"Ano’ng gusto mo na kainin?" tanong ko nang higitin ko siya sa mga nagtitinda ng street foods.
Kunot noo siyang nakatingin sa pagkain doon habang abala ako sa paglalagay sa paper plate ng gusto ko.
"Hoy! Ano? Pili na." sabi ko dahil hindi pa rin siya gumagalaw at nakatitig lamang sa pagkain.
"I don't think I can eat any of these." sagot niya sa akin.
Kinuha niya ang paa ng manok at diring diri niyang binalik muli iyon.
Umirap ako.
"Masarap 'yan. Saka malinis 'yan. Kung nakakamatay ang pagkain niyan, eh ‘di sana tigok na ako! Akala ko ba gutom ka?" tanong ko pa.
Tumango siya at lumunok habang nagtitingin pa rin. Naglagay na ako ng extra na isaw at adidas sa plato. Sinamahan ko na rin ng kwek kwek at fishball.
"Umupo ka na lang dun at ako na ang bahala sa kakainin mo. Ako ang manglilibre kaya walang reklamo. Okay?" tanong ko.
"Yeah. Whatever." sagot niya at agad na hinigit ang upuan na plastic para makaupo.
Panay naman ang tingin ng mga haliparot na napapadaan sa kaniya. Umirap ako at umupo na sa harapan niya.
"Alam mo, dapat maghanap ka na ng trabaho habang wala kang maalala. Para may pera ka, you know." sabi ko.
Tumaas ang kilay niya sa sinabi ko. Para siyang batang pinatong sa palad niya ang baba at tumitig sa akin.
"Why do I feel that I never had any problems with money before?" tanong niya.
Ngumiwi ako at tinitigan siya pabalik.
"Wow, inggit na inggit naman ako kung ganoon." sagot ko na halata ang sarkasmo.
Para siyang may naisip na sagot kaya hinampas niya ang lamesa.
"Alam ko na!" sigaw niya.
"May naaalala ka na?" tanong ko, medyo excited.
Umiling siya at bumalik sa pagkakaupo.
"Bakit hindi mo na lang ako pahiramin ng pera habang wala pa akong naaalala. Kagaya ng sabi mo, mukhang mayaman ako kaya babayaran na lang kita kapag nakauwi na ako sa pamilya ko." sabi niya na parang sobrang talino siya sa ideya niyang iyon.
Ang kaninang excited kong pakiramdam ay napalitan ng pagkamangha. Wow, iba talaga siya. Pabagsak ako’ng sumandal sa monoblock chair at umismid sa kaniya.
"Ano ako? Cigar Mommy mo?" hindi makapaniwalang tanong ko.
"It’s Sugar Mommy." pagtatama niya sa akin.
At wow naman talaga! Tinama pa talaga ako.
"Nababaliw ka na. Kailangan mo ng pera dahil kailangan mo ng matutuluyan habang nagpapagaling ka. Pa'no kung ‘di ka na makaalala forever, eh ‘di forever ka din mangungutang sa akin? No way!" sigaw ko.
Kinamot niya ang batok na parang hindi siya sang-ayon.
"Kailangan pa ba 'yon? Eh may bahay ka naman?" tanong niya sa akin.
Umiling ako sa pagkamangha. Guwapo nga itong si X pero utak talangka naman.
"Hello, X! May pangarap din naman ako’ng makapag-asawa ano? Baka ma-issue tayong live-in. Saka gusto mo’ng ibaon ka ng Tatay ko six fifth under?” tanong ko.
"It’s sixth feet under," pagtatama niya ulit.
Hindi na ako nakapagpigil at inuntog ko siya gamit ang aking ulo.
"Aray!" reklamo niya at hinilot ang ulo niya.
"Puwede ba! Tigilan mo muna ang pagtatama ng english ko dahil seryosong usapan 'to. Ihahanap kita ng mapapasukan mo at matitirahan." sabi ko bilang desisyon.
"But-"
"Wala nang but okay? Tatanungin ko si Tatay kung puwede ka’ng ihanap ng trabaho sa pangingisda. Gamitin mo naman 'yang muscles mo." sabi ko.
Umirap na ako.
Ngumuso lang si X na parang kahit na anong gawin ko ay talo siya. Kumulo ang tiyan niya kaya nabalik ako sa ulirat. Tumayo ako at kinuha ang naluto na naming order.
"Kainan na!" sigaw ko at kinagat ang isang isaw.
Nanlalaki ang mga mata niya ako’ng pinanuod. Tinuro ko ang isaw sa kaniya.
"Ano pa ang hinihintay mo? Kain na!" utos ko.
Inangat niya ang isang stick ng isaw at nakangiwing sinusuri iyon.
"What's this?" tanong niya.
"Bituka ng manok." sagot ko.
Parang napaso niyang binalik iyon at umiling.
"That's gross. I won't eat that." sabi niya.
Pinunasan niya ang kamay niya ng tissue.
"Tikman mo muna kasi bago ka pumintas! Malay mo naman magustuhan mo. Pagkaing mahirap 'yan pero hindi nakakalason." sabi ko.
Kinuha ko ang isa at tinapat iyon sa bibig niya.
"Nganga." utos ko.
Umiling siya at diniinan ang pagsara ng kaniyang bibig. Para naman ako’ng nanay na pinipilit ang anak na kumain.
"Akala ko ba gutom ka na? Ang gutom 'di namimili ng pagkain. Nganga!" sabi ko pa ulit.
Umiling pa rin siya at pumikit. Umiling ako at hinawakan ang magkabilang pisngi niya gamit ang isang kamay para pisilin iyon.
"Bebang!" tawag ni Maria na paparating.
Tiningnan niya ako at si X.
"Ano’ng ginagawa niyo? Sino 'yan?" tanong ni Maria.
Sumuko na ako sa pagpipilit na pakainin si X ng isaw.
Nagmulat siya ng mga mata at tiningnan ang kaibigan ko. Naglahad ng kamay si X kay Maria at ngumiti.
Playboy.
"Hello. Ako si Maria. Friend ni Bebang." sabi ni Maria bilang pagpapakilala at nilagay ang takas na buhok sa tenga.
Umiling ako. Minsan may pagkamalandi rin itong si Maria. Akala mo ay walang jowa ng ilang taon na. Tsk.
"Maria, kalma. May jowa ka na." sabi ko at umirap.
Tumikhim naman si X at ngumiti. Tinuro ko si X.
"Siya si X, Maria." pagpapakilala ko sa kaibigan.
Nanglaki ang mga mata ni Maria at agad na tumabi sa akin para bumulong.
"Ex? Ex mo 'to, Bebang? Akala ko ba si Ryan ang gusto mo?" tanong ni Maria.
Natigilan ako sa sinabi ni Maria. Tinakpan ko ang bibig niya at nilingon ang paligid. Mahirap na. Baka mamaya nandito sina Lolita at isumbong pa ako kay Ate.
Sakto naman na nakita ko si Ryan na nakasuot ng polo at pantalon. May sakbat siyang bag at may hawak na folder. Nakangiti siya sa kausap niyang kaibigan.
Lumunok ako at kinurot si Maria.
"Bes, nandiyan na siya." bulong ko.
Si Ryan ay ang kaklase ko bago pa man ako tumigil sa pag-aaral. Ngayon ay nasa kolehiyo na siya habang ako naman ay naiwan sa sekondarya.
Tumigil si Ryan sa tapat namin at ngumiti sa amin. Mabait din kasi siya at palabati. Iyon ang nagustuhan ko sa kaniya.
"Hello, Maria. Hello, Ari." bati niya sa amin.
Bumilis ang t***k ng puso ko. Siya lang ang kaisa-isang tumatawag sa akin ng totoo kon na pangalan kaya feeling ko, espesiyal kami sa isa't-isa.
"Ari?" tanong ni X.
Agad na nawala ang ngiti ko. Weirdo naman siya na tiningnan ni Ryan.
"Ah. 'Yon kasi ang tunay na pangalan ni Bebang. Arizona Batungbakal." paliwanag naman ni Maria.
"Sino siya?" tanong ni Ryan at sinulyapan ako.
Kinagat ko ang labi ko dahil sa titig niya na iyon. Mukhang 'di na naman ako makakatulog sa kilig.
"Si X." sagot ko.
Mukha nama na nagulat si Ryan sa sinabi ko. Siniko ako ni Maria.
"I mean, X ang pangalan niya. Hindi ko siya ex." pagpapaliwanag ko.
Ayoko na ma-misinterpret ito ng future boyfriend ko.
Sabi nga sa kasabihan, 'pretention is better than cure'.
"Ryan, pare. Kaibigan ako nina Maria at Arizona. Nice to meet you." sabi ni Ryan.
Naglahad ng kamay si Ryan kay X. Tinaggap iyon ni X.
Nakita ko ang mga batak niyang braso at ang mga nakakamanghang ugat nito. Moreno si Ryan at talaga naman na napakaganda ng kaniyang pangangatawan. Hindi gaya ni X na medyo payat ngunit guwapo naman.
"X. They're my friends too." sagot ni X sa english.
Napatingin naman sa akin si Ryan at tinanguan ako. Ganoon din ang ginawa niya kay Maria
"Ah, mauuna na ako. May pinapagawa pa kasi si Nanay. Sige na, Ari, Maria, Pare. Kita kita na lang tayo." sabi niya at umalis na.
Pinanood naming tatlo si Ryan na mawala. Nakahinga naman ako ng maluwag.
"You're too obvious." sabi ni X at tinusok ang kwek kwek at kinagatan iyon.
"Huh?" tanong ko, naguguluhan sa kumento niya.
"You like the guy, right?" tanong ni X.
Namula naman ako sa tanong niya.
Maghuhula ba siya?
"But it's too obvious that he likes you as a friend." sabi pa ni X at kumuha pa ulit ng isa pang kwek kwek.
"Pa'no mo naman nasabi?" tanong ni Maria kay X.
"Trust me, Maria. I'm a guy." sagot ni X.
Kumindat naman si X sa kaibigan ko na kulang na lang ay maglupasay sa sahig at bumula ang bibig dahil doon.
Humilig siya para bumulong.
"Oh no. Mukhang mas masarap 'to kaysa kay Ryan. Saan mo ba 'to nakuha?" bulong niya na halos marinig naman ng lahat.
Ganito kasi siya bumulong, malakas pa din.
"Hindi mo ba alam na naririnig ka niya?" tanong ko sa kaibigan.
Sinulyapan ko naman si X na parang walang pakialam na iniinom ang s**o't gulaman.
"Kahit wala ako’ng maalala, mukhang sanay na ako. Don't worry, bebang." sagot ni X.
Umiling ako.
Ang kapal talaga niya. Siguro mayabang 'to sa dati niyang buhay? Eh halos lipadin na ng hangin kasi walang alam sa buhay. Sayang puro guwapo lang.
"Well, Arizona." tawag ni X.
Nilingon ko naman siya at sinamaan ng tingin.
"Si Ryan lang ang puwedeng tumawag ng Arizona sa akin." giit ko.
Umiling lang si X sa sinabi ko. Inayos niya ang sarili niya at tiningnan ako na parang may nalalaman siyang kakaiba.
"Why don't we make a deal? I'll help you to make a move on him. In return, help me to start my life again while I am searching for my identity." sabi niya.
Hindi ako sumagot at tinitigan lang siya. Nawiweirduhan na talaga ako kay X.
"Ano, deal?" tanong pa niya.
But well, wala namang mawawala sa akin. Kahit naman walang kapalit, tutulungan ko siya for sure. Dahil alam kong wala siyang alam na kahit na ano’ng gawain at ayoko naman na mapahamak siya sa katangahan niya.
Simulan ng makita ko siya, responsibilidad ko na siya.
Nilahad ko ang kamay ko at ngumisi.
"Deal." sabi ko.