“The LORD is my strength and my defense; he has become my salvation. He is my God, and I will praise him, my father’s God, and I will exalt him.”—Exodus 15:2
--
Chapter 2
Angel Loise
Sa totoo lang, may dalang kaba sa dibdib ko ang ginawang pagpapadala ng sulat ni Draco de Narvaez sa akin. Ang sabi ni Atty. Divino ay thru email sa personal na email address niya galing ang pinrint niyang sulat. Updated daw ito sa pangyayari sa farm, pati ang araw ng libing ni Don Francisco. Kaya naman nagpadala ito ng sulat sa akin dahil nasabi ni Atty. Divino ang plano kong pag alis sa villa. Hindi ba iyon pabor sa taong iyon? Ano pa ang gusto niyang gawin ko sa villa niya? Gusto ba niyang… i-tour ko siya rito? Nonsense! Pwede niya iyong gawin sa oras na umuwi siya sa fourteenth ng buwang ito.
Syempre, nakakapag alala na makatanggap ng ganitong tila ‘order’ galing sa isang tao na hindi mo pa nakikita. Taga ibang bansa pa iyon. O baka dahil banyaga kaya gusto niyang makita ako sa pagdating niya? Pwedeng oo, pwedeng hindi. Pero hindi ko talaga alam ang tamang sagot. Malibang magpaiwan ako at salubungin siya rito sa pagdating niya.
Dagdag ni Atty. Divino, may dugong Pilipino si Mr. De Narvaez. Natira rin dito sa Pilipinas. Pero napunta sa Mexico at doon nag stay nang matagal na panahon. Balak daw nitong magtagal dito kaya bumili ng property. At ang pinakahuli niyang binanggit ay nagmamay ari raw ito ng malaking rancho sa Mexico. Kaya kung sakaling buhayin nito ang Calavera farm, palitan ng pangalan at mag establish ng sarili, kayang kaya at bihasa ang may ari. At baka hindi nito ipagiba ang villa. Ipapa-renovate na lang o ayusin ang ilang parte na niluma na ng panahon.
Ang mga impormasyong ganoon ay wala namang malaking epekto sa akin. Una, hindi ako nagtagal sa farm. Pangalawa, hindi ko rin masyadong pinansin ang villa ni Don Francisco noong dumating ako rito. Maganda ito, marangya. Pero hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na ma-appreciate nang husto ang bahay na sinilungan ko rin. Kaya nga, totoong wala akong naramdaman nang sabihing binenta na niya ito sa iba. Hindi ang bahay ang nag iwan ng tatak sa akin. Kundi naging saksi lang ito.
Sa maraming pagkakataon, kahit maganda ang tinitirhan ko at masasarap na pagkain ang kinakain ko, ramdam kong nag iisa lang ako. Gusto kong magkwento kay Heaven. Pero kahit na alam kong maiintindihan niya naman ako at kahit totoong kaibigan ko siya… hindi ko pa rin magawa. Hindi ko kayang mag open up sa kanya. Kaya mas pinili kong sarilinin ang lahat. Hindi ko man maintindihan ang sarili, atleast, ako lang ang nakakaalam no’n.
Maraming tao ang iniisip, napakapalad kong babae dahil nagpakasal ako sa isang Calavera. Obvious naman sa kanilang maaga akong iiwan ni Don Francisco. Tagapagmana agad ako at kung sakaling magkaanak pa ay pati ang anak ay pamamanahan din. Pero panlabas lang ang kanilang nakikita. Wala silang alam sa reyalidad. Hindi nila ako totoong kilala.
Maaga akong nahusgahan ng mga kaibigan ni Don Francisco at pati ng mga hindi kilala. Iisa lang ang mindset nila kapag nagpakasal sa matandang mayaman ang batang babae. Sabi ko sa sarili, hindi ko na iyon mababago. At ayokong ituro sa kanila ang dahilan kung bakit ko iyon nagawa. Bakit ko naman gagawin iyon? Mahirap na nga… pahihirapan ko pa ang sarili ko. Kahit maging manhid pa ako sa sakit, wala nang magbabago sa paligid ko. Ganito at ganito pa rin ako habangbuhay.
Ganito na… hanggang sa mamatay.
--
“Ay pusa!”
“Manang Lucinda!”
“Aray, aray, susmiyo! Ang tuhod ko,”
“Humawak po kayo sa ‘kin,”
“Aray ko ang sakit,”
“Kaya po ba, Manang? Roselia! Magmadali ka rito!” hindi ko binitawan ang braso ni Manang Lucinda pero hindi ko rin siya magawang akayin patayo dahil namimilipit ito sa sakit at hawak ng kanyang kamay ang kanang tuhod. Napaupo ito sa pinakahuling baitang ng hagdanan. Ang isang kamay ay nakakapit sa barindilya at tila natatakot bumitaw. Naghanap ako ng pwede niyang hawakan para makatayo.
“Anong nangyari kay Manang?”
“Nadulas yata siya,”
“Nadulas kayo, Manang?”
“Aray ko… ang tuhod ko…”
“Roselia pakikuha muna ng tungkod ni Don Francisco. Nasa bedroom niya pa ‘yon.”
“O-Okay!” nagmadali agad ito sa pag akyat ng hagdan. Pagbalik niya ay medyo humupa na rin ang pamimilipit ni Manang Lucinda pero kapag ginagalaw ang tuhod ay namimilipit pa rin sa sakit. Na para bang may naipit na ugat.
“Tumawag ka na ng tricycle sa labas, Roselia. Dadalhin ko sa doctor si Manang Lucinda.” Utos ko.
Bago pa makatalikod si Roselia, agad itong pinigilan ni Manang.
“’Wag na. Ikuha mo na lang ako ng yelo, Roselia.”
“Manang, ipatingin na rin natin at baka nabugbog ‘yan. Namimilipit na kayo sa sakit.”
Ilang beses ko siyang pinilit na dalhin sa doctor pero matigas itong tumanggi. Nilagyan lang niya ng yelo ang nabugbog na parte ng katawan at tapos ay nagpahinga sa kanyang kwarto. Nagamit niya ang tungkod ni Don Francisco kaya nailipat namin siya ng pwesto. Pero kung wala iyon ay baka pinangko na namin siya ni Roselia.
“Ganito talaga kapag tumatanda. Rumurupok ang tuhod.” Sabi niya bago ko siya iwan sa kanyang kwarto para makapagpahinga na muna. Sinabi kong kapag kumirot pa iyon ay bawal na siyang tumanggi at talagang isusugod ko siya sa ospital. Tinawanan niya lang ako.
Kinuwento ko kay Roselia. Tumawa rin siya at umiling habang naghihiwa ng sibuyas at bawang. Tumulong ako sa paghahanda para sa tanghalian naming tatlo. Marunong akong magluto pero hindi ko masasabing ekperto ako. Pagdating sa kusina, ako ang kanilang assistant. Iyon lang ang kaya kong itulong pagdating sa area’ng ito.
“Gano’n talaga si Manang. Sabihin na lang natin na sobrang matipid iyon pagdating sa pagpapa-checkup. Marami kasing tinutulungang mga apo. Pero malakas ‘yon. Kita mo, mamaya o bukas, naglilinis na ulit.”
Tinali ko muna ang buhok ko. Kinuha ko ang kaldero at nagtakal ng bigas. “Parang hindi maganda ang pagkakabagsak niya. Ang sabi ko nga, kapag hindi humupa ang sakit, isusugod ko na siya ospital.”
I still clearly remembered my time during the days when Don Francisco needed to be rushed in the hospital. Halos wala akong tulog at kailangang tumakbo sa pharmacy para sa kailangang bilhing gamot. Mahal ang bayarin at nakakapagod. Iyon din kaya ang iniisip ni Manang?
Tinakpan ko ang bigasan at dinala ang kaldero sa lababo.
“Nagpapaaral pa si Manang Lucinda ng mga apo niya?”
Tumango si Roselia. “Saka nag aabot din sa anak niyang bunso. E, medyo naligaw ang landas kaya walang trabaho.”
“Ang iba pa niyang mga anak? Ilan ba ang anak niya, Roselia?”
“Apat. May kanya kanya nang pamilya lahat. ‘Yung panganay, ang alam ako ay nasa maynila. Doon na nagkaasawa at trabaho. Sa kanilang lahat, siya lang yata ang maayos ayos ang buhay. Ang natirang tatlo, lahat ay nakatira pa sa bahay ni Manang Lucinda.”
“Kasama pati ang asawa’t mga anak?”
“Oo.”
“Kasya ang tatlong pamilya sa bahay ni Manang?”
“S’yempre, hindi. Pero pinagkakasya. Hindi pa magawang kumuha ng sariling bahay kasi walang pera. Umaasa rin sila sa padala ng kuya nilang nasa maynila at abot ni Manang Lucinda mula sa pagtatrabaho rito. Ang sabi niya ay may tinayong sari sari store ang manugang niya roon. Kaya kahit papaano ay may panggastos kapag wala pa siyang sweldo. Mahirap din para kay Manang na umalis dito sa Calavera farm. Bukod sa matagal na siya rito, malaking tulong ang kinikita niya galing kay Don Francisco. Mahal na mahal niya ang mga apo niya. Mula nang mamatay sa heart attack ang asawa’y, sa trabaho at mga apo niya binuhos ang oras. At pagdating sa pagsuporta, todo kayod pa rin si Manang.”
“Kaya nag-panic siya nang sahin kong dadalhin ko siya sa doctor.” Malumanay kong sabi.
“Oo. Gastos ‘yon, e.”
Binuksan ko ang gripo at pinatuluan ang bigas. “Akong bahala sa kanya kapag kumirot pa ang tuhod niya.” at iniisip ko ring dagdagan ang perang binigay ko para sa kanyang huling sweldo.
“Mas lalong mahihiyang umalis niyan si Manang, ma’am, Angel. Ang sabi nga niya ay kahit maliit lang ang ibigay mo ay tatanggapin niya. Wala na ngang natira sa ‘yo rito. Pati bahay ay… binenta pa ni Don Francisco.”
I sighed. “Hindi importante itong bahay, Roselia. Ang mahalaga ay maibigay sa inyo ang dapat na inyo dahil sa tapat na pagtatrabaho niyo kay Don Francisco. ‘Wag kayong mag alala, kakausapin ko si Atty. Divino at si Mrs. Frago, at baka may mairekomenda silang trabaho pag alis natin dito. Sigurado akong matutulungan nila kayo.”
“Ma’am…”
“Angel na lang, Roselia.”
“Ma’am naman, e. Pinapaiyak niyo ako!”
I just chuckled a bit. Hindi ko akalain na sa edad ni Manang Lucinda ay may kinakaharap pa rin itong pagsubok sa buhay. Siguro ay si Roselia rin pero hindi ko pa lang naririnig. At tila kasabay ng pag ikot ng mundo, ang suliranin at problema ng mga tao. Hindi ako nag iisa. Pero magkakaiba lang kami ng dinaranas.
Pinuntahan ko si Manang Lucinda sa kanyang kwarto pagkaluto ng ulam. Dinalhan ko siya ng pagkain niya. Nagtangka pa itong bumangon para sa labas kumain pero hindi ako pumayag. Sinuri ko ang tuhod niyang nasaktan. May hindi kalakihang bukol na iyon at ang pinag aalala ko ay hindi niya maitiklop. Kaya paglabas ko ng kwarto, agad akong tumawag ng doctor at pinakiusapang pumunta rito para maipa checkup ko si Manang. Mas mahal nga lang ang bayad pero hindi ko na ininda. Ang importante ay matingnan si Manang Lucinda.
Nag iba ang buhay ko magmula nang pumanaw si Don Francisco. Parang bang… ngayon ko lang nae-explore ang nasa paligid ko na hindi ko pansin dati. Ang farm at villa ay ang Don ang sinusunod. Hindi ko iyon ininda noong narito pa siya. Pero ngayong ako ang nag iisang Calavera na naiwan, kahit paalis na, ramdam ko pa ang pagbabago. At sa isang banda, nagustuhan ko. Not the poverty thing, ofcourse. But I felt free. Yes. That was the right word.
Not totally free… but at least, I could still say: I am… partially free.
Isang patpating kabayo ang natitira ngayon sa kuwadra. Wala na ang tagapangalaga. Pero pinupuntahan ni Roselia para pakainin at paliguan. Hindi iyon madalas kaya ngayon ay hindi kaaya aya ang amoy ng tirahan nito. Naibenta na ang ibang mas malakas na kabayo. Ang iba naman ay nangamatay. Itong patpatin na thoroughbred ay nananatiling matibay. Hindi ko naman gusto na sumunod siya sa amo niya.
“Sana ay mapalusog ka ng bago mong amo.” Sabi ko sa kabayo.
Kinuha ko ang hose ng tubig at nilinisan ang kuwadra nito. Sinabay ko na rin ang pagpapaligo sa kanya. Tinantya ko muna kung hindi ito magagalit o maiirita kapag dinantay ko ang brush sa katawan niya. Hinaplos haplos ko ang kanyang brown na buhok at kinakausap na para bang magsasalita ito. Hanggang sa tuluyan ko siyang malinisan. Winalis ko rin ang kuwadra para maalis ang mabahong amoy. Tapos ay kinalag ko ang tali at hinila papasok roon ang kabayo.
Sunod kong sinilip ang kulungan ng mga tupa. May isang payat na nakakalbo ang katawan. At mayroong parang tinutubuan pa lang ng balahibo. Hindi ako nagtangka pang maglinis doon at baka himatiyan sila kapag lumapit ako. Sinunod ko ang payo ni Manang na ‘wag nang pakielaman ang ibang hayop. Bahala na ang bagong may ari. Pero ang kabayong patpatin ay hindi ko natiis. Buti na lang at hindi naman ito mukhang hihimatayin. Umuwi ako sa bahay at naligo.
Pagsilip ko sa bintana, nakita kong pumarada ang lumang sasakyan ni Atty. Divino. Kahit basa pa ang buhok ko ay lumabas ako ng kwarto bitbit ang hair brush. Malaking ngiti ang sinalubong niya sa akin.
“Nakuha ko po kahapon ‘yung sulat ni Mr. De Narvaez, attorney.” Niyaya ko siyang umupo sa sala.
“Gusto niyo po ba ng maiinom?” alok ni Roselia.
Umupo ako sa single sofa. Sumagot ng kape si Atty. Divino.
“Ano ang iyo, Angel?” baling sa akin ni Roselia.
“Angel? Wala nang ‘ma’am’?” pagtataka ng abogado.
Tila napahiya si Roselia dahil namula ang mukha nito. Tumikhim ako.
“Kape na lang din ang sa akin, Roselia. Salamat.”
Yumuko siya at tumalikod pabalik ng kusina.
“Bakit wala nang paggalang sa ‘yo ang kasambahay mo rito, Mrs. Calavera? Dahil ba sa… sitwasyon mo ngayon kaya ganoon na lang turing nila sa ‘yo?”
“Hindi ko na po sila kasambahay dito, attorney. At ako po ang nagsabi sa kanilang ‘Angel’ na lang ang itawag sa akin.”
“Pero hindi dapat ganoon. Ikaw ay asawa pa rin ni Francisco.”
“Wala na po akong pampasweldo sa kanila. Tapos, sinasamahan pa nila ako rito hanggang sa dumating ang bagong may ari ng farm. Hindi na po ako ang amo nila pero may malasakit pa rin sa akin. Byuda na po ako, attorney. At hindi na rin pagmamay ari ni Don Francisco itong farm.” Diin ko sa huli.
“Nasaan ba si Lucinda? Hindi ‘yon papayag na ganito,”
“Nasa kwarto po niya at nagpapahinga. Nadulas siya rito sa hagdanan at tumama ang tuhod. Nahirapan siyang maglakad. Pinagpapahinga siya ng doctor at may mga gamot pong pinapainom.”
“Susmaryosep! Ano bang nangyayari rito? Nawala lang si Francisco ay nagkabalik baliktad na ang buhay mo.”
I sighed and smiled a bit.
“Dinala mo ba siya sa ospital? Kayo ang bumuhat?”
Umiling ako. “Nagpapunta po ako ng doctor.”
“Aba’y sinong nagbayad niyan?”
Kumurap ako. Bakit tinatanong pa niya ‘yan? “Ako po.”
“Ikaw?”
“Attorney, bakit po ba kayo naparito?” gulantang gulantang siyang malamang pinagamot ko si Manang Lucinda. Ganoon ba katindi sa kanya ng kalagayan ng savings ko? Marahil ay alam niya ang savings ni Don Francisco pero wala naman siyang ideya sa personal kong account. Hindi naman iyon kalakihan kumpara sa dating mayroon ang isang Calavera.
“Pagpasenyahan mo na ako, hija. Hindi pa lang ako sanay na… makitang ganito ang kalagayan ng farm. Ang sabi ko sa ‘yo ay ikaw muna ang mamalakad dito habang wala pa si Mr. Draco de Narvaez. Ang nasa isip ko ay walang magbabago. Pero ang iba yata ang nangyayari.”
“Wala naman pong dapat na palakarin, attorney. Bagsak na ang farm. Kung ang ibig niyo pong sabihin ay alagaan ko ang mga natirang hayop, pwede ko po ‘yung gawin pero… sa maliit na budget lang. Pwede akong magtanim ng sunflower. Magpakain ng kabayo. Kung magkakasakit pa sila, hindi na po kaya ng bulsa ko. Hanggang ganoon lang po ang kaya ko. At kailangan ko na pong buksan ang studio ko para kumita.”
“Kaya nga ako naparito. Nabasa mo naman ang sulat ni Mr. De Narvaez, hindi ba?”
“Opo. Kahapon.”
Tumawa ito. “Pagpasenyasahan mo na rin pala kahapon ang pamangkin kong si Richard. Sa kanya ko binilin na ibigay sa ‘yo. Pero panay nga ang kulit sa akin ngayon. Gusto niyang kunin ang cellphone number mo,”
Kumunot ang noo ko.
“Pero hindi ko binigay.”
Tumango lang ako.
“Balik tayo kay Mr. De Narvaez, hija. Nagpadala na siya ng pera sa akin at gusto niyang ibigay ko ito sa ‘yo…”
Hindi ako agad nakapagsalita nang iabot niya sa akin ang isang namumukol na sobreng puti. Walang ibang maiisip na laman no’n kundi isang bundle ng pera. I didn’t hold it. I didn’t even raise up my hand to receive that money. Tiningnan ko lang iyon sa kamay ni Atty. Divino.
“Nabasa mo naman sa sulat niya na magpo-provide siya sa ‘yo habang wala pa siya. Iko-cover niya ang pagkain, tubig at kuryente rito. Babayaran din daw niya ang makakasama mong kasambahay. Kung magha-hire ako ng bago. Pero dahil narito pa pala sina Lucinda at Roselia, si Mr. De Narvaez na ang bahala sa kanilang sweldo magmula ngayon. Ano, hija? May kailangan ka pa ba? Halos wala ka nang poproblemahin sa pagtira rito.”
“P-Pero attorney…”
“At may nakuha na nga rin pala siyang engineer na titingin ng villa. ‘Wag ka nang magulat kung may pumunta rito at mag inspekyon. Balak niya yatang maglagay ng mga air-con sa mga kwarto. Para pagdating niya rito ay makakapaghinga siya nang maayos-“
“Attorney.”
“Yes, Mrs. Calavera?”
I looked at him and remained cold. “Bakit ayaw niya pa po akong paalisin dito? Hindi ba dapat ay maghanap na lang siya ng bagong tatao imbes na ako?”
Siya ngayon ang napipi. Hindi ko maintindihan kaya’t gusto kong malaman ang buong detalye o rason niya sa pagpapaiwan sa akin. Tapos, nagpadala pa siya ng pera. Wala ngang mawawala sa akin pero nakakatakot pa ring tanggapin!
“Malalaman mo naman kapag nakausap mo na siya.”
“Saan ko po siya pwedeng kausapin? May phone number ba kayo ng taong ‘yan? O kahit social media na pwedeng makita? Gusto ko pong malaman kung bakit, atty. Divino!”
Napaatras ito. Tumahimik. Binaba niya ang sobre sa mesa at siyang dating ni Roselia dala ang dalawang tasa ng kape.
“N-Nasa kusina lang po ako kung may kailangan kayo, Ma’am-“
“Angel lang, Roselia. Hindi ka na kasambahay dito.” may diin at lakas loob kong sabi sa kanya.
Tumayo si Attorney Divino at binalingan siya.
“Hindi. Tama ang ginawa mo, Roselia. Si Mrs. Calavera pa rin ang ma’am ng villa na ito.”
“Attorney!” tumayo na rin ako. “Wala na po sa akin farm-“
“Hangga’t hindi nakakauwi rito si Mr. De Narvaez at hangga’t ikaw ang gusto niyang mamahala ng lahat ng naiwan ni Francisco, ikaw pa rin ang reyna ng Calavera farm. Walang aagaw ng titulong niyang sa ‘yo, Mrs. Calavera. At kung gusto mong makausap si Mr. Draco de Narvaez patungkol sa mga ito, sasabihan ko muna siya. Ipapaalam ko sa ‘yo ang desisyon niya.”
“Pero…”
“Maiwan ko na muna kayo.” Kinuha niya ang tasa ng kape at sumimsim. “Maraming salamat sa kape, Roselia. Tutuloy na ako.” At binaba nito ulit ang tasa bago lumabas ng pintuan.
Naiwan akong nakanganga at tulala sa biglaang pag alis ni Atty. Divino. Na parang may bagyong dumaan at dinelubyo ako.
Kinabukasan ay nanatiling wala akong tamang ideya sa pinaggagagawa ng De Narvaez na ‘yan. Sino ba siya para mag utos nang ganito? Nagpadala ng pera at sagot na niya ang bills ng villa? Pati ang sweldo nina Manang Lucinda. Ibig sabihin ay may trabaho pa rin silang dalawa ni Roselia. Maganda sana iyon at hindi na mamomorblema sa pera si Manang Lucinda. Pero… ngayong narito na silang dalawa, hindi ko na kailangang mag stay dito, ‘di ba? Si Mr. De Narvaez na ang kanilang bagong amo.
Tama. Kung ganoon, sila na ang maghihintay sa kanya. Hindi na ako kailangan dito. Mas marunong pa nga sila sa bahay kaysa sa akin. Anong gagawin ko rito bukod sa pagtulog at kain? Palamuti?
“Ma’am—uh, A-Angel…”
Pagbabaga ko sa hagdanan ay paakyat si Roselia. Nahihiyang ngumiti.
“Good morning, Roselia. Si Manang gising na ba? Pupuntahan ko,”
Nagsalubong kami sa gitna.
“Gising na. Nagpumilit bumangon kaya hayun at nasa kusina. Pero nakaupo pa rin naman.”
Napailing ako. “Ang tigas din pala ng ulo niya.”
She giggled a bit. “Aba’y oo naman! Siya nga pala, may dumating na lalaki. Siya raw ‘yung engineer na tinawagan ni Atty. Divino.”
Ang bilis, ah!
Bumuntong hininga ako at tumungo sa pinto. Ang sabi ni Roselia ay naghihintay sa labas ang lalaki. Ayaw daw pumasok. Hihintayin daw akong lumabas. Binuksan ko ang pinto ang hinarap ang lalaki.
“Ikaw?!” gulat kong reaksyon.