"Killian, what are you doing?"
Naninigas ang leeg na mula sa nakaka- intimidate na mukha ni Killian ay binaling ko ang tingin sa nagsalita.
Dilat na dilat ang mga mata ko habang napatangang nakatingin sa isa pang lalaking parang mananakop na dayuhan na may pares ng asul na mga mata na medyo may kadiliman kumpara kay Killian.
Sa hulma pa lang ng pangangatawan ng bagong dating at anggulo ng mukha nito ay malinaw pa sa sikat ng araw na magkadugo ito at si Killian. Hindi lang iisa ang kapre sa pamilya Carson, dalawa sila!
Natauhan ako mula sa pagkatulala nang tuluyang nasa tapat na namin ni Killian ang bagong dating. Napakurap-kurap ako sabay hamig sa sarili nang mapansing napatagal na ang paninitig ko sa bagong dating. Sa sobrang tutok ko rito ay hindi ko na namalayan kunf kailan umayos sa pagkakatayo si Killian.
Gano'n pa man ay nanatili pa rin ang matalim niyang tingin sa'kin.
Bigla akong napatuwid sa pagkakatayo nang dumako sa'kin ang tingin ng bagong dating. Halos hindi na ako humihinga nang pumasada sa'kin ang asul nitong mga mata.
Hindi ako mapakali sa kinatatayuan pero pinilit kong huwag kumibo habang hinihintay ang susunod nitong sasabihin.
"Well, she doesn't look like a fortune teller to me," pumapalatak na pahayag ng bagong dating na kapre— este lalaki.
Tinaasan pa nito ng kilay si Killian bago muling ibinaling ang tingin sa'kin.
"Do you feel it?" matigas na tanong ni Killian sa bagong dating.
Mukhang hindi lang pala ako iyong sinusungitan niya dahil gano'n din siya makipag-usap sa bagong dating.
"Feel what, Killian?" tila naaaliw na tanong ng bagong dating.
"This is serious," mahina pero paangil na tugon ni Killian.
Hindi ko alam kung ano ang pinag-uusapan nila, pero sana ay huwag nila akong idamay.
Nagpalipat-lipat ako ng tingin sa kanilang dalawa habang hinihintay ang magiging sagot ng lalaki sa huling sinabi ni Killian. Sa isip ko ay hinuhulaan ko na kung kaano-aano ni Killian itong bagong dating.
Katulad niya ay hindi pamilyar sa'kin ang mukha ng lalaki. Pareho ko silang hindi nakita sa mga larawan ng ibang Carson na nagkalat sa internet. Siguro ay bahagi sila ng angkan ng mga Carson na nasa ibang bansa. Hindi ko lang maalala kung anong bansa iyon.
Habang pinanood ko ang tila pagtatagisan ng tingin nilang dalawa ay bigla kong naalala ang sinabi kanina ni Killian na darating ang kapatid niya.
Hindi ko mapigilang mapasinghap nang mapagtantong ito iyong kapatid na tinutukoy niya.
Napalakas yata ang singhap ko dahil sabay na bumaling sa'kin ang tingin nilang dalawa. Hindi pa rin nagbabago ang masamang tingin ni Killian habang malamig naman iyong tinging binigay sa'kin nitong hula ko ay kapatid niya.
Magkapatid nga sila, halata na parehong ayaw nila sa'kin. Hindi ko tuloy maintindihan kung bakit ako pa ang napili nitong Killian na ito upang samahan sila ng kapatid niya sa VIP room.
Hindi kaya balak niya akong i-torture doon?
"Wait! Sandali!" malakas kong bulalas sabay atras mula sa kanila.
Parang tatalon ang puso ko sa bilis ng t***k nito nang awtomatiko rin ang ginawa nilang paghakbang palapit sa'kin.
"Anong kailangan ni'yo sa'kin?" nagtapang-tapangan kong tanong habang alertong nakatingin sa kanilang dalawa.
Sa isip ko ay naiplano ko na kung paanong takbo ang gagawin ko patungo sa hagdanan sabay sigaw nang malakas. Sana lang ay magagawa kong higitan ang volume ng tugtog mula sa dancefloor nitong club.
Kailangan ko na yatang mag- abort mission, mamaya ko na iisipin kung ano ang paliwanag na ibibigay ko kay Mrs. Lim.
"Kailangan namin ang serbisyo mo bilang isang manghuhula."
Biglang nagpreno lahat ng mga tumatakbong senaryo sa utak ko at napaubo pa ako dahil sa narinig mula sa kapatid ni Killian.
Seryoso ang ekspresyon niya habang sinasalubong ang tingin ko. Mukha namang hindi siya nagbibiro. Pero nang sulyapan ko si Killian ay halatang hindi nito nagustuhan ang sinabi ng kapatid.
Pero manhid yata itong isa dahil hindi ramdam ang murderous stare ni Killian at nanatili pa rin sa'kin ang buong atensiyon.
"Sorry, pero hindi ako gano'n kagaling sa panghuhula," pasimple kong pagtanggi. Kahit babayaran ako ng mahal ay hinding-hindi ko ibibigay ang peke kong serbisyo sa kanila. "Pwede ko kayong irekomenda sa ilang kakilala ko."
Medyo legit pa kumpara sa'kin iyong iba. Pwede ko silang ilapit kay Madam Lorraine.
"Alam naming peke ka," matigas na wika ni Killian.
"Tapos sinasabi nitong isa na kailangan ni'yo ang panghuhula ko?" umismid kong tanong kay Killian habang nakamuwestra ang kamay sa direksiyon ng kapatid niya.
"Alam din naming magaling kang con-artist," sabat ng kapatid ni Killian.
"Wala kang ebidensiya," napahalukipkip kong tugon.
Wala pa namang naghahabol sa'kin dahil sa pagpapanggap ko sa iba't ibang katauhan. Karamihan sa mga naloko ko ay mga manloloko rin naman kaya walang karapatang maghabol. Wala akong record sa barangay namin at ni minsan ay hindi pa ako kinasuhan dahil sa pinaggagawa ko. Kung iniisip nitong mga kaharap ko na magagamit nila laban sa'kin ang impormasyong alam nila sa pagkatao ko ay don't me dahil hindi nila ako matatakot.
"Hindi na namin kailangan ng ebidensiya," malamig na pahayag ni Killian.
Parang gusto ko nang kabahan nang legit. May balak ba silang ipakulong ako? Siguro ay konektado na naman itong masama nilang plano sa pagmamatigas naming umalis sa Purok Otso.
"Kailangan lang namin ng isang manghuhula upang iharap sa Lola namin," dagdag ng kapatid niya na hindi ko pa rin alam kung ano ang pangalan.
Ugali talaga nilang magkapatid ang hindi nagpapakilala sa kausap. Kahit si Killian ay nalaman ko lang ang pangalan kay Dora. Hindi ba sila tinuruan kung paano magpakilala sa bagong kakilala? Kahit nga sa paaralan ay may introduce yourself, pero sa dalawang ito ay tila ba dapat ay kilala ko na sila.
"Sabi ni'yo nga ay peke akong manghuhula kaya bakit ako pa iyong gusto ni'yong iharap sa lola ni'yo?" nakasimangot kong tanong.
"Dahil lahat ng sasabihin mong hula kay Lola ay kami ang magdedekta," balewalang sagot ni Killian.
"Balak ni'yong lokohin ang sarili ni'yong lola?" maang kong tanong.
Ang sama nilang mga apo! Bakit kaya nila gagawin iyon?
"Huwag ni'yong sabihing may kinalaman sa mana ang binabalak ni'yong gawin," eksaherada kong pahayag.
"Talaga bang pekeng manghuhula ka?" nakataas ang kilay ns tanong ng kapatid ni Killian. "Medyo tumama ka kasi sa bagay na iyan." Lalong lumamig ang pagkakangiti nito sa'kin.
Ewan ko lang kung ngumingiti ba talaga ito o nananakot. Pakiramdam ko ay Halloween season na ulit. Kakatapos lang ng Halloween pero parang nananakot pa rin silang magkapatid.
"Ayaw kong makisali sa kung anong binabalak ni'yo," tanggi ko sa kanila. "Siguro naman ay makakahanap kayo ng iba riyan na—"
"Ikaw ang gusto namin," putol ni Killian sa pagsasalita ko.
Natigilan naman akong napatitig sa blangko niyang ekspresyon. Kahit na walang emosyon ang mukha niya ay bakit parang may iba akong nahihimigan sa kanyang tono.
Hindi ko rin alam kung saan nanggaling ang kakaibang pakiramdam na nagpabilis sa t***k ng puso ko nang hindi takot at kaba ang dahilan.
"D-dapat ba akong matuwa?" mapakla kong tanong. "O mabahala dahil mukhang malaki ang bilib ni'yo sa kakayahan ko at hindi ni'yo ako hahayaang tumanggi."
"Choose to be flattered," pumalatak na sagot ng kapatid ni Killian. "Isipin mo na lang na bibigyan ka namin ng matutuluyan kapag nabili na namin ang Purok Otso."
"Kung makapagsalita ka ay parang siguradong-sigurado ka na talaga na magbebenta si Tita Ava," lukot ang mukha kong saad.
"Dahil magbebenta siya, Madam Fortune Teller." Madiin ang pagbigkas ni Killian sa bawat kataga kahit na mababa ang boses niya habang nagsasalita.
Pakiramdam ko tuloy ay nanuot sa bawat himaymay ko ang mga sinabi niya... may kakaiba kilabot na hatid ang mga ito kahit na hindi naman siya mukhang hinugot mula sa bangungot.
"Let's continue this conversation inside," pahayag ng kapatid ni Killian na pumutol sa pagtitigan namin.
Hindi na ito naghintay ng tugon mula sa amin ni Killian at nagpatiuna nang tinungo ang VIP room na inihanda para sa kanila.
Pinaningkitan ko ng mga mata si Killian at pasimpleng iminuwestra na mauna siya sa'kin. Pero sa halip na sundin ako ay pahalukipkip niyang sinalubong ang tingin ko at ginaya ang ginawa kong pagmuwestra gamit ang sarili niyang mga mata.
"Huwag kang mag-alala, wala naman akong nakikitang pwede kong pagkainteresan," arogante niya pang pahayag bago ako pinasadahan ng nakakainsultong tingin.
Tumalim ang tingin ko sa kanya at naikuyom ko ang mga kamay habang pilit na pinapakalma ang tumataas kong presyon.
Bago maging one hundred eighty over acting ang blood pressure ko dahil sa bwesit na kapreng kaharap ay pairap ko na siyang tinalikuran.
Therefore I conclude, mas okay ang kapatid niya kaysa kanya!
Taas-noo akong naglakad pasunod sa nauna na niyang kapatid. Hindi ko didibdibin ang narinig kong panlalait mula sa kanya. Ano naman ang aasahan ko sa isang lalaking dumadayo sa ganitong lugar?
Syempre iyong taste niya sa babae ay iyong mestisa, sexy, matangkad, at higit sa lahat ay malaanghel sa ganda iyong mukha.
Medyo tagilid man ako sa mga katangiang iyon at hindi maamo sa kahit saang anggulo ang pang-kontrabida sa ganda kong mukha ay hindi rin naman ako papatol sa katulad niya!
Nagtagis ang mga bagang ko nang ma-realize kong wala akong maipintas sa physical feature ni Killian Carson at kahit sa kapatid niya.
Oo na at sobrang perpekto na nang pagkakahulma ng lintik nilang mga mukha. Bakit ba kasi ginalingan masyado ng mga magulang nila kaya ganito ang kinalabasan ng mga anak nila.
Wala sa sarili akong napalunok mang mapadako ang paningin ko sa pang-upo ng kapatid ni Killian. Pasimple akong umubo upang hamigin ang sarili pero hindi ko maalis-alis ang sariling paningin mula roon habang may namumuong pantasya sa utak ko.
Kanina lang ay pinagbintangan ko si Killian na nakatingin sa puwet ko pero heto ako ngayon at iyon ang ginagawa rito sa walang kamalay-malay niyang kapatid.
Ang manyak ng utak ko! Tabang, help!