TATLONG LINGGO mahigit na simula nang tumira si Nova sa bahay ng mag-asawa, ngunit wala pa rin siyang alaala. Sinimulan niyang tumulong sa gawaing bahay habang umaalis ang mga ito at siya lamang ang naiiwan sa loob ng bahay. Isang umaga ay maagang umalis ang mag-asawa. ‘Tiyo’ at ‘tiya’ ang napili nilang itawag ng dalaga. Naging maayos naman ang pananatili niya sa bahay ng mga ito ngunit kailangan niyang lumabas ng bahay dahil talagang inip na inip na siya. Kung hindi niya gagawin ito, ay mabubulok siya sa kubo ng mag-asawa.
“Magandang umaga,” bati niya sa mga halaman ng kaniyang tiyahin nang madaanan niya ito sa bakuran. Isang maaliwalas na umaga ang kaniyang nadatnan. Umupo siya sa isang bangko na nasa labas ng bahay. Ikinangiti niya ang malamig na simoy ng hangin sa paligid at ang magandang tanawin, puti ang buhangin, naglalakihan ang puno ng buko at tanaw rin hindi kalayuan ang asul na dagat. Gumuhit ang ngiti sa kaniyang labi. Napakagaan ng kaniyang pakiramdam dahil sa magandang kapaligiran. Tila ito isang paraiso, subalit hindi niya maiwasang mag-isip kung ano ba ang nakaraan niyang buhay bago siya napadpad sa isla. Nangako naman ang mag-asawa na tutulungan siyang hanapin ang kaniyang pamilya, subalit tiyak na malayo iyon dahil wala siyang maalala kahit na katiting sa kaniyang nakaraan.
Lingid sa kaalaman ni Nova ang dalawang pares ng mga matang nakatingin sa kaniya at tila namamangha nang makita siya sa labas ng bahay ng mga Santos. “Ikaw,” wika ni Lucas sa dumaang binatilyo sa kaniyang harapan. Gaya ng normal niyang araw sakay siya ng puti niyang kabayo na si Snow White.
“Señiorito Lucas, magandang umaga po,” magalang na bati naman ng binatilyo napadaan lamang upang iuwi ang lambat na kinuha nito sa bangkang nirerentahan ng mga magulang.
Sumimangot ang mukha ni Lucas. Iritable siya sa lahat ng taga-isla. Dukha ang tingin niya sa mga ito. “Tsk! Sino ang babaeng ‘yon? Bakit nasa bahay siya ni Antonio?” Hindi nagbago ang ekspresyon ng kaniyang mukha.
Kaagad namang sinundan ng tingin ng binatilyo ang mga tanaw ng mga mata ni Lucas. Parehong napatitig sa magandang babaeng nasilayan nila sa loob ng bakuran ng mag-asawang Julieta at Antonio. “Hindi ko po siya kilala. Mukhang bagong salta sa isla at kamag-anak ni Mang Anton at Aling Julieta.”
“Fine, umalis ka na. Wala namang kwenta ang sagot mo. Tsk!” Hanggang sa oras na iyon ay hindi naalis ni Lucas ang mga mata sa dalaga. Nakatingin lamang ito sa malayo. Napailing siya nang mapagtantong kanina niya pa ito tinitignan.
“Lucas!”
Kaagad siyang tumingin sa gawing kaniyang likuran nang marinig ang kung sino mang tumawag sa kaniyang pangalan. Malalim siyang bumuntong hininga at bumaba sa ibabaw ng sinasakyang si Snow White. “Papa,” bati niya sa ama at dali-daling kinuha ang palad nito upang magmano. Naglalakad si Don Gabriel kasama ang ilang tauhan. Paminsan-minsan, sa tuwing may oras ito ay gawin nitong pasyalan ang mga pananim ng isla at kamustahin ang mga tauhan nito. Isang dahilan kung bakit malapit ang puso ni Don Gabriel sa lahat ng taong nasa loob ng Elysian. Kahit kailan ay hindi ito naging pabaya. Malayong-malayo kay Lucas. “Nakauwi na pala kayo. Bakit dumiretso kayo rito? Hindi ba dapat ay nagpapahinga kayo matapos n’yong manggaling sa Maynila?”
“Hindi na bale, mas nanaisin kong magtrabaho kaysa magpahinga. Hindi naman ako napagod.” Humarap ito sa isang tauhan. “Jose, sino siya? Ngayon ko lamang siya nakita sa Elysian,” tanong ni Don Gabriel sa isang tauhan na tinawag nitong Jose. Ngayon lamang ay nahagip ng mga mata ng ginoo ang dalaga.
“Ngayon ko lamang din po siya nakita,” tugon ni Jose.
“Oh, siya, hayaan mo na. Baka pamangkin ni Julieta at Antoio.” Bumalik ang tingin nito sa pilyong anak. “Lucas, nag-aaksaya ka nanaman ba ng oras? Hindi ba’t marami pa akong inuutos sa ‘yo?”
“Papa, huwag mo naman akong ipahiya sa mga tauhan natin. Tsk! Hindi na ako bata. Palagi ko ‘tong ginagawa.” Umismid si Lucas at malalim na bumuntong hininga. Samantalang napailing na lamang si Don Gabriel. Muli nitong ibinalik ang tingin sa dalagang nananatiling nakaupo sa isang pahabang upuan sa loob ng bakuran nina Antonio at Julieta, at nagbalik tingin kay Lucas na ngayon ay nakatingin din sa babae. Tumikhim si Don Gabriel. Kaagad nitong naamuha sa isip ang maaring mangyari sa dalaga sa oras na matipuhan ito ng anak na si Lucas.
“Lucas, kailangan mong sumama sa ‘kin sa Maynila sa susunod na linggo.”
“At anong nagpabago sa isip n’yo? Hindi ba’t dinala n’yo ako rito sa isla upang ikulong? Bakit kailangan n’yo akong ibalik sa Manila? Hindi pa ako nag-e-enjoy rito.” Tumalikod si Lucas at pinagpaggan ang saddle na nasa likuran ng kabayo nitong si Snow White.
“Hindi kita ikinukulong, Lucas.” Muling napabuntong hininga ang ama. “Wala ka rin namang ipinagbabago. Anyway, kailangan kita sa Manila ng ilang araw para sa malaking event ng kumpanya natin. Huwag mo na akong galitin. Hindi ikaw ang masusunod.” Itinaas ni Don Gabriel ang kanang palad upang magbigay hudyat sa mga tauhang nakasunod sa likuran. Nagpatiuna ang ama sa paglalakas kasunod ang mga tauhan, samantalang naiwan si Lucas sa kinatatayuan.
“Tsk! Palagi na lang siya ang nasusunod.” Iritableng sumampang muli sa kabayong puti si Lucas at dali-dali itong pinatakbo nang matulin. “Hi-ya!” Sa totoo lamang ay bagot na bagot na siya sa loob ng isla. Paulit-ulit lamang ang kaniyang ginagawa. Mag-iikot sa isla kasama ang kabayo, mamimili sa bayan ng kahit anong gustong bilhin at kung ano-ano pang bagay na nakaugalian niyang gawin simula nang magtungo siya sa Isla Elysian. Siguro nga’y parusa ito sa kaniya ng sariling ama dahil sa mga kalokohang ginawa niya sa Maynila, ngunit hanggang ngayon ay ginagawa niya sa isla. Ang pambababae.