EIGHT YEARS AGO…
MULA sa ikatlong palapag ng kanilang gusali ay tanaw ni Joan ang maraming estudyante sa quadrangle. Iyon ang ikalawang araw ng fair sa unibersidad nila kaya ganoon. Napalabi siya saka walang anumang itinuloy ang iginuguhit sa hawak na sketch pad.
“Jo” untag sa kanya ng pamilyar na tinig ni Mara.
Salubong ang mga kilay niya itong nilinga. “Ano?”
Noon siya tinabihan ng kaibigan saka pinanood sa kanyang ginagawa. “Kain tayo? Nagugutom ako eh” anito pagkuwan. “parang gusto ko ng pansit saka chocolate cake” sa narinig ay naramdaman niya ang tila pagkalam ng kanyang sikmura.
“Sige, lika na?” sang-ayon niya sa kaibigan.
Malapit na sila sa canteen nang mapuna ang isang booth na puno ng maraming estudyante. “Tingnan natin iyon oh” aniya sa kaibigan sabay hila ng braso nito.
Pumalatak si Mara. “Mamaya na nagugutom na ako eh” anito.
“Sige na saglit lang” pamimilit niya kaya wala na nga itong nagawa.
“Hi Miss baka gusto ninyo mag-fill up” isang babaeng naka-puti at mukhang related sa medisina ang trabaho ang lumapit sa kanila.
“Para saan?” takang tanong ni Mara.
Noon sinimulang ipaliwanag sa kanila ng babae ang nakasulat sa papel. Waiver pala iyon na kung sakaling mamatay ang isang tao at nakapirma ito doon. Nangagahulugan lang na willing nitong ibigay ang kahit aling organ nito na sa kahit sinong nangangailangan din ng donor.
“Pirma tayo?” tanong ni Mara sa kanya.
Tumango siya saka sila parehong naghanap ng pwedeng maupuan. “Miss dito na kayo oh!” ang narinig ni Joan na tumawag sa kanya.
“Salamat” sagot niyang nakangiti.
Ngumiti rin sa kanya ang lalaki. “Ako nga pala si Paul” anitong iniabot ang kamay sa kanya pagkatapos.
Nagsalubong ang mga kilay niya saka tiningala ang lalaki. In fairness, gwapo ito. Maputi. Matangkad. Sa madaling salita, tisoy. “Joan” aniyang hindi tinanggap ang pakikipagkamay ng binata.
Noon napapahiyang ibinaba ng binata ang sariling kamay. “Nice meeting you, anong course mo?” tanong ulit nito.
Naramdaman niya ang nanunuksong pagsiko ni Mara sa tagiliran niya pero minabuti niyang huwag iyong pansinin. “Alam mo kuya nagmamadali kami eh, sa susunod nalang tayo magkwentuhan” aniyang ipinahalata ang pagkainis sa tinig kaya hindi na siya nagtaka nang iwan na sila ng lalaki.
PAGKATAPOS sa canteen ay nag-CR muna silang dalawa ni Mara. Nagkataon kasing parehong absent sina Rose at Tere kaya silang dalawa lang ang magkasama nang araw na iyon.
Sa library ang tuloy dapat nilang dalawa pero pinauna na niya ang kaibigan nang maalala may kailangan pala siyang bilhin sa bookstore. Pabalik na siya nang harangin siya ng dalawang lalaking parehong nakaputi ang pang-itaaas na damit. Agad siyang kinabahan.
“Siya na?” ang tanong ng isa sa kasama nito.
“Oo” ang sagot naman ng tinanong.
Noon nilamon ng takot ang dibdib ni Joan. “A-Anong__” naputol ang iba pang nais sabihin ng dalaga nang lagyan ng posas ng isa sa dalawang lalaki ang kamay niya. “teka lang!” palag niya.
“Miss wala kaming gagawing masama sa’yo” ang tumatawa pang sabi ng lalaki kaya siya nakaramdam ng pagkapahiya.
MARRIAGE BOOTH. Iyon ang nakasulat sa itaas ng booth kaya agad siyang kinabahan. “Pwede ba huwag ninyo akong idadamay sa kalokohang ito? Marami akong ginagawa!” galit niyang palag pero naipasok na siya ng dalawang lalaki sa booth.
“Sorry Miss pero ang rules kailangan kang tubusin o pakasalan ng kahit sinong lalaki bago ka makalabas dito” paliwanag sa kanya ng isa saka nilagyan ng lock ang pintuan ng booth.
Lalong uminit ang ulo ni Joan sa narinig. “Anong pakasalan? Di ba may dapat may dahilan bago hulihin at ikulong ang isang tao diyan? Teka ano naman ito?” nang makitang iniaakmang ilagay sa ulo niya ang isang puting tela.
“Oo Miss, someone with pink ponytail ang target kaya ikaw na talaga” sagot ng isa sa dalawa.
Noon siya napangiwi, oo nga pala pink na pink ang nakapusod sa buhol niya. Malas ko! Ang sigaw ng isipan niya saka mabilis na iniiwas ang ulo sa kabila ng pagpupumilit ng isa sa dalawang lalaki na maisuot sa kanya ang belo.
“Sige na miss, baka mapagalitan pa kami sa boss namin sa kakaganyan mo eh” ang nakikiusap na turan ng lalaking nagsusuot sa kanya ng belo.
Nakadama ng matinding pagkapahiya si Joan kasabay ng pamumula ng pisngi nito kaya siya na mismo ang nagsuot ng belo. Makalipas ang ilang sandali ay natanawan niyang patungo sa gawi niya si Mara na salubong ang mga kilay at halatang may hinahanap. Kinawayan niya ang kaibigan.
Nakita niya ang pagtatawa nito saka pa nagtakip ng sariling bibig habang naglalakad palapit sa kanya. “Anong drama ito? May pa-belo-belo ka pa!” buska nito saka hinawakan ang suot na belo.
Napalabi siya. “Humanap ka nga ng pwedeng magpakasal sakin para makalabas na ako dito?” ang irita niyang utos sa kaibigan na talaga namang napakalakas mang-asar nang mga oras na iyon.
Tumawa ng malakas si Mara. “Really?”
Inirapan niya ang kaibigan. “Bilis na! Ma-le-late na ako!”
Nakita niyang nagbuka ng bibig si Mara. Pero hindi na niya narinig ang gusto nitong sabihin dahil mula sa likuran ng kaibigan ay lumitaw ang isang pamilyar na mukhang nagpabilis ng tahip ng kanyang dibdib.
“Hi!” ang masiglang bati ni Jim sa kanya habang ngiting-ngiti.
“J-Jim!” sa nanginginig na tinig ay turan niya.
Matagal muna siyang pinakatitigan ng binata bago muling nagsalita. “Kailangan siyang tubusin di ba?” ang isa sa dalawang bantay ang kausap ng binata.
“Pwede n’yo rin ho siyang pakasalan kung gusto ninyo!” sagot ng tinanong.
Parang sirang plakang nagpaulit-ulit sa pandinig ni Joan ang sinabing iyon ng lalaki. Pagkatapos ay nag-iinit ang mukhang nagbaba ng tingin saka muling tiningala si Jim na tila halayang ube ang lagkit ng titig sa kanya.
Goodness, baka malusaw ako! Ang kinikilig na komento ng kabilang bahagi ng isip niya.
Nakita niyang binasa muna ni Jim ang lowerlip nito. Lalo iyong naging katakam-takam sa paningin niya. At nang ngumiti sa kanya ang binata, parang gusto niyang mawala sa sariling katinuan sa ganda niyon.
“Sige, pakakasalan ko nalang siya!” anito sa malakas na tinig kaya impit na napatili si Mara saka napa-palakpak.
Nanlaki ang mga mata ni Joan sa narinig. “A-Ano? A-Ako pakakasalan mo?” ang hindi makapaniwala niyang bulalas.
Tumango-tango si Jim saka isinuot ang kulay puting coat na ibinigay ng lalaki rito. Ilang sandali pa, nakatayo nasa harapan niya ang binata ay parang wala sa sarili parin niyang ikinurap-kurap ang mga mata.
“Take my hand” nang hawakan nang binata ang kamay niya ay napaigtad siya. “Relax” bulong pa nito kaya lalo siyang pinamulahan. Nang makita niyang kumibot ang mga labi ni Jim ay noon niya sinimulang pigilin ang paghinga. Nag-init ng husto ang mukha niya lalo na’t hindi lang iilang pares ang mga matang nakatingin sa kanila. “I, Jim Wilson, take you Joan Cuba, to be my lawfully wedded wife, my constant friend, my faithful partner and my love from this day forward. In the presence of God, our family and friends, I offer you my solemn vow to be your faithful partner in sickness and in health, in good times and in bad, and I promise to love you unconditionally, to support you in your goals, to honor and respect you, to laugh with you and cry with you, and to cherish you for as long as we both live” nang matapos ang mahabang wedding vow ni Jim ay nanatili siyang nakatitig lang sa mukha ng binata saka isinuot sa daliri niya ang isang singsing.
“You may now kiss the bride” noon siya parang binuhusan ng malamig na tubig kaya agad siyang nagprotesta.
“A-Anong?” aniyang nilinga ang nagsalita.
“Kiss… Kisssss” ang crowd ay noon lang niya napuna dahil sa panandaliang pagkawala niya sa sarili dahil sa nangyari.
Nang humakbang palapit sa kanya ang binata ay lalong tumindi ang kabog ng dibdib niya kaya umatras siya. Pero muli siyang kinabig ni Jim palapit rito dahil mabilis nitong nasaklit ang kanyang baywang.
“J-Jim” anas niya sa nanginginig na tinig.
Ang totoo napakalaking bonus sa kanya kung si Jim na kanyang crush ang unang hahalik sa kanya. Pero huwag naman sa ganitong sitwasyon dahil tiyak na uulanin siya ng tukso. Ang gusto niya sagrado ang first kiss niya. Iyong silang dalawa lang, dahil kung sa walang ibang makakita, mas malaki ang chance na magtagal iyon! Sa huling naisip ay lihim niyang pinagalitan ang sarili.
Napapikit siya nang hawakan ni Jim ang laylayan ng puting veil na nakatabing sa mukha niya. Nagtilian ang lahat nang unti-unting itinaas iyon ng binata. Noon siya nagdilat ng mga mata kaya nagtamang agad ang kanilang paningin.
“You’ll make a very beautiful bride” ang tinig ni Jim mas mahina pa sa bulong. Pakiwari niya ay sinadyang hinaan iyon ng binata para siya lang ang makarinig ng sinabi nito.
Nang unti-unting bumaba ang mukha ng binata ay pinigil niya ang sariling paghinga saka wala sa loob na napapikit muli siya. Dinig niya ang malakas ng tilian sa paligid na totoong nakapagpa-dagdag ng kabang nararamdaman niya. Laking pasalamat nalang niya nang maramdamang sa pisngi niya dumampi ang mga labi ng binata.
Maganda ang ngiti nito nang magdilat siya ng paningin. “T-Thanks” makahulugan niyang turan.
Tumango lang ito. “You’re welcome” anitong gumanti rin ng ngiti pagkatapos. “bigyan mo ako ng kopya ng marriage contract natin ha?” ang huling tinuran nito bago hinubad ang coat saka na siya iniwan.
Sinundan niya ng tingin ang papalayong bulto ngayon ni Jim na nilapitan ang isang maganda at nakangiting babae. Nagkibit siya ng balikat. Pansin niyang halos babae ang kaibigan ni Jim. May pagkaselosa pa naman siya. Saka siya lihim na natawa sa huling naisip.
Nakangiti parin niyang hinubad ang suot na veil saka nakangiting hinaplos iyon ng sariling kamay ng may pagmamahal. “Pwede bang akin nalang ito?” pagkuwan ay tanong niya sa lalaking bantay na umaresto sa kanya kanina.
Tumango ito ng ngiting-ngiti. “Sa inyo po talaga iyan. By the way, heto na po iyong contract, pati wedding picture. Tig dalawang kopya po ang mga iyan, tig-isa kayo ng groom” inabot niya ang mga iyon saka natawa pagkuwan bago ipinasyang lumabas na ng booth para sa susunod niyang klase.