"Habang wala ka pang trabahong nakikita, tutulong ka muna rito sa pangingisda. May alam ka ba rito?" tanong ni Tatay habang kumakain kami ng hapunan.
Nagkatinginan kami ni X, binaba niya ang hawak na kutsara at umiling.
"I don't think I know how to fish," aniya.
Tumaas naman ang kilay ni Tatay kaya ngumisi si X at dinugtungan ng "Po."
Tumango naman si Tatay at tiningnan si Kuya na akala mo ay patay gutom.
"France," tawag niya kay Kuya.
Nabilaukan naman si Kuya sa biglang pagtawag ni Tatay. Inabutan naman siya ni Ate Sydney nang tubig.
"Yes po, papsy?" tanong niya.
Tahimik ang aming lamesa. Lahat kasi kaming magkakapatid, takot kay Tatay. Hindi kasi siya ngumingiti kapag kinakausap. Kahit si X, natatakot din dito dahil nagseseryoso siya sa harap ni tatay.
"Turuan mo bukas si X sa laot. Isama mo siya sa panghuhuli niyo nina Raul."
Tumango si Kuya at nginisian si X.
"Okay, ako na bahala rito kay pogi. Ang tanong... Kaya niya ba?" naghahamon na tanong ni Kuya.
"I'm up for a challenge, France. Do not worry." normal na sagot ni X.
Sumimangot si Kuya. Napapansin ko na umiinit ang ulo niya kay X. Naiinis ata dahil simula nang dumating si X rito sa bayan, natagtag na ang titulo niyang guwapo.
Inayos ko naman ang higaan namin ni Ate. Lumabas ako para tingnan kung nailatag na ba ni X 'yong banig niya nang wala siya roon.
Tiningnan ko na bukas ang pintuan ng bahay. Lumabas kaya 'yon? Nag-alala naman ako kaya sumunod ako. Nakita ko siyang nakatayo sa harapan ng dagat, nakatingin sa madilim na tubig at tila malalim ang iniisip.
"Hindi ka ba makatulog?" tanong ko.
Nilingon niya ako at agad na ngumiti. Sa ilang segundo, tingin ko ay malungkot ang mukha niya.
"Hindi pa ako inaantok." aniya at kinuha ang isang shell para ibato sa dagat.
Lumapit ako hanggang sa tabi niya at niyakap ang sarili ko. Kitang kita ang mga ilaw mula sa kabilang isla. Rinig din ang kaunting ingay mula doon. Nagmumukha tuloy mga bituin ang ilaw na 'yon. Masarap manirahan dito. Halos lahat ng tao, masaya. Nakakatulong din kasi ang dagat na palinawin ang mga isipan ng taga rito.
"X," tiningnan ko siya. "Okay lang maging malungkot." sabi ko sa kaniya at ngumiti.
"Huh?" nagtatakang tanong niya pabalik sa akin.
"Alam kong malungkot ka kaya ka narito. Puwede mo namang sabihin sa akin lahat eh."
Umupo siya sa buhangin at tumingala. Pumikit siya at pagkamulat niya agad niya akong tiningnan.
"Sa tingin mo hinahanap ako ng pamilya ko?" tanong niya.
Umupo rin ako sa tabihan niya at tumanaw na rin sa kadiliman.
"Siguro." sagot ko at ngumiti. "Malaki ang Pilipinas. Hindi madaling hanapin ka sa laki ng dagat." dagdag ko pa.
Tumango siya.
"You're right." sagot niya at muling bumato ng shell sa dagat.
"Miss mo na sila, ano?" tanong ko.
"Miss? I don't know." kibit balikat niya. "I don't even know what they look like."
Nanatili kami roon ng ilan pang minuto. Hindi na ako nagkumento pa sa sinabi niya. Kung ako siguro ang makakalimot, baka mabaliw ako kaiisip.
Tumayo siya at nag-unat unat.
"Gusto ko sana uminom kaso wala akong pera." sabi niya.
Humikab siya at kumindat sa akin. Bigla namang uminit ang pisngi ko kahit na parang yelo ang lamig ng hangin.
"Pasok na tayo? Maaga pa ang gising bukas. Your brother will order me around for sure." sabi niya.
Naglahad siya ng kamay sa akin. Nakatitig lang ako sa kamay niyang nasa harap ko. Inangat ko ang tingin sa kaniyang mukha na may malawak pa ring ngiti.
Nang hindi ko tinanggap iyon, agad niya akong hinigit papatayo at mahigpit na hinawakan ang kamay ko.
May kakaiba naman akong naramdaman sa hawak niya sa kamay ko. Ang palad niya ay maiinit at malambot na akala mo ay hindi pa nakakahawak ng pang linis sa buong buhay niya.
Natigil kami sa gulat ng biglang lumabas si Kuya sa mga nakaparada naming bangka. Seryoso ang tingin niya sa aming kamay na magkahawak. Agad niya akong hinigit palayo kay X. Namulsa naman si X na parang wala siyang pakialam sa galit ni Kuya.
"Kuya, it's not what you think." sabi ko.
Kunot noo akong binalingan ni Kuya.
"Ano?" galit niyang tanong.
Kinagat ko ang labi ko. Lagi kasing sinasabi sa tv 'yung line na 'yun eh kapag nahuhuli 'yong character. Malay ko bang hindi ma-gets ni Kuya. Palibhasa puro basketball.
"Sabi ko, it's not what you think... Ibig sabihin hindi-"
"Alam ko ibig sabihin nun, Bebang. At hindi iyon ang ibig kong sabihin sa tanong ko."
Napasimangot ako at binawi ang kamay kay Kuya France. Tiningnan ko naman si X na nakatingin sa aming dalawa na may maliit na ngiti.
"Eh ano pala?!" sigaw ko sa sobrang pagkahiya.
"Narinig ko kasing gusto uminom niyang si X." sagot ni Kuya at tinulak ako papasok sa bahay. "Bawal kang sumama. Matulog ka na."
Humawak ako sa hamba ng pintuan para mapigilan ang pagtulak ng kapatid ko.
"Teka nga, Kuya! Saan kayo?" tanong ko pero hindi ako pinansin ni Kuya at tiningnan pa rin si X.
"Umiinom ka ba ng lambanog?" hamon ni Kuya.
Nagkibit balikat si X at tumango. Inayos niya ang buhok niya na sumasayaw sa hangin.
"Call." cool na sagot nito.
Nanlaki ang mata ko dahil inakbayan bigla ni Kuya si X.
Seryoso ba sila? Malakas ang tama ng lambanog dito. Lagi kong nakikita ang mga kapit bahay namin na halos gumapang na pauwi. At mukhang bagong bago iyon kay X. Sa hitsura niyan pang mayamang alak ang panlasa panigurado.
Kumaway silang dalawa at naglakad na papalayo. Hinintay ko silang mawala sa paningin ko nang tawagin ako ni Ate.
"Bakit mulat na mulat ka pa?" tanong ni Ate na halatang kagigising lang.
Tinuro ko ang direksyon na pinuntahan nina Kuya. Tiningnan naman iyon ni Ate at nagkamot pa ng baba.
"Si Kuya, sinama si X. Iinom raw sila ng lambanog." sumbong ko.
"Hayaan mo na nga 'yung dalawa. Matulog ka na at tutulungan mo pa ako sa palengke bukas, Bebang. Uuwi din 'yang crush mo." walang pakialam na sinabi ni Ate.
"Anong crush? Hindi ko crush 'yun ha!" sigaw ko kay Ate.
"Sus! Hindi raw! Puwet mo, maitim!" asar ni Ate at humalakhak.
Natigil naman kami ng makarinig ng kalampag sa kawayang dingding ng aming bahay. Nagmumula 'yon sa kwarto nina Tatay.
"Ano ba? Magpapatulog ba kayo? Gabi na ang iingay niyo pa!" sigaw ni Tatay mula sa kuwarto nila.
Nagpadala ako sa higit ni Ate. Humiga na ako sa banig pero hindi ko pa rin makuhang matulog. Paano kung pag-trip-an ni Kuya at ng mga kaibigan niya si X? Mainit ang ulo ni Kuya France kay X? Paano kung 'di na makabalik 'yun? Nakatulog na ako sa kaiisip.
Nagising na lang ako nang may mga mahihinang tawanan mula sa labas. Agad kong binuksan ang bintana at nakita si X at si Kuya na hindi na makalakad ng tuwid at nagtatawanan. Lumabas ako para tulungan sila pero para silang walang nakikita at panay ang tawanan.
Close na ba agad sila?
"Kuya! X!" tawag ko.
Nilingon naman nila ako at tinuro ako ni Kuya. Tumawa siya ng makita ako. Si X naman ay nakatingin lang na may ngisi din. Mapula ang pisngi nila at may mga mapupungay na mata.
"Oh, Arizona!" sigaw ni Kuya at binuka ang mga kamay para yakapin ako.
Agad akong umiwas kaya naman nagdiretso siya sa buhangin. Napatingin naman ako kay X na ngayon ay sumasayaw sayaw na habang nagha-hum ng isang kanta. Hindi ko alam kung matatawa ba ako o hindi sa sayaw niya. Nakabuka ang mga paa at kamay niya at sinu-sway iyon pakanan at pakaliwa.
Kumanta siya ng sikat na kanta sa videoke tuwing inuman at panay pa rin ang sayaw.
Tumayo naman si Kuya at sinabayan siya sa pagkanta.
Nag-pose pa si Kuya na akala mo ay bumibirit.
Hindi ko na napigilan na tumawa dahil para silang mga baliw. Alas singko pa lang ng umaga ay biglang nawala ang antok ko. Kinuha ko naman ang cellphone kong may camera. Agad kong tinapat 'yon sa kanilang dalawa.
Naramdaman ko naman ang pagbukas ng pintuan ng aming bahay. Doon ay nakita ko sina Ate na nakasilip habang may hawak na tasa. Nang makita nila ang ginagawa ng dalawa ay hindi nila napigilang tumawa. Kahit na si Tatay ay may maliit na ngiti habang pinagmamasdan ang dalawa.
Lumapit naman sa akin si Ate na ginawa pang pumakpak para magkaroon ng beat ang dalawang lasing. Para namang mas lalong lumakas ang kumpiyansa ng dalawa at mas lalo pang nilakasan ang pagkanta hanggang sa dulo.
Napahiyaw kami ni ate nang gumiling si X na akala mo ay macho dancer. Gusto ko mang magtakip ng mata ay hindi ko magawa. Ang sexy niya lalo nang kinagat niya ang kaniyang labi.
"Ang hot niyo, grabe!" sigaw at halakhak ni Ate.
Inaayos namin ang katawan ng dalawa sa maliit na banig. Tulog mantika sila matapos gawin ang nakakahiyang eksenang 'yon. Kami na lamang ni Ate ang nasa bahay. Si Nanay ay nananahi na sa kanIyang pUwesto sa bayan. Paalis na rin kami ni Ate papunta sa palengke pagkarating ng bangka ni Tatay. Napilitan si Tatay na pumalaot dahil lasing ang dalawang lalaki.
"Aminin mo, Bebang..." panimula ni Ate habang nakatayo sa paanan ng dalawa. "Sumaya ang bahay natin ng dumating 'yang si X."
Ngumiti rin ako sa sinabi ni Ate. Totoo naman kasi. Wala pang ilang araw pero nakikita ko na ang pinagkaiba ng bahay namin kaysa noon.
"Para siyang happy pill, Ate."
Tiningnan ko si Ate na may kakaibang tingin sa akin.
Tinaasan ko siya ng kilay, hinihintay na itama ang english ko gaya ng dati pero wala akong natanggap.
"Do not fall in love with him, Bebang. Hindi natin alam kung may asawa't anak iyang naiwan o kaya naman ay girlfriend. Masasaktan ka lang kapag nagkataon." paalala ni Ate Sydney.
"Hinding hindi ako mai-in love sa kaniya, Ate. Sigurado ako." sagot ko at tiningnan ang mukhang natutulog ni X.