“ANONG pangalan mo?” tanong ng ginang nang pagbuksan si Nova ng pintuan papasok sa malaking bahay. Hindi siya kaagad nakatugon dahil namimilog ang kaniyang mga mata sa kagandahan ng buong bahay. Sa paghakbang niya pa lang papasok sa loob ng bahay ay hindi na niya naiwasang mamangha. Pinagalong antigo at moderno ang disenyo at kagamitan.
Ang ganda! Bulalas niya na lamang sa isip. “Ako po si Nova.” Ngumiti siya at niyakap ang sarili nang maramdaman ang lamig sa loob ng bahay dahil sa bukas na air conditioner.
“Aba maganda ang pangalan mo. Taga saan ka ba? Halika rito.” Inaya siya nitong pumasok sa isang silid. “Magpalit ka muna rito sa kwarto.” Nagtungo ang ginang palapit sa isang kahoy at mababa na aparador. Naglabas ito ng ilang damit at iniabot sa kaniya. “Pansamantala itong T-shirt ko muna ang isuot mo at magbalot ka muna ng kumot, patutuyuin ko lang saglit ang mga damit mo sa dryer.”
“Nakakahiya naman po.”
“Naku, perwisyo ang nagawa ko sa ‘yo. Tiyak na magkakasakit ka sa oras na matuyuan ka ng basang damit sa katawan,” ani nito, “O siya’t magbihis ka na.”
“Sige po, maraming salamat.” Kaagad siyang pumasok sa loob ng maliit na banyo at dali-daling nagpalit ng damit. Nang matapos ay naupo siya sa ilalim ng double deck na kama. Yari ito sa bakal. “Ang ganda naman po ng bahay n’yo.”
“Bahay ko?” Tumawa ang ginang habang abala ito pagha-hanger ng kaniyang pinatuyong damit. “Hindi ko ‘to bahay. Kasambahay lamang ako rito, sandali nga’t hindi mo ba kilala kung sino ang may-ari ng bahay na ‘to? Si Don Gabriel lang naman hija.”
“Don Gabriel?” bulalas niya habang napakunot ang noo. “Sino ho siya? At bakit po kaya nag-iisa ang malaking bahay na ‘to sa lahat ng nadaanan ko. Ang ganda-ganda pa.” Hindi niya maiwasang magtanong ng kung ano-ano dahil na rin sa paninibago niya sa lugar. Isa pa ay wala talaga siyang kaalam-alam kung nasaan siya napadpad. Kung sino at ano siya. Walang alaala kahit na kapiranggot man lamang.
“Hindi mo kilala si Don Gabriel? Bago ka lang ba sa isla?” Kumunot ang noo ng Ginang. “Hindi ako masiyadong lumalabas ng bahay na ito kaya naman hindi ko masabi kung tagarito ka o hindi.”
Sandaling natahimik si Nova. Hindi niya nais mapaano sa lugar na ito. Naalala niya bigla ang iniwan sa kaniyang paalala ni Antonio at Jilieta sa kaniya; na kahit anong mangyari ay hindi niya sasabihing napadpad lamang siya sa isla dahil sa isang aksidente. Ayon dito ay mahigpit ang mga taga Elysian sa bagong salta lalo na at walang kamag-anak sa isla. “Bago lamang po ako, kamag-anak ako ni Antonio Santos at Julieta Santos. P-pamangkin po nila ako.”
“Ganoon ba.” Tumango ito. “Hindi ko sila kilala, siguro ay nasa gawing unahan sila ng isla. Hindi pamilyar ang pangalan nila sa ‘kin. Siya nga pala, Nova, ako si Ester. Kung gusto mo ay tawagin mo na lamang akong Aling Ester. Pasensiya na talaga sa ginawa ko kanina, hindi kita napansin sa labas ng bakod.”
“Naku, ayos lang po. Hindi naman malaking abala. Isa pa’y pinatuloy n’yo naman ako at ngayon ay inaasikaso. Sino nga po pala si Don Gabriel?”
“Siya ang may-ari ng Isla Elysian, maging ng bahay na ‘to. Mayroon siyang nag-iisang anak, Lucas ang pangalan.”
“Napakayaman niya po pala kung ganoon.”
“Talagang mayaman at mabait, hija. Malayo sa anak niyang si Lucas.” Mahinang natawa ang ginang na nagngangalang Ester. Bahagyang may katabaan ito at puti na rin ang ilang hibla ng buhok. Hindi siya tiyak sa edad ng ginang ngunit ang mahalaga sa kaniya ngayon ay ang kabutihang loob nito. “Natutuwa ako sa ‘yo.”
“B-bakit naman po?” Pinamulahan siya ng pisngi. Unang pagkakataon ito na kaniyang narinig ang ganoong kumplemento sa kaniya. Hindi niya alam kung sa paanong paraan ay nasabi ito ng ginang.
“Masaya kang kausap. Hindi ka rin suplada tulad ng ibang dalaga rito na nakasalamuha ko na. Ano nga pala ang ginagawa mo sa labas ng bahay?” Ipinagpatuloy ng ginang ang ginagawa.
“Nainip po ako sa bahay nila Tiya Julieta kaya naman naisipan kong lumabas at maglibot. Sa paglilibot ko po sa isla, napagdesisyunan ko na ring maghanap ng trabaho. Hindi ko rin po alam, bakit ako napunta rito, pagdaan ko sa maliit na eskinita, ito na po ang bumungad sa ‘kin. Isang malaking bahay.”
“Ganoon ba, anong trabaho ba ang hinahanap mo? Marami akong kakilala sa pamilihan.”
“Talaga po?” Namilog ang kaniyang mata. Tila si Aling Ester ang sagot sa kaniyang paghahanap. “Kahit ano pong trabaho tatanggapin ko. Gusto ko lang pong makatulong sa tiyahin at tiyuhin ko.”
Ngumiti si Ester. “Ganoon ba, kung gusto mo talaga huwag na tayong lumayo. Dito sa mansion ng mga Sebastian naghahanap ng isa pang kasambahay. Umalis kasi ang pangunahing kasambahay ni Señiorito Lucas, bumalik sa Maynila. Hindi naman mabigat ang gawain dito, maraming kagamitan sa paglilinis ang high-tech na. Kung hahanapan kita sa pamilihan, mas mahirap ang trabaho roon.”
“Kahit saan po. Pero mas gusto ko yata na magtrabaho na lamang dito, dahil may kakilala na ako, kayo Aling Ester. May magtuturo sa ‘kin kahit na paano.”
“Wala namang problema doon.” Isinampay ni Ester ang damit sa labas ng bintana ng silid. Nang matapos ay humarap ito sa kaniya. “Kung gusto mor in, hintayin mo nang makabalik si Don Gabriel para naman masabi na natin kaagad sa kaniya at makapagsimula ka bukas.”
Siguro naman ay hindi magagalit sa ‘kin si Tiya Julieta at Tiyo Antonio kung sandal pa akong magtatagal dito. Kung sabagay ay gabi rin naman ang kanilang uwi. Matapos niyang pag-isipan at kunsintihin ang sariling desisyon ay kaagad siyang tumango. “Sige po. Hihintayin ko na lamang siya. Talagang gusto ko na po makapagtrabaho nang sa ganoon ay hindi na ako maging pabigat sa bahay.”