"Sa tingin mo ilang taon ka na, X?" tanong ko nang pumunta siya sa puwesto ko sa palengke.
Tumutupad ako sa deal namin na tutulungan ko siya hanggang sa makaalala siya. Nasa tabi ko siya at pinapaypayan ang mga isdang nahuli ni Tatay. Kumakain kasi si Ate Sydney ng tanghalian.
"Uhm. You guess." aniya at binalik sa akin ang tanong.
Ngumiwi ako at pinagmasdan ang mukha niyang walang pores. Medyo maitim na rin siya sa ilang linggo niyang pananatili sa amin.
"Twenty-six." hula ko.
Tumigil siya sa pagpaypay.
"Why don't we make this a bet? Kapag nakaalala na ako at tama ka sa edad ko, I will grant you a wish. What do you think?" alok niya.
"Huy, gusto ko 'yan! Pano kung iwanan mo kami pagkatapos mong makaalala? Paano kita hahanapin ha?" tanong ko sa kaniya.
Sumeryoso ang mukha niya at binaba ang hawak na pamaypay. Hinawakan niya ako sa balikat at tinitigan mata sa mata.
"Sino ang may sabing iiwan kita?" tanong niya sa akin.
Bumilis ang t***k ng puso ko dahil halata ang hindi niya pagiging palabiro. Lumunok ako dahil lumipat ang tingin niya mula sa mga mata ko pababa.
Sa ilang saglit, nawala ang maingay na palengke sa aking pandinig. Siya lang ang naririnig ko. Nakakatawa mang isipin pero iyon talaga ang nararamdaman ko.
Naputol ang damdamin kong iyon ng bigla siyang tumawa at pinitik ako sa ulo.
"Ano? Natulala ka, ano? Sabi na eh, crush mo ako!" sabi niya at tumawa pa siya habang nagpatuloy sa pagpaypay.
Lumunok ako sa sobrang hiya at binatukan siya. Napahawak naman siya sa batok niya at masamang tumingin sa akin.
"Hindi ka nakakatawa. Pabibo ka din eh!" singhal ko.
Ngumisi naman siya at kumindat.
"Bakit? Kinilig ka naman. Sinusubukan ko lang naman kung tatalab sa'yo. Pa'no na lang kapag si Ryan na ang nagsabi sa iyo? Baka umihi ka sa panty mo." saad niya.
Lumaki ang mata ko sa sinabi niya at tinakpan iyong bibig niya. Nilingon ko ang tabing tindahan. Hinampas naman ni X ang braso ko kaya mas lalo kong diniinan.
"Manahimik ka ha. Bibitawan ko na." banta ko at kinalas ang kamay ko.
Agad ko naman pinunasan ang kamay ko kasi iba ang pakiramdamn ng malambot niyang labi sa palad ko. Mainit iyon at nakakakiliti sa palad ko.
Pinunasan naman niya ang bibig niya na parang nakakadiri ang palad ko. Umirap ako.
"Gross! Amoy isda ka. Hmm, literal na smells fishy." reklamo niya.
"Umayos ka nga, X. Kapag may nakarinig sa iyo diyan at sinumbong ka kay Tatay, ewan ko na lang sa'yo." saway ko pa at nilingon ang mga chismosang tindera na halos hubaran na si X.
"Oo. Takot ko na lang kay Papsy." pagtango niya.
Binatukan ko ulit siya. Hinimas niya ulit ang ulo niya.
"Aray naman!" aniya.
Tinuro ko siya.
"Bagay lang 'yan sa'yo. Anong papsy? Anak ka ba ni Tatay?" tanong ko.
Ngumisi na naman siya at tinaas ang kilay niya.
"Malay mo, tayo ang magkatuluyan. Nag-pa-practice lang." bulong niya.
Tinadyakan ko siya kaya napahawak siya sa hita niya. Napalingon naman si Maria sa akin na katatapos lang magbenta ng isda.
"Bes, binubugbog mo na naman 'yang si pogi." puna niya.
"Maria, save me." pagmamakaawa ni X, "Battered na ako." hagalpak niya.
"Anong battered? Ano ka buttered hands man?" tanong ko kay X.
Nagkatinginan silang dalawa ni Maria. Tumawa pa silang dalawa na parang joke ang sinabi ko. Sinamaan ko lang sila ng tingin.
"Anong hands man? Bebang, husband! Jusmiyo, saan ka ba tuwing english subject?" pang-aasar ni Maria.
"That's okay, Maria. Kahit na she's not that good, she's still cute. Ryan must realize that by now." pagtatangol at kumindat si X sa akin.
Dumating naman si Ate. Nakangisi siya ng makita niya si X na naroon. Umirap ako. Palagi na lang kasi akong sinasabihan ni Ate na crush ko ang kumag na si X. Eh, para kang nag-alaga ng baby diyan eh.
Walang alam na gawaing bahay, hindi rin marunong mangisda. Sa pagpapatawa lang maasahan pati sa kalokohan. Pinagsaing kasi siya ni Kuya France noong isang gabi. Iniutos ni Kuya kahit na sa kaniya naman pinagbilin ni Nanay. Ang ending, kumain kami ng late na. Halos punuin ba naman ni X ng tubig ang kaldero ng tubig. Pareho tuloy silang pinarusahan ni Tatay.
"Oh, Bebang. Kumain ka na. Isama mo na rin 'yang si X. May lakad ka pa ba, X?" tanong ni Ate Sydney.
"Ah! I'll be with France later. He asked me to help him repaint the canoes.
"Oh siya! Magmadali na kayo at nang makarami tayo ng benta." ani Ate Sydney at inabutan ako ng pera.
Hinubad ko naman ang suot na apron. Kinuha iyon ni X at sinabit kasama ng kaniya. Nauna siyang labas sa puwesto. Sumama na rin si Maria dahil pinasabay na siya ng kaniyang ina.
"Tamang tama, gutom na ako!" natutuwang sambit ni X at hinimas ang tiyan niya.
"Batugan ka kasi kaya lagi kang gutom." reklamo ko.
"Ano ang kakainin natin? Gusto ko ng goto." sabi ni Maria.
Parang may ideya na pumasok sa isipan ko. Balak ko na ipatikim kay X ang lahat ng pagkaing mahihirap bago siya tuluyang mahanap ng pamilya niya.
"Nakatikim ka na ba ng goto, X?" tanong ko.
Umiling si X. Tumango ako at pinulupot ang braso kay Maria at hinigit siya sa direksyon ng gotohan.
"Tara na sa gotohan. Papatikim ko kay X ang masarap na goto rito sa Sitio!" nakangiting yaya ko.
Habang naglalakad, inakabayan naman ako ni X. Tinagtag ko 'yon dahil iba ang pakiramdam ko. Siya lang kasi ang lalaking umaakbay sa akin maliban kay Kuya kaya medyo naiilang pa ako. Pumasok na kami sa gotohan. Naroon ang ilang taga-college at kumakain. Kinawayan ako ng isa kong kaklase ko at kita ko ang paglaglag ng panga nila ng makita si X na nakaakbay sa akin. Nagbulungan agad sila kaya inirapan ko.
Mga plastic.
"Aling Helen, tatlong goto nga rito." pag-order ni Maria.
Umupo kami sa pang-apatang silyang kawayan.
"Wow. Dami mo kamong fangirls." puna ni Maria sa mga babaeng hindi na ata maialis man lang ng saglit ang tingin kay X.
Tamad na tamad naman akong pinagmasdan sila. Wala akong panahong magsalita dahil gutom na gutom na ako.
"Let them be." sabi ni X at ngumisi. "Para naman gumanda ang araw nila dahil makakakita sila ng pogi." sinamahan niya pa ng halakhak.
Hindi ko na napigilan at tinadyakan siya sa ilalim. Napasigaw naman siya at halos mamilipit na sa pagsipa ko.
"Huwag kang magsabi nang nakakasukang bagay habang gutom ako, tatamaan ka talaga." banta ko.
"Nakakailan ka na, Bebang ha! Isa pang sipa, hahalikan na kita." banta niya pabalik.
"Ay, ang taray! Gusto ko 'yan. Sipain din kaya kita?" malanding sabat ni Maria.
Natigilan si X at kinindatan si Maria.
"Hindi puwede, Maria. Strict ang parents ko." sagot niya na nagpatawa kay Maria.
Naiinis ko namang binalingan ang malandi kong kaibigan.
"Manahimik ka nga, X! Akala mo naman kilala mo parents mo." sabat ko.
Nawala ang ngiti ni X. Agad akong nakonsensya dahil pakiramdam ko ay natamaan siya sa sinabi ko. Nang mag-so-sorry na ako bigla naman siyang tumawa muli.
Siraulo ba 'to? Napalitan na naman ng inis ang mukha ko.
Hindi ko siya pinansin dahil bumukas ang pintuan ng gotohan, doon ay pumasok si Ryan na may kasamang babae. Automatic na tumingin sa reaksyon ko ang dalawa. Hilaw ang ngisi kong nagkibit balikat. Parang lumungkot bigla ang table namin.
"Gusto mo sugudin ko 'yang babae at kalbuhin?" tanong ni Maria.
"Anong kalbuhin? Girlfriend ba ako?" tanong ko pabalik, nanglamig na ang tiyan.
"Huwag kang mag-alala, mas maganda ka dun." ani X at hinimas ang likuran ko na para bang inaalo niya ako.
Hinampas naman ni Maria si X.
"X, alam kong gusto mong pagaanin ang loob ng friend natin pero puwede bang huwag kang magsinungaling." sabi niya para pagaanin ang loob ko.
"So, sinasabi mong pangit ako?" tanong ko.
Tumawa si Maria at hinampas ang lamesa.
"Mismo!”
"Gusto niyo ba pormahan ko 'yung babae para mahiwalay siya kay Ryan?" parang larong sabi ni X.
Umirap ako.
"At saan ka kukuha ng pang-date mo diyan? Sa akin? Hanap muna ng trabaho, hoy!"
Nagtawanan kaming tatlo habang kumakain. Nagpapasalamat ako na nandito sina X at naging okay ako. Hindi ko na rin tiningnan pa ang table nina Ryan. Mas lalo akong malulungkot kung iisipin ko 'yun. Hindi naman niya ako girlfriend. Childhood friend lang kami.
"Bes, X, babalik muna ako sa bahay. May pinapakuha si Nanay." paalam ni Maria at agad na naglakad papunta sa bahay nila.
Kami na lang dalawa ni X ang naglalakad pabalik sa palengke nang bigla niya akong yakapin sa likuran. Napatigil naman ako sa ginawa niya. May hobby ba talaga siyang manggulat? At may ideya ba siyang ramdam ko ang matigas niyang dibdib niya sa likuran ko at ang init nito?
Ang kamay niya ay nakapulupot sa leeg ko habang ang isa ay nasa may tiyan ko. Halos hindi ako humihinga lalo nang ilapit niya ang bibig niya sa tapat ng tainga ko. May kiliting dulot iyon ngunit sa panlalamig ko sa kinatatayuan ay hindi ko na naramdaman.
"Kaya naman pala mainit ang ulo mo." bulong niya sa mahinang boses. "May dalaw ka."
Agad akong humiwalay sa kaniya at tiningnan ang bandang puwitan. Namula ako ng makitang may tagos 'yon. Nakangiti siya na para bang may nakita siyang cute na aso at ginulo ang buhok ko.
"Wala kang pera pang tricycle, ano?" tanong niya.
Tumango ako. s**t, perang pangkain lang ang dala ko. Tumango si X at hinigit niya ako para patalikurin sa kaniya at muli akong niyakap kagaya ng kanina.
"A-Anong ginagawa mo?" tanong ko.
Mabuti na lang at walang bahayan rito sa daan at kakaunti lang ang dumaraang sasakyan. May mga tao ring naglalakad sa ‘di kalayuan. Naku, nakakahiya ang tagos ko. At kung hahayaan ko namang yakapin ako ni X, baka mapagkamalan pa kaming may ginagawang kababalaghan sa posisyon namin.
Lumunok ako.
"Wala kang pamasahe. Ayaw mong makita nila ang tagos mo. Ibig sabihin, yayakapin muna kita ng ganito hanggang makarating sa bahay niyo." ulit niya.
Humakbang siya pero nanatili akong nakatigil. Tinulak naman niya ako kaya napahakbang ako.
"Sige na, buti nga free of charge ka. I'll let you use my body. Ganiyan ka kaimportante sa akin, Bebang. I always got your back."