VIVIAN DE VERA
Hindi ako bumangon kaagad kahit tirik na ang araw sa labas. Wala akong gana na magluto, kumain, o kahit mag-ehersisyon.
Pakiramdam ko ay inagaw na lahat sa akin simula noong mawalan ako ng trabaho. Tapos dumagdag pa sa problema ko itong si Wynter Salvador.
Hindi ko alam na nabibilang siya sa pinakamaimpluwensyang pamilya sa buong bansa. Ang akala ko ay nagkataon lang na Salvador ang apleyido niya at isa lang siyang lalaki na nabubuhay sa pera na bigay ng mga matatanda na nagmamahal sa kanya.
“Gusto ko nalang maging hotdog sa ref.”
Nagbuntong-hininga ako nang biglang maramdaman ang gutom nang maisip ang pagkain. Pagkatapos kong ipusod ang buhok ay napansin ko ang malusog na envelope na nanahimik sa ibabaw ng bedside table ko.
“Gagastusin na ba kita? Ugh!” Nagpalakad-lakad ako sa harapan ng envelope na iyon. “Pinaghirapan naman kita, so may karapatan ako na gastusin ka.”
Hinawakan ko iyon at binuksan. Malawak ang aking ngiti nang ilabas ko ang pera na laman.
“Paano ‘yan? Apat na tayong nakangiti,” saad ko habang nakatitig sa tig-iisang libo na hawak.
Nagpaplano na ako sa aking isip sa kung saan ko ito gagastusin— sa tamang paraan. Kahit bayaran ko ng isang taon ang apartment ay hindi pa rin mangangalahati ang hawak kong salapi.
Napakislot ako nang tumunog ang phone at napakunot nang makita ang pangalan ni Boss Kiko.
Hindi na ako nagdalawang-isip at sinagot nalang ang tawag.
“Boss? Miss mo na ko?”
“Binabawi ko na ang pag-terminate sa iyo. Pumasok ka na dahil late ka na.”
Nabuhay ang aking dugo at napuno ng enerhiya ang aking katawan dahil sa galak. Ngunit hindi ako dapat magpadala sa nararamdaman.
I cleared my throat before I speak. “Boss, may nag-offer na sa akin na ibang company.”
“Agad-agad? Ang in-demand mo naman, girl.”
“Nag-offer sila ng one hundred thousand per month na salary. Kaya niyo po ba na tapatan iyon?” Pagsisinungaling ko. “Ikaw? Ano ang kaya mong ipagkaloob sa akin, Boss Kiko?”
Nagbuntong-hininga ito. “Vivian De Vera, hindi ko isusumbat ang lahat ng ginawa ko para sa iyo pero parang ganoon na nga.”
Oh, no…
“Naaalala mo ba na madalas mong nasisira ang gamit sa office at ako ang napagbibintangan n’on kaya nagkakaroon ako ng deduction? Dahil alam kong kapag ikaw ang pinagbayad nila ay wala ka ng sasahurin. I mean, sino ang mag-aakala na pati ang glass door ay masisira mo?”
“Boss, sabi kasi push!” Dahilan ko.
“Ayaw na nga magbukas sa push, ‘di ba? Bakit pinilit mo pa rin?”
“Because I see it as a challenge.”
“Naaalala mo rin ba noong ilang beses kitang pinatawad… na kahit late ka na makakapasok ay nakukuha mo pa rin na bumili ng ice coffee.”
Umupo ako sa gilid ng kama upag ipahinga ang tuhod ko habang nakikinig sa mga rants ni Boss Kiko sa akin.
“Natatandaan mo rin ba na ako ang umayos sa gulo na ginawa mo noong napagkamalan mo na waiter ang anak ng President of the Philippines at inutusan ito na pagbuksan ka ng pinto at ikuha ka ng wine?”
“Boss Kiko, parang hindi ka naman mabiro.”
“At higit sa lahat, ako rin ang umayos ng issue mo dahil nakita ka ng isang kliyente natin na nagsasayaw sa ibabaw ng stage ng naka-bra at panty lang!”
“Boss, bakit hindi siya nagka-issue? Bakit ako lang? He’s married tapos papasok siya sa stripper club?”
Nakikita ko na nag-face palm si boss dahil sa sinabi ko.
“Oo, alam ko iyon, Vivian. Ni-let go na rin ng HR ang issue pero tandaan mo, hindi ka pa roon natapos. Gumawa ka pa ng article para i-blind item siya. Inayos ko lahat, inalay ko pati ang promotion para protektahan kang bata ka. You know why, right?”
“Because you saw my potential,” tuloy ko sa sasabihin niya.
Narinig ko ang mahinang buntong-hininga niya.
“Boss Kiko…” mahina kong sambit. “Gusto niyo po ba talaga ako na bumalik? Kasi parang bibitayin mo na ako kapag nagkita tayo, eh.”
“Pumasok ka nalang. Bitawan mo na ang kliyente na binigay ko sa iyo dati dahil nagkahulihan na sila.”
Napasinghap ako. Naisip ko kaagad si Wynter. Nakarma na siya? Buti naman.
Hindi na pinahaba ni Boss Kiko ang chismis at pinutol na ang usapan namin. Kahit naman palagi akong sinisigawan ng boss ko ay alam kong mahal na mahal niya ako. Ganoon lang talaga siya makipag-usap.
Love language niya ang pagsigaw. Kahit ang mga katrabaho ko ay sanay na rin sa ugali ng boss namin.
Naglalakad ako patungo sa elevator habang dala ang mga gamit ko.
“Vivian!”
Lumingon ako nang marinig ang aking pangalan. Lumawak ang aking ngiti.
“Olivia!”
Kahit alam niyang mabigat ang dala ko ay umakbay pa rin siya sakin. “Akala namin ay hindi ka na mapapabalik ni Boss Kiko. Grabe, ‘no? Kapag talaga masamang damo, mahirap patayin.”
“Ano ang ginagawa mo rito? Hindi ba at nakabakasyon ka sa Malaysia?”
“Nope! I cancelled it last night.”
Bumukas ang elevator at sabay kami na pumasok. At dahil maldita ang babae na ito, ako pa ang inutusan niya na pumindot ng seventh floor.
Kung hindi ko lang siya kaibigan, baka sinilid ko na siya sa trash bag at tinapon sa lawa.
“Because… I’m getting married.”
“Oh?! May nagtiyaga sa iyo?”
“Of course! Isang kindat ko lang, laglag ang brief niya.”
Kumunot ang noo ko. “Teka, wala ka namang jowa, ah! Pinagchi-chismisan ka nga ng mga tao sa kabilang area kasi sa sobrang narcistic mo raw ay sarili mo na ang pakakasalan mo.”
“Sino ang nagkalat niyan?! Dudugo ang ilong niya sa akin!” Saad nito at itinaas ang isang kamao.
Bumukas ang pinto ng elevator at lumabas na kami. As usual, ginawa ko na ang trabaho ko. Inaral ko ang galaw ng susunod kong prospect dahil nangako ako kay Boss Kiko na hindi na ako papalpak dito.
Ayaw ko na mapahiya muli si Boss Kiko kaya tatlong araw kong inaral ang lahat ng impormasyon bago gumawa ng aksyon.
Dala ang camera at lakas ng loob ay lumabas na ako ng building at pumunta sa lugar na gaganapan.
Ang sabi ng isa sa mga sources ko ay may gaganapin na underground bidding at kasama ang target ko roon.
Kailangan ko siyang mahuli sa akto ang lalaki upang magamit ng client ko iyon na ibedensya upang manalo siya sa custody ng mga anak.
Nagsuot ako ng kamukhang uniporme ng service crew at nagpagawa ng pekeng ID para makalusot sa security.
Bumaba na ako taxi at nilakad ang natitirang distansya. Kasalukuyan kong pinapagpagan ang harapan nang biglang may sumulpot na sasakyan sa aking gilid.
Tinakasan ng kulay ang aking mukha at parag humiwalay ang kaluluwa ko. Halos dalawang dangkal lang ang layo nito sa akin at kung hindi siya nag-preno ay malamang na nasa impyerno na ako.
Yes, hindi ako mapupunta sa langit kahit linggo-linggo pa ako mangumpisal. Matagal ko ng tanggap iyon.
“Hoy!” Binagsak ko ang kamay sa hood ng mamahaling kotse nito. “Hindi ka hari ng daan. Nakikita mo ba?! Nasa pedestrian lane ako! Ano?! Kapag mamahalin ang sasakyan, hindi na sakop ng batas trapiko?!”
Kahit ano’ng singhal ko ay hindi pa rin lumalabas ang driver niyon. Sa gigil ko ay sinipa ko nalang ang harapan at inirapan ito.
“Pasalamat ka, may importante ako na gagawin. Kung hindi, ospital sa akin. Hayop ka. Bwisit.”
Nagpatuloy na ako sa paglalakad kahit inis na inis pa rin. Sinisikap kong magpakabuti pero araw-araw talaga akong sinusubok ni Lord.