Simula
Simula
“Nice naman, Loise, two consecutive months na siyang best agent. Wala bang pa-burger diyan,” pagbibiro ni Janice na kasabayan kong maging agent sa call center na pinapasukan ko sa loob ng dalawang taon.
Humikab ako at inabot sa kanya ang balot ng puto na natira sa paninda ko kanina. May isang oras pa bago ang out namin at pumikit-pikit na ang mata ko sa kaantukan.
Ngumiwi siya sa inabot ko pero tinanggap pa rin. “Libre ‘to ah?”
Ngumiti lang ako at nag-umpisa na uling magtrabaho. Isang oras pa na pakikipagplastikan sa mga irate kong callers. Kahit na inaantok ay hindi ko hinayaang mawala ang focus ko sa trabaho.
Malaking halaga na para sa akin ang bonus na nakukuha ko sa tuwing nagiging best agent ako sa isang buwan. Nang matapos ang shift ko ay may pagmamadaling inayos ko ang gamit ko.
“Uy girl, may bali-balita…” bulong sa akin ni Janice habang nakapila kami sa sakayan ng uv express.
Liningon ko siya mula sa pagsilip sa cellphone ko. “Sinong agent na naman ang may nakarelasyon?”
Sumeryoso siya at naglaho ang ngisi sa labi ko. Kinakabahan na baka may hindi siya magandang sabihin.
“Magsasara na raw iyong account natin, nag-meeting daw iyong mga bosses. Balita ko nga next week daw ipapatawag na tayo isa-isa.”
“S-Sigurado ka ba?”
“Alam mo ayoko nga sanang paniwalaan ang mga narinig ko pero alam mo naman ang buhay sa call center may biglaang pagsasara ng account. Kung mangyari man ‘yon at least may experience na tayo makakahanap din tayo agad.”
Hindi na ako nakapagsalita at malalim na lang na napabuntong-hininga. Panibagong problema na naman. Madaling makahanap para sa iba pero sa isang katulad kong undergrad at dalawang taon pa lang ang experience sa call center baka mahirapan ako. Idagdag pa na pasok ang oras ng pasok ko sa Seams para sa isa ko pang trabaho.
Bigat na bigat ang katawan ko nang makarating ako sa apartment na inuupahan namin ni Nana sa halagang apat na libo. Malakas na kumabog ang puso ko nang sa pagbukas ko ng pinto ay umalingawngaw ang tunog ng pagkabasag sa kusina. Mabibilis ang hakbang na nagtungo ako ro’n.
“Ashriel! Don’t move, baby!” sigaw ko at mabilis na kinarga ang anak kong duguan ang paa marahil sa bubog na tumalsik sa kanya.
“Nana!” sigaw ko at siyang paglabas ng abuela ko mula sa banyo na halos hindi pa naisusuot ng ayos ang short niya.
“Anong nangyari?” natatarantang tanong ng matanda.
“Nana, pakuha naman po nung first aid kit.”
Iniupo ko si Ashriel sa sofa na bagama’t nasaktan ay pinipigilan ang sarili na umiyak.
“It’s okay to cry Ash,” saad ko at hinaplos ang pisngi niya bago inasikaso ang sugat niya sa paa.
Nakahinga ako nang maluwag nang makitang hindi malala ang pagkakasugat ng paa niya.
“But I’m a big boy now, My. Strong na po ako!” aniya pero napangiwi nang dampian ko ng bulak ang dumudugong paa niya.
“Nak, bakit hindi mo na lang hinintay si Nana na matapos magbanyo? Hindi ba sinabi ko sa ‘yong delikado na ikaw ang kumuha nang iinumin mo?”
Lumungkot ang mukha ng anak ko at sa bawat araw na nakikita ko siyang ganito ay doble-dobleng sakit ang nararamdaman ko.
Ilang taon ko bang pinagdasal na sa paggising ko ay makikita ko siyang nakatitig sa akin katulad noong maliit pa siya. Hindi iyong malayo ang tingin niya dahil sa gustuhin niya mang titigan ako ay hindi niya na magawa dahil sa wala na siyang paningin pa.
My seven-year-old child lost his sight almost three years ago.
“Pasensya ka na ‘nak—”
“Nana, wala naman kayong kasalanan. Ashriel just wanted to help you. Alam ninyo naman ang bata kung sa tingin niya kaya niya, gagawin niya,” saad ko habang pinagmamasdan ang anak kong tumatawa na habang pinakikinggan ang palabas sa telebisyon.
“Mabuti pa matulog ka na, ako nang bahala kay Ash. Masyado ka nang maputla anak, ilang oras na lang ang naitutulog mo kung bakit ba naman kasi hindi ka—”
Humikab ako para putulin ang sasabihin ni Nana na palagi niya na lang inuulit-ulit.
“Mornight Na, kayo na po munang bahala kay Ash.”
Nagtungo ako sa anak ko at hinalikan siya sa noo bago ako pumanhik sa taas para ipahinga ang pagod na pagod ko nang katawan.
Apat na oras pa ang puwede kong itulog. Bumibigat na ang talukap ng mga mata ko nang mag-ingay ang cellphone ko. Hindi ko na sana papansinin iyon pero nagpatuloy lang iyon sa pagtunog.
“H-hello? Sino ba ‘to?”
“It’s me. Maria.”
Napabalikwas ako ng bangon sa narinig na boses sa kabilang linya. “A-Ate Maria? P-Papaano mong nalaman ang number ko?”
“Kinuha ko ang numero mo kay Auntie Pola, wala siya sa ulirat para tawagan ka pa.”
Kumabog ang puso ko sa sinabi niya. “Nasaan ang Nanay?”
“We’re here in the hospital. Kamamatay lang ni Uncle Julio, wala na ang tatay mo, Meredith.”
Naibagsak ko ang cellphone ko sa sinabi niya. Natulala ako at nang tuluyang rumehistro sa utak ko ang sinabi ni Ate Maria ay mabilis na namalisbis ang luha sa mga pisngi ko.
“Hello? Meredith?” malakas na boses mula sa kabilang linya kaya nanghihina kong dinampot iyon.
“A-Anong nangyari?”
“Ang mabuti pa umuwi ka rito, Meredith. Kailangan ka ni Auntie. Just this once, huwag kang maging duwag!”
***
“UY bakla, mukha kang zombie! Papagalitan ka ni Mamang kapag nakita iyang hitsura mo!” bungad sa akin ni Sanya nang pumasok ako sa dressing room sa bar na pinagtatrabahuhan ko sa dis-oras ng gabi.
Hinubad ko ang suot ko at inumpisahang isuot ang maliliit na piraso ng saplot na kailangan kong suotin.
“May problema ba, baks?” tanong niya habang nilalagyan ako ng makapal na kolorete sa mukha.
“Mawawalan ako ng trabaho…tapos namatay pa iyong Tatay ko. Hay, ano bang kamalasan pa ang ibabato sa akin ng tadhana, San? Wala na bang katapusan?”
Napahinto siya sa ginagawa at gulat akong minasdan. Isang minuto ng katahimikan ang namayani bago siya nagsalita.
“Condolence baks, anong plano mo? Uuwi ka sa inyo?”
“H-Hindi ko gusto pero kailangan. Luluwas ako bukas ng umaga p-pero medyo gipit kasi ako San, puwede bang—”
Hindi na niya pinatapos ang sasabihin ko at agad siyang kumuha ng lilibuhin sa bulsa niya. “Sampung libo baks, tip sa akin ‘yan ni tsekwa kanina. Dadagdagan ko kapag may nakuha pa ako—”
“Uy hindi! Sapat na ‘to. Nahihiya na nga ako sa ‘yo ‘eh, may utang pa nga ako sa ‘yo tapos eto na naman.”
“Gaga, what are prends is for, ay chaka ng English ko parang mali. Anyway, tagalog na lang. Kaibigan kita baks, huwag mo nang pairalin iyang hiya mo. Basta tapusin mo ang kailangan mong gawin sa inyo, ako munang bahala kina Nana at Ash.”
Nang sumigaw si Mamang ay nagmadali kami sa pagkilos dahil mag-uumpisa na ang performance namin ni Sanya.
Kahit halos tatlong taon ko nang ginagawa ang pagsasayaw sa harap ng mga lalaking hinuhubaran kami ng tingin hindi ko pa rin maiwasang makaramdam nang hiya para sa sarili ko. Pero wala akong choice, dahil ito lang ang paraan para mabuhay ko ang anak ko.
Sa pagtatapos ng performance namin ni Sanya ay walang emosyong pinulot ko ang mga perang inihagis sa aming dalawa.
May kamay na dumampot ng isang libo sa paanan ko.
“Thanks—”
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang mapatda ako sa lalaking hindi ko inaasahang makikita ko.
“A-Arvie?”
“What the hell are you doing in this place, Meredith?!” mariin niyang tanong sa akin.
Nakaramdam ako ng hiya sa ayos ko ngayon kaya dali-dali ko siyang tinalikuran at hindi pinansin ang pagtawag sa akin ni Sanya. What the hell is he doing here?
Nanginginig ang mga kamay ko habang ipinapatong ang damit na kahit papaano ay tatakip sa katawan ko. Halos tulala akong nakatingin sa salamin nang pumasok si Mamang na todo ang paghithit sa sigarilyong hawak.
“Bella, bilisan mo riyan! May naghihintay sa ‘yo! Mukhang big time at tinapatan ang ibabayad ni Mister Lee.”
Hindi na niya hinintay na kumibo ako at binagsak na ang pinto. Nanlalamig ang mga kamay ko sa isiping baka kilala ko ang taong naghihintay sa akin sa table.
Wala kang dapat ikakaba, Meredith! Wala siyang malalaman!
Katulad nga nang inaasahan ko ay si Arvie ang naghihintay sa akin. Matalim ang tingin niya nang magtagpo ang tingin namin. Malaki na ang pinagbago niya sa binatilyong kababata ko. Lalaking-lalaki na siya ngayon at nagsusumigaw ang pagiging mayaman niya sa ayos niya.
Arvie Ivan Sy.
Apelyido pa lang ay nagsusumigaw na nang karangyaan. Ang pangalawang anak ng mga Sy.
Ipinilig ko ang ulo ko at inihanda ang isang malanding ngiti. Ang pekeng ngiti. Sa gabing ito ay hindi ako si Meredith kung hindi si Bella. Isang babaeng nagbibigay-aliw sa pagsasayaw sa malaswang tugtugin at pakiki-table sa mga lalaking nagpupunta rito para sa panandaliang kasiyahan.
“Hi!” bati ko sa kanya sabay abot ng bote ng beer. Pero agad niyang hinawakan ang kamay ko bago pa man sumayad iyon sa labi ko.
“Umalis ka sa Fuego para maging…” Pumikit siya at tila hindi maituloy ang sasabihin sa akin.
“Pokpok? Bayarang babae?”
“Meredith!”
“Bella, sa gabing ito ay ako si Bella. Hindi ako si Meredith,” nakangiting malandi ko sa kanya.
Sa trabahong ‘to hindi mo puwedeng ipakita ang tunay na anyo mo. Kailangan mong lunukin ang hiya at panririmarim sa sarili mo. Ang bala sa trabahong ‘to ay ang kakayahang sakyan at landiin ang mga lalaking handang magwaldas ng lilibuhing pera para lang aliwin mo sila.
“Ipapaalam ko kay Kuya—”
“Wala siyang pakialam sa akin, Arvie. Walang rason para ipaalam mo pa,” mapait kong saad sa kanya.
Kung ako pa rin ang labing-walong taon na si Meredith, baka humagulgol na ako at yumakap sa kababata ko pero hindi na ako ‘yon. Hindi na ako iyong dalagitang iyakin. Matagal na akong inuuuod sa ilalim ng lupa kung ganoon pa rin ako. Dahil sa buhay ko ngayon hindi puwedeng mahina ang loob mo. Kailangan matatag ka na kahit anong hagupit ng buhay ang ibato sa ‘yo, makakatayo ka pa rin.
Matagal na siguro akong sumuko pero merong isang buhay na umaasa sa akin. Isang buhay na pinangako ko sa sarili kong hindi ko kailanman hahayaang mawala sa akin.
Si Ashriel.
Habang pinagmamasdan ko si Arvie ay nakikita kong parehas sila ng mata ni Ash. Iyon ang pamilyang Sy, pare-pareho ang mga mata nila.
“Meredith—”
“Bella. Kung hindi mo magagawang tawagin ako sa pangalan ko, then you’re free to go. Kunin mo na lang iyong bayad mo kay Mamang.”
Sinitsitan ko si Mark na server at sumenyas ako gamit ang daliri ko para bigyan niya ako ng sigarilyo. Ngumisi siya at lumapit sa akin tangan ang kaha ng sigarilyo. Tila hindi pa iyon nabubuksan kaya hinayaan ko siya sa paghaplos sa hita kong litaw sa maiksi kong suot.
“What the f*ck? Hindi ka sinusuwelduhan dito para mambastos?! Do your job kung ayaw mong bilhin ko ang bar na ‘to para lang palayasin ka!” sigaw ni Arvie na marahas na iniitsa ang kamay ni Mark.
Nahihintakutang umalis ang server. Hindi ko pinansin ang matalim na tingin sa akin ni Arvie at binuksan ko ang kaha para kumuha ng sigarilyo. I need to calm myself. Pero ilalagay ko pa lang sa bunganga ko iyon nang hablutin sa akin iyon ni Arvie.
“Ano bang problema mo?!” naiinis ko ng sigaw sa kanya.
“This is not you Meredith—”
“Bella! Pucha naman Arvie, ano bang tingin mo sa kaharap mo? Disiotso pa rin?! ‘Wag ka ngang umasta na parang santo riyan. Itinable mo ako hindi para pakialaman ang bisyo ko kung hindi para aliwin kita! Now, what do you want me to do? Kiss you? Lap dance or how about a blow—”
“Damn woman! Don’t you dare na ituloy iyang sinasabi mo.”
Napabuntong-hininga ako at iniwas ang tingin sa nagbabaga niyang mga mata. “Look Arvie, it’s been years since the last time we met, kung ikaw nga nagbago, paano pa ako? This is my life now, nakakasuka at nakakadiri sa mga mata mo at sa mata ng iba pero itong trabahong ‘to ang bumubuhay sa an—akin.”
“Meredith…I can give you a decent job.”
“I’m not like you. Hindi sapat ang pinag-aralan ko para sa trabahong kaya mong ibigay sa akin. I need to go…p-pakikuha na lang kay Madam ang bayad mo.”
Tumayo ako at tinalikuran siya.
“They’re back, Meredith.”
Napalunok ako sa sinabi niya. Alam na alam kung sino ang mga taong tinutukoy niya.
“Wala akong pakialam. A-Ang taong tinutukoy mo, matagal ko na siyang nakalimutan.”
Nakalimutan?
Paano mangyayari ‘yon kung merong isang taong nagpapaalala sa ‘yo tungkol sa kanya?
“Meredith…nalaman ko kay Manang Ising na pumanaw na ang Tatay mo, if you’re going home, you can go with me. Aalis ako mamayang madaling araw pabalik sa Isla—”
“Hindi na kailangan, Arvie. Kaya kong pumunta mag-isa.”
“Kung magbabago ang isip mo, here’s my number. Call me and please if you think that you can’t take this job anymore, just tell me. Iaalis kita rito,” aniyang inipit ang calling card sa nakakuyom kong kamay.
Nang makaalis si Arvie ay nanlulumong bumalik ako sa kinauupuan ko kanina at nasubsob ang sarili ko sa lamesa. Kasabay nang pagkawala ng luha mula sa mga mata ko ang pagbuhos ng mga alaalang hanggang ngayon hindi pa rin ako magawang patahimikin. Hanggang ngayon nagagawa pa rin akong saktan gabi-gabi. Tila isang punyal sa dibdib na hindi ko magawang maalis. Isang sugat na hindi na yata maghihilom pa.
TBC