"Saan ang punta mo?"
Napatigil ako sa akmang paglabas nang marinig ang boses ni Kuya Vincent.
Nang lingunin ko siya ay prente siyang nakapangalumbaba sa pasemano ng hagdan namin.
"Kakatagpuin ang mga kaibigan ko," mabilis kong sagot.
"Pangit, sama ako!"
Sinibat ko nang matalim na tingin ang batang nakatayo sa gilid ni Kuya at parang haring nakapamaywang na natingin sa'kin.
"Bawal ang mukhang bulati roon," pairap kong sagot.
"Ikaw nga na pangit di bawal ako pa kaya na cute," maangas nitong sagot.
"Kuya, bakit ba nandito ang anak ng engkantong iyan?" Kausap ko kay kuya habang nakturo roon sa nuno niyang katabi.
"Isusumbong kita kay Mommy at Daddy, tinawag mo silang maligno," nagbabantang sabat nito.
Maang akong napatitig sa mukha niya. Kung meron mang taong kaya akong utasin kahit walang gawin ay si Tryron iyon, ang batang bulati na anak ng engkanto!
"Wala akong sinabing maligno ang Mommy at Daddy mo," nagtagis ang mga bagang kong paglilinaw.
"Sabi mo anak ako ng engkanto. Maligno ang engkanto at anak ako ng Mommy at Daddy ko kaya para mo na rin silang tinawag na maligno," matatas nitong sabi at taas noo pang pinagmalaki kung gaano siya kagaling sumagot.
"Mabungi ka sana at di na tubuan ng ngipin," nanlilisik ang mga matang sumpa ko sa kanya.
"Ang daya," umiling-iling niyang pahayag at may patunug-tunog pang nalalaman na parang hinayang na hinayang. "Wala na akong pwedeng gawin na mas ikakapangit mo pa kasi napakapangit mo na... at naawa na ako sa kapangitan mo,"seryoso niyang dagdag.
"Tyron!" sigaw ko sa pangalan niya.
Napansin ko ang pagpipigil ng tawa ni Kuya kaya ito ang binato ko nang matalim na tingin.
"Disipilinahin mo nga iyan," naiinis kong utos dito.
"Excuse me, sina Mommy at Daddy lang ang pwedeng dumisiplina sa'kin," sabat ni Tyron.
Ang sarap niyang ipain sa pamingwit, bulate talaga! Upang di tuluyang masira ang araw ko di ko na lang siya pinansin.
"Aalis na ako. Linggo bukas kaya pwede akong gabihin pag-uwi mamaya," masungit kong paalam kay Kuya. Ayoko nang magtagal at baka atakihin ako dahil kay Tyron.
"Ayaw mo ba akong isama?" hirit muli ni Tyron.
"Iiwanan kita sa gilid ng kalsada kapag isasama kita," nanakot kong sabi sa kanya.
Sa palagay ko ay kaya ko naman talagang gawin iyon lalo na at tinik sa talampakan ko ang bulating ito.
"Alam ko kung paano imuwi," nakaingos nitong sabi habang humalukipkip at pailalim akong tiningnan.
"Ba't ganyan ka makatingin?" may pagdududa kong tanong.
"Iniisip ko lang na kaya ka siguro di pinapansin ng crush mong teacher dahil ang pangit mo at ang pangit pa ng ugali mo," dire-diretso nitong sagot.
Pakiramdam ko ay umuusok sa galit ang ilong ko.
Buo na ang desisyon ko ipapamigay ko sa puting van na nangunguha ng bata ang pinsan kong ito.
"Lalo kang pumapangit kapag nagagalit," komento ni nito at di alintana ang galit ko.
"Ibebenta kita sa chop-chop gang , bwesit ka!" nanggigigil kong sigaw at mabilis na humakbang palapit dito.
"Murdeeeer! Papatayin ako ng pangit! DSWD!" malakas nitong sigaw at nagtatakbo paakyat ng hagdan.
"Slow down, Tyron. Baka mahulog ka," saway rito ni Kuya.
"Pigilan mo iyang pangit! Tumawag ka sa Bantay Bata," hinihingal nitong utos kay Kuya nang marating ang tuktok ng hagdan.
Di naman ako tuluyang makaakyat dahil humarang si Kuya.
Nang makita nito iyon ay dinilaan pa ako ng bubwit at nang-aasar na inilagay ang dalawang kamay sa magkabilang gilid ng ulo at pinagalaw-galaw na parang pakpak ng paru-paro habang sinasadyang lukutin ang mukha.
"Bata iyan, huwag mo nang patulan," saway sa'kin ni Kuya nang akmang lalagpasan ko siya para mapingot ang bubwit na si Tyron.
"Pagsabihan mo nga iyan," naiinis kong sabi sa kanya.
"Kaya namimihasa iyan eh kasi tinatawanan ni'yo lang."
"Pinapatulan mo pa kasi."
"So, kasalanan ko?" asar kong tanong.
Nagdadabog akong naglakad palabas ng bahay at bago ako tuluyang makaalis ay narinig ko ang nakakabwedit na sigaw ng bubwit.
"Pangit, mag-uwi ka ng pasalubong," anito.
Matalim ang tinging nilingon ko ito. Bubungangaan ko na sana pero matamis itong nakangiti sa'kin na para bang ang bait-bait at di ako nilait-lait.
Naiinis na lang akong napasabunot sa sariling buhok at tuluyang umalis. Konting pagpapa-cute lang ng bulating iyon ay agad lumalambot ang puso ko. Sumpa talaga sa mga lalaking Ramirez ang pagkakaroon ng ganoong mukha! Bata pa si Tyron pero eksperto na ito kung paano gamitin ang taglay na karisma.
Taglay ko rin naman ang karismang iyon pero bakit di tumatalab kay Franz? Ang daya-daya talaga!
May sarili akong sasakyan at legal na akong makapagmaneho pero dakilang tamad ako kaya nagpapasundo ako ngayon kay Claire.
Napagkasunduan naming magkakaibigan na mag-hang out ngayon dahil natapos ang unang linggo ng klase na di ako lumiban sa kahit isang subject.
Mag-celebrate kami sa napakalaking achievement ko na ito. Kahit naman nawindang ako sa balitang live-in na sina Franz at ang girlfriend nitong si Ma'am Sabrina ay tuluy-tuloy pa rin ang desisyon kong ipapasa ang grade 8 ngayong taon dahil sa susunod na school year ay malilipat na sa senior high si Franz.
Kung gusto kong mapalapit pa rin sa kanya ay kailangang grade 9 na ako next year dahil magkatabi ang building ng senior high at grade 9.
Nagpaalam na ako kahapon kay Mommy at Daddy tungkol sa lakad kong ito kaya alam nilang aalis ako ngayon.
Mabuti na lang din at naisipan kong umalis ng bahay dahil naroon pala iyong bulating si Tyron. Naku, kung nagkataong nasa iisang lugar kaming dalawa ng bubwit na iyon ay tiyak malaking gulo ang mangyayari.
Ang galing kasi magpainit ng dugo ng isang iyon.
Mainit ang sikat ng araw dahil alas diyes na ng umaga at mabuti na lang pagkalabas ko ng gate namin ay nag-aabang na ang sasakyan ni Claire.
"Julie," masayang kumaway sa'kin si Nina na nakasakay na roon. Agad kong tinungo ang backseat dahil katabi ni Claire si Nina. Si Leo naman ang katabi ko sa backseat. May sariling sasakyan si Mark kaya siguradong nauna na ito sa napag-usapan naming tagpuan.
"Kanina pa kayo?"agad kong tanong pagkaayos ng upo sa tabi ni Leo na nag-aayos ng lipstick habang nakaharap sa bitbit na maliit na salamin.
"Kakarating lang. Sayang nga eh lumabas ka agad... gusto pa naman sana naming silipin si Kuya Vincent," nanghihinayang na sagot ni Nina habang nanghahaba ang leeg sa pagtanaw sa mataas naning bakod na para namang makikita mula roon ang hinahanap niya.
"Nagpaganda pa naman ako," dagdag pa ni Leo at nakikisilip din habang umuusad palayo sa bahay namin ang minamanehong sasakyan ni Claire.
"Di bale na girls. Nandito tayo sa compound ng mga Ramirez kaya malaki ang posibilidad na may mamataan tayong gwapong pagala-gala-"
Di na natapos ni Claire ang sinasabi dahil bigla itong tumili kasama sina Leo at Nina nang madaanan namin si Kuya Igop na hubad-barong nakatayo sa nakabukas na gate ng bahay nina Tita Reda.
May pagka- burlesque king talaga ang pinsan kong ito.
Napasandal na lang ako sa upuan at naipikit ang mga mata sa irita nang maramdaman ang pagbagal ng usad ng sasakyan namin.
"Hi, girls."
Napadilat ako nang marinig ang pagbati ni Kuya Igop. Umikot ang mga mata ko nang makitang nakababa na ang bintana sa gilid nina Claire at Nina at nakikisilip din doon si Leo.
"Hello po, Kuya Igop," kinikilig at panabay ba bati ng tatlo. Nakisali pa talaga si Leo at feel na feel ang pagiging girl.
"Kuya, matakot ka sa kabag! Nakakabawas ng kagwapuhan iyon," di nakatiis kong komento matapos ibaba ang bintana sa side ko.
"Di kinakabag ang gwapong katulad ko," mahangin nitong sabi na nagpaismid sa'kin.
Ano pa nga ba ang aasahan ko sa boy bagyo na ito?
"Ingat kayo sa lakad ni'yo," magiliw na baling ni Kuya Igop sa mga kasama ko bago bumalik sa'kin ang tingin nito. "Ingat sila sa'yo," kumindat nitong pahabol.
Binilatan ko lang siya bago isinara ang bintana sa gilid ko.
Hinampas ko rin ang kinikilig na si Leo upang umayos nang upo.
Inirapan lang ako ng gago at nagawa pang magpa-cute kay Kuya Igop bago tuluyang umayos nang upo.
"Ang gwapo talaga ng mga pinsan mo, Julie," parang nangangarap na pahayag ni Nina.
"Isang Ramirez lang, sapat na," segunda ni Leo.
"Julie, tutulangan kita sa bebe labs mo... basta ilakad mo ako kahit na sino sa mga pinsan mo o mas maigi sa mga kuya mo," pakikisali ni Claire sa usapan.
"Oy, tutulong din ako," Nag-unahan sa pagpresenta sina Leo at Nina.
"Basta ba ilakad mo rin kami," magkasabay nang pahabol ng mga ito bago impit na nagtilian.
"Magiging del Rio muna ako bago maging Ramirez ang isa sa inyo," nakasimangot kong sabi.
Muli ay napuno nang excited na hiyawan ang loob ng sasakyan. Gusto talaga nilang mapabilang sa angkan ko. Well, bahala sila basta ako ay sisiguraduhin kong del Rio lang ang pwedeng pumalit sa pagiging Ramirez ko.