’y giniginaw, halika rito.” He pulled me closer, muli kong inikot ang mga braso sa leeg niya, muli’y naglapat ang katawan naming dalawa at dahil wala itong suot pangitaas ay damang dama ng halus hubad kong katawan ang init ng katawan niya and it felt so good… So f*cking good. “Dito ka lang sa tabi ko.” Habang patuloy siya sa pagkanta ay unti-unting humina ang boses niya na tanging ako na lamang ang nakakarinig. “Mananatiling uhaw, uhaw, uhaw.”
“Oh f*ck!” Agad na napabitaw kami ni Kiro sa isa’t isa ng marinig namin ang malakas na mura ni Ian kasabay ng pagp*tay ng tugtog at ang pagbagsak ng mga bote ng beer sa lupa. Nasagi yata nito ang mga beer na naging dahilan ng pagtumba ng mga ito. Ang cellphone niyang nakaconnect sa speaker ay natapunan ng beer kaya niya ito pinatay. "Sorry guys, my fault," malamig niyang saad niya ngunit ang mga mata niya'y nasa amin ni Kiro. I don't know, but he looks like he's mad and hurt...