Kabanata 1

1815 Words
KABANATA 1 Loise Summer year 20** “MEREDITH! Ano ba’t katagal-tagal mo diyan?! Tumulong ka nga dine!” Napangiwi ako sa sigaw ng Nanay sa akin mula sa baba. Nagmamadaling pinasadahan ko muli ng suklay ang mahaba kong buhok at siniguradong walang kagusot-gusot ang suot kong bestida. Pagbaba ko ay napapailing na pinasadahan ako nang tingin ni Nanay. “Meredith Loise, bakit ba iyang puti mo pang bestida ang napili mong i-suot? Pupunta tayo sa mansiyon ng mga Sy para maglinis. Tiyak na madudumihan ka lang—” “Pola, hayaan mo na nga ang ating anak. Bagay na bagay naman sa kanya ang suot niya, tiyak na maraming kalalakihan na naman ang mabibihag mo, Meredith,” saad ni Tatay na kadarating lamang mula sa pangingisda. Tumakbo ako at nagmano sa ama ko. Nangingiting yumakap ako sa bewang niya walang pakialam kung pawisan man siya. “Talaga bang bagay sa akin, Itay?” “Aba siyempre naman, anak. Kailan ba ako nagsinungaling?” “Tama na ‘yan at halika na’t lumakad, Meredith, nang maaga tayong matapos sa gawain sa mansiyon.” Ang tinutukoy na mansiyon ng Nanay ay ang malaking bahay na pagmamay-ari ng mga Sy. Sila ang pinakamayamang pamilya sa Isla del Fuego kung saan ako ipinanganak at lumaki. Tuwing summer at wala akong pasok ay tumutulong ako kay Nanay na magtrabaho para sa mga Sy. May mas malalim na dahilan kung bakit todo ang pagpopostura ko ngayong araw. Nabalitaan ko kasi mula kay Itay na ngayon ang dating ng mga anak nila Donya Almira at Don Miguelito. Papauwi na ang magkapatid na sina Ashton at Arvie mula sa pag-aaral sa Maynila. Sabik na akong muling masulyapan ang lalaking tinatangi ko mula nang magkaroon ako ng muwang pagdating sa pag-ibig. Si Ashton Ulysses Sy. Napapitlag ako nang makatanggap nang pinong kurot mula sa aking ina. “Aray naman, Inay! Bakit po ba?” “Ikaw Meredith, alam na alam ko bakit ka nag-ayos ngayon. Sinasabi ko sa ‘yo tigilan mo iyang pagpapa-cute mo kay Ashton.” Ngumuso ako at inipit ang tumakas na hibla ng buhok sa gilid ng tainga ko. “Si Nanay naman, crush lang naman!” “Crush crush ka riyan! Tantanan mo’t bukod sa malayo ang agwat natin sa kanila matanda siya para sa batang katulad mo!” Sumimangot ako. “Hindi na ako bata inay! Ilang buwan na lang ay disi-otso na ako!” “Bata ka pa rin sa mga mata namin ng ama mo. Ang atupagin mo na lang ay ang pag-aaral mo. Sa susunod na taon ay magkokolehiyo ka na, hindi namin kaya ng Tatay mo na mapag-aral ka sa Maynila katulad nila Alana…” nalulungkot na banggit ni Inay sa kaklase kong si Alana. Umabrisete ako at ngumiti. “Inay, sa calatagan na lang ako mag-aaral. Wala pang tatlumpung-minuto ang biyahe.” “Ayos lang ba sa iyo ‘yon, anak?” “Ayos na ayos! Ayoko pong pumunta ng Maynila. Masaya na ako dito sa Isla,” saad ko at nilanghap ang sariwang hangin. Minasdan ko ang dagat na ilang dipa lang ang layo sa amin. Nakahinga ako nang maluwag nang makitang napanatag na ang aking ina sa sinabi ko. Mataas ang pangarap ko hindi lang para sa sarili ko kung hindi para na rin sa mga magulang ko. Pero alam kong kalabisan lang kung pipilitin kong makapunta ng Maynila para mag-aral. Tanggap ko na ang kapalaran ko. Dito ako mag-aaral, bubuo ng pamilya at tatanda. Sana nga lang ay si Ashton ang kasama ko sa pagbuo ng pamilya at pagtanda! Pilyang bulong ng isip ko. Pinigilan kong bumungisngis sa takot na muling makatanggap ng kurot mula sa ina ko. *** “MEREDITH, mabuti naman at nakasama ka sa iyong Nanay,” akap sa akin ni Donya Almira nang makapasok kami sa mansiyon ng mga Sy. Hindi matapobre ang pamilya ng mga Sy. Mababait sila lalong-lalo na si Donya Almira na giliw na giliw sa akin. Higit sa lahat mapagbigay sila sa mga katulad naming naninilbihan sa kanila. Katunayan ang suot-suot kong bestidang puti na ipinadala niya kay Nanay no’ng nakaraang buwan kahit hindi ko naman kaarawan. “Donya—” “Tita…ilang beses ko bang dapat sabihin sa iyo ‘yon?” Nahihiyang ngumiti ako at inipit ang tumakas na hiblang buhok ko sa gilid ng tainga ko. “T-Tita Almira, maraming salamat nga po pala dito sa bestidang ibinigay ninyo sa akin.” Ngumiti siya’t pinakatitigan ako. “Mabuti naman at nagustuhan mo, ikaw agad ang naisip ko nang makita ko ang dress na ‘yan sa Maynila. Dalagang-dalaga ka na ngang talaga, parang noon lang ay maliliit pa kayo nila Ashton na nagtatakbuhan sa dalampasigan.” Nang mabanggit ang pangalan ni Ashton ay napunta ang tingin ko sa taas umaasang lumitaw siya sa paningin ko. Tumawa si Donya Almira dahilan para mabalik ko ang tingin ko sa kanya. “Hinahanap mo ba sila Ashton? Nasa swimming pool sila, why don’t you join them? Your cousin Maria is also there.” “Ay nako hindi na po Donya, nandito po si Meredith para tulungan ako sa paglilinis,” sagot ng Nanay ko sa ina nila Ashton. “Oh, come on, Pola. Let her join her childhood friends, matagal-tagal na rin nang huli silang nagkita. Ang totoo ay tapos nang maglinis sila Manang Ising ng kabahayan kanina pa, bakit hindi mo ako samahan sa hardin? May mga bagong bulaklak akong nais itanim.” Inakag ni Donya Almira si Inay patungo sa likod ng mansiyon at sinenyasan na akong magtungo sa swimming pool area. Sumilay ang matamis na ngiti sa akin bago ako naglakad patungo sa taong laging laman ng isip ko lalong-lalo na ng puso ko. Pagsilip ko ay nakatalikod silang tatlo sa akin habang naglulunoy sila sa swimming pool. Nanatili akong nasa likod ng halaman habang pinapakinggan ang usapan nila. “How’s life in Manila?” tanong ng pinsan kong si Maria na napangiwi ako nang makitang nakasuot siya ng two-piece bathing suit. Hindi ko makita ang sarili kong nagsusuot nang ganoong klaseng panligo. Bukod sa halos nakahubad ka na sa paningin nang iba, tiyak na hindi lang kurot kung hindi may kasamang sabunot ang matatamo ko mula kay Inay. “Kung makapagsalita ka naman ay parang hindi ka pa nakakapunta roon, babe. It’s exhausting, I really wanted to stay here, bakit kaya hindi na lang ako gumaya sa ‘yo at mag-aral na lang sa calatagan—” “Hindi naman permanente ang pag-aaral ko roon, babe. Sa susunod na pasukan ay doon na rin ako sa eskuwelahan mo para mabantayan kita, napag-usapan na namin iyon ni Daddy, tutal ay magaling na rin naman ang Mommy,” putol ng pinsan ko sa nobyo niyang si Arvie. Bagama’t pinsan ko si Maria ay malayo ang antas nang pamumuhay namin sa kanila. Isang engineer ang kanyang ama na kapatid ng Nanay ko na si Tito Arthur samantalang si Tita Lily naman ay isang dalubhasang doktor. Minsan ay nakakaramdam ako ng inggit pero masaya naman ako sa buhay na ibinibigay sa akin ng magulang ko. Ang mahalaga ay sama-sama kami. “How about you, Ash? May girlfriend ka na ba sa Maynila? Balita ko kay Arvie ay maraming nagkakagusto sa iyo roon?” Napasimangot ako sa sinabi ng pinsan ko at napunta ang tingin ko kay Ashton na umiling lang at tumawa. Hindi man lang sinagot ang tanong ni Maria. Meron ba o wala? Minasdan ko si Ashton at napalunok ako nang makitang tila mas dumoble ang kaguwapuhan niya mula nang huli ko siyang makita. Ilang buwan pa lang ang nakakalipas pero tila nag-mature ang anyo niya. Mula sa mga bilugan niyang mga mata, patungo sa napakatangos niyang ilong pababa sa may kanipisan niyang labi. Wala akong nakikitang kapintasan sa kanya. Napalunok ako nang mapunta ang tingin ko sa mga masel niya sa dibdib. Isa… Dalawa… Tatlo… Apat— “Mer! Anong ginagawa mo riyan?” “Lima!” sigaw ko sa gulat sa pagtawag sa akin ng pinsan kong si Maria. Napangiwi ako nang ang tingin nilang tatlo ay napunta na sa akin. “Lima?” nagtatakang saad ni Ashton sa akin at lumangoy malapit sa kinatatayuan ko. “Anong meron sa lima, Loise?” Pakiramdam ko pinamulahan ako ng pisngi sa pagtawag sa akin ni Ashton sa pangalawa kong pangalan. Tanging siya lang ay may kakayahang palakasin ang t***k ng puso ko sa simpleng pagbanggit niya sa pangalan ko. “Loise?” Nabalik ako sa reyalidad nang marinig ang tawag sa akin ni Ashton. Tumikhim ako at umiling. “Wala, may binibilang lang ako sa isip ko,” nakangiti kong sagot sa kanya. “Anong binibilang mo, Mer?” nakalapit na rin ang magkasintahan sa akin. Tumingin ako kay Arvie na nagtanong bago ko naibalik ang tingin kay Ashton. Nagbaba ang tingin ko sa dibdib niya pero mabilis kong inalis ang tingin ko roon sa takot na malaman nila kung anong binibilang ko. “Kumusta na kayo?” pag-iiba ko ng paksa at hindi na sila sinagot pa. “Guwapo pa rin,” kumikindat na sagot sa akin ni Arvie na ikinatawa ko. “Huh, tila mas gumanda ka yata ngayon, Meredith, may nanliligaw na ba sa ‘yo?” “Marami!” sagot ni Maria para sa akin. “Alam ninyo bang linggo-linggo ay iba’t-ibang lalaki ang umaakyat ng ligaw kina Mer? Naaalala ba ninyo si Jojo? Iyong batang mataba noon? Isa siya sa nanliligaw kay Mer at hindi lang prutas ang dinala niya sa bahay nila Auntie kung hindi isang baka. Akala mo ay pagpapakasal na ang nais,” natatawang pagkukuwento ni Maria. Napapangiwing napunta ang tingin ko kay Ashton na malayo na ang tingin at nawala na ang matamis na ngiti para sa akin kanina. “Well, hindi ko rin naman sila masisisi, talagang napakaganda ni Meredith naiiba sa mga kababaihan sa Maynila.” “Nagseselos ako sa sinasabi mo, babe, pero kailangan kong sumang-ayon sa ‘yo. Si Meredith na nga yata ang pinakamagandang babae sa isla. But who’s more beautiful sa mga mata mo? Me or Meredith—” Napasinghap ako nang kintalan ng halik ni Arvie si Maria. Ako ang nahiya para sa kanila nang tila wala kami ni Ashton sa paligid nang maghalikan silang dalawa. “Tss, get a room!” saboy ni Ashton ng tubig sa kanilang dalawa. Tumawa lang ang dalawa at bagama’t naghiwalay na ang mga labi ay halos magkayakap pa rin. “Why don’t you take a swim, Mer? Mainit ang panahon, masarap maglangoy,” aya sa akin ni Maria pero agad akong umiling. “Hindi na Maria, wala naman akong baon na damit—” “Iyon lang ba? I have a spare swimsuit in my bag. You can use that, tiyak na babagay sa iyo ‘yon tapos ay maglangoy rin tayo sa dagat para maraming mga kalalakihan na naman ang maakit sa ‘yo—” “No!” Napapitlag ako at natigilan si Maria sa pagsasalita sa sigaw ni Ashton na mabilis na umahon at hinawakan ang pulsuhan ko. “Let’s go, may ibibigay ako sa ‘yo.” Bumungisngis si Maria at malakas na umubo si Arvie. Sinamaan sila nang tingin ni Ashton bago ako tuluyan nang hinila paalis. Anong problema nila? TBC Baka matagalan pa po ang contract ko para sa storyang ito gayunpaman ay unti-unti ko na po siyang i-u-update ?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD