PART 1
MAGANDA ang ngiti sa mga labi ni Joan nang magbukas ang pintuan ng malaking simbahan. Ang araw na iyon ang para sa kanya ay pinaka-mahalagang araw sa buhay niya bilang isang babae. Ang maglakad sa aisle ng simbahan patungo sa altar habang naroon at nakangiting naghihintay sa kanya si Paul ang lalaking pinili niyang pakasalan. Mabilis na nag-init ang mga mata niya nang maramdamang mahigpit na pinisil ng ina niyang si Bella ang braso niyang hawak nito. Tiningnan niya ito saka matamis na nginitian. Saka binalingan ang amang si Nardo na kinindatan naman siya.
“I love you” bulong ni Paul sa kanya nang pareho na silang nakatayo sa harapan ng altar.
“I love you too” kahit ang veil na suot niya ay hindi nagawang itago ang matamis niyang ngiti. Maging ang kakaibang kislap ng kanyang mga mata.
Kasalukuyang Area Manager si Joan ng isang kilalang brand ng sapatos. Tapos siya ng kursong Fine Arts pero sa ganoong propesyon siya naging maswerte kaya iyon ang ipinagpatuloy niya. Habang si Paul naman ay elementary teacher sa unibersidad na pinagtapusan nila ng kolehiyo.
“May tumututol ba sa kasalang ito?” ilang sandali pagkatapos ay pumuno sa loob ng simbahan ang tanong na iyon ng pari.
Nginitian niyang muli si Paul nang makitang nakatitig ito sa kanya ng may pagmamahal. Pero mabilis na napawi ang kanyang ngiti nang tawagin ng isang tinig ang pansin ng lahat ng naroroon.
“Paul please don’t do this. You can’t marry her, panagutan mo kami ng anak mo!” lumingon siya at nakita niyang tumatakbo palapit sa kanila ang isang babae na sa kalaunan ay nakilala niyang si Letty na ipinakilala sa kanya ni Paul noon bilang bestfriend nito.
“Letty?” aniya nang makalapit ito sa kanila.
Nakita niya ang matinding pagkabigla kasabay ng tuluyang pagkawala ng kulay ng mukha ni Paul. “What are you doing here?” ang katipian niyang nagbabaga ang titig kay Letty.
Nagpatuloy sa pag-iyak nito ang babae. “Aminin mo kay Joan ang totoo, na may namamagitan sa atin. Matagal na, na niloko mo siya kaya nabuntis mo ako!” galit na galit na sigaw ni Letty saka siya umiiyak na hinarap. “please huwag mo siyang pakakasalan. Maawa ka sa akin at sa magiging anak namin, itatakwil ako ng mga magulang ko kapag nalaman nila ang tungkol dito” pakiusap nito sa kanya.
Napalunok siya saka sa nanginginig na tinig ay nagsalita. “T-Totoo ba ang sinasabi niya?” aniya kay Paul.
Nagtaas-baba ang dibdib ni Paul sa tanong niyang iyon. “Please Joan let me explain” ang narinig niya ay sapat na para magtatakbo palabas.
Noon nagkaroon ng ingay sa loob ng simbahan. Naririnig niya ang maraming boses na tumatawag ng pangalan niya. Pero hindi niya lahat pinansin. Sa parking lot nakita niyang naka-park ang kotseng dapat sana ay sasakyan nila ni Paul. Kinuha niya ang susi sa driver at mabilis na pinasibad palayo ang sasakyan.
“I hate you! I hate you!” aniyang pinagsusuntok ang manibela ng kotse habang patuloy sa masaganang pagluha.
At dahil sa bilis ng kanyang takbo, hilam ng luha ang mga mata, walang seatbelt at suot parin niya ang belo ng kanyang pangkasal na nakatakip sa mukha niya. Hindi napuna ni Joan ang pagsulpot ng isa pang sasakyan. Tinumbok niyon ang kotse niya. At ang sumunod ay ang pagdilim na ng buong paligid.
EIGHT YEARS BEFORE
“SIGE po Manong salamat” ang nagmamadali sabi ni Joan saka nang makababa sa sinakyang traysikel ay patakbong tinungo ang malaking gate ng unibersidad kung saan nasa unang taon siya sa kurso niyang Fine Arts.
“Miss Cuba! You’re late!” sa istriktang tinig ay sita sa kanya ng Earth Science professor nilang si Miss Catacutan.
Napapahiya siyang huminto sa paghakbang saka nagkamot ng ulo. “S-Sorry po” aniya sa mababang tinig sa alanganing ngumiti.
Naiiling lang na tumango ang guro kaya agad niyang tinungo ang pwesto. “As I was saying, you will be answering these questions, sa library mismo then ipapasa ninyo sa akin sa CAS faculty? Am I clear?” ang gurong nagpatuloy sa naputol na sinasabi kanina.
Nang sumagot ng Yes ang buong klase ay noon naman sila pinalabas na ng guro. “Anong meron? Bakit tayo pupunta sa library?” tanong niya kay Mara, ang seatmate at close friend niya sa buong klase.
Noon iniabot sa kanya ni Mara ang hawak na handout. “Oh hayan, may utang kang ten pesos sakin. Halika na at baka maraming tao, mamaya hindi pa tayo makapasok” anitong nagpatiuna na sa paglabas ng silid.
Sa library hindi naman sila nahirapang pumasok dahil ang totoong walang katao-tao doon. Ang ikalawang mesa ang inokupa nila, dahil doon ay nakatabi nila sina Rose, Tere at Shaira na sa pagkakaalam niya ay fourth year Bachelor of Secondary Education major English ang kurso. Ang kwento ni Rose, ang alam daw kasi ni Shaira ay lilipat ito sa State university ng bayan nila kaya hindi nito kinuha ang Earth Science noong unang taon nito sa kolehiyo. Iyon ang dahilan kung bakit ate ang tawag nila rito. Dahil kung tutuusin tatlong taon ang tanda nito sa kanila.
Ilang tanong narin ang nasagutan niya nang mapuna ang dalawang lalaking nagbubulungan habang naghahanap ng libro sa shelve ng mga fiction books. Muli niyang itinuon ang pansin sa ginagawa kahit na nakuha ng lalaking naka-apple green cap ang atensyon niya. Naging abala narin siya pagkatapos kaya hindi na niya napunang may umupo sa harapan niya.
“Shaira” tawag ng lalaki.
“Oh Jim, ikaw pala. Anong ginagawa mo dito?” tanong- sagot naman ni Shaira na ang paningin ay natuon sa kausap.
Noon sinulyapan ni Joan kung sino ang kausap ng katabi, at sa halip na mapangiti ay biglang nangunot ang kaniyang noo. “Looking for a good book to read” anang lalaking naka-apple green cap na tinawag ni Shaira sa pangalang Jim.
Tumango-tango lang si Shaira. “Anyway mga kaklase ko sa Earth Science” anito na itinuro sina Rose, Tere at Mara na abala rin sa pagsusulat habang siya ay nanatiling nakatitig sa kaharap.
“Hello” ani Jim at saka nginitian ang tatlo na tango lang ang itinugon. Nang mapabaling sa kanya ang paningin ng binata ay gayon din ang ginawa nitong pagbati sa kanya.Hindi siya ngumiti at sa halip ay pailalim itong tiningnan. Mayamaya lang ay tinawag na ito ng lalaking kanina ay kasama nitong naghahanap ng libro.
“I’ll go ahead” paalam nito kay Shaira.
Sinundan niya ito ng tingin at nang muling magtama ang kanilang mga mata ay nakita niyang sumilay sa mga labi nito ang isang matamis na ngiti. Nagyuko siya ng ulo at muling itinuon ang pansin sa ginagawa.
Gwapo siya at maganda ang mga mata. Pero may pagkapresko. Iyon ang nasabi niya sa sarili. Well impression lang naman niya iyon, saka lihim na pinagtawanan ang sarili sa kabila ng nararamdamang kilig na siyang totoo niyang nararamdaman.