Kabanata 2

1564 Words
KABANATA 2 Party             “ANONG ibibigay mo sa akin?” tanong ko kay Ashton na pinupunasan ng tuwalya ang buhok niya pababa sa katawan niyang hindi ko na sinulyapan pa dahil baka mawala na naman ako sa sarili ko. “Excited?” nangingiti niyang tanong sa akin bago pabatong inihagis sa sofa ang tuwalyang ginamit niya. Agad ko namang kinuha iyon at kinapa pa ang mamahalin na sofa nila kung nabasa. “What are you doing?” “Inililigpit ‘tong tuwalyang ginamit mo, hindi naman dito ang lagayan ng marumi ‘eh. Sandali, dadalhin ko lang sa likod—” “Hindi ka katulong dito, Loise, para gawin ‘yan.” Agaw ni Ashton sa hawak-hawak kong tuwalya bago isinigaw ang pangalan ng isa sa mga katulong nila na si Aira. Mabilis pa sa alas-kuwatrong lumitaw ang kasambahay. “Ano po iyon, Ser?” Hindi nagsalita si Ashton at inabot lang ang tuwalya sa kanya. Tila naunawaan naman ni Aira ang gagawin at tumango lang. “Thanks,” sabi ni Ashton kay Aira na matamis na ngumiti kay Ashton. Ngumuso ako at pinigilang ipaikot ang mga mata ko. Halatang kinikilig siya sa isang salita lang ni Ashton. Tinalikuran na siya ng huli at muli akong hinila papanhik sa taas. “Saan tayo pupunta?” tanong ko habang panay ang linga sa likod sa takot na makita ako ng Nanay kong sumasama kay Ashton papanhik sa taas. “To get your gift, but the question is, do you deserve it? Naging good girl ka ba while I was away?” Napanguso ako sa pagkausap sa akin ni Ashton. Sa tuwing kinakausap niya ako pakiramdam ko isa pa rin akong batang paslit sa paningin niya. “Good girl ka riyan, hindi na kaya ako bata.” Binitiwan niya ang pulsuhan ko nang huminto kami sa kuwarto niya. Napalunok ako sa matiim na tingin niya sa akin. “Yeah, hindi ka na nga pala bata. Kaya ka ba nagpapaligaw na?” tanong niyang pinagkrus ang braso niya sa dibdib. “Hindi kaya! Sila lang ang pumupunta sa bahay, pero hindi ko sila pinapayagang manligaw. Sinasabi ko naman sa kanilang wala pa sa isip ko ang pagnonobyo ‘no.” Mula sa seryosong mukha ay ngumiti siya at ginulo ang buhok ko. “You deserve a gift then, you’re a good girl.” “Hindi ka pa rin nagbabago, para pa rin akong bata sa paningin mo.” “Because you are.” Yumuko ako para hindi niya makita ang disgusto sa mga mata ko sa tingin niya sa akin. Ayokong makita niya ako bilang isang bata. Gusto kong makita niya ako bilang isang dalagang may kakayahan nang magmahal. Hindi pa ako handang mag-nobyo. Ayon ang sinasabi ko sa mga nagnanais na ligawan ako. Pero pagdating kay Ashton ay handang-handa na ako. Ang tanong, gusto ka ba niya? “Loise?” Nabalik ako sa reyalidad at pilit na ngumiti kay Ashton. “So, nasaan na ang regalo ko, Kuya?” Sumimangot siya sa tinawag ko sa kanya. “How many times do I have to tell you na ‘wag akong tawaging Kuya?” “’Eh, bata naman ang tingin mo sa akin hindi ba? Dapat talagang Kuya ang itawag ko sa ‘yo,” nakangisi kong sagot sa kanya. Pumalatak siya at pinitik ang noo ko. “Tss. Hindi pa ako ganoon katanda.” Binuksan niya ang kuwarto niya at dire-diretsong pumasok. Habang ako ay nanatiling nakasilip sa mula sa labas. “Aren’t you going in?” tanong niya sa akin. Umiling ako gaano ko man gustong pumasok ay palagi kong isinisiksik sa isip ko ang paalala sa akin ni Nanay. Ang huwag mapag-isa kasama ang isang lalaki sa isang silid. Iniisip ko kung bakit pero sa tuwing tinatanong ko siya ay sinisiringan niya lang naman ako. Tumango-tango siya at ngumiti. “Good girl…” Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Anong ibig niyang sabihin? May dinampot siyang may dalawang may kalakihang paper bag sa kama niya at naglakad papalapit sa akin. “That’s my gift for you…open it.” “Gifts ‘to ‘eh, ba’t ang dami naman?” namimilog ang mga matang tanong ko sa kanya. “Just open it, kid.” Tss, ayan na naman siya sa kid niya. Nilapag ko sa kalapit na mesa ang mga binigay niya at isa-isang binuksan. Napanganga ako nang makita ang sandals na medyo may kataasan. Kulay itim iyon at kumikinang ang mga nakapalibot na beads sa strap no’n. “Ang ganda…” anas ko’t hindi mawala ang tingin sa sandals. Natitiyak na hindi biro ang presyo nang binigay niya sa akin. Napasinghap ako nang sinunod kong buksan ang isa. Bumungad sa akin ang kulay puting dress na silk ang tela. Sleeveless iyon at nang iladlad ko iyon ay umaabot siya sa kalahating hita ko. Hindi maalis ang tingin ko roon at napapangiti sa pag-i-imagine na suot-suot ko ang mga ibinigay sa akin ni Ashton. “Ang gaganda naman nito, Ashton. Pero wala naman akong paggagamitan nito’t uniform ang isusuot namin sa graduation.” “There will be a party sa makalawa. Kaarawan ng Papa at natural ay dapat nandoon ka, iyan ang gusto kong isuot mo sa party,” aniyang lumapit sa akin. Ngumiwi ako at umiling. “Sus, tiyak hindi naman ako papayagan ng Nanay. Ayaw na ayaw niyang dumadalo ako sa mga ganyang okasyon. Hindi raw kami nababagay roon—” “You’ll come, ipapagpaalam kita sa Nanay mo.” Bumaling ako sa kanya at umiling pa rin. “Kahit na, hindi naman ako sanay sa mga ganoong party. Pang-fiesta lang ako,” tumatawa kong saad sa kanya at iniligpit na ang mga binigay niya. Hinarap ko siya at matamis na nginitian. “Oh siya, bababa na ako at baka hinahanap na ako ng Nanay, salamat sa mga regalo mo Ku—joke, Ashton,” natatawa kong bawi sa masama niyang tingin sa itatawag ko sa kanya. “I’ll talk to your mother.” “Hay nako, ang kulit mo, hindi talaga—” “You will come, period, Meredith Loise.” Tumango ako. “Sige, tutulong na lang ako sa—” “You are not a maid here, Meredith so stop acting like one,” muli niyang putol sa sasabihin ko at tinalikuran na ako. Napanguso ako habang minamasdan ang mamasel niyang likod. Pero kalaunan ay napangiti na rin sa kilig at niyakap ang mga ibinigay niya sa akin. Kahit hindi ako sanay sa mga sosyal na okasyon, kung gusto mong magpunta ako sa gabing iyon. Mukhang kahit hindi ako payagan ng Nanay, ay iisip ako ng paraan para makapunta. Ganoon ka kalakas sa akin, Ashton Ulysses Sy…   “MEREDITH…” Napahinto ako sa pagpasok sa bahay namin nang marinig ang pagtawag sa akin ng Nanay. Kanina pa siya walang imik mula nang umalis kami ng mansiyon at sa isip ko’y napagod lang siya siguro sa ginawa niya kaya hindi ko na rin siya kinulit pa. “Bakit, Nay?” Seryoso ang mukha na lumapit siya sa akin at hinaplos ang buhok ko. Napangiti ako dahil gustong-gusto kong ginagawa niya sa akin iyon. Sila ng Tatay. “Kinausap ako ni Ashton,” Napalunok ako at naglaho ang ngiti sa labi ko sa tinuran niya. “Tungkol po saan, Nay?” tanong ko kahit may ideya na ako kung bakit siya kinausap ni Ashton. “Ipinagpaalam ka para sa party ng mga Sy at sino ba naman ako para tanggihan siya?” “O-okay lang naman po na pumunta ako, Nay, hindi ba? Nandoon din naman si Maria—” “Magkaiba ang mundo natin sa kanila, Meredith.” Natigilan ako sa sinabi niya at mapait na ngumiti. “Alam ko naman po iyon, Nanay…hinding-hindi ko po iyon kailanman makakalimutan dahil palagi ninyong pinapaalala iyon sa akin.” “Kung ganoon ay dapat mo nang kalimutan pa kung anong nararamdaman mo para kay Ashton.” Nagulat ako sa sinabi niya. “W-wala naman pong—” “Ina mo ako at alam ko ang dahilan ng pag-aayos mo sa tuwing pupunta tayo sa kanila. Nakikita ko sa mga mata mong gusto mo siya. Maraming lalaki ang nagkakagusto sa ‘yo dito sa atin, mga lalaking nababagay para sa ‘yo, anak.” “Kahit naman po gaano pa karami sila, hindi naman po natuturuan ang puso hindi ba, Inay? Iyon ang totoo, dahil kung natuturuan ang puso hindi ninyo siguro pinili ang Tatay, dahil hindi po ba maraming mga mayayamang kalalakihan ang nanligaw sa inyo pero sa huli ay ang Tatay pa rin ang pinili ninyo dahil siya ang mahal ninyo, hindi ho ba?” Napipilan ang Nanay at matagal akong pinakatitigan. Bumuntonghininga na tila ba ayaw niya nang palawigin pa ang pag-uusap naming dalawa. “Ayoko lang masaktan ka, Meredith.” Umiling ako at ngumiti. “Ang masaktan ay parte ng buhay natin, Inay. Pero ipinapangako kong hindi ako magpapadaig sa anumang sakit na mararanasan ko. Kahit tungkol pa ‘to kay Ashton, paghanga man o higit doon ang nararamdaman ko sisiguraduhin kong hindi no’n magagawang sirain ang pangarap ko para sa ating tatlo ng Tatay.” Kasinungalingan…isang malaking kasinungalingan ang sinabi ko kay Nanay. TBC  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD