Wala pang bar na nagbubukas tuwing alas diyes ng umaga kaya napadpad kami ni Felix sa bahay ng kapatid nilang babae ni Franz na si Laureen.
Nakakagulat na bumukod na ito sa edad na twenty-one.
Di kami gaanong nagkausap no'ng birthday ko pero magiliw niya akong binati at pinatuloy sa bahay niya nang makilala ako.
Isang sulyap lang ang ginawa nito sa kapatid bago walang sabi-sabing naglabas ng mga alak.
"Fight, atay... lasenggo amo mo," sarkastiko nitong pahayag bago inabot sa kapatid ang isang bote ng alak.
Pineapple juice naman iyong binigay niya sa'kin.
"Kaka-eighteen mo lang kaya huwag ka munang gumaya sa matandang hukluban na iyan na unang lalamayan ang atay bago ang puso niyang sawi," sabi niya sa'kin pero halatang pinatatamaan si Felix na nagsimula nang tumungga.
Gusto kong magtanong kung alam niya ba iyong tungkol kay Felix at Ma'am Sabrina dahil parang may ideya siya sa pinagdadaanan ng kapatid.
"May sixth sense ako, ramdam ko kung kailan namomroblema sa babae ang mga kapatid kong lalaki,"paliwanag niya sa'kin.
Napansin niya siguro ang katanungan sa mukha ko.
"Kaya nanggigil talaga ako sa mga babaeng hinahabol nila," patuloy nitong pagkukwento.
Sa tingin ko ay di nito alam na iisang babae lang ang kinakabaliwan ng dalawang kapatid.
"Isipin mo, del Rio kami! Lahi ng mga magaganda at gwapo, bonus na nga iyong pagiging mayaman pero nagpapakabobo sa isang babae?" nakaingos nitong pagpapatuloy.
"Tinatawag mo ba akong bobo?" singit na tanong ni Felix.
"Natamaan ka?"maangas na tanong dito ni Laureen. "Eh, di bobo ka nga!" masungit nitong pahabol na umani lang ng pagak na tawa mula kay Felix na nangalahati na ang laman ng boteng hawak.
"Ba't pala kayo magkasama?" maya-maya ay tanong sa'kin ni Laureen habang nagpalipat-lipat ng tingin sa'ming dalawa ng kapatid niya. "T*ng-ina! Huwag mong sabihing iniligtas mo ang bobo kong kapatid sa akma nitong pagtalon sa tulay?" nanlaki ang butas sa ilong na tanong nito.
Natatawa itong binato ni Felix ng throw pillow pero mabilis din nitong nailagan.
"Teacher ba sa school ninyo ang kinababaliwan nitong Kuya ko?"
Nagkatinginan kami ni Felix sa sumunod na tanong ni Laureen at napansin iyon ng babae kaya napapalatak ito.
"Teacher na naman?" eksaherada nitong tanong kahit wala pang kumpirmasyon iyong nauna niyang tanong. "Bakit ba ang hilig ninyong dalawa ni Kuya Franz sa teacher? Pwede namang estudyante na rin ang tirahin ni'yo, mga gago!"
Muntik na akong nabilaukan dahil sa huli niyang sinabi.
"So okay lang sa'yo, high school student?" nakangising tanong ni Felix.
Natigilan si Laureen at nagpalipat-lipat ng tingin sa'ming dalawa ng Kuya nito.
Nakaramdam ako ng pagkailang sa paraan ng pagkakatingin nito sa'kin lalo na at sinisipat niya rin pati iyong suot kong highschool's uniform.
"Pwede na basta legal age," tumango-tango nitong sagot.
Di ko alam kung matuwa ba ako dahil di siya hahadlang sa'ming dalawa ni Franz kung sakali, o kilabutan dahil sa makahulugan niyang tingin tuwing napapatingin siya sa kay Felix
Parang ang gusto niyang mangyari ay kaming dalawa ni Felix ang- oh, no!
Isipin pa lang iyon ay gusto ko nang masuka. Gwapo naman si Felix pero parang kapatid na ang turing ko sa kanya simula pa noong ipinangako kong magkakatuluyan kami ni Franz.
Si Franz lang ang del Rio na gusto kong makasama!
"Dito na kayo mag-lunch... magluluto ako." Napasunod ang tingin ko kay Laureen nang tumayo ito at basta na lang kami iniwan ni Felix dito sa sala.
"Narinig mo iyon? Pwede raw highschool kaya galingan mo ang pang-aakit kay Franz," nakangising sabi ni Felix nang tuluyang makaalis si Laureen.
Napasimangot akong napasandal sa kinauupuang sofa at padabog na pinatong sa center table ang juice na bigay ni Laureen.
Kumuha ako ng beer in can na kasama sa mga dala kanina nito, binuksan iyon at nilagok ang laman.
Bahagya akong napangiwi dahil sa lasa ng beer. Iba pala ang lasa kapag umaga inumin. Ayaw ko ng beer in can pero iyon lang ang available kaya no choice kahit parang nalalasahan ko iyong lata.
"Gago iyang kapatid mo, sarap ipa-salvage kaya pasalamat siya at nakahanda pa rin akong pakasalan siya!" nangigigil kong sabi.
Bahagya tumawa si Felix habang naiiling na napatitig sa'kin.
"Alam mo, hanga ako sa'yo," aniya.
"Oops! Hanggang diyan lang dapat sa paghanga dahil ayokong umiyak ka rin nang dahil sa'kin kung sakali dahil iisang del Rio lang ang laman nitong puso ko," babala ko sa kanya.
"Akala ko talaga noong una ay nagbibiro ka lang tungkol sa kapatid ko," natatawa niyang saad.
Ginaya niya ang pagsandal ko sa sofa habang tinutungga ng hawak na bote.
Bakit ba iyong sa kanya ay bote ng gin habang sa'kin ay itong lasang kalawang na beer in can?
Naroon sa kanya iyong mga bote at iyong mga lata ang nandito sa'kin, ang daya!
"Iyan din kaya iyong hiling ko minsan na sana nagbibiro lang itong puso ko at magising na lang ako isang araw na wala na rito iyong mapanakit mong kapatid," salubong ang kilay kong sabi.
"Paano ka ba sinaktan ng kapatid ko at mukhang galit na galit ka ngayon sa kanya?" curious niyang tanong.
"Ang gagong iyon! Matapos akong pakiligin at paasahin ay nagawa pang makipagngitian sa fiancee niya!" nanlilisik ang mga mata kong kwento.
"Hanggang saan umabot ang pagpapakilig na ginawa niya sa'yo?" nakangisi niyang tanong.
Base sa numumula niyang mukha at inaantok niyang mga mata ay tinamaan na ito ng nainom.
Ito lang yata ang mahilig uminom na mabilis tamaan ng nainom.
"Ikaw, hanggang saan kayo umabot ng fiancee niya?" nang-aasar kong balik tanong.
Dahil tinamaan na ng alak ay mayaman na siya sa tawa kahit nga di nakakatawa ay tumatawa na siya
"Sa tingin mo? Hanggang saan?" humagikhik niyang tanong.
Napangiwi ako sa isiping umabot sila roon sa minsan narinig ko sa nangyaring sagutan nila.
Lasing na ang gago! Tumatawa na sa sariling sinasabi.
Napatayo at mabilis na lumapit sa kanya nang muntik na siyang mahulog sa kinauupuan.
"Hoy, bulate! Umayos ka nga! Mabagok iyang ulo mo lalo kang mabaliw," gigil kong sabi habang hinawakan ang balikat niya upang iayos sa pagkakaupo.
"The f*ck!"
Nagulantang ang kaluluwa ko dahil sa malakas na mura mula sa bagong dating.
Madilim ang mukha ni Franz habang nakatingin sa naabutang posisyon namin ng Kuya niya na halos di na maimulat ang mga mata.
Bago pa ako makahuma ay nakalapit na siya sa'min at nahila na ako palayo kay Felix kaya dumausdos sa sahig ang lasing.
"Oh, gosh! Ayusin mo nga siya," nandidilat kong utos kay Franz at di alintana ang madilim nitong mukha.
Huwag niya akong maandar-andaran ngayon dahil siya itong may atraso sa'kin.
"Why are you touching him?" matalim niyang tanong at di man lang tinapunan ng tingin ang kapatid na lugmok na sa paanan ng sofa.
Nasaan na ba kasi si Laureen at bakit di ito lumalabas mula sa kusina? Di ba nito narinig ang kumosyong nangyayari dito sa sala niya?
"Bakit ko sasagutin iyang tanong mo?" matapang kong balik-tanong. "Single ako at single siya kaya walang problema kahit mag-touching-touching kami," palaban kong pagpapatuloy.
Dumiin ang pagkakahawak niya sa braso ko pero di naman umabot sa punto na masasaktan ako pero kitang-kita ko ang mabilis pagdaan ng sakit sa mga mata niya pero pagkurap ko ay wala na ito.
"Sinusubukan mo ba talaga ako?" nagngangalit ang bagang niyang tanong sa'kin.
Siguro kung di lang ako galit ay makaramdam ako ng takot sa madilim niyang anyo pero dahil galit din ako ay magpatigasan kaming dalawa.
"Bakit, Sir? Ano naman sa'yo kung makipag-touching-an ako sa iba?" pabulyaw kong tanong sa mismong mukha niya.
Sa galit ko ay di ko na alintana kung nagmukha akong palengkerang nakipagsagutan sa kalye.
Jusko, kapag galit ka ay wala na iyang manners-manners na iyan, tapon na basurahan ang mga natutunan mo sa GMRC!
Sobrang tutok ako sa sariling emosyon kaya di ko napaghandaan ang biglaan niyang pagkilos.
Iglap lang ay natagpuan ko ang sariling yakap-yakap niya habang binibigyan ako ng mapagparusang halik.
Heto na naman ako sa taglay kong karupukan.
Di ko kayang labanan ang sarili kong damdamin na binubuhay ng mainit niyang halik.
Muntik na ngang di rumehistro sa pandinig ko ang pagkabasag nang kung ano.
Napakalas lang ako kay Franz nang isang malutong na mura ang narinig ko.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang makita kong nakatayo si Laureen sa pintuan papuntang kusina habang nagkalat sa paanan nito ang basag na pinggan at nagtalsikang mga pagkain.