“In your unfailing love you will lead the people you have redeemed. In your strength you will guide them to your holy dwelling.” – Exodus 15:13
--
Chapter 6
Angel Loise
Inaayos ko ang flow ng trabaho ko buong umaga sa studio. Pero kada tunog ng bell sa taas ng glass door ko ay alerto akong bumabaling sa taong pumapasok. Even if he didn’t follow me when I left his villa, feeling ko ay anumang oras ay dadating siya para kolektahin ako sa ginawa kong paglagay ng asin sa kanyang kape. It was a childish act but somehow… I felt the triumph over him.
Sinubsob ko ang sarili sa trabaho. Mas marami na ngayon ang nag-i-inquire sa page namin. Pinapalitan ako ni Debra kapag may kukunan akong litrato. Nagpapasalamat din akong nadagdagan ang customer kaysa noong unang bukas ko. Maigi iyon. Lalo na, kailangan kong makaipon. Ng limang milyon.
“Bibili ako ng meryenda sa labas. May gusto ka bang kainin?”
Kasalukuyan kong tini-text si Heaven gamit ang bago kong numero.
“Ayos lang ako.”
“Hindi ka nagugutom? Tinapay? Sa bakery lang ako. Spanish bread?”
“Ah… ayoko. Ensaymada na lang, Debra. Saka Sprite. Thank you!”
“Sige. Labas na ‘ko.”
“Hmm,” tango ko. Nilabas ko ang wallet ko para pagbalik niya ay mabayaran ko siya.
Ako:
May available pa bang room sa Inn niyo?
Nag-send na ako ng text kay Heaven bago ito. Sinabi kong bago ang number ko. Hindi ko pinahalata sa kanyang… nadedelubyo ang isipan ko sa pagdating ni Jandro sa villa at sa katotohanang binili niya ako kay Don Francisco. Hindi ko alam kung paano sasabihin. Gayong hindi ko rin ito matanggap.
Heaven:
Titingnan ko. Pero kung wala, sa bahay ka na pumunta.
Itong message niya ay kay laking ginhawa sa akin.
Ako:
Thank you so much!
Heaven:
Usap tayo pagdating mo.
Malakas ang kutob kong si Jandro ang topic namin.
Ako:
Alam mo, ‘di ba? About him?
Heaven:
Sorry. Kagabi ko lang din nalaman na dumating pala siya. Pinasundo ni Dreau sa airport.
Naiintindihan ko ang closeness nu’ng dalawang lalaki. Magkasama sila sa Casa noon sa Bulacan. Medyo nagulat ko na nilihim ni Dreau sa asawa ang pagdating ni Jandro sa Pilipinas. Ibig sabihin, may contact ‘yung dalawa.
Ako:
No problem. Lilipat muna ako sa Inn for the meantime
Heaven:
Okay. Text mo ako pagdating mo.
Ako:
Thank you!
Ganado at kabado ako ngayon. Sumisilip ako sa oras palagi at humihiling na sana ay kayo kong hilahin iyon para bumilis.
Positibo ang transaction ang na-open ko ngayon. Pagkatapos ng ilang minuto ay may nag book na para sa isang kiddie party. Si Debra lang kasama ko. Tinawagan ko ang contact ng kliyente para makumpirma ang event na pupuntahan. Sinulat ko iyon sa white board ng schedule namin.
Habang walang customer at si Debra, nagbukas ako ng page at nag post ulit para i-market ang studio. Hindi na kasing dami ng post ko noong nakaraan. Nami-miss ko ang pag edit ng mga litrato kada event na pinupuntahan namin. I missed the crowd and taking stolen shots. Hindi ko kasi masyadong nagagawa ito noong nasa villa ako. Lalo na noong nao-ospital si Don Francisco. Akala ko no’n ay okay lang. Pero ngayon parang kay laki pala nang nawala sa akin. Kaya determinado ako ngayong makaalis.
Nadagdagan nga lang ang problema ko.
I reminded myself not to drown my mind. Kagabi, habang binabagabag ako sa pagdating ni Jandro, inisip kong tumakas. S’yempre, hindi ko magagawa agad dahil mas mapera siya at mas magaling kaysa akin. Tapos… may binayaran pa siyang limang milyon. Pero gusto kong bumukod. Kung… posible. Kung madadaan ko siya sa mahinahong usapan.
Pwede ko kayang ipakiusap ito kina Dreau at Heaven?
Kung ganoon… kailangan nilang malaman ang ginawa ni Don Francisco.
Yes. Ofcourse, Angel! Kahit na anong tago mo sa pagbebenta sa ‘yo at dahil kailangan mo ng tulong, dapat nilang malaman ang totoong nangyari!
Bumalik galing sa tindahan si Debra. Pagkabukas niya ng pinto, kumuha ako ng pera sa wallet para bayaran siya bago ko pa makalimutan.
“Halika pasok, engineer.”
Mula sa counter namin, nag angat ako ng tingin sa kanyang kasamang dumating. Pang toothpaste commercial ang ginawad na ngiti ni Richard na nakatingin pala sa akin.
“Hi, Angel.”
“Oh?”
Umikot sa tabi ko si Debra. Binaba ang bote ng sprite at ensaymada sa tabi ng keyboard. “Nakaparada si engineer sa labas pero nahihiyang pumasok. Kinausap niya ako sa tapat ng bakery. Eto, nilibre tayo ng meryenda!” masayang kwento niya.
Tumayo ako at nahiya sa ginawa ni Richard. Pero tumawa siya at nagkamot ng batok.
“Bakit ‘di ka pumasok?”
“Baka kasi busy ka,”
Kumunot ang noo ko. May kailangan ba ito sa akin?
“May problema ba?”
O nakarating sa kanya ang nangyari kagabi. Probably, his uncle told him.
“Naku, wala naman, Angel! Hinatid ko sa Calavera farm si Tito Samuel dahil kakausapin yata si Mr. De Narvaez. Nagkaproblema sa sasakyan niya. Nalaman ko kay ate Roselia na pumasok ka nga raw dito. Kaya… naisipan kong dalawin na kita. Okay lang ba?”
Umatras si Debra at tiningnan ako. Alam ko ang nasa utak niya. Kaya tumikhim ako.
“Ah, ganoon ba? Eh, bakit nilibre mo pa kami?” sinulyapan ko ang mga tinapay at drinks sa mesa ko at sa counter.
Namula ang mukha ni Richard. Tumawa si Debra at lumapit ulit sa mesa.
“Dinadalaw ka kasi niya, Angel. Dalaw…” sabay sundot nito ng daliri sa braso ko.
“Nakakaistorbo ba ako?” nahihiyang tanong ni Richard.
“Ah, hindi naman-“
“Wala kaming customer ngayon. Saka mas busy kami kapag may booking. Ito kasing studio, extra extra lang namin.”
“Upo ka, Richard.” Turo ko sa bench sa tapat ng counter. Lumabas na rin ako para maasikaso siya bilang bisita ng studio.
“Thanks. Ang cute ng business name niyo, ha. ‘Pose for Us Studio.’ Ang witty.” He chuckled.
Hinila ko ang isa pang plastic na upuan para paglagyan niya ng kanyang pagkain. Si Debra ay piniling tumayo sa labas ng counter at doon nilantakan ang tinapay niya.
“Wala akong maisip na madaling matandaan ng tao kaya… ayan… kain,” pagkaayos ko sa kanyang pagkain ay umupo ako sa isa pang plastic chair, nag de-kuatro at uminom sa straw ng softdrinks.
Pinasadahan ni Richard ng tingin ang dingding na puno ng mga sample kong litrato. In different shapes. May wedding photos, debut, wedding anniversary at pati photo sample ng formal na litrato. Ang huli niyang tiningnan ay ang itim na kurtina kung saan namin ginagawa ang photo shoot.
“Ang sabi ni Tito, kasosyo mo raw dito si Mrs. Frago. Nagpupunta rin ba siya rito?” sabay kagat nito sa ensaymada.
“Minsan na lang. Mas busy kasi si Heaven sa pamilya.”
He nodded and scanned our poster.
“Paano kayo nagkakilalang dalawa?”
Binalingan ko si Debra. Ngingiti ngiti ito na parang may pinagkakatuwaan.
“Pamangkin siya ni Atty. Divino.”
“We’ve met in my uncle’s office. I was sleeping, then. Pagdilat ko, nakita ko agad si Angel at binigyan ako nitong ensaymada,”
“Ahh. Gano’n pala.”
Pagkaubos ng nimeryenda namin ay tumingin sa oras si Richard at saka nagpaalam. Susunduin pa raw niya si Atty. Divino sa villa. Sinamsam ko ang mga basura namin. Ang mga bote ay sinoli ni Debra tindahan dahil may deposit daw iyon.
“May bagong… number ka na?”
Nagpapagpag ako ng kamay nang magsalita si Richard. Tumango ako.
“Oo. Kabibili ko lang kanina.”
Nagkamot siya ng batok. Hindi ulit makatingin sa akin.
“Mmm. Pwede ko bang makuha?”
“Sure.”
Nagliwanag ang mukha niya. Agad niyang binigay sa akin ang kanyang cellphone. Tinayp ko ang numero roon. Wala akong makitang masama para hindi ibigay ang number ko kahit hindi ako ang nagmamay ari sa farm. Pamangkin ni Atty. Divino si Richard. At… kung sakaling magbalak akong mag maynila, may matatawagan ako roon. Maliban sa mga Frago.
“Thanks, Angel. Can I text you?” tanong niya agad pagkatanggap sa cellphone.
“Aanhin mo ang number ko kung ‘di ka magte-text?” biro ko sa pamumula ng mukha niya.
“Oo nga naman! Alis na ako.”
Hinatid ko siya sa pinto kahit ilang hakbang lang iyon. “Salamat sa meryenda. Ingat.”
“Basta ikaw.”
“Sige.”
Kinawayan niya ako at si Debra na saktong pabalik na. Pagkasakay niya sa kanyang sasakyan ay saka ako umalis sa pintuan.
“Ang cute niya, ah.”
Imbes na patulan ang bagong sibol na panunukso ni Debra ay tinuro ko sa kanya ng white board para sa schedule namin. Pagdating ng hapon ay nakakuha ulit ako ng booking para sa isang debut na may pre-debut shoot. Tuwang tuwa kami ni Debra. Nagsisimula na ulit umarangkada ang studio.
“Paano? Aalis ka na sa villa ni Don Francisco?”
Pinatay ko ang softbox pagkaalis ng customer. Inusod ni Debra ang light stand na nilagay sa gilid at binalik sa nauna nitong pwesto. Sumunod siya sa akin sa labas.
Pahapyaw ko lang kinuwento sa kanya ang nangyari. “Oo. Kina Heaven muna ako pansamantala.” Sabi ko na hindi tunog problemado. Umupo ako sa computer chair para ma-edit ang litrato.
“Ayaw mo ba rito sa studio?”
“Nag alok naman si Heaven kaya…”
“Baka naman nahihiya ka kasi nandito ako. Pwede akong lumipat para may pwesto ka.”
Binalingan ko siya. Ngumiti. Alam kong wala pa ring pera si Debra para kumuha nang kahit maliit na kwarto. Natutuwa ako na kaya niyang i-give up itong studio para sa akin pero hindi na. Dito na siya. Pero kung ako naman ang walang makuha, edi kaming dalawa rito.
“Don’t worry. Kapag wala akong makitang bahay o apartment, dito ako pupunta. O kung gusto mo, mag share tayo sa upa?”
“Mas maganda ‘yan! Sige. Susubukan kong maghanap ulit.”
Pagsapit ng alas kuatro y media, nagpaalam na ako kay Debra na uuwi. Ang sabi ko ay magsara kapag wala nang dumadating. May flatscreen tv at mini fridge naman doon kaya hindi siya maiinip at magugutom.
Inayos at nagligpit muna ako ng kalat sa mesa ko bago umalis. Dumaan ako sa isang eatery. Bumili ako ng kanin at ulam pang hapunan ko. Sana pala ay sinabihan ko sina Manang Lucinda at Roselia. Kung may cellphone sana sila ay madali.
Pagkatapos kong magbayad, luminga linga ako sa kalsada. Pumara ako ng tricycle. Umikot ito sa akin at tinanong ang destinasyon ko.
“Sa Baltazar farm po,”
“O sige.”
Nang nasa byahe na, saka ko tinext si Heaven na papunta na ako.
“Bayad po, o.” bumaba ako. Inabot ng driver ang sukli ko. “Salamat po.”
Sa ibang gate ng Baltazar farm ako nagpababa. Dito sa Inn. Mahaba haba pa kasi ang lalakarin kapag sa Villa Aurora ako bababa at saka nahihiya akong dumaan doon. Baka makita ko si Dreau.
Pagkapasok ko sa loob, kinausap ko ang receptionist at sinabi ang pangalan ko. Heaven already told them about my arrival. Kaya agad binigay ang susi sa akin at numero ng kwarto. It’s on the second floor. Hindi na ako nagpahatid. Pagbukas ko ng pinto, napabuntong hininga ako.
Binisita ko ang banyo. Malinis at mabango. Sobrang maayos ang Inn nina Heaven. Pati staff nila ay approachable rin. Nagpahingi ako ng plato, baso at utensils pero ang sabi sa akin ay magsabi lang sa kanilang kitchen at agad akong hahatiran ng pagkain.
“Okay lang. Nakabili na ako ng pagkain ko.”
“Gano’n po ba. E, mam baka… sige po. Sabihin ko po kay Mrs. Frago.”
“Salamat. Don’t worry. Mabait ‘yun.”
“Ayy sobra po, mam. Sige po. Maiwan ko na po kayo rito.”
Pinasalamatan ko siya. Umupo ako sa gilid ng kama at nagpahinga panandalian. Ilang sandali pa ay hinatid na agad ang pinahingi ko na may kasamang mineral water. Nakalimutan ko ‘yon!
“Thank you ulit!”
“Wala pong anuman.” Nakangiti at masayahing sagot ng lalaking staff ng Inn.
Mayroong maliit na mesa sa kwarto. Doon ko nilapag ang tray. Sinalin ko ang biniling kanin, pritong galunggong at chopseuy. Bumili rin ako ng sliced watermelon panghimagas. Maaga pa para maghapunan kaya tinakpan ko muna iyon ng plastic. Umupo ako sa kama at babasahin sana ang reply ni Heaven. Pero ibang number ang lumabas.
Unknown number:
Hi, Angel :D
Hindi ako nag reply. Sino ‘to? Hindi naman siguro tungkol sa trabaho dahil alanganin ang ganyang introduction.
Unknown number:
Busy? :(
Kinakabahan na ako sa unknown texter na ito. Ayaw kong reply-an at baka kung sinung manloloko lang.
Binuksan ko ang bintana. Medyo mahangin sa labas at malamig. Sumasayaw ang puting kurtina at ang gandang tingnan. In-on ko ang naka-hang na flatscreen TV. Hininaan ko ang volume pagkalagay sa kasisimula pa lang na evening news. Umupo ako sa tapat ng mesa para simulang kumain.
Patingin tingin ako sa tv habang kumakain. Nasa tabi ko ang remote control kaya kapag commercial ang balita, nililipat ko sa ibang channel. Wala akong paboritong pinapanood kaya hindi ako mapili sa channel.
“Angel?”
Si Heaven! Agad akong tumayo para buksan ang pinto.
“Bakit dito ka lang kumain?” tanong niya pagkapasok. Medyo nakasimangot dahil nalaman niyang hindi ako bumaba. “Pinaluto kita,”
“Ayos na ‘to. Saka nakabili na ako bago ko nalaman. Salamat sa magandang room.”
Mag isa lang siya. Mabuti naman. Hindi ako makakakilos nang maayos kung pati si Dreau ay narito.
“O kaya dapat nagpunta ka muna sa villa. Sinabi ko kina daddy. Pwede ka roon.”
Sumimsim ako ng tubig nang nakatingin sa kanya. Umiling ako. Bumuntong hininga si Heaven na para ba akong batang matigas ang ulo. Tiniklop niya ang manggas sa siko. Naka-half ponytail siya at tanging manipis na lipstick lang ang kulay sa mukha. Maganda pero simple. Sa ganda ng balat ni Heaven, kahit hindi siya mag makeup ay okay na. Lalo na kapag mayroon. Kaya kapag nasasama pa ang ugali niya, hulog talaga siya ng langit.
Mahinhin siyang magsalita, kumilos at maglakad. Pati pananamit ay napakasimple rin. Nakapantalong maong lang ito at flat shoes. Relos at wedding band ang tanging alahas. Sinimangutan niya ako bago umupo sa gilid ng kama. Tumingin tingin siya sa paligid.
“Nasaan ang maleta mo?”
Pagkababa ko sa baso, natigilan ako. “Wala akong dala.”
“Akala ko lilipat ka na?”
“O-oo. Kaso… naiwan pa ro’n, e.”
Tinitigan niya ako sandali. “Galing ka sa studio, ‘di ba?”
“Hmm,”
“Ayaw mong kunin o…”
“Ako nang bahala ro’n. Pero rito muna ako.” Nag iwas ako ng tingin.
She heavily sighed. “Magkasama sila ngayon ni Dreau sa Calavera farm,”
“Ahh…”
“Ipapakuha ko kay Dreau ang gamit mo.”
My lips parted. Yes! Oo nga! Okay ‘yon! Hindi makakapalag si Jandro kapag si Dreau ang maglabas sa mga gamit ko. Nakamaleta na ako. Hindi na siya mahihirapan.
“Pero kumain muna tayo. Gutom na ‘ko.”
“Hindi ka pa kumakain?”
Umiling si Heaven. “Sasabay sana ako sa ‘yo rito. Teka, magpapaakyat na rin ako ng akin.”
Binagalan ko ang pagkain para makasabay ang kaibigan ko. Nagkukwentuhan kami. Nagtatawanan. Sinabi ko sa kanya ang ganap sa studio at mga pumasok na photoshoot. Gustong gustong sumama ni Heaven pero dahil may mga chikiting pa siya ay mahirap iwanan. Hands on siya sa pag aalaga. At saka overprotective ang asawa niya. Pero kung medyo malalaki na ang anak, baka bumalik sa trabaho si Heaven. Kung papayag si Dreau. Tinatawanan na lang niya ang pagiging O.A daw nito sa kanya.
“That’s why I love Dreau.” Nakangiti niyang sabi. Hinatian ko siya sa watermelon ko.
“Hindi ka ba nasasakal minsan?”
Napaisip siya. Bumuntong hininga. “Wala na akong naiisip na gan’yan. Ginagawa niya ‘yon kasi mahal niya ako. Siya ang gusto kong kasama palagi kaya okay lang. Kapag nasa work siya, nagv-video call kami. Kung anu ano lang ang pinag uusapan namin pero masaya ako.”
Nakita ko ang kislap sa kanyang mga mata. Mahal niya. Mahal na mahal. At masaya ako para sa kanya.
“Kailan ang balik niyo sa manila?”
Nagkibit siya ng mga balikat. “Nandito si Jandro. Baka mga ilang araw pa kami rito. Magba-bonding pa ang dalawang ‘yon.”
Oo nga. At problema ko ngayon ang lalaking ‘yan.
“Pinapunta pa ni Dreau si Billy galing Boac. Para makita si Jandro.” Heaven looked at her phone. “May reunion sila,”
Tumango ako. Hinanap at tiningnan ko na rin ang cellphone ko. Nag text ulit iyong bagong numero. Ten minutes ago na. Hindi ko narinig.
Unknown number:
Si Richard ‘to :DD
“Ah!”
“Bakit?”
“Uh, e, wala.”
Tiningnan ni Heaven ang cellphone ko. Pero nag type siya sa kanyang sariling cellphone.
Ako:
Ikaw pala ‘yan. Akala ko kung sino. Save ko ‘tong number mo
I registered his number in my phone book. Then, he replied.
Engr. Richard:
Sorry na po. Nakalimutan kong magpakilala haha! Kumain ka na?
Ako:
Katatapos lang
Dahil may katext din si Heaven sa phone niya, nag-focus muna ako sa katext ko. Bukas pa rin ang tv pero walang nanonood sa amin.
Engr. Richard:
Kakain pa lang kami ni Tito Samuel.
Ako:
Okay. Kumain ka muna
Engr. Richard:
Busy ka bukas?”
Ako:
Bakit? Hindi pa naman. Nasa studio pa rin ako
Engr. Richard:
Oh. Pwedeng pumunta ulit? Kung hindi ako nakakaistorbo.
Ako:
Kung magpapapicture ka, hindi istorbo ‘yon
Engr. Richard:
Yes! Magpapapicture po ako :D
I smirked. Biro lang naman iyon. Sineryoso niya.
Ako:
Joka lang! Punta ka
Nagtagal ang pagtetext namin ni Richard. Nakalimutan kong kumakain nga pala ito kaya hindi na ako masyadong nag reply sa text niya. Kinakausap na rin ako ni Heaven tungkol sa paglipat ko.
“Dapat yata mag hire pa tayo ng staff sa studio. Hindi ako nakakatulong sa inyo ni Debra.”
“Naiintindihan namin ‘yon, Heaven.”
“May event na uli kayong pupuntahan. Pareho pa kayong babae. Di bale noon. Tatlo tayo.”
I chuckled. “Sige. Hahanap ako ng lalaking staff para makasama namin. Pero kami muna pansamantala. Kabubukas ko lang, e.”
“It’s up to you.”
May isang oras pang nag stay at nakipagkwentuhan sa akin si Heaven. Hindi namin namalayan ang oras.
“Wala pa siguro si Dreau kaya hindi ako tinatawagan.” Sabi niya habang chinicheck ang phone.
“Baka nag iinuman pa sila ni…” tumikhim ako.
“Hindi ako sigurado kung makakatulong pero kakausapin ko ang asawa ko tungkol sa kanya.”
“Ha?”
She sighed. “Angel, binili niya ang Calavera farm nang hindi mo alam. Nag aalala ako sa ‘yo pero… kilala ko rin si Jandro. Mas deretso ‘yong mag isip kaysa sa bossing niya. Ang tingin ko nga, mas mature ‘yon kaysa kay Dreau, e. Pero… ilang taon din ang lumipas. Baka nagbago na siya. Kakausapin ko ang asawa ko. Na sana magkaayos pa kayong dalawa.”
Umiling ako. “Salamat, Heaven.” At kahit sa pananaw ko ay huli na ang lahat. Paghihiganti ang pakay ni Jandro sa pag uwi niya ng Pilipinas.
Hinawakan niya ang kamay ko at masinsinang tiningnan. “May…. Nararamdaman ka pa ba sa kanya? Mahal mo pa ba?”
Isa iyong tanong na hindi ko inaasahan na ibato. Hindi ko naiwasan ang titig ni Heaven na para bang tinutuklap ang laman ng puso ko. Kumalabog ito. Napakaderetso ng tanong niya. At naiwan akong mag isa sa gitna ng madilim na silungan. Hindi ako makakapagtago. Ang unang lumutang sa isipan ko ang sinabi ko.
“Hindi na.”
“Sigurado ka?”
Nagtanong pa siya ulit. Pero inulit ko ang unang sagot. With same conviction and straightforward, too.
“Okay. Magpahinga ka na. Ipapahatid ko rito ang maleta mo. Mayamaya pag uwi ng asawa ko.”
Hinatid ko siya pinto. “Kahit bukas na lang.”
“Sige. Mag text ka kung kailangan ka, ha?”
“Okay. Salamat.”
“Mag text ka.” may diin niyang ulit.
“Oo nga. Good night!”
Nang mapag isa ulit ako, medyo mas magaan na ang pakiramdam ko. Wala na ang takot sa hindi pag uwi sa villa. Dahil kay Heaven. Madadala ko ang gamit ko nang hindi kailangang umuwi roon. Maybe, I overreacted when Jandro came home.
Kakausapin ko ulit si Atty. Divino. Baka pwede akong humingi ng palugit sa pagbalik ng limang milyon ni Jandro. At nang sa ganoon ay matuloy ang pagsisimula ko ng bago. May utang nga lang. Pero wala na akong magagawa. Nandyan na ‘yan.
Naglinis ako ng katawan sa banyo. Wala akong ibang damit kaya sinuot ko ulit. Tinapon ko ang plastic na pinaglagyan ng pagkain at sinoli ko sa baba ang tray. Humihikab na ako habang umaakyat. Late na ako natulog kagabi. Tapos busy ako buong araw. Kaya pagbalik ko sa kwarto ay dumeretso ako ng higa sa malambot na kama.
Paghiga ko, hinubad ko ang suot na pantalon at binitawan sa sahig. Hinila ko ang kumot. Antok na antok na ako pati ilaw ay hindi ko napatay…
Naalimpungatan ako at nauhaw. Medyo madilim. Natigilan ako nang makitang iba ang nabungaran kong kwarto. Nakalimutan kong nasa Inn nga pala ako. Pero halos mapahawak ako sa dibdib ko nang makita ang isang malaking bulto na nakaupo sa silyang inupuan ko kanina nang kumain kami ni Heaven.
Sarado ang bintana at nakababa ang kurtina. Natatanglawan siya ng nakabukas na lamp sa night table. Nakabuka ang dalawang mahahaba niyang binting nababalutan ng itim na pantalon. Magkasalikop ang kanyang mga kamay na ang siko ay nakapatong malapit sa kanyang tuhod. Ang manggas ng denim polo niya ay nakatiklop hanggang siko at ang butones nito sa tapat ng dibdib ay nakabukas. Kitang kita ko ang bakas ng pag aalaga nito sa katawan.
“Paano ka nakapasok dito?!” gimbal kong tanong.
Sinulyapan ko ang pinto. Hindi ko nga lang maalala kung na-lock ko ba ‘yon. Pero sinarado ko!
Hinila ko ang kumot at bumangon. Umusod ako sa headboard ng kama. Napasinghap ako nang maalalang wala kong pang ibaba. Panty lang ang suot ko! Kaya sinikap kong hindi makitaan.
“Paano ka nakapasok dito sa loob ng kwarto ko, Jandro?!” angil ko nang tanong.
Tinititigan niya ako. Tapos ay lumakad ang mata niya sa katawan kong natatakpan ng puting kumot.
I saw him grinned. That devil’s grin.
“Nakalimutan mong umuwi sa tamang oras…” mahina at klaro niyang sagot.
Parang may bumundol sa dibdib ko sa sinabi niya.
“Pinayagan ka nilang pumasok dito nang basta?!”
Ang kulay dilaw na ilaw galing sa lamp ay tila nagbibigay ng magandang contour sa kanyang mukha. But his lips… and his eyes… gave beautiful meaning on his face. Parang inaantok ang mata niya. Ang labi ay basa at namumula. Isang nakakakabang kombinasyon na gusto kong kagalitan.
Bakit siya nandito? Paano siya nakapasok?!
He sighed. Tila nainis. “Pinapakuha ni bossing ang gamit mo. Hindi ko binigay…”
Namilog ang mata ko. Hindi niya sinunod si Dreau?
“Ang sabi ko… mag uusap pa tayong dalawa bago ka umalis sa villa.”
Ngumiwi ako. Inamoy amoy ko ang hangin. “Lasing ka ba?”
“Hindi ka pwedeng umalis, Angel. Hindi pwede…” he slowly stood up. Lumapit sa gilid ng kama at naupo. Tinagilid niya ang katawan paharap sa akin.
Mas lalo kong nakumpirmang amoy alak siya. Nag inuman sila ni Dreau. Anong oras na ba? Hula ko ay madaling araw. Katatapos lang nila uminom?
“Lasing ka,”
“Medyo…”
“Sinong kasama mong nagpunta rito, ha? Si Dreau? Si Cardo?”
Nasaan ang girlfriend niya?
“Mag isa lang ako. Mag uusap tayo…”
“Jandro, ano ba? Lumayo ka sa akin!”
Pero humiga siya sa tabi ko!
“Dito ka lang. Matutulog ako,”
“Ano’ng dito ka? Umalis ka!” tinulak ko siya sa kanyang balikat para bumangon pero hindi ito sumunod.
“Mmm…” ungol niya sa kakatulak ko.
Tumigil ako sa pagpapalayas sa kanya. Pinagmasdan ko siya. Hindi na umiimik at nakapikit na. Banayad na rin ang kanyang paghinga. Ang bilis makatulog?
“Inom nang inom tapos…” pinigilan ko ang sarili.
Binagsak ko ang likod sa headboard. Nadaganan ni Jandro ang kumot. Sinulyapan ko ang orasan sa dingding. 3:45 nang madaling araw! Hindi pa siya sa villa nagpahinga!
Binalingan ko siya ulit na natutulog. Balewala ang pagpunta ko rito sa Inn. Wala ang gamit ko. Wala akong makitang maleta rito.
Hinanap ko ang pantalon ko… hindi ko na makita!