BANGUNGOT NG NAKARAAN

1906 Words
“Hoy! Stella! Ano bang nangyari sa ‘yo? Kanina pa kita natatanaw riyan. Tila yata nilalagyan ng sili ang iyong puwit! Bakit hindi ka mapakali riyan!” pukaw sa akin ni Doday sabay pitik ng kanyang mga daliri malapit sa aking mukha. Hindi ko napansin ang paglapit niya sa akin dahil sa naging okupado ang aking utak. Napatitig ako sa mukha ng aking kaibigan. Nais kong sabihin sa kanya ang bumabagabag sa aking isipan ngunit nagdadalawang isip ako kung sasabihin ko ba kay Doday ang tungkol sa sinabi sa akin ni Jared. Nahihiya ako sa kanya. “Mga masasamang elemento! Ibalik ninyo ang kaibigan ko! Ibalik ninyo siya sa akin!” narinig kong saad ni Doday habang niyugyog ang aking balikat. Alam kong sinubukan lamang niya akong patawanin ngunit sa panahon ngayon hindi ko kayang ngumiti dahil sa gulong-gulo ang aking isipan. “Hayst. . . sige na suko na ako. Kahit kailan ang hirap mong pasayahin friend. Hindi ko alam kung hanggang kailan matatapos ang problema mo! Araw-araw na lang kitang nakikita na halos pasan mo na ang daigdig. Baka noong nagpaulan ng problema ang langit sinalo mo lahat, Stella!” walang habas na muling saad ni Doday pagkatapos ibinagsak ang kanyang katawan sa bench katabi sa akin. Pagkatapos kinagat niya ang isang stick ng banana que na kanyang dala. Baka tama nga siya nasalo ko ang lahat ng kamalasan ng magpaulanan ang langit dahil sa nararanasan ko ngayon at hindi ko alam kung kailan ba ito natatapos. Hanggang kailan ko pagdudusahan ang kasalanan na matagal ko ng pinagsisihan. Umaasa ako na balang araw makakalaya na ako sa paghihirap kong ito. Naiinggit ako kay Doday napaka-swerte niya dahil hindi niya naranasan ang katulad ng problemang pinapasan ko ngayon. Sa bawat araw na kasama ko siya hindi ko man lang siya nakitaan ng kalungkutan. Napakasayahin niyang tao parang hindi man lang niya naranasan ang dapuan ng problema. Tanging matatamis na ngiti at malulutong na halakhak ang naririnig ko sa kanya. Bagay na hindi ko na nararanasan gawin simula nang mawala ang Ate Sabel at si Papa. Gusto kong maging katulad ni Doday. Maging matapang! Nais ko rin maging masaya katulad niya ngunit hindi ko alam kung paano? Dahil sa bawat araw-araw na gumising ako ipinapaalala sa akin nina mama at Jared ang mga kasalanan ko noon. Na walang akong karapatan na maging masaya. Ngunit alam kong maaawa rin sa akin ang Dios. Darating din ang panahon na iaahon niya ako ngayon sa dilim na aking kinasasadlakan. Minsan naisip ko na lumayo at kalimutan lahat ng mga masasamang nangyari sa aking buhay. Pero hindi ko kayang iwan si Mama matanda na ito para mag-isa na lamang sa buhay. At isa pa nangako rin ako kay Jared na handa kong gawin ang kanyang parusa sa akin. Bagay na pinagsisihan ko. Tila nagbabago ang aking isipan. Natatakot akong gawin ang bagay na gusto niya. Ayaw kong magpakasal kay Jared! Pero paano ko ba siya tatakasan gayong halos hawak na niya ngayon ang aming buhay ni Inay. “Friend, natatakot na ako sa ’yo. Baka mamaya tatawag na ako sa mental hospital para kunin ka nila rito! Natatakot ako na tuluyan ka ng mabuang!” “Hindi ko alam, Doday. Kung tama ba ang naging desisyon ko,” panimula kong tugon kay Doday. Siya lamang ang nag-iisang tao na nakantindi sa akin. Tanging tao na nakinig sa aking at sa mga hinaing ko sa buhay na kahit kailan hindi ako hinusgahan. “Hay! Salamat naman at nagsalita ka na riyan, friend. Akala ko tatawag na ako sa mental para maipasok kita roon. Kanina pa kaya ako nagsasalita rito. Hindi mo man lang ako pinapansin at tinitigan mo lang ang aking mukha,” malungkot na sabi nito at nasa mukha rin ng babae ang pag-aalala. “Pasensiya ka na. May iniisip lang talaga ako, Doday.” Nakita ko ang kanyang pag-ismid dahil sa aking sinabi. Naiintindihan ko naman siya na ayaw niya akong makitang umiiyak o malungkoy kapag magkaharap kami dahil pati siya napapaiyak rin dahil sa akin. “Hindi na bago ’yan sa akin, Friend. Simula nang nakilala kita riniyan ka na talaga. Pero mukhang iba ngayon ang bumabagabag sa iyong isipan. Sabihin mo sa akin, dali na. Para naman mabigyan natin ng solusyon at kasagutan.” Isinandal niya ang kanyang katawan sa likod ng upuan at pagkatapos ipinatong ang kanyang magkabiliang paa sa bench sabay kagat pa rin ng kanyang banana que. Akmang ibubuka kong muli ang aking bibig ngunit mabilis akong pinigil ni Doday. “Bago mo simulan ang pagsabi sa akin. Kumain ka muna ng banana que. Pinabibigay ’yan ni Edd sa ’yo. Tatlong stick. Ibig sabihin I love you,” tila kinikilig niyang saad. Nangunot ang noo ko sa narinig. Bakit naman ako bibigyan ng banana que ng lalaki hindi ko nga kilala ’yong tao. “Si Doday talaga puro ka kalokohan. Sino’ng Edd? Wala naman akong kilala na pangalang ‘yan.” Napapalakpak ng isang beses si Doday. Sabay tawa ng malakas. “Ay, oo nga pala hindi mo kilala si Edd. Paano naman kasi. Hindi ka man lang marunong tumingin sa tabi-tabi riyan, Stella. Si Edd siya ’yong lalaki riyan sa kabilang apartment at laging nagpapa cute sa ’yo sa tuwing dumadaan tayo,” kinikilig na anas ni Doday. Nagkibit balikat lamang ako sa sinasabi ni Doday. Wala naman akong napansing lalaki. Hindi kasi ako mahilig tumingin sa paligid diritso lamang ang tingin ko sa kalsada na aming dinadaanan. At isa pa wala naman akong panahon sa ibang tao. Natatakot ako kapag nalaman nila ang buo kong pagkatao katulad nina mama at Jared. Iisipin din nila na kriminal ako. Mamatay tao! At pagkatapos lalayuan nila ako. At minsan mapaisip ako na tama sina mama na wala ng taong magkakagusto at magmamahal sa akin dahil masama akong babae. Kaya kailangan kong dumistansiya sa ibang tao para hindi na madagdagan ang sakit na nararamdaman ko ngayon. Sapat na sina Doday at Father Santi ang itinuturing kong mga kaibigan. “Hay, kalimutan na nga natin ’yan si Edd, friend. Sige na sabihin mo na sa akin. Ano ba kasi ang bumabagabag sa ’yo? Mukhang nadagdagan na naman ang stress mo sa buhay simula nang dumating ’yang si fafa Jared! Naku, kung hindi lang gwapo ang lalaking ’yon matagal ko mg pinitik ang itlog ng lalaking ’yon!” walang preno ang bibig na saad ni Doday. Ngunit ka agad naman din na tinakpan ni Doday ang kanyang bibig. Siguro natatakot siyang marinig ni Jared na nasa loob lang ng bahay. “Doday, ikakasal na ako!” diritsahan kong saad sa dalaga. Ilang minuto rin nanlaki ang mga mata ng aking kaibigan dahil sa kanyang matinding pagkagulat. Alam kong hindi niya inaasahan ang sinasabi ko sa kanya. “Ha?! Ikaw ikakakasal?” hindi makapaniwalang tanong ni Doday sa akin. Napatingin ako sa kanya sabay tango ng aking ulo bilang pagsang-ayon. “Stella my friend. Paano nangyari ‘yan? E wala ka ngang nobyo tapos magpapakasal ka na? Kalokohan naman ’yan, Stella! Ikaw ha, akala ko ba magkaibigan tayo? Pero bakit hindi mo sinabi sa akin na may fiancee ka na pala!” palatak ni Doday. “Hindi naman talaga ako nagsisinungaling sa ’yo, Doday. Wala naman talaga akong boyfriend.” Nakita kong napakamot ng ulo si Doday dahil sa sinabi ko. “Ewan ko sa ’yo, friend naguguluhan ako.” “S-si Jared, magpapakasal na kami at gusto niyang bigyan ko siya ng anak. Kapalit ng kanyang anak na nawawala dahil sa akin,” malungkot kong wika sa aking kaibigan. Mas lalong nagimbal si Doday sa rebelasyon na aking sinabi. Ang pagkakaalam niya galit na galit sa akin si Jared. At ngayon malalaman na lamang niya na magpapakasal na kami. Pero ang kaninang pagkagimbal napalitan ng pagngisi. “Yon naman pala, friend. May pagalit-galitan pang nalalaman si fafa Jared. ’Yon pala may gusto sa ’yo.” Kaagad nalukot ang aking mukha sa aking narinig. Mapait akong ngumit sa kaharap kong kaibigan. Gusto ako ni Jared? Imposible! Isang malaking kalokohan. Kahit kailan hindi ’yan mangyayaring magkagusto siya sa akin dahil alam kong tanging pagkayamot at pagkamuhi ang nararamdaman niya para sa akin. At isa pa alam kong hindi ko mapapalitan si Ate Sabel sa kanyang puso dahil mahal na mahal ito ni Jared. At kahit magpapakasal man kami ngunit walang pagmamahal o ano mang namagitan sa amin kundi ang pagbabayaran ko lang ang kasalanan ko sa kanya. At ibigay ang gusto niyang anak. “O– bakit nalukot ’yang mukha mo, friend? Hindi ka ba natutuwa na magpapakasal na kayo ni Jared?” “Paano naman ako matutuwa, Doday? Matatali ako sa isang tao na kahit kailan hindi ako ang mahal at ang gusto lang ay bigyan ko siya ng anak? Hindi ko alam kung ano pa ang buhay na haharapin bilang kanyang asawa,” Naging seryoso ang mukha ni Doday ang kaninang mapanuksong ngiti niya ay biglang napalis. “Ibig sabihin magpapakasal lang kami dahil sa kasalanan ko sa kaniya at bigya ko siya ng anak. Hindi dahil sa mahal namin ang isa’t isa,” dagdag ko pa. Mariing ginanap ni Doday ang aking palad. Nakikisimpatiya sa akin. Siguro sa ibang pagkakataon napakasaya ko na ikakasal kay Jared. Dahil aaminin ko minsan ko ng pinangarap na sana ako na lang si Ate Sabel para ako na lang ang minamahal at pakakasalanan niya. Mahigpit na lamang akong niyakap ni Doday. Ngunit ramdam kong naawa siya sa akin. Hanggang sa muli niyang tiningnan ang aking mukha. Pinahid din ng babae ang luhang pumatak sa aking mga mata. “Stella, nandito lamang ako at handang tulungan ka. Alam ko darating din ang araw na makakawala ka sa pagsubok na iyong kinahaharap. Basta manalig ka sa Diyos…” bulong sa akin ni Doday. “Maraming salamat sa ‘yo, Doday. Paano na lang kung wala ka sa aking tabi? Baka hindi ko alam kung saan ako pupulutin,” malungkot na sabi ko sa aking kaibigan. “Mukhang seryo ang pinag-uusapan ninyong dalawa, ah?” Sabay kaming napalingon ni Doday sa lalaking nagsalita, walang iba kundi si Father Santi. Ngumiti rin ito sa akin hanggang sa dahan-dahan na lumapit sa aking tabi. “Stella, nababasa ko sa ‘yong mga mata ang lungkot at pag-aalala. Hanggang kailan ka ganiya?” anas ni Father Santi sa akin. “Hangga’t nabubuhay pa ako sa mundong ibabaw, father. At nasa utak ko pa rin po mga ginawa kong kasalanan noon. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin akong binabangungot ng mga nakaraan. Kahit anong pilit kong kalimutan ay patuloy pa ring sumisiksik sa utak ko ang mga kasalanan ko,” mahabang litanya ko. Marinig kong nagbuntonghininga si Father Santi. Nakikita ko rin ang awa sa mga mata nito ngunit hindi ko kailangan ang awa nito. “Kung nalulungkot ay huwag kang mahiyang tumawag o makipag-usap sa Panginoon, Stella. Alam kong pagsubok lamang ang lahat ng mga nangyayari sa ‘yo, hija.” “Hindi po ito pagsubok, Father Santi, talagang ito na ang guhit ng aking palad at habang buhay ko na itong pagdurusahan, tatahimik lang siguro ang buhay ko kapag nawala na ako sa mundong ibabaw!” “No! Hindi pa rin tatahimik ang buhay mo, Stella, mas malaking kasalanan sa Diyos kapag gumawa ka ulit ng bagay na puwedeng mong pagsisihin sa bandang huli. Tama na ang isang pagkakamali at huwag mo nang dagdagan pa. Maniwala ka lang, Stella, hindi ka pababayaan ng Panginoon…”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD