Mataman ko munang pinag-aralan ang retokadang mukha ng floor manager na si Dora. Mukhang handa nga siyang pagbigyan ang kahit na anong pabor na hihilingin kong kapalit upang hindi tumutol sa request nitong super mega ultra VIP customer ng club.
"May tanong ako..." maya-maya ay pabulong kong sabi sa kanya habang tinapunan ng tingin si Killian Carson na hindi pa rin nagbabago ang nakakaintimidang aura habang nanatili ang matalim na tingin sa'kin.
Hindi maganda ang kutob ko sa kung anong plano ng Carson na ito. Palagay ko ay may kinalaman ang pagiging tenant ko sa apartment building ni Tita Ava kaya ramdam ko na may lihim siyang galit sa'kin.
"Ano pala iyong private show na nagaganap sa loob ng vip room?" baling ko kay Dora.
"Kalimitan ay sasayaw iyong mga babaeng naimbitahan sa loob ng vip room," sagot ni Dora na para bang kay dali lang gawin no'ng sinabi niya.
"Sasayaw?" natitilihan kong pag-uulit.
Pakiramdam ko ay bigla akong gininaw, hindi dahil sa suot ko kundi ay dahil sa posibilidad na baka pasasayawin ako!
Paano ko gagawin iyon gayong macarena lang ang alam kong sayaw tapos para pa akong uod na may dysmenorrhea.
"Bago ka pa lang dito kaya hindi ka pa pormal na naturuang sumayaw kaya 'pag pinagawa sa'yo iyon ng magkapatid na Carson ay pwede kang mang- improvise ng sarili mong dance steps," balewalang sabi ni Dora. "Ipapaalam ko na lang ang mga Carson tungkol sa pagiging baguhan mo."
Napakurap-kurap ako at pilit pang iniintindi ang napasukan kong sitwasyon habang binalikan ni Dora si Killian at kinausap ulit ito.
Hindi ko maalalang pumayag na ako, pero pinangunahan na ako ng atribidang floor manager. Kanina ay may balak pa akong um-oo, pero matapos marinig na kailangan ko palang sumayaw ay parang gusto kong umatras bigla.
Dapat pala no'ng marinig ko ang private show ay naisip ko na agad na may sayawang magaganap lalo na at dancer ang mga kababaihang nagtatrabaho sa lugar na ito na iniimbitahan ng mga customer sa VIP room.
Ano ang gagawin ng katulad kong naturingan lang na dancer dahil pumayag sa trabahong inutos sa'kin ni Mrs. Lim? Wala naman kasi sa hinagap ko na magsanga ang landas namin ng kapre na Carson kaya hindi ko talaga napaghandaan ang nangyayari ngayon at mangyayari mamaya sa VIP room.
"Lily..." untag sa'kin ni Dora. Muntikan ko pang nakalimutan na iyon ang dala kong pangalan. "Please accompany Mr. Carson on vip room number 1," utos pa nito sa'kin. Malumanay man ang tono nito at nakangiti pa habang nagsasalita ay malinaw ang babala sa mga titig nito.
Mukhang nakakatakot pala talaga itong si Dora. Siguro ay may dahilan talaga kung bakit pinapaiwas ako ni Carol sa baklang ito.
Hindi man ako totoong nagtatrabaho sa lugar na ito ay hindi ko rin ito pwedeng suwayin hangga't hindi ko pa nagawa ang totoo kong pakay.
Kasalanan talaga lahat ni Killian 'Kapre' Carson ang mga kamalasan ko sa gabing ito.
Gustuhin ko mang magmatigas ay nakatutok sa'kin ang mga mata ni Dora kaya napilitan akong ngumiti at tumango bilang tugon sa utos nito.
"Iyong pangako mo, huwag mong kakalimutan," paalala ko kay Dora nang tumapat ako sa kanya bago tuluyang nakalapit sa naghihintay sa'king kapre.
"Sumunod po kayo sa'kin, Sir," matamis ang ngiting kausap ko kay Killian Carson nang nakatayo na ako sa tapat niya.
Nahalata siguro niyang peke ang ngiti ko dahil lalong tumiim ang kanyang anyo. Malapit ko na talagang isipin na pati ang paghinga ko ay mali para sa kanya.
Hindi ko man talaga totoong nahuhulaan ang future, ay malinaw ko namang nakikita na may anger issue sa'kin ang Killian Carson na ito.
Hindi ko na hinintay ang sagot niya dahil halatang wala siyang gagawin kundi ay samaan ako ng tingin, pumihit na ako papunta sa direksiyon ng hagdan paakyat sa VIP rooms. Natatandaan ko pa naman kung nasaan iyong sinasabing silid ni Dora.
Sa aming dalawa ni Killian Carson ay mukhang siya itong nakikita ang nakaraan at hinaharap dahil wala pa man akong ginagawa ay mistulang may kinikimkim na siyang galit para sa'kin. Sa past life siguro namin ay may kasalanan ako sa kanya, o baka sa future ako magkakasala sa kanya.
"Weird..." bubulong-bulong kong sabi bago siya nilampasan.
Nahagip pa ng tingin ko ang tila nakahingang ekspresyon ni Dora habang malaki ang pagkakangiti. Masaya siguro ito dahil makakatakas na ito sa presensya ni Killian. Halata namang kahit magiliw ang pakikitungo nito sa lalaki ay naroon pa rin ang kaba at takot nito sa kaharap.
Hindi ko rin masisisi si Dora, dahil talagang nakakakaba kaharap ang katulad ni Killian Carson. Sa laki ng katawan ng lalaki ay ingat na ingat talaga ang kahit na sino upang huwag itong galitin dahil tiyak isang suntok lang nito ay talsik ang kaluluwa ng sinuman.
Ilang hakbang pa lang ang nagawa ko ay naramdaman ko na agad ang pagsunod sa'kin ni Killian Carson. Kapansin-pansin ang pagkahawi ng mga tao sa dinadaanan ko, at alam kong dahil iyon sa malakas na presensya ng taong tahimik na nakasunod sa'kin.
Hindi ko na binigyang pansin ang tila naiinggit na tingin no'ng ibang mga kasamahan kong dancers. Kung gusto nila ay libre silang pumalit sa'kin ngayon. Pero kahit iyon yata ang pangarap ng lahat ay alam kong walang sinuman ang gustong pangunahan o panghimasukan ang kagustuhan ng isang Killian Carson.
Hindi ko tuloy mapigilang maitanong sa sarili ko kung suki ba siya sa lugar na ito. Mukha kasing kilalang-kilala siya ng mga nagtatrabaho rito at maging ng mga mayayamang parokyano.
Parang hindi nababagay sa katulad niya ang nagpupunta sa ganitong mga lugar. Mas bagay sa kanya iyong nakaupo sa isang magarbong trono habang parang haring nag-uutos sa mga kawawa niyang empleyado.
Kahit siguro malaki ang sahod ay hindi ko gugustuhing magtrabaho kay Killian Carson. Naalala ko iyong security na kasama niya no'ng nakaraang nagpunta siya sa Purok Otso, parang robot na ang mga iyon at hindi tao. Sobrang strict siguro ng lalaking ito bilang amo.
Nang marating namin ang palapag na kinaroroonan ng mga VIP room ay pinakiramdaman ko ang lalaking kasama.
Nanatili siyang nakasunod sa'kin at kahit hindi naman gano'n kabilis ang ginawa kong paglalakad ay hindi niya tinangkang sumabay o mauna sa paglalakad ko, nanatili siyang nakasunod sa'kin nang dalawang hakbang mula sa likuran ko.
Naririnig ko ang tunog ng takong ng suot kong stilettos sa bawat paghakbang ko. Sa laking tao ng kasama ko ay kakatwang walang ingay ang paglalakad niya.
Natatanaw ko na ang pakay naming silid nang matigilan ako. Bigla sumagi sa isip ko ang maaaring dahilan kung bakit mas pinili niyang nakasunod sa likuran ko kaysa sumabay sa paglalakad ko.
Huminto ako bigla sa paglalakad at marahas na hinarap si Killian. Tama nga ang hinala ko dahil huling-huli ko siyang nakatuon ang paningin sa pang-upo ko.
Naningkit ang mga mata ko at nanlaki ang dalawang butas ng ilong ko dahil sa nararamdamang inis.
Mukha lang siyang karespe-respeto pero isang malaking mambubuso ang loko!
Ang malala pa ay hindi man lang siya nahiya na nahuli ko sa akto sa halip ay tinaasan niya lang ako ng kilay na tila ba tinatanong kung ano ang problema ko.
"Sinisilipan mo ba ako?" matalim kong tanong sa kanya. "Huwag kang tumanggi!" mabilis kong dugtong nang akmang magsasalita na siya.
"Kitang-kita ko na nakatingin ka sa puwet ko!" akusa ko sa kanya sabay hila pababa ng laylayan ng suot kong minidress.
Hindi ko rin mas maibaba pa ayon sa gusto ko dahil baka ang dibdib ko naman iyong lalabas.
Nawaglit saglit sa isip ko kanina na konting galaw lang ay tumataas ang suot ko kaya siguradong may nakita talaga itong kapreng kaharap ko dahil nasa likuran ko siya kanina habang umaakyat kami ng hagdanan. Wala akong kamalay-malay na nasisilipan niya na pala ako!
"I'm not looking at it," mahina pero mariin niyang tanggi.
Ramdam ko ang pag-iinit ng pisngi ko gayong hindi ako iyong dapat mahiya rito kundi siya dahil sa ginawa niya. Kung makatanggi naman ito ay para bang wala talaga siyang ginawang kabulastugan!
"Huling-huli kita, Mister!" namaywang kong sagot sa kanya. "Ang sabihin mo ay bastos ka talaga!"
"Watch your words, Madam Fortune Teller," malamig at may babala niyang saad habang lalong tumalim ang tingin sa'kin.
Bigla ay pakiramdam ko ako iyong may kasalanan sa aming dalawa gayong kanina lang ay sigurado akong nasisilipan habang naglalakad. Gina-gaslight ako ng mga mata niya. Hindi ko alam na pwede palang gano'n, iyong isang tingin lang ay nagbabago ang kanina lang ay sigurado kong pagkaintindi sa sitwasyon.
"N-nahuli nga kita!" medyo nautal kong giit. Nayayamot ako sa sarili ko dahil parang ako pa iyong kailangang magpaliwanag upang ilaban ang akusasyon ko.
Isang malamig na ngiti ang binigay niya sa'kin. Wala sa sarili akong napalunok habang pinapanood ang walang pagmamadali niyang paghakbang palapit sa'kin.
Biglang kumabog nang malakas ang puso ko at parang bubuway ako sa pagkakatayo habang pilit na nilalabanan ang matiim niyang titig. Pwede palang malunod kahit walang tubig dahil iyon ang nararamdaman ko ngayon. Nahihirapan akong sumagap ng hangin habang nakatingin sa asul niyang mga mata na nagbabanta ng delubyo dahil halata namang galit siya.
Hindi ko pa naman siya nakikitang hindi galit, pakiramdam ko tuloy ay sobrang lalim ng hugot niya sa buhay. Konklusyon ko ay mapagtanim talaga ng galit ang lalaking ito. Marami naman kaming tenant sa apartment ni Tita Ava pero sadyang ako lang iyong minalas na lagi siyang nakakaharap.
"Hindi kita sinisilipan," matigas niyang wika sa mismong tapat ng mukha ko.
Bahagya pa talaga siyang yumuko upang magawa iyon. Hindi ako makakilos dahil ang tindi no'ng pressure at tension na nararamdaman ko. Sino ba naman kasi ang mananatiling kalmado kung literal na ka-face-to-face ko ang mukha ng isang Killian Carson?
Oo na sobrang gwapo niya, pero sa nakikita kong galit sa mga mata niya ngayon na parang gusto niya akong tirisin ay hindi ito ang oras upang purihin ko pa siya. Pass sa gwapo na may anger issue!