Maagang dumating sa bahay ang fifteen years old na si Laiza galing sa kanilang school. Mainit ang ulo niya dahil nag-away sila ng boyfriend niya. Nakita siya ng kanyang Mama na papasok ng kanyang room.
"Oh, andiyan ka na pala Laiza. Tamang-tama hugasan mo na itong mga pinggan dahil tatapusin ko pa ang mga labahin," sabi nito sa kanya,halata ang pagod sa mukha nito dahil sa maghapong paglilinis ng bahay.
"Ano ba naman Mama! Pagod ako! Pwede bang pagpahingahin mo muna ako!" inis na sagot niya dito.
Kahit kailan talaga, panira ng araw niya ito. Galing tumayming ei, kung kelang badtrip siya sasabay pa ito sa pag-utos.
"Aba, kailangan bang magtaas ng boses ha anak? Sino ba satin ang Nanay, kung makasagot ka parang ikaw ang nagluwal sakin ah! Umayos kang bata ka. Baka makatikim ka sakin ngayon,wag mo akong punuin dahil pagod na pagod ako ngayon," mahabang talak nito sa kanya.
"Whatever!" inis na sabi niya, sabay talikod dito. At akmang papasok na sa kanyang kwarto.
"Anong sinabi mong bata ka?! Ulitin mo nga? Dyosko naman anak, bakit ba ganyan ang ugali mo. Kelan ba mababago iyang ugali mo na yan,masyado ka ng palasagot. Ganyan ba kita pinalaki ha?" tila nauubusan na ng pasensyang sabi nito sa kanya.
Mas lalo siyang nainis dito.
"Sino bang matutuwa sa inyo?! Alam nyo naman na pagod din ako galing school ah, tapos utos pa kayo ng utos. Tsaka alam mo Ma, hindi na rin kasi nakakatuwa iyang katatalak nyo,nakakarindi na ei!" inis na sagot niya dito, yong tipong mas mataas pa ang boses sa Mama niya.
"Aba't napakawalang mudo mo talagang bata ka!" galit na sabi naman ng Ina ni Laiza, at dahil naubos na ang pasensya ay nasampal niya ng malakas ang anak sa pisngi.
Nagulat din ito sa nagawa, ito kasi ang unang beses na napagbuhatan niya ng kamay ang anak. Kahit kasi napakagaspang ng ugali ng batang ito ay mahal na mahal pa rin niya. Dahil sila nalang dalawa ang magkasama sa buhay dahil matagal na silang iniwan ng kanyang asawa.
Agad namang hinawakan ni Laiza ang pisnging nasaktan. Hindi siya makapaniwalang sinampal siya ng Ina. Naningkit ang mata niya sa galit, agad siyang tumakbo palabas ng bahay. Narinig niyang tinatawag siya ng kanyang Ina. Hinabol pala siya nito, hindi siya tumigil sa pagtakbo ayaw niya itong makausap. Galit siya dito, galit na galit siya.
"Laiza anak! " tawag nito.
"I HATE YOU!" sigaw niya dito habang patawid ng kalsada. Balak niyang lumayas nalang sa pesteng bahay nilang iyon. Ayaw na niya itong makasama.
"Anak, bumalik kana dito. Patawarin mo na si Mama ha, nabigla lang ako," sigaw muli nito sa kanya.
Pawala na ang sasakyan na dumadaan sa kalsada kaya mabilis siyang tumakbo patungo sa kabilang kalsada.
"Anak!" sigaw muli nito.
"I HATE YOUUUU!" galit na sigaw niya, kasunod niyon ang biglang paglangitngit ng gulong ng isang sasakyan. Tunog ng tila may nabanggang bagay at sigawan ng ilang mga taong nandoroon.
Bigla ang pagbundol ng matinding kaba sa kanyang puso. Sabay niyon ay unti-unti siyang lumingon. Para lang magimbal. Ang kanyang Mama, nakahandusay sa kalsada. May dugong nagmumula sa ulo nito at may bumubulwak din sa bibig. Nakatingin ito sa kanya at tila inaabot siya. Nanlamig ang buo niyang katawan,ilang sandali pa ang lumipas bago siya nakagalaw.
"Mama! Mama kooooo!" sigaw niya, at tinakbo ito.
"Mama, patawad po. Mama, wag mo akong iiwan. Sorry, please wag mo akong iiwan," pakiusap niya dito.
Hindi niya malaman kung saan niya ito hahawakan. Tumulo ang luha nito bago pumikit at tuluyang nalagutan ng hininga.
"Mama!!! Hindiiiii! Mama kooo!" sigaw niya habang umiiyak.
Hindi siya makapaniwala na sa isang iglap lang mawawala na ito sa kanya.
Paano na siya ngayon?
Kung sana naging mabuting anak lamang siya.
Kung sana hindi niya ito sinagot-sagot.
Kung sana naging masunurin lamang siyang anak.
Kung sana hindi siya tumakbo at hinayaan na habulin sya nito.
Ei di sana buhay pa ang kanyang Mama.
At hindi niya matanggap na ang huling salitang nasabi niya dito ay ang salitang...
" I HATE YOU "
Sising-sisi siya sa nagawa.
Pero magsisi man siya,huli na ang lahat dahil hindi na maibabalik pa ang buhay ng kanyang Mahal na Ina.
THE END