"Ineng!"
"Arizona Bebang Batungbakal!"
Napatalon ako sa pagkakarinig ko sa buong pangalan ko. Malakas ang kabog ng dibdib ko nang lingunin ko si Maria na nakatayo sa kaharap kong stall at panay ang paglilinis ng bituka ng isda.
"Bakit?" tanong ko sa kaniya.
"Anong bakit? Bebang, kanina pa naghihintay ng isda sa'yo si Ale! Kung masiba ako, aagawin ko 'yang customer mo." ngumungusong sinabi ni Maria.
Napatingin ako sa Ale na kanina pa pala naghihintay sa tabihan. Ngumiti ako saglit at tinuloy na ang pagsasalin ng isda sa plastic.
"Naku, pagkakabagal mo ineng. Sa susunod, dito na ako sa kaibigan mo bibili." masungit na sabi ng Ale at kinuha ang isda niya.
Aba! At napaka...
"Sungit..." bulong ko at nilinis na ang mga lamang loob ng isda.
Balak ko pa naman siyang bigyan ng discount kaya lang masungit kaya hindi na lang.
Tumawa naman si Maria sa narinig. Umirap na lang ako at hinayaan ang siraulo kong kaibigan.
"Alam mo 'Teh, lutang ka. Isang linggo ka ng ganiyan! Dahil ba 'yan-"
"Shut up ka nga!" pamumutol ko sa kaibigan.
"Wow, english 'yun! Feeling mo naman nahawaan ka na ni X." sagot niya at umirap siya sa akin.
Umismid ako sa pagbanggit niya sa pangalan ng hudas na 'yon. Isang linggo na simula nang sumama siya sa baklang si Lolita para magtrabaho sa Anchor's Port, iyong sikat na resort dito.
At isang linggo na akong nag-aalala sa lalaking 'yon. Hindi pa naman marunong sa gawaing bahay at baka mamaya sumakit iyong ulo niya.
"Uy... miss na niya!" may asar at tawa ni Maria na para bang nababasa niya ang iniisip ko.
Tinaas baba pa niya ang makapal niyang kilay.
"Alam mo, Maria... sana hindi masarap ang ulam mo mamaya." galit na sabi ko at hinubad na ang apron.
Nakita ko kasi na paparating na si Ate Sydney kasama iyong ina ni Maria dahil tapos na sila mag lunch.
"Oh, kayo naman ang mananghalian." anang ina ni Maria at kinuha ang apron sa anak.
Iniabot ko naman kay Ate Sydney ang apron at kinuha iyong maliit kong wallet para makapunta na sa karinderya.
Inangkla ni Maria ang braso niya sa braso ko papunta sa mamihan na minsa'y pinagtatrabahuan ko kapag wala ako sa palengke.
"Makikita na naman natin iyong masungit mong amo. Hmp!" bulong ni Maria.
Napangiwi ako. Ayaw ko na rin makita si Aling Hasmin. Sa tuwing nakimita ko siya parang umiikot ang sikmura ko. Saka panay lait lang iyon sa mukha ko.
Akala mo naman ang ganda ganda niya!
Nilingon ko si Maria at ngumisi dahil mukha siyang demonyong naghihintay na magpademonyo ako sa kaniya.
"Best, naiisip mo ba ang naiisip ko?" tanong ko.
Tumawa siya at ginantihan ako ng ngiti.
"Naiisip ko rin! Tara na at doon tayo sa masarap na bistro kumain!" sagot niya at hinila na ako papunta sa bistro na minsan lang namin napuntahan.
Isa 'yong bistro na medyo may kamahalan. Hindi naman sa hindi namin kayang bayaran, pero dahil nagtitipid ay lagi naming iniiwasan.
Pero iba ngayon. Minsan lang naman ito kaya magpapademonyo muna ako kay Maria.
Tumunog ang nakadisenyong instrumento na tumunog dahil sa pagpasok namin. Agad na umupo si Maria sa tabi ng bintana. Umupo na rin ako at tiningnan ang serbidora na may hawak hawak na ng menu.
Nagsabi ako ng order at ganoon rin si Maria. Panay naman ang kuwento niya tungkol sa mga ka-barangay namin nang tumili siya at tinuro ang bintana.
"Best! Nasa-sight mo ba ang nasa-sight ko?" tanong niya.
Nilingon ko ang bintana at nakita ang ilang mga nagtatrabaho sa Anchor's Port. Suot nila ang uniporme nila at nagtatawanan na bumaba sa isang jeep.
"Si X!" turo ni Maria sa lalaking nasa likuran.
Pinagmasdan ko siya na nakangisi lang habang nakikinig sa malaking bunganga ni Lolita. Nagtatawanan sila na naglalakad papunta sa bistro.
Sumingkit ang mata ko ng may tumabi kay X, na babaeng nakauniporme rin...
"Ay? Sino 'yon?" tanong at tinuro pa ni Maria ang katabi ni X na para bang hindi ko nakikita kung sino iyon.
Ngumiwi ako ng makilala kung sino 'yong babae.
"Si... Miss Sitio?" nag-aalinlangan kong sagot.
At bakit nakadikit siya kay X?
"Si Blaise? 'Di ba anak 'yan ng may-ari ng Anchor's Port?" tanong ni Maria.
Si Blaise Regalado ay ang kaisa-isang anak na babae ng may-ari ng Anchor's Port resort kung saan ngayon nagtatrabaho si X. Siya rin ang nanalong Miss Sitio noong isang taon, nakalaban ko siya!
At mukhang nakukuha ko na kung bakit sila magkasama?
Mukhang may gusto si Miss Sitio kay X? Ganoon 'yong sa mga drama na napapanood ko eh. Tapos ang ending magkakagusto rin si X tapos pipiliin na lang niya na mag-stay rito!
Nakasimangot ako nang pumasok sila. Panay pa rin ang tawanan nila at hindi man lang kami napansin ni Maria nang umupo sila sa kabilang dako ng bistro sa pang limahang upuan.
"Hep! Hayaan niyong magtabi si Miss Blaise at si X. Bagay na bagay sila!" anang noong isang bading na kaibigan ni Lolita.
"Haynako, best! Mas maganda ka pa diyan kay Blaise. Naligwak ka lang last year kasi natalo ka ng english spoking niya." pag-aalo ni Maria pero mukhang insulto iyon.
"Tumahimik ka na lang, Best... hindi nakakatulong!" iritadong bulong ko.
Humalakhak lang si Maria at ininom ang tubig niya.
Nagpapasalamat na lang ako na dumating na ang order namin kaya kahit papano, sa pagkain natuon ang pansin ko.
Minsan ay napapatigil dahil naririnig ko ang asaran at tawanan nila. Tahimik ang buong bistro maliban sa kanila.
Mga maiingay na nilalang!
Umiirap ako sa tuwing naririnig ko ang pabebeng boses ni Miss Sitio sa tuwing aasarin sila ni X. Panay tawa lang ang ginaganti ni X.
Gustong gusto rin naman ng mokong!
"Hmm... may selos rito!" bulong ni Maria at sinubo ang kaniyang pagkain.
"Sana mabulunan ka." galit na sabi ko at pinanood siyang tumawa.
Tikaluban ko ang pagkain ko sa takot na biglang tumalsik iyong mga nasa bibig niya papunta sa plato ko. Minsan pa naman may pagka dugyot 'tong si Maria.
"Puntahan mo na kasi. Malay mo, miss ka na din pala niyan..." kibit balikat ni Maria at sumulyap ulit kina X.
Ngumuso ako.
Inaamin ko, Miss ko na si X. Hindi dahil crush ko siya, dahil alam naman ng lahat na si Ryan ang crush ko.
Namimiss ko siya na parang pagkamiss ko sa alaga kong aso. Ganoon nga! Kasi parang alaga ko na 'yang si X.
Umiling ako.
Gusto niyang umalis sa puder namin.
Sabi niya pa kay Mamsy na gusto niyang maging independent. Nalaman daw kasi ni X kay Ate Sydney na ginastos ko 'yong ipon ko para sa kolehiyo noong ma-ospital siya.
Saka na-offend kaya ako noong araw na umalis siya! Kasi imbis na yakapin ako ang cold niya pa.
Sabi lang niya, babayaran niya ako kapag sumuweldo siya sa resort.
Hindi naman ako naniningil.
"Best, sure ka na hindi mo babatiin? Aalis na tayo in five minutes?" bulong ni Maria habang nagbabayad kami sa cashier.
"Saya ka, X?" bulong ko sa hangin habang literal na pinaniningkitan siya ng mata.
Ang ulupong na si X, mukhang wala talagang pakielam sa mundo. Hindi man lang ako nakikita kahit na literal na dumaan kami sa harap niya kanina. Paano ba naman kasi mukhang nahuhumaling na kay Miss Sitio.
Eh, mas maganda naman ako do'n! Kung magaling lang ako mag-english last year, panigurado ako ang nanalo. Sa swimsuit competition ko pa lang talbog na siya e.
Ang kinis ko kaya!
Hindi ko namalayan na nakatingin na pala sa akin ang baklang si Lolita. Napansin ata ang sama ng tingin ko kay X kaya may sinabi rito.
Napaangat ng tingin si X sa akin at natigilan sa pag nguya. Naubo pa siya ng kaunti kaya napainom siya sa tubig.
"Buti nga sa'yo..." bulong ko sa isipan ko.
"Hala? Bakit nakatingin na 'yan rito?" naguguluhang sabi ni Maria na kababalik lang mula sa pagbabayad.
"Napansin ang kagandahan ko, Maria." bulong ko.
Tumawa lang si Maria at pinanood ang paglapit ni X sa aming direksyon. Umismid lang ako sa kaniya ngunit hindi naman nag-walk-out.
"Bebang, Maria..." bati niya at ngumiti siya sa amin.
"Huy, X! Ang guwapo natin sa uniform ah?" puna ni Maria.
Tumawa si X at pinasadahan ng tingin ang puti at dilaw na polo shirt.
"Thank you, Maria." sagot niya.
Bago pa man ako makapagsalita, dumating na si Miss Sitio at Lilo na sumunod kay X. Lihim na kumulo ang dugo ko.
Mas maganda pa din ako sa'yo, Miss Sitio.
Hilaw ang ngiti nito na kumaway sa amin. Para bang napipilitan lang kasi naririto si X.
"Hi, Arizona! Tama 'di ba? Kamusta?" tanong niya ng makita ako.
Nilingon nito si X.
"Kilala mo si X?" dagdag pa niya.
Gusto kong umirap.
Akala mo napakabait niya! Eh halos nung pageant last year, napakademonyita. Palagi nga 'yang nakikipagbangayan sa mga kapwa ko kandidata tapos lagi pa ako iniirapan.
"Oo, sa amin siya nakatira." sabi ko na lang.
Lumaki ang mga mata ni Miss Sitio sa sinabi ko.
"T-Talaga?" tanong niya at sinulyapan pa si Lilo.
Para namang natauhan si Lilo na mag-explain kahit hindi na noon kailangan.
"Ay, oo! Si Arizona kasi ang nakakita kay X sa laot. Kaya inampon muna nila pero mga two weeks lang naman 'yon." paliwanag ng baklita.
Tumaas ang kilay ko kay Lilo. Napakapapel ng bading na 'to! Ano naman kung two weeks at least lamang ako ng two weeks kay Miss Sitio.
"Kamusta sina Mamsy at Papsy?" biglaang tanong ni X na nakapagpatigil sa lahat.
Ngumuso ako. Sina Mamsy at Papsy talaga?
Hindi ako ang kinamusta niya?
Isa pa, sasapakin ko 'to!
"Miss ka na. Nag-aalala sa'yo. Dumalaw ka raw sa bahay." sabi ko na lang at hinila na si Maria.
"Sige. Pasabi pupunta ako mamaya pagkatapos ng trabaho." narinig kong sinabi ni X habang papalabas kami sa bistro.
Tinaas ko ang kamay ko para ipakitang okay. Nagmamadali kaming umalis ni Maria.
"Huy, Best. Parang hindi ako matutunawan sa bilis ng lakad mo. Teka nga! Bakit ba nagwo-walk-out ka dyan?" tanong ni Maria.
Umirap ako sa hangin habang patuloy pa rin siyang hinihila pabalik ng palengke.
Paano ko ba naisip na sabihin iyon? Hindi naman talaga nagtatanong sina Mamsy at Papsy eh! Para nga lang hangin na dumaan lang si X.
Baka nga magtaka pa sina Mamsy pag nakita siya mamaya sa bahay. Dapat siguro sinabi ko na lang na si Kuya ang nakaka-miss sa kaniya?
Naging close kasi sila mula noong mag-inuman silang dalawa at magsayaw habang lasing.
Kaya naman kinagabihan, panay ang silip ko sa kahoy na bintana ng bahay... inaabangan kung pupunta pa ba talaga si X.
Nagluto pa naman ako ng adobo! At mula pa 'yon sa ipon ko kasi napansin kong pumayat siya kanina.
"Sinong inaabangan mo, Bebang?" tanong ni Ate Sydney na nanonood ng tv.
"Si X. Pupunta raw, eh? Sa tingin mo napaano na 'yon?" sagot ko kay Ate.
Ngumisi si Ate Sydney at nakisilip na rin sa bintana.
"Hindi mo pa crush niyan, ah? Paano pa pag crush mo na?" tanong niya at humalakhak pa.
Umirap ako.
Hindi ko crush si X ano! Concern lang ako sa kaniya at sa kalagayan niya. Malay ko ba kung nahihimatay 'yon sa resort o kaya sa daan? Saka si Ryan pa rin ang crush ko 'no. Simula Grade one pa.
"Ayan na, oh... Kasama ni France." sabi ni Ate kaya napatingin ako sa labas.
Kasama nga ni Kuya France si X at nag-uusap sila. Maya-maya pa ay napatingin sila sa banda ko. Tumayo naman ako nang maayos at umarte na normal lang 'yon at hindi ako nagulat.
Kumaway si X habang pumasok na si Kuya France. Lumabas sina Mamsy at Papsy nang tawagin sila ni Ate para sa hapunan.
Mukhang gulat na gulat si Mamsy nang makita si X na papasok sa sala.
"Oh? Bakit ka nandidito, X?" nagtatakang tanong ni Mamsy.
Kumunot ang noo ni X at agad na tumingin sa akin. Bahaw akong ngumiti.
"Sabi po ni-"
"Mamsy! Hindi niyo ba siya miss?" tanong ko agad.
Naguguluhang nagkibit-balikat si Mamsy at umupo na sa upuan niya. Si Papsy naman ay bumati saglit kay X at nangamusta.
Natapos ang hapunan. Nasa dalampasigan kami ngayon ni X. Binabato niya ang ilang bato pabalik sa dagat habang nakaupo naman ako sa bangka namin.
"You told me they want to see me." he said.
Ngumuso ako.
"Bakit? Napilitan ka lang bumalik?" mataray na tanong ko.
Parang ayaw na niya bumalik dito ah?
"No. I just want to know if you miss me?" tanong niya.
Kumalabog ang dibdib ko sa sinabi ni X.
"Ha? Ang feeling mo!" pagtanggi ko kahit na alam kong tama siya.
Tumawa siya at pinanood akong mamula.
"It's okay, Bebang. I missed you, too." sabi niya na mas lalo pang nagpabilis ng t***k ng puso ko,
"Miss na miss kaya kita." he said again, this time smiling at me.