KABANATA 3
Goodnight
MAG-aalas diyes na nang gabi at tahimik na ang buong kapaligiran. Sa ganitong oras ay tulog na halos ang lahat sa Isla Del Fuego. Pero ako ay pabiling-biling pa rin sa kinahihigaan kong papag. Hindi ako makatulog at ang tingin ko ay napupunta sa paper bags na nasa maliit kong tokador.
Bumangon ako dahil alam kong pasasakitin ko lang ang ulo ko kung ipipilit kong matulog. Lumabas ako ng maliit kong kuwarto at hindi na inaksaya pang magsuot ng balabal sa puti kong kamison. Komportable ako sa suot ko at gustong-gusto kong nararamdaman ang malamig na ihip ng hangin sa balat ko.
Dahan-dahan ang galaw ko para hindi maramdaman nila Nanay ang paglabas ko ng bahay namin. Napangiti ako nang maramdaman ang malakas na ihip ng hangin paglabas ko. Bilog na bilog ang buwan at ito ang dahilan kaya nagliliwanag ang paligid kahit halos lahat nang kalapit naming kabahayan ay patay na ang ilaw.
Ilang dipa ang layo sa amin ay ang dagat. Naglakad ako patungo roon at naupo sa pinong buhangin. Bagama’t nakakaramdam ako ng inggit sa mga kababata ko sa tuwing ikinukuwento nila ang buhay sa labas ng Isla ay mas pipiliin ko pa ring mamuhay rito sa payapa naming bayan.
Ang Isla Del Fuego ay dating pribadong isla at lupa ayon sa aking ama na pagmamay-ari ng mga Sy. Pero napagpasyahan nila na gawin itong isang maliit na bayan. Tatlong dekada na ang nakakalipas nang marami silang pamilyang tinulungan na makapagtayo at makapagtrabaho rito sa Isla. Nagtayo pa sila ng hotel dito kung kaya’t mas umangat ang turista sa amin at maraming nabigyan ng trabaho.
Mataas ang tingin ng lahat para sa mga Sy dahil naiiba sila sa mga mayayaman at elitistang pamilya. Tanda ko pa’t inggit na inggit sa akin ang mga kababata ko dahil sa naging kaibigan ko ang mga magkapatid na Sy. Naging malapit ako sa dalawa lalong-lalo na kay Ashton kahit na nga ba mabibilang lang sa daliri ang pagsasalita niya sa tuwinang magkakasama kami.
Minasdan ko ang bahay namin na sapat lang ang laki para sa aming tatlo nila Inay. Gawa iyon sa pinaghalong kawayan at kahoy. Matapos ay tinanaw ko sa malayo ang malaki at mailaw pa ring mansiyon ng mga Sy. Napakalayo ng agwat ng aming pamumuhay at naiintindihan ko kaya ganoon na lamang ang pagbibilin sa akin ng ina ko.
Pero masama bang mangarap? Masama bang humanga? Masama bang magkagusto sa isang katulad nila?
Pumikit ako’t nahiga sa pinong buhangin at dinama ang malakas na simoy ng hangin habang inaalala ang imahe ni Ashton. Ang ngiti niya’t-tawa habang kinakausap ako kanina. Hindi ko alam kung gaano ako katagal sa ganoong ayos hanggang sa naramdaman kong tila may nakatingin sa akin. Agad ang pagdilat ko at napabalikwas ako ng bangon nang makita ang lalaking nakatitig sa akin.
“A-Ashton…” anas ko sa pangalan niya. Sa liwanag ng mga buwan at nagkikinangang mga bituin ay nakita ko ang pagdilim ng mga mata niya.
“Anong ginagawa mo rito? Bakit nakahiga ka diyan wearing a kamison? Seriously, Meredith Loise?” simangot na magkakasunod na tanong niya at hinubad ang suot-suot niyang jacket. Inilang-hakbang ang pagitan namin at isinuot iyon sa akin.
Hindi pa rin mawala ang pagkakunot-noo niya habang minamasdan ako mula ulo hanggang paa. Tila hindi pa rin makuntento na isinara niya ang zipper ng jacket hanggang leeg ko.
Napalunok ako nang magtungo siya sa likod ko at ang mahaba kong buhok na nililipad ng hangin ay inipit niya patungo sa balikat ko gamit ang isang panyo.
Tumikhim ako nang matapos siya sa ginagawa at muling nagtungo sa harap ko. Napunta ang tingin ko sa braso niya na expose dahil tanging sando na lang ang pang-itaas niya.
“Malalamigan ka,” sabi ko at tangkang huhubarin ang jacket nang hawakan niya ang kamay ko. Napalunok ako nang tila makaramdam ng kuryente mula roon.
Agad naman niyang binitiwan ang kamay ko at pinagkrus ang magkabilang braso niya. Napangiwi ako dahil sa ayos niya alam kong manenermon siya.
“A-anong ginagawa mo rito? Gabi na ah.”
“I can’t sleep that’s why I decided to take a stroll…now, what are you doing here, Meredith?”
Pilit akong ngumiti sa nagsusungit niyang boses at muling naupo sa buhangin dahil tila nanlalambot ang tuhod ko sa presensiya niya.
“Hindi rin ako makatulog kaya napagpasyahan kong masdan ang dagat.”
“Tss. Hindi mo minamasdan ang dagat, Meredith. Nakahiga ka’t nakangiti na tila ba sayang-saya ka sa iniisip mo. What are you thinking?”
Naramdaman ko ang pagpaltik ng puso ko sa tanong niya at sumunod kong naramdaman ang pag-iinit nang magkabila kong pisngi. Pilit kong pinakalma ang t***k ng puso ko at nilingon siya. Pero agad kong ipinaling ang tingin sa langit nang makitang nakatitig siya sa akin.
“Answer me, anong iniisip mo or should I say, sino?”
Ikaw at ang guwapo mong mukha…
“W-wala naman akong iniisip. Masama bang ngumiti?”
“At talagang sa akin mo pa ‘yan sinabi, bata? I have known you since you were running around here wearing only an underwear—”
“Ashton!” putol ko sa sinasabi niya na ikinatawa niya.
Naglaho ang mabilis na t***k ng puso ko sa pang-aasar niya sa akin. Napalitan iyon ng inis sa itinawag niya sa akin at pagpapaalala ng pagiging gusgusin kong bata sa harap niya noon.
“Mukha pa rin ba akong bata sa paningin mo?” Himig naiinis kong baling sa kanya.
Tumayo ako’t binuksan ang pagkaka-zipper ng jacket niya sa katawan ko na tanging manipis na kamison lang ang tumatakip sa panloob ko.
“Anong ginagawa mo?”
“Hindi na ako bata. Magiging disi-otso na ako ilang buwan na lang ang nakakalipas. Tingnan mo ang katawan ko at sabihin mong bata pa ako—”
“Meredith Loise!”
Napapitlag ako sa sigaw niya at tila doon ko lang napagtanto ang ginagawa ko. Salubong na salubong ang kilay ni Ashton at nakaramdam ako ng takot dahil sa mga mata niyang matalim ang tingin sa akin.
“Wear that jacket properly!” sigaw niya’t iniwas ang tingin sa akin. Nakita ko pa ang pagtaas-baba ng dibdib niya.
Napangiwi ako at hindi mapigilang mapaluha dahil sa reaksyon niya. Ito ang kauna-unahang beses na nakita kong galit siya sa akin.
“G-galit ka?” tanong ko’t isinuot na ng ayos ang jacket ayon sa kagustuhan niya. Hindi na rin ako naupo at kagat-kagat ang labing tahimik kong pinakawalan ang mga luha ko.
Narinig ko ang marahas na buntonghininga niya. Tumayo siya at sa takot na magtagpo ang tingin namin ay yumuko ako.
“I’m not mad. Y-you’re no longer a kid, Meredith…I admit that. Kahit sino walang magsasabing bata ka pa because you’re not that Loise I knew with pigtails and crooked teeth a decade ago. You’re a grown-up woman now, Meredith Loise, that’s why you have to be careful in front of men. Kahit gaano ka pa kakomportable sa Isla hindi ka dapat lumalabas na tanging kamison lang ang suot mo.”
Sa sobrang hinahon ng boses niya ay unti-unting kumalma ang t***k ng puso ko. Sa baritonong boses niya ay tumigil din ang pagtulo ng luha mula sa mga mata ko. Tiningala ko siya at tila nagulat siya nang makita ang mga mata kong tiyak na may bakas ng mga luha.
“Why are you crying?” nangingiti niya ng tanong. “Did I scare you?”
Tumango-tango ako at inismiran siya. “Sinigawan mo ako, paanong hindi ako matatakot?”
Tila nakonsensyang napakamot siya sa kilay niya at humihingi ng tawad na nginitian ako. “Let’s go to Calatagan tomorrow. Ililibre kita ng paborito mong ice cream.”
Natawa ako dahil tila isa akong batang inaamo ng Tatay ko matapos pagalitan.
“Hindi ko iyan tatanggihan kung ganoon, Ashton.”
“Sige na’t matulog ka na, mauuna na rin ako. Pupuntahan kita rito bago mananghalian bukas.”
Sa isiping iyon ay na-excite ako at gusto ko na ngang makatulog para bukas ay makita ko na muli siya at makasama sa Calatagan.
Tumango-tango ako’t huhubarin na sana ang jacket nang pigilan niya ang kamay ko.
“Just wear it. Bukas mo na lang isoli sa akin.”
“Pero malamig ang simoy ng hangin—”
“Ayos lang ako. Pumasok ka na sa loob dahil hindi ako aalis hangga’t hindi ka umuuwi.”
Nakangiting tumango ako at tinalikuran na siya kahit gusto kong pagmasdan ang pag-alis niya.
“Loise…”
Agad ang paglingon ko sa kanya at natagpuan ko ang sarili kong tila nabatubalani sa matiim niyang tingin sa akin.
“A-ano ‘yon?”
Naglakad siya palapit sa akin at nanlaki ang mga mata ko nang yumuko siya’t dampian ng halik ang noo ko.
“Goodnight, Meredith Loise…”
Tumawa siya’t ginulo ang buhok ko na palagi niyang ginagawa kahit noong mga bata pa kami. Sanay ako roon pero hindi sa halik na iginawad niya sa noo ko. Tumikhim ako at mabilis siyang tinalikuran habang tila may nagkakarera sa puso ko at mga paru-parong naglalaro sa tiyan ko.
Goodnight, Ashton…
***
ANG sinag ng araw sa mukha ko ang gumising sa akin kinabukasan nang umaga. Agad ang pagguhit ng ngiti sa labi ko sa tila isang panaginip na nangyari kagabi. Iisipin ko ngang baka panaginip lang ang lahat pero nang maramdaman ang lambot ng telang humahakab sa katawan ko at ang mabangong amoy na nagmumula roon ay isinubsob ko ang sarili ko sa unan at impit na tumili.
Hinalikan ako sa noo ni Ashton kagabi!
“Meredith!”
Nang marinig ang sigaw ng Nanay sa baba kasabay ng yabag patungo sa kuwarto ko ay mabilisan kong itinaklob ang kumot ko sa buo kong katawan. Saktong kabubukas ng pinto nang matabunan ko ang kulay itim na jacket na suot ko.
“N-Nay, magandang umaga po!”
“Oh, ba’t balot na balot ka? Masama ba pakiramdam mo?”
Agad ang pag-iling ko. “Hindi po medyo malamig lang po,” sagot ko at mas ibinalot ang sarili sa kumot para masigurong hindi sisilip ang jacket kong suot. Masyadong malaki iyon sa akin at tiyak na mahuhulaan niya kung kanino ang suot-suot ko dahil ito ang paboritong jacket ni Ashton na madalas ay suot niya. Ayokong mag-isip nang kung ano ang Nanay.
“Hindi naman ah, buweno kumilos ka na at mangingisda ang Tatay mo habang ako ay tutungo sa Calatagan dahil may handaan kina Lola Filipa mo,” aniyang tinutukoy ang kapatid nang namayapa kong Lola na ina niya. Pinigilan kong mapasimangot dahil tiyak na kakawawain na naman nila ang Inay roon.
“Bakit pa po kayo pupunta roon, Nanay?”
“Wala silang katulong na makuha. Minsanan lang naman kaya bilisan mo na riyan at alam mo naman ang tatay mo ayaw noong umaalis nang hindi tayo nagsasabay-sabay sa hapag.”
“Sasama ako!” presinta ko kahit na alam kong nangako si Ashton na lalabas kami. Mas mahalaga sa aking masamahan ang ina kong minamata ng mga kamag-anak namin.
Hanggang ngayon na nakalipas na ang halos dalawang dekada ay hindi pa rin nila tanggap ang pinakasalan ng aking ina kaya sa tuwinang pupunta kami sa Calatagan kung saan halos lahat ng kamag-anak namin ay doon nakatira, hindi sila mauubusan nang pang-mamata sa pamilya namin.
“Hindi na at baka mag-away lang ulit kayo ni Karen doon,” tukoy niya sa pinsan kong kamukha ng bisugong isda.
“Hindi naman ‘eh—”
“Dito ka na lamang at maghanda nang kakainin ng Tatay mo pag-uwi, doon na ako magpapalipas ng gabi.”
Iyon na ang pagtatapos ng usapan namin ni Nanay. Nag-agahan kami at masama ang loob na tinanaw ko ang pag-alis ng bangka ni Tatay na lulan si Inay na ihahatid niya sa Calatagan. Tila mabilis naglaho ang excitement ko para sa lakad namin ni Ashton ngayong araw.
Bago sila umalis ay nagpaalam akong niyaya ako ni Ashton na magpunta sa Calatagan. Pumayag agad ang Tatay pero si Inay ay nag-iingat na naman ang tingin na ibinigay sa akin pero tumango rin nang ipangako kong hindi kami aabutan nang paglubog ng araw sa Calatagan.
Iginugol ko ang oras sa paglilinis ng munti naming bahay. Ramdam ko na ang panlalagkit ng katawan ko pero hindi ko pa magawang maligo dahil nais kong diligan muna ang mga halaman na tanim namin ni Inay sa gilid ng aming bahay.
Iniayos ko ang hose pero dahil hindi ako nag-ingat ay nabasa ako at ang suot kong kamison. Layo-layo naman ang bahay sa amin kaya hindi ko na inabalang magpalit ng damit dahil aksaya lang iyon dahil maliligo rin naman ako.
Patapos na ako sa ginagawa ko nang may tumawag sa pangalan ko.
“Meredith!”
Lumingon ako at napangiwi nang makita si Arnold na nakasilip sa akin mula sa mababang kawayan na bakod namin.
Si Arnold ay isa sa mga manliligaw ko at sa Calatagan pa nakatira na tatlumpung-minuto rin ang biyahe patungo sa Isla kaya kahit ayoko siyang paunlakan sa pagbisita ay napipilitan ako.
Galing siya sa pamilyang maalwan na maituturing. Kung sa hitsura rin ay ‘di hamak na lamang siya sa mga ibang manliligaw ko. Guwapo siya’t napatunayan ko iyon dahil marami sa mga kababata ko ang may gusto sa kanya.
Naalala ko ang bista ko kaya agad kong hinablot ang tuwalya sa sampayan at ipinulupot iyon sa katawan ko. Hindi ko rin pinag-aksayahan na ayusin ang buhok kong tiyak magulo at mukha kong pawisan.
Mabuti nga’t makita niya kung gaano ako kapanget para tigilan na niya ako. Ilang beses ko na bang sinabing wala siyang mapapala sa akin pero hindi pa rin siya tumitigil sa pagdalaw-dalaw sa akin dala ang iba’t-ibang klaseng regalo.
“Napadalaw ka, Arnold?” pilit ang ngiti kong tanong at binuksan ang maliit na tarangkahan para makapasok siya.
“Nanggaling ako sa Maynila noong nakaraang araw. Nandito ako para ibigay sa ‘yo ang regalong binili ko para sa ‘yo,” aniyang iniabot sa akin ang maliit na paper bag at pumpon ng rosas na puti.
“H-hindi ka na sana nag-abala pa, Arnold.”
“Hindi ka naman kailanman magiging abala sa akin, Mer.”
Magsasalita pa lang sana ako nang matanaw ko mula sa likod niya ang pagdating ni Ashton na kunot na kunot ang noo at kasunod sila Maria’t Arvie na nanunuksong nakatingin sa amin ni Arnold.
Mukhang nakahalata ang huli at nilingon ang tinitingnan ko. Napalunok ako nang makitang sumeryoso ang tingin ni Ashton na pinagpalit ang tingin sa aming dalawa ni Arnold. Bumaba ang tingin niya sa ayos ko. Gusto kong pagsisihan tuloy na hindi ako nag-ayos. Mas niyakap ko ang pumpon na rosas na bigay ni Arvie para kahit paano ay matakpan ang itaas na bahagi ng katawan ko pero alam kong bigo ako.
“Who are you?” matigas na pagkakaingles na tanong ni Ashton kay Arnold na ngumisi lang at sinulyapan ako.
“Me? I’m her suitor.”
“Get lost.”
Napanganga ako nang marinig iyon mula kay Ashton na mabilis na naglakad patungo sa amin at binalya sa balikat si Arnold na tila nagulat at muntik pang mawalan ng balanse kung hindi nakahawak sa kawayan naming bakod. Nanlaki ang mga mata ko nang hilahin ako ni Ashton papasok sa bahay at pabalyang isara ang pinto.
Tila nag-aapoy ang mga matang tinitigan niya ako.
Ano na naman bang nagawa ko at tila masisigawan na naman muli ako?
TBC