NANG maalala ang dalagang nakita niyang sumusunod sa kanya kanina ay wala sa loob na napangiti si Jim dahil sa matinding amusement. Natatandaan niya si Joan, ang kaklase ni Shaira na sumimangot sa kanya noong isang araw sa library.
She’s very pretty, her eyes, parang nagtatago ng maraming lihim. At napakabata. Alam niyang naglalaro lang ang edad ni Joan sa pagitan ng sixteen to seventeen. Sa isiping iyon ay wala sa loob siyang napailing saka ipinagpatuloy ang ginagawa sa harapan ng computer. Ayaw niyang bigyan ng mas malalim na kahulugan ang kakaibang sikdo ng emosyon sa dibdib niya nang magtama ang mga mata nila ng dalaga sa library. Pero hindi niya maipagkakamaling nakita niya sa mga iyon ang sa tingin niya’y totoong gusto niya na minsan man ay hindi niya nakita sa mga mata ni Karen. Sa huling naisip ay lihim niyang pinagalitan ang sarili kahit kung tutuusin ay iyon naman talaga ang totoo.
Isa siya sa maraming student assistants ng Information Technology Department. Pero sa Internet Section ng unibersidad siya naka-assign. Dalawang taon na niyang nobya si Karen. Pero sa loob ng dalawang taon ay nanatiling lihim ang relasyon kahit pa sa Mama niya. Iyon ang dahilan kung bakit bestfriend ang ginagamit niyang term kapag may nagtatanong kung bakit lagi silang magkasama ni Karen.
Mahal na mahal niya ito at ganoon rin ito sa kanya. Kaya lahat ng gusto ng nobya, hangga’t kaya niya ibinibigay niya. Huwag lang pinansyal dahil ang totoo mas maganda ang pamumuhay ng dalaga kaysa sa kanya. At iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit minabuti nilang ilihim ang kanilang relasyon.
Alam niyang hindi siya matatanggap ng pamilya ni Karen para rito. Sa katunayan, nakakapag-aral siya sa pribadong unibersidad na iyon dahil sa pagiging Student Assistant niya. Ibig sabihin libre ang matrikula niya kapalit ang paglilingkod sa kung saang department siya naka-assign. Kailangan lang niyang i-maintain ang grades niya para hindi mawala sa kanya ang pagkakataong makapag-aral doon at makapagtapos.
Secondary Education ang kursong kinukuha niya at English ang kanyang concentration. Teacher din kasi ang ina niya si Marlyn bagaman elementary ang hinahawakan. Habang si Karen ay Library Science naman ang course, second year na ang kanyang nobya at siya naman ay graduating na.
Kung ang ama naman niya ang tatanungin. Nagbuntong hininga doon si Jim. Nasa Amerika si William Wilson, ang tatay niya, sa Oklahoma at may iba ng pamilya. Pinadadalhan naman siya ng ama niya kaya lang mas pinipili niyang ipunin nalang iyon para kung sakaling magkaroon ng emergency ay may pagkukunan sila ng kanyang ina.Ang usapan ay kukunin siya nito pagkatapos niya sa kolehiyo para doon siya makapagtrabaho. Pero nagdadalawang isip siya dahil hindi niya kayang iwan ng mag-isa ang ina niya. Solong anak kasi siya dahil hindi na muling nag-asawa pa ang nanay niya matapos nitong maghiwalay at ng kanyang ama.
Someday, we will be set free. Bulong niya sa sarili nang maalala ang magandang mukha ni Karen. Pero biglang lumitaw sa gunita niya ang nakangiting mukha ni Joan. Very young, very pretty at totoong ang napakaganda nitong ngiti maging ang kakaibang kislap ng mga mata ng dalaga ay nagdudulot ng kakaibang saya sa puso niya na hindi niya kayang ipaliwanag.
“JOAN halika bilis!” mabilis na hinila ni Tere ang braso niya nang makapasok ito nang classroom at makalapit sa kanya. Kaya naman tumilapon ang hawak niyang drawing pencil at inis na inis niyang nilinga ang kaibigan.
“Bilisan mo na kasi, tayo!” si Rose na hinila siya patayo kaya siya napasunod.
“Ano ba” aniyang inagaw ang sariling braso sa kaibigan. Ngayon ay palabas na sila ng classroom.
“Si Ate Shaira nasa kabilang classroom, kausap ‘yung crush mo” giit nito saka siya muling hinila palabas na ng corridor.
Sa narinig ay mabilis na naglaho ang inis na nararamdaman para sa dalawa saka awtomatikong pumunit ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi at kinikilig na nagsalita. “Nasaan?” nagliwanag ang mukha niyang tanong habang pilit na itinatago ang kabang ngayon ay nag-uunahan na sa kanyang dibdib.
“Hayun oh” anitong itinuro ang kaibigan nilang naka-upo sa pinakadulong row ng mga upuan.
Kumaway siya sa kaibigang kumaway rin sa kanila. At noon nga lang napuna ni Joan ang isang lalaking naka-upo ng desk ng upuan paharap kina Shaira at patalikod naman sa gawi nila.
“Naku si Jim nga!” naibulalas niya. Dito na nagsimulang bumundol ang mas matinding kaba sa kanyang dibdib.
At mas higit pa iyong nadagdagan nang makita niyang lumingon ang binata sa gawi nila. Kahit malayo ay nakita niyang nagbuka ang bibig ni Shaira saka sinabing.“Si Joan.” Dahil doon ay muling lumingon si Jim saka kumaway sa kanya habang matamis na nakangiti.
“Oy kinawayan siya, at nginitian pa” tukso sa kanya ni Rose.
Dahil sa pinaghalong kaba at katuwaan ay hindi siya nakapagsalita. Pakiramdam niya ay umurong ang kanyang dila dahil sa totoo lang hindi niya kayang pangalanan ang saya at kilig na nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Nang muli niyang lingunin ang gawi ng binata ay wala na ito doon. At sa halip ay nakita niya itong kasunod ni Shaira na palabas ng classroom.
“Papunta sila dito. Sigurado akong ipakikilala kana ni Ate sa kanya” puno ng excitement ang tinig na tinuran ni Tere.
Sa narinig ay lalong niragasa ng kaba ang dibdib ni Joan. Paano ba siya kikilos? At paano rin siya makikiharap dito nang hindi nagmumukhang katawa-tawa? Sa totoo lang parang mas gusto pa niyang lamunin na lamang siya ng lupa nang mga oras na iyon.
“Umayos ka, baka mamaya magpahalata ka naman sa kanyang type mo siya!” para pa siyang natauhan sa ibinulong na iyon sa kanya ni Mara.
Nang marinig ang boses ni Shaira ay bahagya pa siyang napakislot. Ipinakilala sila nito sa isa’t-isa. At hindi niya alam kung paano hihinga sa sikip ng dibdib niya dahil feeling niya gusto nang kumawala ng puso niya sa lakas ng kabog niyon. Lalo nang magtama ang kanilang mga mata.
O my god, bakit ang gwapo niya? Ang isip niya habang humahangang titig na titig sa binata.
“Jim, kamayan mo naman sila” untag ni Shaira sa kaklase nitong nakangiting nakatitig lang sa kanya.
Naku baka nababasa niya ang isip ko kaya tinititigan niya ako. Baka alam na niyang crush ko siya? Ang nag-aalalang sabi ng kabilang bahagi ng isip niya.
Sa tingin ko nagagandahan siya sa’yo. Ang isang bahagi naman.
“Magkakilala na kami” halos magkapanabay pa nilang sagot kaya nagyuko siya ng ulo at kinikilig na natawa.
Ano ba yan, pareho ba tayo ng iniisip? Ang maharot pang tanong ng isip niya.