TUMATAK NA sa isip ni Nova ang tuluyang pag-iwas sa Senyorito Lucas, hindi dahil sa mga payo at babalang binitiwan sa kaniya nila Aling Ester at Tiyo Antonio, bagkus ay dahil sa kahihiyang kaniyang nagawa. Hindi niya malaman kung sa paanong paraan niya ito haharapin. Nakita niyang nagalit ang mga mata nito at binulyawan pa siya upang lumabas ng silid. Hiyang-hiya siya sa katangahang nagawa at tiyak siyang kahit sino naman sa kaniyang posisyon ay wala nang mukhang maihaharap sa lalaki. Palagi na lamang hindi maganda ang kanilang pagtatagpo. At palagi na lamang pagalit ang bungad nito sa kaniya. Sino ba naman ang hindi? Kung wala na siyang ginawang tama sa mga mata nito. Dahil kasalukuyang ginagamot sa Maynila ang kabayo ni Lucas na si Snow White ay hindi lumalabas ang lalaki upang libutin