Tahimik kong pinapagalitan ang sarili dahil sa kung anu-anong iniisip ko. Hindi ako ang klase ng babae na mapatingin lang sa puwet ng pogi ay bigla nang naglumikot ang imahenasyon.
Dahil sa saglit na pagtatalong nangyayari sa loob ko ay wala sa sariling napahinto ako sa paglalakad. Napansin ko na lang ang ginawa ko nang lanpasan ako ni Killian na nakasunod lang kanina sa'kin.
Wala siyang sinabi pero ramdam ko ang panghuhusga sa mga mata niya nang saglit nagsalubong ang paningin namin.
Parang gusto kong lumubog sa kinatatayuan habang naglalaro sa isip ko ang posibilidad na napansin niya ang ginawa kong paninitig sa pang-upo ng kapatid niya. Nakakahiya!
"Can you get any faster?"
Napatuwid ako sa pagkakatayo nang marinig ang naiiritang boses ni Killian. Nakatayo na siya sa bukana ng nakabukas na pinto ng VIP room habang aroganteng nakatuon sa'kin ang matalim niyang tingin.
Mukhang hindi naman niya ako nahuli kanina na pinapantasyahan ang puwet ng kapatid niya. Sadyang normal na tingin lang niya iyong kanina.
Hindi na ako umimik pa at nagpatuloy na sa paglapit sa nakabukas na pintuan. Ilang hakbang na lang ako palapit doon pero hindi pa rin siya umaalis sa pagkakaharang.
Kusang bumagal ang paghakbang ko upang bigyan siya ng pagkakataong tumabi o umalis sa kinatatayuan dahil kung mananatili siya roon ay kailangan kong tumagilid upang makadaan kasi napakalaki niyang harang!
Nang nanatili siyang walang kagalaw-galaw sa kinatatayuan ay napagtanto kong wala siyang balak na tumabi. Ako na ulit ang mag-a-adjust.
Gusto niya bang ipamukha sa'kin kung sino sa aming dalawa ang superior? Lagi na lang ay tila nanghahamon ang galit niyang mga tingin. Ano ba talaga ang kasalanan ko sa kanya at bakit ganito siya sa'kin?
Kung malungkot ang buhay niya ay huwag siyang mandamay!
"Excuse me," lihim na napangiwi kong usal nang nasa mismong tapat na niya ako.
Wala na talaga siyang pag-asa, ni hindi nga siya tuminag habang nanatili ang matalim na tingin sa'kin.
Minamadali niya ako kanina pero sa ginawa niya ngayon ay parang gusto niya akong palayasin at hindi na papasukin.
Ang gulo niya, ako lang ba o sadyang mixed signals ang mga kinikilos at sinasabi niya maliban lang doon sa nag-iisang malinaw na may lihim siyang galit sa'kin.
Lihim akong hunugot ng hininga bago taas-noong dumaan sa makitid na espasyo sa tabi niya. Hindi ako tumagilid dahil matapang na tao ako! At tulad nga ng inaasahan ko ay hindi ako makadaan dahil bumangga ang balikat ko sa matigas niyang braso.
Pahinamad akong tumingala sa kanya at sinalubong ako ng masungit niyang mga mata. Syempre kinabahan ako dahil ang laki niya talaga, pero hindi ko iyon pinahalata at nagtapang-tapangan na nakipagtagisan ng tingin sa kanya.
"Makikiraan po," sarkastiko kong sabi sa kanya. "Tabi-tabi, kapre sa gilid-gilid," pasaring kong dugtong.
"Y-you!" tiim ang anyo niyang usal. Bumuka ang bibig niya pero agad din niyang itinikom habang tinutunaw ako ng tingin.
Tinaasan ko siya ng kilay dahil tila naubusan siya bigla nang sasabihin. Matalim pa rin ang pagkakatingin niya sa'kin at bahagyang namumula ang leeg niya at pisngi. Sigurado akong dahil sa sobrang galit iyon. Wala naman kasi akong maisip na ibang dahilan.
Napadako ang tingin ko sa pagtaas-baba ng Adam's apple niya. Bakit parang nag-slow-motion ang paglunok niya at biglang nagbago ang atmosphere sa paligid?
Naging mas aware ay sa pagkakadikit ng balikat ko sa matigas niyang braso. Nakaharang pa naman ang sleeve ng suot niyang damit pero ramdam ko ang init na nagmumula sa katawan niya, partida na ang bahaging iyon pa lang ng mga katawan namin ang nagkadikit.
Para akong napapasong napaatras mula sa kanya. Mabilis ko ring nahamig ang sarili bago pa ako mapahiya sa ginawa ko. Baka isipin ni Killian na ang OA ko, ang mas malala ay baka mapansin niyang masyado akong affected sa simpleng pagkakalapit namin.
Pero paano bang hindi ako maapektuhan gayong hindi pa rin humihiwalay sa'kin ang matiim niyang mga titig.
Upang ipakitang balewala lang sa'kin ang lahat at kasalukuyang walang panginginig ng tuhod akong naramdaman sa ilalim ng mga titig niya ay tumagilid ako paharap sa kanya upang ipagkasya ang sarili papasok.
Sa isip ko ay sobrang dali lang namang gawin nang balak ko. Dadaan lang ako sa pintuan at lalagpasan ko ang malaking harang doon.
Dapat nga sa sobrang dali ay mabilis lang gawin pero hindi ko naisip na biglang gagalaw si Killian paharap sa'kin sabay tukod ng matipuno niyang braso sa hamba ng pintuan sa likod ko upang pigilan ang tuluyan kong paglampas sa kanya.
Peste! Butas ng karayom pala ang dadaanan ko!
"A-anong ginagawa mo?" medyo nauutal kong tanong sa kanya.
Muntikan nang nahulog ang puso ko dahil sa gulat nang pabigla-bigla niyang kilos. Nagmistula akong maliit na kuneho na na-trap ng isang leon.
Daga talaga iyong una kong naisip, pero mas cute iyong kuneho kaya iyon ako.
Pinilig ko ang sariling ulo mentally dahil hindi ito ang oras upang kung ano-ano ang iisipin ko. Si Killian Carson ang kaharap ko ngayon at mukhang mas mapanganib pa siya sa isang leon.
Lihim akong natitilihan habang nakatingin sa matigas na anyo ni Killian. Habang tumatagal ay pasidhi nang pasidhi naman ang nararamdaman kong pagrerebelde sa loob.
Hindi naman kasi maaaring kakaya-kayanin niya lang ako nang ganito na tuwing nagmumukha na siyang nakakatakot ay manginginig na lang iyong tuhod ko at magpapadala sa pang-iintimida niya.
Hindi maari iyon! As in never!
"Killian, just let her go." Basag ng mahinanong boses sa tensiyon sa pagitan namin ni Killian.
Muntik ko nang nakalimutan na kasama pala namin ang kapatid niya. Nang mapansin ko ang konting destruction na ginawa ng sinabi ng kapatid ni Killian sa kanya ay sinamantala ko iyon upang sumuot sa ilalim ng braso niyang hinarang sa'kin.
Tagumpay akong nakawala mula kay Killian kaya malaki ang ngising nilingon ko siya. Hindi pa rin nagbabago ang posisyon niya sa pintuan, ang kaibahan lang ay wala na ako roon.
Hindi niya yata inaasahan ang mabilis kong pag-eskapo. Nang muling magsalubong ang paningin namin ay pasimple kong hinawi ang sariling buhok paipit sa likod ng tainga ko gamit ang nakatayo kong middle finger.
F*ck you siya sa'kin!
Bago niya pa ako muling sindakin ng matalim niyang tingin ay nag-iwas na ako ng tingin sa kanya at lumapit sa kapatid niyang prenteng nakaupo sa gitna ng magarbong couch na nasa gitna ng silid.
Pasimple ko ring pinasadahan ng tingin ang paligid. May parang maliit na entablado sa isang bahagi nito kung saan nakaharap ang malaking couch. Elegante ang ang pagkakaayos ng silid. Gawa sa salamin ang isang bahagi ng dinding ng silid kung saan mula roon ay matutunghayan ang ibabang bahagi ng club kung saan malinaw na mapapanood ang nagaganap na dance show.
May nakahandang mga pagkain at inumin sa mesang nasa harapan ng couch na kinauupuan ng kapatid ni Killian.
Hindi ako komportableng maupo sa tabi nito kaya pinili kong pumuwesto sa pinakamalayo na upuan.
Sa sulok ng mga mata ko ay nakita ko ang paglapit ni Killian sa kinaroroonan ng kanyang kapatid. Nang maupo si Killian sa tabi mismo ng kapatid niya ay hindi ko magawang iiwas ang mga mata sa kanilang dalawa.
Kung hindi lang sana nakakakaba ang presensya nila ay malaya ko sanang ma-enjoy ang napakagandang view na hatid nila.
Cravings satisfied talaga para sa mga gustong-gusto ang blue eyes. Magkahawig sila kaya walang itulak-kabigin kung kagwapuhan ang pag-uusapan. Mas maaliwalas nga lang tingnan ang mukha ng kapatid ni Killian kaysa kanya. Ito kasing si Killian ay masyadong pinapahalata ang nararamdamang galit para sa'kin.
Mabuti pa 'tong kapatid niya, kahit na walang ekspresyon ang mukha ay hindi naman ako sinisibat ng matalim na tingin.
"I'm Killua."
Napakurap-kurap ako nang magpakilala sa'kin ang kapatid ni Killian. Tama nga ang una kong impression na mas okay ito kumpara kay Killian.
"I'm Lily—"
"You're Beverly," matigas na putol ni Killian sa akma kong pagkakilala kay Killua.
"Lily ang pangalan ko rito," paingos kong sabi kay Killian.
"I don't care," matigas niyang sagot. "You're Beverly to me."
Gusto kong mapabuga ng hangin. Mukhang magiging issue na naman kung ipagpipilitan ko ang gusto ko.
"Oo na, ikaw na ang masusunod," malumanay kong pagsang-ayon. "You're a kapre to me!" mataray kong dagdag at sinamaan din siya ng tingin.
Kung akala niyang patatalo ako sa kanya ay nagkakamali siya.
"Huwag kang pabida-bida dahil kayo ang may kailangan sa'kin," matapang kong pahayag bago pa may makapagsalita sa dalawang kaharap.
"Mukhang hindi mo pa pala lubusang naintindihan ang sitwasyon," kalmadong sabat ni Killua.
Oo nga at mukhang mas okay siya kumpara kay Killian pero hindi ibig sabihin niyon ay mabait na siya. Magkapatid silang dalawa kaya siguradong pareho ang ugali. Itong si Killua lang ay mas demure at mindful kaya hindi lantaran sa pagpapakita ng nararamdaman. Ito namang si Killian ay wala na talagang pag-asa dahil laging active si anger tuwing kaharap ako.
"Hindi magtatagal ay mapapasaamin ang Purok Otso, at matutuloy ang planong redevelopment sa lugar ninyo," pagpapatuloy ni Killua.
Naikuyom ko ang kamao habang nakikita ang kumpyansang nakalarawan sa gawapo nitong mukha.
Lihim kong kinutusan ang sarili dahil nagawa ko pa ring purihin ang kaharap na kalaban! Nasisiraan na yata ako ng ulo!
Gwapo nga, pero masama naman ang ugali! Wala pa naman itong ginawa, pero hinuhusgahan ko na dahil ganito talaga ako ka-judgemental.