MAKALIPAS ANG TATLONG BUWAN
“Hoy miss! Buksan mo 'tong pinto!”
“Huwag mong ubusin ang pasensya ko! Buksan mo na 'tong pinto kung nariyan ka man sa loob!”
“Kailangan mo nang magbayad ng upa! Due date mo na ngayon kaya 'wag mo akong taguan! Kung wala kang pera pambayad puwes lumayas ka na lang! Hindi ko pinapatirahan ng libre itong apartment ko!”
Nanatiling walang kibo si Jeziel at hindi man lang sumagot sa matandang babae na siyang may ari ng tinitirahan niyang maliit na apartment. Kanina pa ito pabalik-balik at kumakatok sa pinto pero hindi man lang siya nag-abalang sagutin ito o pagbuksan.
Makalipas ang ilang minuto ay hindi na niya narinig pa ang boses ng matanda, at tingin niya ay umalis na ito, siguro ay napagod na sa kakatawag at katok sa pinto.
Napahagod si Jeziel sa sariling buhok at napabuga ng hangin. Hindi niya na alam kung saan na siya kukuha ng pera panggastos at pambayad ng upa, ubos na kasi ang pera na pinagbintahan niya ng speedboat na pag-aari ni Terron. Buti na lang may bumili kahit walang papel, beninta niya kasi sa maliit na halaga kaya binili agad ng pinagbintahan niya. At ngayon ay ubos na ang perang 'yun, dahil sa loob ng tatlong buwan ay 'yun lang ang pinanggastos niya at pinambayad sa hospital bill nung nanganak siya. Wala siyang trabaho, at hindi rin siya puwedeng magtrabaho dahil sa kalagayan niya, wala siyang mapag-iwanan sa anak niya dahil wala naman siyang kakilala ni isa sa mga kapit bahay niya at wala din siyang mga kamag-anak na maaaring hingian ng tulong.
“Saan na kaya tayo pupulutin ngayon, baby? Wala na tayong pera panggastos, ubos na rin ang mga stock na pagkain ni Mama,” pagkusap niya sa sanggol na mahimbing na natutulog sa ibabaw ng kama.
Dalawang linggo na ang nakalipas mula nang manganak siya sa hospital. Ngayon ay pinuproblema niya na kung saan na siya kukuha ng pera.
Nang sumapit ang alas nuebe ng gabi ay agad niyang binihisan at binalot ng makapal na lampin ang kanyang anak at dinala lumabas. Sumakay sila ng taxi.
“Pasaan po, Ma'am?” tanong ng taxi driver sa kanya.
“Sa village po, Manong... Sa village ng mga m-mayayaman,” pautal niyang sagot at napapisil pa sa sariling kamay habang kalong ang natutulog na sanggol.
“Anong village po ba ang tinutukoy niyo? Maraming village ng mga mayayaman dito, kaya dapat sabihin niyo ang pangalan para malaman ko.”
“B-Basta po kung may madaanan tayong malaking b-bahay ay doon niyo na lang po ako ihinto.”
Napailing-iling na lang ang driver na parang nagtaka pa sa sagot niya. Makalipas ang ilang minuto ay inihinto na nito ang sasakyan sa harap ng malaking gate.
“Dito, Miss, puwede na ba?”
Napatingin naman si Jeziel sa labas. Nang makita ang malaking mansyon ay agad siyang tumango sa taxi driver.
“Opo, pero doon niyo ako pababain sa madilim na parte,” sagot niya na muli namang kinailing ng driver. Pinaandar na nito ng kaunti ang sasakyan papunta madilim na bahagi ng kalsada kung saan hindi na sakop ng mga streetlights.
“Heto po ang bayad ko, Manong.” Agad niyang ibinigay ang kanyang pamasahe dito bago nagmamadaling bumaba.
“Aba, Miss! Kulang 'tong pambayad mo!” sigaw ng taxi driver na agad na sumilip sa bintana ng taxi.
“P-Pasensya na po, 'yan lang kasi ang pera ko, eh.”
Malutong naman itong napamura sa kanyang sagot. “Tangina naman, Miss! Dapat naglakad ka na lang sana kung wala ka naman palang pamasahe! Aanhin ko naman 'tong limampiso? Walanghiya naman oh! Nakakabuweset talaga!” reklamo ng taxi driver bago mabilis na pinaandar ang sasakyan paalis.
Napabuntong hininga na lang si Jeziel. Hindi niya na mabilang kung ilang mura na ba ang natanggap niya ngayong araw nang dahil lang sa pera. Kaya naman ngayon ay buo na ang desisyon niya.
Agad niyang inayos ang suot na black facemask at black cap bago mabilis na lumapit sa nakasaradong gate. Huminga muna ng malalim bago pinindot ang doorbell ng dalawang beses. Matapos niyang pindutin ang doorbell ay nagmamadali na niyang ibinaba ang kanyang anak sa harap ng gate bago muling tumakbo papunta sa madilim na sulok ng kalsada at nagtago sa likod ng poste ng kuryente.
Makalipas ang ilang sandali ay bumukas na ang malaking gate at lumabas ang isang babaeng nakasuot ng uniporme ng isang katulong. Parang nagulat ito nang mabungaran ang natutulog na sanggol sa harap ng gate.
Hindi na napigilan ni Jeziel ang mapatakip sa sariling bibig at napahikbi habang nakasilip sa kanyang anak na ngayon ay dinampot na ng babaeng katulong at dinala na sa loob.
“I'm sorry... I'm so sorry, baby! I'm really sorry! Ito lang ang alam kong paraan para mabuhay tayong dalawa. Sana balang araw ay mapatawad mo ako. I'm really sorry my son...” naiiyak niyang sambit habang takip ang sariling bibig para pigilan ang mapahagulgol ng iyak.
Bilang isang ina ay masakit din para sa kanya ang kanyang desisyon. Ngunit ano nga ba ang magagawa niya? Wala siyang ibang choice kundi ang ipamigay na lang ang anak niya kaysa naman magdusa silang dalawa at mamatay sa gutom, mas lalo lang maging kawawa ang bata sa ganoon. Kaya tama lang ang desisyon niyang ipamigay na lang ito, kaysa naman tulad ng iba na itatapon na lang ang bata sa kung saan, 'yun ang hindi niya magagawa. Mali man ang desisyon na napili niya, ngunit para sa kanya ay 'yun na ang pinakatama sa lahat.
Makalipas ang ilang minuto niyang pagkukubli sa poste ay napagpasyahan na niyang umalis na.
Tulala siyang naglakad sa gitna ng kalsada. Hindi niya na alam kung saan na ba siya pupunta kaya naman bumalik na lang siya sa inuupahang apartment at doon humagulhol ng iyak habang yakap-yakap ang naiwang damit ng kanyang anak, hanggang sa nakatulugan na lang niya ang kanyang pag-iyak.
“Hoy babae! Lumabas ka na riyan sa loob! Pinapalayas na kita!”
Naalimpungatan si Jeziel sa malakas na sigaw ng babaeng kumakatok sa pinto.
“Kapag hindi ka pa lumabas riyan ay sisirain ko na 'tong pinto at kakaladkarin na kita palabas! Kaya habang nakakapagtimpi pa ako ay lumabas ka na ngayon din!” muling sigaw ng babae na siyang may ari ng apartment.
Napilitang bumangon si Jeziel at inilagay lahat sa bag ang mga damit niya na kakaunti lang. Matapos mag-impake ay binuksan na niya ang pinto. Pero pagkalabas ay isang malakas na sampal agad ang dumapo sa kabila niyang pisngi.
“Ayan ang bagay sa tulad mo! Mula kahapon pa ako tawag nang tawag sa 'yo! Pero hindi ka man lang sumasagot, bruha ka!” galit na bungad ng matandang babae matapos siya nitong sampalin. Pumasok na ito ng apartment at talagang nakuha pa siyang banggain sa balikat.
Napahaplos na lang si Jeziel sa sariling pisngi at mapait na napangiti habang sukbit ang kanyang bag. Nang mapatingin siya sa kanyang mga kapit bahay ay lahat ng mga mata ng mga ito ay nakatutok sa kanya, may mga nagbubulungan pa.
“Naku kawawa naman ang babaeng 'yan,” sambit ng isang babae na umiling-iling pa.
“Ano ka ba naman, Mare, ang mga ganyang babae ay hindi dapat kaawaan! Kagabi nakita ko 'yang umalis dala ang kanyang anak, pero pagbalik ay mag-isa na lang, tingin ko ay tinapon niya ang bata!”
“Aba eh, walang hiya pala 'yang babaeng 'yan kung ganoon!”
Rinig na rinig ni Jeziel ang mga mapanghusgang boses ng kanyang mga kapit bahay pero nanatili siyang nakayuko at sinimulan nang naglakad para umalis na. Pero nakakailang hakbang pa lang siya nang bigla na lang siyang napasinghap sa pagkagulat nang may biglang bumuhos na malamig na tubig sa kanyang katawan.
“Ayan ang bagay sa tulad mo! Anong klaseng ina ka! Wala kang awa sa bata at nakuha mong itapon ang walang kamuwang-muwang na sanggol!” galit na sabi ng isang ginang matapos nitong ibuhos sa kanya ang isang maliit na timbang tubig.
Nabuga na lang siya ng hangin at napahilamos sa sariling mukha. Pinagpatuloy na lang niya ang kanyang paglalakad at hindi na pinansin pa ang mga mapanghusgang boses. Pero habang naglalakad siya ay siya namang sunod-sunod na pagtulo ng kanyang masaganang luha.
Hindi niya alam kung bakit ang daming mga taong mapanghusga sa mundo, 'yun bang kahit na hindi pa nila alam ang buong kuwento ay huhusgahan na nila agad. Palibhasa hindi sila ang nasa sitwasyon, kaya kung makahusga ay wagas, na akala mo'y mga perpekto.
Sa paglalakad ni Jeziel ay namalayan niya na lang ang kanyang sarili na nakatayo na sa harap ng bahay ng kanyang step-mom na siyang nagbenta sa kanya kung bakit naging miserable ang buhay niya sa isla ng mga sindikato.
Napakuyom siya ng kamao at malakas na kinalabog ang nakasaradong pintuan. “Lumabas ka riyan hayop ka! Magtutuos tayong dalawa!” malakas niyang pagkalabog sa pinto.
Makalipas ang ilang minuto ay agad na bumukas ang pinto at iniluwa nu'n ang isang iritadong babae na pupungas-pungas pa tila bagong gising.
“Sino ka ba, ha? Bakit ka ba sumisigaw? Ano'ng kailangan mo?” inis na tanong nito.
Bahagya namang kumunot ang kanyang noo. “Nasaan ang may ari nitong bahay?”
“Nasa kulungan na 'yun, matagal na! Ako na ang may ari nitong bahay! Kaya kung siya ang pakay mo ay doon ka pumunta sa presento at 'wag dito! Pambihira naman oh, peste! Binulabog mo lang ang tulog ko!” Padabog na nitong isinara ang pinto.
Hindi na napigilan ni Jeziel ang pagak na matawa. Mahina siyang napailing bago naglakad paalis ng lugar na iyon.
“Buti naman at nasa kulungan ka na, dahil kung naabutan kita ay baka mapatay na talaga kita,” mariin niyang sambit habang naglalakad ng tulala sa kalsada sukbit ang kanyang bag.
Hindi niya na alam kung saan na ba siya pupunta, kaya naglakad na lang siya nang naglakad. Ang kanyang basang kasuotan ay natuyo na sa kanyang katawan dahil sa init ng araw. Parang nakakaramdam na rin siya ng pagkahilo at panghihina. Mula kagabi pa siya walang kain at wala na rin siyang pera na maaaring ipambili ng makakain, kaya naman nanghihina na ang kanyang katawan.
“Hoy miss! Magpapakamatay ka ba?!” sigaw sa kanya ng isang taxi driver na malakas na bumusina.
Hindi niya na lang ito pinansin at patuloy lang paglalakad ng tulala sa gitna ng kalsada.
“Mas mabuti pa nga sigurong magpakamatay na lang ako para matapos na lahat ng problema ko,” nanghihina niyang usal at agad na bapahawak sa sariling ulo nang makaramdam ng pagkahilo.
Sa kanyang panghihina ay tuluyan na siyang natumba sa gitna ng kalsada. Saktong namang pagkatumba niya ay agad na napapreno ang itim na kotse, ktang-kita niya pa ang pagbaba ng sakay nitong lalaki na nakasuot pa ng business suit. Patakbo itong lumapit sa kanya at agad siyang dinaluhan.
“Hey, Miss! Are you okay? Hey! Answer me!” rinig niyang tanong ng lalaki. Agad nitong inangat ang ulo niya sa mga bisig nito at itinapat ang tainga nito sa kanyang dibdib na para bang inaalam kung buhay pa siya at kung tumitibok pa ba ang puso niya.
Pinilit naman niyang iminulat ang kanyang mga mata. Itinaas niya ang kanyang isang nanginginig na kamay bago hinaplos ang mukha ng lalaking hindi malinaw sa kanyang paningin.
“P-please... h-help me.. I need your h-help..” hinang-hina niyang pakiusap sa lalaki bago tuluyang nawalan ng malay sa mga bisig nito.