Prologue
Grade 8 section Hope...
Mula sa hallway ay rinig na rinig ang kaguluhan mula sa loob ng silid ng Grade 8 section Hope.
Hindi ito ang unang pagkakataon na parang may nangyayaring riot sa loob ng section na iyon lalo na at naroon ang isang Ramirez na tanyag sa pagbibigay ng sakit sa ulo sa pamunuan ng paaralan.
Hindi naman ito pwedeng i-expel dahil isa ang pamilya nito sa shareholder ng paaralan.
Ano nga ba ang 'di pa pagmamay-ari ng mga Ramirez sa lugar na ito kung saan ay nangunguna sila sa pinakamakapangyarihan at pinakamayamang angkan?
Kilala sa pagiging mabuting tao ang angkan ng mga Ramirez at nagkataon lang talagang napabilang sa kanila ang isang Julie Faye.
Hindi man mapang-api tulad ng mga mayayamang mapapanood sa mga teleserye at mababasa sa mga nobela ay ubod naman ito ng pilya.
Mula elementarya ay pinangingilagan na ito ng mga teacher at mga kaklase nito dahil sa pagiging maloko.
Isa sa di makalimutang kalokohan nito noong elementarya ay ang pagdala nito ng mga palaka sa loob ng classroom at pinakawalan sa gitna nang pagle-lecture ng guro.
Nagkataong takot sa palaka iyong guro kaya hinimatay ito nang halos dalawampung palaka na pinagkasya sa dalang backpack ng batang si Julie ang nagtalunan at nakipaggulo sa mga kaklaseng takot din katulad ng guro.
Ang pamunuan na ng paaralan ang nahiya dahil personal na pumunta ang mga magulang ni Julie upang humingi ng paumanhin at sagutin ang lahat ng mga nasira dahil sa gulong ibinigay ng anak nila. Medyo tumino lang si Julie at nabawasan ang pagpa-prank sa mga kaklase at pantri-trip sa mga guro nang tumuntong ito sa high school.
Walang bully sa loob ng Saint Paul Academy dahil na rin sa presensiya nito. Si Julie kasi ang tinaguriang bully ng mga bully.
Kung titingnan ito ay di mo aakalaing galing ito sa pinakamayamang pamilya ng buong rehiyon dahil di nito pinangalandakan ang pagiging mayaman pero oras na may di ito magustuhang tao tulad na lamang ng mga nagsiga-sigaan ay asahan mong lalabas ang pagiging maldita nito.
Di na mabilang kung ilang estudyante ang pinahiya ni Julie dahil lang sa nayabangan siya sa asta ng mga ito o di kaya ay may nakikita siyang inapi ng mga ito.
Walang gustong bumangga sa mga Ramirez kaya kalimitan ay kusa nang umiwas ang mga nasupalpal ng kamalditahan ni Julie.
Kung ang iba ay lihim na kinatakutan at kinainisan si Julie ay mas marami naman ang gustung-gusto siya bilang kaibigan at kasama na roon ang buong section Hope. Hindi kasi namimili ng kaibigan si Julie at kapag makilala siyang maigi ay malalaman mo kung gaano siya kagaan pakisamahan.
Tulad na lang ngayon, kaya napuno ng tilian at tawanan ang buong classroom ng section Hope ay dahil nagpapalaro si Julie.
Wala silang klase sa isang subject kaya libre nilang gawin ang kahit ano basta hindi lang sila lalabas ng classroom at dahil sa kabagutan ay may naisip na pampalipas oras ang buong klase.
Naglalaro sila ng 'bring me' at si Julie ang namimigay ng premyo.
"Para sa isang libong piso." Nakaupo sa taas ng teacher's table si Julie habang winagayway ang isang libong pesong papel sa mga kaklase niyang nagsigawan sa excitement.
Masasabi mang isang private school ang Saint Paul Academy ay di naman ito katulad ng ibang pribadong paaralan na pawang mayayaman lang ang pwedeng maka-afford kaya halos fifty percent ng mga estudyante rito ay galing sa middle class family at iyong twenty percent ay scholars naman ng paaralan.
Kahit kayang pag-aralin si Julie ng kanyang mga magulang sa pinakamahal na paaralan sa kahit saang bansa ay tradisyon nila na sa Saint Paul Academy magtatapos ang lahat ng mga Ramirez dahil dito rin nagtapos ang kanilang mga kaninunuan.
Maganda naman ang record ng paaralan at di rin ito pahuhuli sa larangan ng pagtuturo at paghubog sa mga kabataan.
"Bring me... picture ng crush ninyo na nasa wallet," nakangising pahayag ni Julie.
Lahat ay nagsitakbuhan sa unahan kung saan siya nakaupo. Dala-dala ng mga ito ang kani-kanilang mga wallet.
Halos mayanig sa malakas na hiyawan ng 25 estudyante ang buong building na kinaroroonan nila at di alintana ang ibang silid na maaari nilang maisturbo.
"Kailangan gwapo or maganda iyang ipapakita ninyo sa'kin dahil kung mukhang bisugo iyan, mag-change crush na kayo," pahabol na paalala ni Julie.
"Gwapo 'tong crush ko. President ng SSG," tili ng bakla nilang kaklase at nakipagsiksikan pa sa mga classmate na ayaw rin magbigay ng daan.
"Oy beks, may pila... walang special lane," reklamo ng isa habang hinihila ang damit ng classmate na sumingit.
"Kapag nagwapuhan o nagandahan ako sa crush ninyo ay may dagdag na isang libo," muling pahayag ni Julie.
Mabilis na nag-abot ng picture ang kaklaseng nasa unahan.
Nakangiting sinipat ni Julie ang larawang ipinapakita ng kaklase niyang halatang kinikilig sa kung sinong naroon.
"Pwede..." tumango-tangong saad ni Julie bago nagbigay ng isang libo na masaya namang tinanggap nito.
Lalong nagkagulo ang buong klase dahil may chance pa ang lahat para sa additional one thousand. Ang dahilan kung bakit masyadong hyper ang mga naglalaro ay dahil ang 'bring me' na nilalaro nila ay hindi paunahan ng paghahanap at pagdadala ng hiniling na bagay ni Julie dahil kahit ilan silang may madalang gamit ay makakatanggap ng premyo ang bawat isa. Kung nanghihingi ng picture si Julie at silang lahat ay meron ibig sabihin no'n ay silang lahat ang makakatanggap ng tig-iisang libo at dahil may pa-bonus na binanggit si Julie ay excited ang lahat na makatanggap ng karagdagang premyo.
"Di pwedeng artista iyong crush?" tanong ng isa.
"Di pwede, maliban na lang kung may picture kayong dalawa," sagot ni Julie.
"Picture, gawa sa papel... hindi picture sa gallery ng phone."
Nagtawanan ang lahat habang nagkakamot na umalis sa pila iyong may dalang picture na nasa cellphone.
"Julie, may picture ka ba riyan?" tanong ni Mark, ang prince charming ng buong klase. "Ikaw kasi crush ko at wala akong picture mo." Muling umani nang malakas na hiyawan sa buong klase ang pahayag na iyon ni Mark.
Alam ng buong section nila na crush nga nito si Julie
"Sayang, two-ki ka sana dahil tiyak magagandahan ako sa sarili kong mukha," kantiyaw ni Julie rito. Tulad nang dati ay di niya sineseryoso ang mga parinig ni Mark.
Gwapo naman si Mark, pinakagwapo nga sa section nila pero 15 pa lang sila at wala pa sa isip ni Julie ang mga ganoong bagay.
"Kahit walang two-ki basta may picture mo, panalo na ako," di nagpapatalong hirit ni Mark.
Umalingawngaw muli sa buong classroom ang tuksuan at hiyawan ng mga kinikilig na kaklase nila.
Nasa ganoon silang eksina nang isang malakas na katok sa pinto ang umagaw sa atensiyon ng lahat.
Nanahimik bigla ang buong klase nang mamataan nilang nakatayo sa nakabukas na pinto ang isang matangkad at walang kangiting-ngiting lalaki na nagtataglay ng mala-artistang kakisigan.
Hindi ang kagwapuhan nito ang nagpatahimik sa kanila kundi ay ang suot nitong uniporme ng isang guro.
"Good afternoon," kunot ang noo nitong bati. "Please, take your seats," istriktong dagdag pa nito.
Walang ingay na nagsisunod ang lahat hanggang sa ang tanging naiwan sa kumpulan ay si Julie na nakaupo pa rin ibabaw ng teacher's table at awang ang mga labing nakatitig sa mukha ng bagong dating.
Pahapyaw na pinasadahan ng guro ang mga estudyanteng nagsipag-ayos na sa kani-kanilang upuan bago tumuon ang matiim nitong titig sa nag-iisang estudyante na di tumitinag sa kinauupuang mesa sa mismong harapan ng klase.
May kakaibang kislap na saglit dumaan sa mga mata ng guro bago nito muling naibalik ang kaseryosohan doon.
"Miss Ramirez, please take your seat?" may kasungitan nitong utos.
Nakipagsukatan muna ng titig si Julie sa masungit na guro bago nginitian ito nang matamis.
"Yes, Sir," sumaludo niyang wika at bumaba na sa mesa upang umupo sa nakatalagang upuan para sa kanya na nasa harapan mismo.
Nakuha pang kindatan ni Julie ang guro pagkaayos niya ng upo na dahilan ng lalong pagdilim ng mukha nito.
"Your advisory teacher has an emergency back home and she has to take an indifinite leave, so starting today, I will be her temporary replacement," walang kangiti-ngiting pahayag nito habang humahakbang papasok sa classroom at tumayo sa mismong harapan ng klase. "I'm Mr. Franz Rafael del Rio."
Habang nagsasalita sa harapan ang guro ay di nito napansin na may isang pares ng mga matang pinanood bawat galaw niya.
Mababanaag sa mga matang iyon ang kakaibang kislap ng paghanga. Paghangang malakas na nagpakabog sa batang puso ng nagmamay-ari ng mga matang iyon.
"Welcome to section Hope, Sir Franz... and welcome to my life," malinaw na pahayag ni Julie.
Malakas na umugong ang tuksuan sa paligid pero di natinag ang seryosong mukha ng guro na ngayon ay natuon na kay Julie.
"Miss Ramirez, please behave properly," may kariinan nitong wika.
"I do, Sir."Sinundan niya ng kindat ang mga salitang iyon.
Di niya inihiwalay ang titig sa mukha ng guro sa kabila ng ingay ng mga kaklase niyang nanunukso.
Pabor sa kanya ang tuksuin sila dahil naniniwala siyang minsan ang isang malalim na samahan ay nag-umpisa sa tuksuan at balang araw doon sila patungong dalawa ng gwapong teacher.