“HALIKA na, Nova,” inayang lumabas ni Stella si Nova. “Hindi kami pinagsusuot ng damit pang kasambahay rito, mabait kasi ang Don Gabriel, ayaw niyang tinatrato kami bilang mga bayarang katulong sa bahay kundi isang pamilya.” Ngumiti ito habang naglalakad sila sa pahabang corridor, papalabas kung nasaan ang kanilang silid ni Stella.
“Ganoon po pala, kaya pala si Aling Ester kahapon ay nakadamit pambahay lamang. Hindi ko kaagad naisip na isa siyang kasambahay.” Isang blusa at mahabang palda ang kaniyang suot. Luma na ito, at nanggaling pa sa mga pinagliitang damit ni Tiya Julieta noong bata-bata pa ito.
“Oo, ganoon na nga, Nova.” Ngumisi si Stella. Tuwang-tuwa ito na nagkaroon ng dalagang kasambahay ang mga Sebastian nang sa ganoon ay may makakausap ito nang madalas dahil halos lahat ng kasambahay ni Don Gabriel ay may mga edad na. Natatangi si Stella na nasa bente otso pa lamang. “Ilang taon ka na nga pala, Nova?” tanong nito nang maalala ang kanilang edad. Nais nitong malaman ang agwat ng kanilang edad datapwat maaamuha kaagad na tiyak itong mas may edad kumpara kay Nova.
Dahil sa naging tanong ay napaisip si Nova. Ilang taon na nga ba siya? Maging ang kaniyang edad ay hindi niya alam. Malalim siyang bumuntong hininga. Wala na siyang iba pang nagawa kung hindi hulaan ang kaniyang edad. “Twenty-four po, Ate Stella.”
“Kailan naman ang birthday mo?”
Nakurot niya ang dulo ng kaniyang hintuturo dahil sa sumunod na tanong ni Stella. Hindi niya alam kung ano ang dapat na isagot dito. “Matagal pa ho, Ate Stella,” ito na lamang ang tanging kaniyang naitugon. Tumango na lamang si Stella at hindi na nagtanong pang muli. Nang marating nila ang napakalawak na living room ay huminto si Stella sa kaniyang harapan.
“Nasa bayan pa si Aling Ester, siya ang magtuturo sa ‘yo sa kusina mamaya pero ngayon magsimula ka na lang muna sa paglilinis dito sa sala—”
“Who is she?”
Hindi natapos ni Stella ang pagpapaliwanag nang magsalita ang isang lalaki mula sa likuran ni Nova. Matigas ang boses nito, at kung hindi siya nagkakamali ito ang may-ari ng parehong boses kanina lamang na tumawag sa pangalan ni Stella. Ito ay si Lucas. Tila siya nanigas sa kaniyang kinatatayuan at hindi niya alam kung ano ang dahilan nito. May dahilan ba upang kabahan siya sa unang paghaharap nila ng lalaki matapos niyang marinig ang mga babala ni Antonio at Ester patungkol sa pag-uugali nito?
“Senyorito Lucas…” ani ni Stella. Dumiretso ito ng tayo. “Bago hong kasambahay, si Nova.” Tumingin sa kaniya si Stella. “Batiin mo ang Senyorito, Nova.”
Malalim na bumuntong hininga si Nova at dahan-dahang humarap.
Kumunot ang noo ni Lucas nang makilala ang babae. Hindi niya maaring makalimutan ang wangis nito na siyang una niyang nakita sa isang bahay malapit sa dalampasigan.
“Magandang umaga po, Senyorito Lucas,” magalang na bati ni Nova at yumuko.
Sa kabila ng pagbati ng dalaga ay hindi kaagad nakatugon si Lucas. Ngunit ganoon pa man, hindi naman talaga nito gawain ang tugunan ang kahit sinong bumabati rito. He was known to be arrogant and hypocrite. Tila yata natulala si Lucas nang mapatitig sa maganda niyang mga mata, manipis na mga labi at ang boteng hugis ng kaniyang pangangatawan. Sa kabila ng malapad na damit na suot-suot niya, hindi maitatanggi ang magandang hubog ng kaniyang katawan. Nakagat ni Lucas ang ibabang labi at kaagad itong napansin ni Stella.
“Magsimula ka na lamang sa likod bakod, diligan mo ang mga halaman ni Aling Ester sa likuran,” kaagad na iniba ni Stella ang kakaibang hangin sa pagitan ng dalawa. Hinawakan ni Stella ang kaniyang balikat upang ayain siyang magtungo kung saan ngunit napahinto ito nang makita ang seryosong mukha ng amo.
“What’s your name again?” malamig na boses na tanong ni Lucas, pinag-ekis nito ang palad sa dibdib.
“Ako po si Nova.”
“Nova what?”
Kumunot ang noo ni Nova. Itinatanong b anito ang kaniyang apelyido? Ngunit anong isasagot niya? Palagi na lamang ba siyang maiipit sa mga katanungan ng mga tao sa loob ng mansion ng mga Sebastian? “Nova Santos po,” tugon niya nang maalala ang apelyido ng mag-asawang Santos.
“Yeah, of course. I saw you on Antonio Santos’ house. You might be his niece?”
Tumango si Nova. “Yes, I am.” Paano kaya ako naututong mag-Ingles? Pinigilan ni Nova na matawa sa kaniyang naisip.
Tumango si Lucas at nagkibit balikat na lamang. Hindi ito nagpakita ng interest kay Nova. Mainit din ang ulo nito simula nang magising. “Nasaan ang papa, Stella?” Lucas rolled his eyes in pissed. He’s really not in a good mood today. Sanay naman na ang mga kasambahay sa mansion sa pag-uugali nito. Halos araw-araw namang mainit ang ulo nito.
“Nasa silid niya po, nagpapahinga pa.”
Hindi na nagsalita pa si Lucas at dali-daling tumalikod upang umalis.
Ngumiti si Nova kay Stella nang tuluyang nakalayo si Lucas. Mahirap mang aminin ngunit talaga namang may hitsura ang lalaking anak ni Don Gabriel, at hindi maiwasan ni Nova na mapatingin sa gwapo at maamo nitong mukha na ayon sa iba ay kabaliktaran ng pag-uugali nito. Habang hindi ito nakatingin sa kaniya ay pasimple niyang pinagmamasdan ang lalaki. “Saan ang daan patungo sa likuran ng bahay? Magsisimula na akong magdilig.” Talagang maganda ang araw niya ngayon at walang makasisira.
Kaagad na itinuro ni Stella ang daan at tinungo naman ito ni Nova. Hindi naman siya nahirapan sa unang gawain, sinabayan pa niya ng paglilinis sa kabuoang hardin. Nasa kasalukuyang pagwawalis siya nang marinig niya ang boses ng senyorito mula sa isang gilid.
“Let’s go, Snow White. What’s wrong with you?”
Diretsong tumayo si Nova at hinanap ang lalaki. Naabot ng kaniyang tanaw hindi kalayuan si Lucas na hatak-hatak ang tali ng isang kabayong kulay puti. Iritable ang mukha ng lalaki. Nakasimangot ito at tila sinisigawan ang kabayo. Batid ni Nova na kailangang iwasan ang salbaheng senyorito ngunit sa kaniyang palagay ay nangangailangan ito ng tulong. Lumapit siya rito. “Senyorito Lucas, ano pong problema?”