NANG mainip sa labas ay muling pumasok si Nova sa loob ng bahay. Nadaanan niya ang salamin na nakasabit sa dingding at kaagad napansin ang sarili. Humarap siya roon. Naghilom na ang kaniyang mga sugat subalit may iilan pa ring marka na naiwan ngunit hindi naman ganoong litaw dahil sa maputi niyang balat. “Bakit ba wala akong matandaan, kahit na ano? Sino ba ako. Ano ba ako?” Tinapik niya ang magkabilang pisngi at naupo sa upuang kawayan sa loob ng bahay. Tapos na siya sa mga gawaing bahay na araw-araw niyang nakikitang ginagawa ng Tiya Julieta ngunit dahil madalas na nasa trabaho ito ay siya na ngayon ang naiiwan upang gawin ang mga ito. “Magagalit kaya si Tiya kung sasaglit ako sa labas? I’m really bored here—” Napahinto siya nang mapansin ang mga sinabi. Paano siya natuto mag-Ingles? Ano kaya ang dati niyang buhay. Nang mapaisip ay mariin siyang napapikit at umiling. “Ano ba naman ‘to. Ang hirap naman maging isang amnesia girl. Napakaraming tanong sa isip ko na walang sagot ang kahit na sino man. Isa lang ang alam ko, hindi ako tiga-rito sa isla. Pero hindi muna ‘yon ang iisipin ko.” Tumayo siya mula sa kinauupuan. “Final na, lalabas talaga ako. Sasaglit lang ako. Hindi naman siguro ikagagalit ni Tiya Julieta ‘yon,” pagpapalakas loob niya sa kaniyang sarili. “Syempre hindi.” Napangiti siya at nagtungo sa silid ng mag-asawa. Naghatak siya ng isang balabal mula sa damitan ni Julieta. Ibinalot niya ito sa ulo gaya ng ginagawa ni Julieta sa mga balabal nito araw-araw.
Suot ang mahabang palda, maluwag na T-shirt at balabal ay tuluyang umalis ng bahay si Nova upang sandaling mag-ikot-ilot sa isla. Ito ang naisip niyang paraan upang alisin ang pagkabagot ngayong araw. Dalawang linggo na rin naman siyang nananatili sa loob ng bahay.
Tinahak niya ang puting buhangin sa dalampasigan. Hindi niya maiwasang mapangiti nang hubarin niya ang kaniyang tsinelas at lumapat ang kaniyang mga paa sa mainit na buhangin. Kay sarap sa kaniyang pakiramdam. Tuwang-tuwa siya. Ipinagpatuloy niya lamang ang paglalakad kung saan-saan hanggang sa marating niya ang bayan. Natutuwa siya sa paglalakad kaya naman mamaya niya na lang iisipin kung paano ang daan pabalik. Napakaraming tao ang nilalampasan siya. Nakapaligid ang maliliit na tindahan ng kung ano-ano. Batid niyang hindi ito ang unang pagkakataon na nakakita siya ng ganito kaliit na pamilihan at napakaraming mamimili.
Dahil sa paglinga-linga kung saan hindi napansin ni Nova ang isang dalaga sa kaniyang harapan. Nabangga niya ito at tumilapon ang ilan sa pinamili nitong yakap-yakap sa dibdib at nakabalot lamang ng paper bag. Napunit ang paper bag na siyang naging dahilan upang kumalat ang ilan sa pinamili nito sa sahig. “Oh my god! I’m sorry!” bulalas niya habang nanlalaki ang mga mata. Dali-dali siyang kumilos upang pulutin ang mga bilog na prutas na tumilapon sa sahig. “Pasensiya na po talaga.” Iniabot niya sa babaeng nabangga ang mga pinulot na prutas ngunit napahinto siya nang makitang nakasimangot ang mukha nito.
“Bulag ka ba? Bakit hindi mo ‘ko nakita?” Tumaas ang isang kilay nito habang masungit na nakatitig sa kaniya. Tila siya kakainin nito ano mang oras.
“Pasensiya na, sa iba kasi ako nakatingin.” Yumuko siya. Tinanggap naman ng babae ang pinulot niyang mga prutas.
“Bwisit! Umalis ka nga sa harapan ko!” Nag-irap ito ng mga mata at binagga ang kaniyang balikat matapos siyang lampasan nito.
Malalim na bumuntong hininga si Nova. “Ang sungit. Hindi naman kagandahan.” Natawa siya sa kaniyang sinabi at napailing. Ilang minuto rin siyang nag-ikot-ikot sa loob ng pamilihan. Napansin niyang pabalik-balik lamang siya sa kaniyang mga nadaraanan. Doon ay napaisip siyang hindi gaano kalakihan ang lugar. Pinasok niya nag ilan sa tindahan. Nalulula siya sa magagandang kagamitan at paminsan-minsan ay may gustong bilhin ngunit lamang sa kaniyang isip na wala siyang dalang pera. Dahil doon ay napagtanto niyang nagiging pabigat siya sa mag-asawang Santos. “Paano kaya kung maghanap ako ng trabaho? Para makatulong ako sa kanila, pero saan naman ako maghahanap?” Iniikot niya ang paningin sa paligid. Nag-iisip siya ng paraan kung saan makahahanap ng trabaho. Ang mga nadaanan niyang pamilihan ay wala namang nakapaskil na hiring. Kaya naman naisipan niyang maghanap a mag-ikot-ikot pang muli. Dinala siya ng kaniyang paglalakad sa isang malaking bahay. Natatangi ang bahay na ito sa lahat ng kaniyang mga nadaanan. Napakalaki nito at makaluma ang disenyo. Nakatayo ito sa gitna ng isla at napalilibutan ng malalaking bakod. Hindi niya alam kung sa papaanong paraan ay narating niya ito. Ngayon ay hindi niya na alam ang kaniyang daraanan pabalik sa bahay. Tumingin siya sa gawi na kaniyang pinanggalingan bago marating ito. Napasigaw siya sa gulat nang bumuhos mula sa kaniyang uluhan ang malamig na tubig.
“Hala! Jusko! Pasensiya na!” Dali-daling lumabas ng gate ang isang ginang nang marinig ang kaniyang pagtili. Mula sa mataas na bakod ng bahay nagmula ang tubig na bumuhos sa kaniya at hindi niya alam kung saan ito nanggaling. “Jusko po! Pasensiya na!” Simple lamang ang kasuotan ng ginang; bahagyang luma at may punit pa ito sag awing laylayan ng T-shirt na kulay itim. “Pasensiya na talaga, itinataboy ko lang kasi ang mga kalapating iyon sa ibabaw ng bakod at doon nagkakalat. Kailangan kong buhusan ng tubig kaya lamang ay lumagpas, hindi ko rin akalaing may tao at araw-araw ko naman iyang ginagawa. Nagkataong nariyan ka ngayon,” mahaba ang naging paliwanag nito bago nagbitaw ng isang malalim na buntong hininga.
Ngayon ay basang-basa si Nova. Malamig din ang temperatura ng tubig na bumuhos sa kaniyang buong katawan. “A-ayos lang po.” Ngumiti siya at pinagmasdan ang kaniyang katawan.
“Naku, hindi iyon ayos. Pumasok ka muna sa loob para naman mapatuyo ko ang damit mo. Hayaan mo akong makabawi sa perwisyong nagawa ko.”
“Hindi po.” Inalis niya sa uluhan ang balabal.
“Pakiusap, tiyak akong magkakasakit ka niyan kung hindi kita tutulungang magpatuyo.”
Napaisip si Nova. Hindi niya nais magkasakit. Isa pa ay nauuhaw na siya. “Sige po, makikisuyo na rin ako ng isang basong tubig.”
Tumango ang ginang at ngumiti.