NANG MAKAUWI si Nova sa bahay ng mga Santos ay kaagad niyang ibinalita sa mag-asawa ang kaniyang bagong trabaho. Tuwang-tuwa naman si Julieta, ngunit kabaliktaran nito si Antonio. Bahagyang nagkaraoon ng pagtatalo ang mag-asawa ngunit sa huli ay nakumbisi rin ni Julieta si Antonio na payagan na si Nova. Nauunawaan ni Julieta na buo ang desisyon ni Nova at hindi na ito mapipigilan, ngunit talagang may pagtatalo sa isip ni Antonio lalo na at kilala nito ang pag-uugali ng anak ni Don Gabriel na si Lucas. Sa kabila ng mahabang usapan sa pagitan ng tatlo ay natuwa pa rin si Nova sa nagdaang gabi dahil pumayag na ang mag-asawa. Sa sumunod na araw ay maagang nagising si Nova. Alas kwatro pa lamang ay nag-asikaso na siya. Hindi ito ang normal na gising niya, kaya naman nang makita siya ni Julieta sa sala ay napangiti ito. “Aba’t talagang sabik na sabik ang dalaga namin sa kaniyang trabaho,” wika nito, nakagawian na ng mag-asawa ang maagang paggising.
“Hindi ko po alam kung bakit, siguro ay dahil ito ang unang pagkakataon na magkakaroon ako ng trabaho. Hindi ko nais na maging pabigat sa inyo ni Tiyo Antonio.” Ngumiti si Nova habang pinupunasan ang basang buhok. Wala man siyang maalala mula sa kaniyang pagkatao noon, batid niya sa kaniyang sarili na isa siyang babaeng marangal at nais na pinaghihirapan ang mga bagay-bagay na nais niyang makuha. “Balak ko rin hong bumili ng ating mga bagong damit sa unang suweldo ko.”
“Kahit damit mo na lamang ang bilhin mo, Nova. Ayos lamang kami ng Tiyo Antonio mo. Isa pa, huwag na huwag mong iisiping nagiging pabigat ka sa bahay. Masaya kaming may kasama kami rito.” Nagsimula nang maghain ng makakain si Julieta. Ngayong araw ay wala itong pasok sa paaralan dahil sabado. Balak nitong magpahinga buong araw. Samantalang si Antonio naman ay maaga pa ring papalaot upang makarami ng mahuhuling isda.
“Basta po, sa sahod.” Mahinang tumawa si Nova.
“Aba’t magsisimula ka pa lamang. Pasaway kang bata ka.” Natawa na lamang din si Julieta. “Halika na’t kumain.” Naghatak ito ng bangko at naupo roon. “Antonio, halika na! Kumain ka na rito.”
Lumabas si Antonio mula sa isang maliit na silid. Bihis na ito ng damit nito panlaot at suot na rin ang sombrero. “Magandang umaga,” bati nito. Magkasabay silang naupo ni Nova sa mahabang bangko. “Nova, iwasan mong magdididikit kay Lucas ah? Salbahe ang lalaking ‘yon, huwag na huwag mo ring balaking magkagusto sa binatilyong iyon kung hindi mo nais na masaktan bandang huli.”
“Antonio, naman! Nasa hapag-kainan tayo.” Nakatingin lamang si Julieta kay Antonio.
“Naku, Julieta. Anak na ang turing ko kay Nova. Hindi ko nais na madala ito sa panloloko ni Lucas, lalo na at walang kaalam-alam dito si Nova. Hindi natin masasabi. Maganda si Nova at hindi malabong matipuhan ito ni Lucas at paglaruan.”
Sa mga naririnig ni Nova na paalala mula kay Aling Ester at Tiyo Antonio niya, hindi mapagkakatiwalaan ang anak ni Don Gabriel na si Lucas. Hindi man direktang sabihin ng mga ito, batid na ni Nova ang kanilang ibig sabihin; babaero ang Lucas na anak ni Don Gabriel at kailangan niya itong iwasan. “Nauunawaan ko po, Tiyo Antonio. Pangako na iiwasan ko ang Lucas na ‘yon at mag-iingat.” Ngumiti si Nova upang bigyan nang kasiguraduhan ang mag-asawang Santos. Ikinatuwa naman ito ni Julieta at Antonio.
“Mabuti naman, ihahatid na lamang kita sa mansion ng mga Sebastian.”
“Naku, hindi na po, Tiyo Antonio. Dumiretso na lamang kayo sa laot. Maabala ko kayo nang lubos kapag nagkataon. Isa pa ay hindi naman po ako mapapahamak.”
“Oo nga naman, Anton. Hayaan mo na’t matalino naman itong si Nova. Tignan mo nga’t natandaan kaagad ang pagbalik sa bahay. Halika’t magdasal na, tama na ang usapang iyan.”
Tumango naman si Antonio at Nova. Magkakasabay silang nagdasal para sa umagang ito, matapos ay sinimulan nang kumain. Matapos ang pagkain ay naiwan nang mag-isa si Julieta sa kanilang tahanan dahil kaagad ding umalis si Nova at Antonio. Sa mahabang paglalakad ni Nova ay hindi pa rin naalis ang kaniyang ngiti, iniisip niya kung ano ang unang gagawin sa oras na magsimula na. Nang makarating siya sa mansion ay hindi si Ester ang kaniyang naabutan kung hindi isa pa sa mga kasambahay ng bahay. Maganda naman ang naging bungad nito sa kaniya. Nagpakilala itong Stella, mas matanda ito sa kaniya. Kayumanggi ang kulay. May kakapalan ang labi at nakatali ang mahabang buhok. Tila hindi naman na ito nagulat sa kaniyang pagdating at kaagad naman siyang pinagbuksan ng gate. Siguro ay nasabihan na ito ni Aling Ester, tungkol sa kaniyang pagdating. Inaya siya nitong magtungo sa kwarto ng mga kasambahay. Nakahiwalay ang kaniyang silid kay Aling Ester at si Stella ang kaniyang kasama sa loob ng bagong silid.
“Dito ka ba mananatili o gusto mong uwian?” tanong ni Stella, “Trenta minutos din siguro ang paglalakad mo, ano?”
“Higit isang oras din po, pero ayos lamang.”
“Ate Stella na lang ang tawag mo sa ‘kin.” Ngumiti ito sa kaniya at tinapik ang kaniyang balikat. “Dito ako sa ibaba natutulog, pero kung napagod ka sa isang araw at balak mong dito na matulog, dito ka na lamang sa ibabaw, okay ba?” Tinuro nito ang double deck na kama katulad na lamang kay Aling Ester.
“Sige po, Ate Stella—”
“Stella!”
Nahinto sa pagsasalita si Nova nang makarinig siya nang malakas na pagsigaw ng isang lalaki sa pangalan ni Stella. “Naku naman!” bulalas ni Stella at malalim na bumuntong hininga.
“Sino po ‘yon?”
“Si Senyorito Lucas, nakalimutan kong may iniuutos nga pala siya.” Natapik nito ang noo. “Maiwan muna kita. Babalik ako maya-maya. Aasikasuhin ko lang ‘to.” Ngumiti si Stella at kaagad na lumabas ng silid.
Naiwan si Nova sa silid. Ibinaba niya ang maliit na bag na dala-dala. “Mukhang masungit ang Lucas na ‘yon.”