MAAGANG lumabas ng kanilang mumunting tahanan si Antonio, isang mangingisda sa Baryo Maligaya (Isang maliit na lugar sa loob ng Isla Elysian) Nasa limampu na ang edad nito at ganoon din ang asawa nitong si Julieta, tatlumpung taon nang nagsasama ang mag-asawa ngunit hinid nabiyayaan ng anak. Ginawa na nila ang lahat upang mabiyayaan ng isang supling subalit hindi sila pinalad. Hinayaan na lamang ang kung anong inilaan sa kanila ng panginoon. Isang guro si Julieta sa isang maliit na paaralan sa gitnang bahagi ng isla, samantalang isang mangingisda naman ang napangasawa nito, si Antonio. Mapait man ang mundo sa kanila sa pagkakaroon ng anak ngunit hindi naging ganoon kalungkot ang kanilang buhay dahil masaya silang magkasama, hindi naging hadlang ang kawalan ng anak para sa mga ito. Hindi man pinalad sa pagkakaroon nito ay pinalad naman ang mag-asawang makilala ang isa’t isa.
“Magandang umaga, Senyorito Lucas,” bati ni Antonio sa anak ni Don Gabriel, si Lucas. Sakay ito ng isang putting kabayo. Tuwing umaga ay umiikot ito sa isla ngunit wala namang ibang ginagawa patungkol sa pamamahala dito, naglilibang lamang ito sap ag-iikot sakay ng puti nitong kabayo na si Snow White. Tahimik ito at walang pakialam sa mga tauhan ng isla. Hindi rin ito babati sa kung sino man, dadaan lamang iyon sa harapan nila, kapag binati ay tatango. Hindi malaman ni Antonio kung kanino namana ang masamang ugali nito, mabait at maalalahanin si Don Gabriel, maalaga rin ito sa mga tauhan, napakalayo sa ugali ng anak nito. Ang totoo pa nga’y mas mamarapatin nilang hindi na lamang nagkaanak ang Don kung kasing sama lamang din ng ugali ni Lucas. Devil Lucas ang tawag ng mga tiga-Baryo Maligaya sa binatilyo, kilala rin ito sa pagiging mapaglaro sa babae. Lahat na yata ng kasamaan ng ugali ay inipon nito at sinalong lahat.
“Pabayan n’yo na, Mang Anton,” ani ng binatilyong kasamahan ni Antonio sa pangingisda at tinapik pa ang kaniyang balikat.
Nagkibit balikat na lamang ang matanda at nagsimula nang tahakin ang puting buhangin ng isla patungo sa dalampasigan upang ilabas ang kaniyang bangka. Tinulungan siya ng binatilyong kasama upang itulak ang bangka pasulong, ngunit huminto ito at pumikit-pikit nang mayroong mapansin mismong gawi kung saan malakas na humahampas ang alon mula sa asul na dagat.
“Ano bang ginagawa mo, Lester, itulak mo.”
“Teka lang po, Mang Anton. Tignan mo.” Itinuro nito ang gawi kung saan may nakita siyang bulto ng isang tao na nakahiga sa putting buhangin at bahagya pang hinahampas ng alon ang mga binti nito. “May tao! Tignan po natin!”
Kaagad na tinignan ni Antonio ang itinuro nito at doon nga niya nakita ang sinasabu nitong tao, magkasunod silang tinakbo ang gawi at minarapat na lapitan ang kanilang nakita. “Mahabaging diyos! Isang dalaga, tignan mo kung humihinga!” Bahagya nang natuyo ang buhok nito at ilang parte ng katawan, tiyak siyang ilang oras na naroon ang dalaga. Napangiwi si Antonio nang makita ang napakaraming sugat nito sa katawan. Ganoon pa man hindi naitago nito ang maputing balat ng babae. Bahagyang napunit na rin ang damit nito.
Dali-dali siyang sinunod ng binatilyong tinawag niyang Lester. Hinawakan nito ang braso ng babae at dinama kung may pulso pa ito. “Humihinga siya, Mang Anton, pero ang dami niyang sugat.”
“Oh, siya, siya, tulungan natin siya. Tulungan mo ako’t dalhin natin siya sa klinika.”
Nagtulong ang dalawa na buhatin ang babaeng kanilang natagpuan sa dalampasigan, hindi ganoon kalaki ang kilinka ng kanilong doktor sa isla ngunit sapat ang kagamitan nito sa panggamot na nanggagaling pa sa Maynila sa tulong ni Don Gabriel. Isinakay nila ang dalaga sa isang kariton ngunit nasa tapat na sila ng klinika nang magbago ang isip ni Antonio. "Lester, dalhin na lang natin siya sa bahay, may alam din naman sa panggamot ng sugat si Julieta," wika niya na mayroong desididong mga mata.
Nagtatakang tumingin sa kaniya si Lester. "Bakit ho?"
"Basta, tulungan mo na lang ako."
Hindi nakuntento si Lester sa naging sagot ni Antonio ngunit ganoon pa man ay sumunod na lamang din ang biantilyo. Dinala nila ang babae sa loob ng mumunti nilang kubo ni Julieta. Ganoon na lamang ang gulat ng kaniyang asawa nang makita ang bitbit-bitbit nilang sugatang dalaga.
"Diyosmiyo! Sino ang dalagang iyan? Anong nangyari sa kaniya?" Aligagang nilinis ni Julieta ang ibabaw ng kawayan nilang upuan upang doon ihiga ang sugatang babae, kaagad itong kumuha ng mga gagamitin sa paglilinis ng mga sugat nito at kung ano-ano pa. Habang nililinisan niya ito ay napansin niya ang suot nitong isang kwintas, mayroon itong pangalang nakaukit na siyang pendant nito. "Nova? Nova ang pangalan niya."
"Nova? Ang gandang pangalan, mukhang yayamanin, Aling Julieta." Tumawa si Lester at napatingin kay Antonio na seryoso ang mukha at nakatingin lamang sa babaeng nakuha nila. "Mukha siyang taga-Maynila, 'di po ba, Mang Anton?"
"Oo, pero..." Humarap si Anton kay Lester. "P'wede bang wala munang makakaalam nito, kahit na sino sa Baryo Maligaya? Gusto kong maging lihim muna ang pagkakakita natin sa kaniya sa dalampasigan."
"Pero bakit po?"
"Wala nang maraming tanong pa, Lester, para na rin ito sa kaligtasan ng babaeng 'yan, paano kung binalak siyang patayin? At may taong hinahanap siya ngayon? Hintayin na lang muna natin siyang magising." May punto si Antonio sa kaniyang mga sinabi, maaring tama ang kaniyang sinabi ngunit maari ring mali, subalit ganoon pa man, nagkasunod silang tatlo na ilihim muna ang tungkol sa dalaga hanggang sa magising na ito at ito mismo ang magsabi sa kanila nang nangyari. Sa kabilang banda ay mayroong kung ano sa isipan ni Antonio na bumabagabag dito, hindi nga lamang siya tiyak kung ano ito.
"Anton, hindi ka na ba papalaot?" tanong ni Julieta, trenta minutos na ang nakalilipas simula nang tuluyan niyang malinisan ang mga sugat ng dalaga at mapalitan ito ng damit. Dinala nila ito sa nag-iisang silid .sa kanilang kubo, papag ang higaan at tanging ang manipis lamang na kumot ang nagsilbing sapin nito.
"Bukas na lamang siguro, nag-aalala ako para sa dalagang iyan."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Wala, Julieta, kalimutan mo na lamang."