chapter 7

2025 Words
Aaminin ko na medyo kabado ako habang ginagampanan ang papel ko kinagabihan. Tulad nga nang sabi ni Carol ay dumagsa ang tao sa club. Pansin ko rin na hindi lang pala mga kalalakihan iyong mga nagpupunta rito kundi pati mga kababaihan. Iisa lang ang pagkapareho ng mga customer, lahat sila ay mayayaman. Naging mapagmasid ako sa paligid habang iniiwasang makakuha ng atensiyon mula sa kahit na sino. Kaya pala hindi sa pagiging waitress ako pinasok ni Mrs. Lim dahil mas makakakilos pala ako bilang isa sa mga dancer. Kahit na napabilang ako sa mga dancer na walang show ngayong gabi ay may permiso akong makihalubilo sa mga customer at maging ang tumanggap ng private show na sana ay hindi ko na kailangang gawin. Simula nang makita kong dumating si Mr. Lim ay simula na rin ng totoo kong trabaho ngayong gabi. Pasimple kong sinusundan ng tingin si Lyliah. May dance number ito kaya hindi pa muna pwedeng makipag-usap sa mga dumating na parokyano ng club. Pero hindi nakaligtas sa pansin ko ang namagitang tinginan sa kanila ni Mr. Lim. Siguro kung hindi ko alam na may relasyon sila ay hindi ko mabibigyan ng kulay ang patago nilang ngitian. Hindi na parte ng trabaho ko ang alamin kung bakit tila nababahala si Mrs. Lim sa relasyon ng asawa niya sa isang dancer sa club kahit na sabihing batam-bata at sobrang ganda ng babae, pero hindi ko talaga mapigilang hindi mapaisip. Posible kayang naramdaman ni Mrs. Lim na balak siyang hiwalayan ni Mr. Lim para kay Lyliah? Hindi imposibleng nabaliw nga nang tuluyan itong matandang si Mr. Lim sa ganda nitong si Lyliah, pero palaisipan din sa'kin kung anong gagawin ni Mrs. Lim sa makukuha kong video ng dalawa? Kung ano man iyon ay sana makuha niya ang hustisya ng isang babaeng niloko ng asawa at pinagpalit sa mas bata at mas magaling gumiling. Habang pinapanood ko ang pagsasayaw ni Lyliah kasama iyong iba ay para akong nahihipnotismo sa bawat imbay ng mga balakang nila at galaw ng kanilang malalambot na katawan. Samantalang kung ako ang pinapasayaw ngayon ay tiyak na magmimistulang pader sa tigas ang katawan ko. Kailangan na talagang magmekus-mekus nina Lyliah at Mr. Lim para makunan ko na sila ng video at matapos ang trabaho ko. Ayaw ko nang magpabukas sa lugar na ito. Tutok na tutok ako kay Lyliah kaya hindi ko agad napansin ang taong papalapit sa kinatatayuan ko. Nagtaka na lang ako kung bakit pasimpleng nagsilayuan ang iba kong mga kasamahan na tinalaga ring tumayo rito sa puwesto ko na animo mga display para sa mga customer. Ipagkibit-balikat ko na lang sana ang lahat at mag-focus sa target ko nang maramdaman ko ang pamilyar na presensya na nakatayo sa likuran ko. Nanigas ako at napatuwid sa pagkakatayo nang dumampi sa naka-expose kong balikat ang mainit na hininga kasabay nang paglanglap ko sa pamilyar na pabango... sobrang pamilyar na wala pa man ay parang nakikinita ko na ang pares ng asul na mga mata na matalim na nakatingin sa'kin. "Fancy meeting you here, Madam Fortune Teller...." pabulong na sabi ng buong boses sa mismong tapat ng tainga ko. Lihim akong napamura nang marinig ang boses na kumumpirma sa hindi kagandahan kong mga iniisip. Hindi ko na kailangan pang lumingon upang alamin kung sino ang kumakausap sa'kin. "Anong ginagawa mo rito?" mahina pero matalim kong tanong sa kapreng nakatayo sa likuran ko. Sa sobrang paninigas ko ngayon ay hindi ko magawang kumilos sa kinatatayuan kahit ang pumihit man lang upang harapin siya. Sa sobrang lapit niya sa'kin ay ramdam ko ang init na nagmumula sa kanyang katawan. Malakas ang pakiramdam ko na sinasadya niya ring ilapit ang mukha sa tainga ko kaya ngayon ay bahagyang tumatama sa leeg ko ang kanyang hininga. Hindi lang iyon ang problema kundi ay ang mismong suot ko ngayong gabi! Parang gusto ko na lang magpalamon sa sahig habang iniisip ang maaaring reaksiyon sa suot ko ng taong pinakaayaw kong makakita. Tiyak na katawa-tawa ako sa paningin niya dahil sa suot na mini dress na sobrang sexy at konting tuwad lang ay kita na ang puwet ko? Bawal din pala akong tumuwad dahil baka kakawala ang dibdib ko sa sobrang baba ng neckline ng damit. Pinagsuot pa talaga kami ng damit gayong sobrang sikip naman kaya hulma talaga ang katawan. Kanina naman ay wala akong nakikitang problema sa damit dahil pare-pareho naman ang suot namin ng mga kasama ko at mas maikli pa nga iyong sa iba, pero dahil nakikita ako ngayon nitong kapre ay hindi na gano'n ang pakiramdam ko. Mabuti na lang at pinasuot kami ng itim na stockings na hanggang kalahati ng hita kaya nabawasan iyong na-expose na balat. May arm gloves din na kapares ang suot naming mini-dress kaya talo ko pa ang nasa isang costume party na kinky ang tema. "I'm here to enjoy the drinks... and the ladies," paanas na sagot ng kausap ko sa tanong ko. Maliban sa alam kong Carson siya at tinatawag ko siyang kapre ay hindi ko alam ang pangalan niya. Ayaw ko rin naman magtanong dahil baka isipin pa niyang interesado ako sa kanya! "Okay," napalunok kong usal. "Enjoy ka lang," dugtong ko pa na medyo pumiyok sa dulo. Kailangan ko nang makalayo sa kanya kaya pasimple akong humakbang paalis sa kinatatayuan ko. Pero agad din akong napahinto nang makasalubong ko ang naninitang tingin ni Dora. Bakit papalapit ito ngayon sa'kin habang may malaking ngiti sa mga labi para sa taong nasa likuran ko? Hindi ko mahagilap si Carol sa paligid. Sabi ni Carol ay kailangan kong iwasan si Dora. Hindi ko alam kung paano ko ito gagawin gayong pinapako ako ng tingin nito sa kinatatayuan ko habang parang malaking bantang nakabantay sa'kin ang presensya ng kapre na Carson. "Good evening, Mr. Killian Carson," hindi magkandaugagang bati ni Dora sa taong nasa likuran ko. Hindi ko pa rin nililingon ang lalaki, pero ramdam ko ang pag-ayos niya nang tayo kaya medyo hindi na gano'n ka-pressure ang lapit niya sa'kin. Pasimple pa akong tinapunan ng tingin ni Dora na para bang sinisabing sana ay wala akong nagawang mali. Hindi ko na binigyang pansin si Dora dahil naglalaro sa isip ko ang pangalan ng taong tinatawag kong kapre. Killian Carson... Normal lang bang makaramdam ng kakaibang kaba dahil lang sa pangalan ng isang tao? "Is everything to your approval, Mr. Carson?" magiliw na tanong ni Dora sa tahimik na lalaki. "If there is anything you want, we will be glad to provide it to you, Sir." Sa paraan nang pakikipag-usap ni Dora kay Killian ay halatang super VIP dito ang lalaki. Tiyak mapapalayas ako rito nang wala sa oras kung gugustuhin ng kapre na ito. Halata pa namang mainit ang dugo niya sa'kin dahil nga isa ako sa hadlang sa mga plano niya sa Purok Otso. Wala akong suot na pampaswerte ngayon, kaya minalas talaga ako! Bakit naman kasi sa laki ng mundo ay rito pa ulit nagkrus ang mga landas namin? "My brother will be joining me tonight, Dora," sagot ni Killian. Boses pa lang niya ay may hatid nang kakaibang kilabot sa katawan ko. Pero hindi iyong kilabot na nakakatakot. "I'll get your room ready for you, Mr. Carson," masayang pahayag ni Dora. Parang excited pa ito. Kulang na lang at maghugis peso sign ang mga mata nito. Hindi ko man naintindihan ang mga nangyayari ay mukhang malaking bagay ang pagdating ng kapatid ni Killian na kailangan pa talagang ipaghanda ng mga empleyado nitong club. Isang pilantik lang ng daliri ni Dora ay may lumapit na agad na mga staff. May pabulong siyang sinabi siya at agad namang nagsikilos ang mga ito. "Nakapili na po ba kayo ng magbibigay ng entertainment sa inyo?" nakangiting tanong ni Dora kay Killian. "Iyong star of the show po naming si Lyliah ay libre sa gabing ito. Nandiyan din sina Abby, Zarah at—" "We don't want anyone joining us tonight, Dora," putol ni Killian sa pagsasalita ni Dora. Bahagyang natigilan si Dora, pero mabilis din nitong naibalik ang magiliw na ekspresyon sa mukha na parang walang nangyari. "Of course, Mr. Carson," mahinahon nitong tugon. Kanina ko pa talaga gustong umalis. Pakiramdam ko kasi ay naipit ako sa pagitan nilang dalawa habang nag-uusap sila. Pero ang problema ay nakaharang sa harapan ko si Dora. Masyado namang malapit ang pagkakatayo ni Killian sa likuran ko na para bang binabakuran ako kaya hindi rin ako makagalaw. "E-excuse me po," tumikhim kong singit. "Makikiraan lang po..." Napakurap-kurap pa si Dora gamit ang false eyelashes niya habang napatitig sa'kin na para bang ngayon lang naalala ang presensya ko. Kanina lang ay pinandilatan niya pa ako no'ng dumating siya pero nakausap niya lang si Killian Carson ay muntikan na niya akong makalimutan. Mabuti na lang at hindi na nagkomento pang umatras nang konti si Dora upang bigyan ako ng daan. Medyo nakahinga ako nang maluwag dahil hindi na nagtangka pa si Killian na pigilan ako. Tiniis ko na lang ang matiim na paninititig mula kay Dora. Halatang iniisip pa rin nito kung paanong napunta ako rito sa kinatatayuan ko at nakalimutan niya. Pero ang importante ngayon ay pareho sila ni Killian na matatakasan ko. "Well... all we need tonight, Dora, is her." Awtomatikong napahinto sa paghakbang ang mga paa ko nang marinig ko ulit ang baritonong boses ni Killian. Parang hindi maganda ang kutob ko sa sinabi niya. Nang sulyapan ko si Dora ay maang itong napatitig sa'kin na para bang isa akong aparasyon. Ilang sandali pa bago ito nakabawi at lumipat ang tingin kay Killian na nasa likuran ko. "H-her?" patanong na pag-uulit ni Dora habang tinuturo ako. Anong her tapos sa'kin nakaturo? Marahas ang ginawa kong paglingon kay Killian Carson. Sinalubong ako ng matiim na titig ng asul niyang mga mata na tila ba hinahamon akong kumontra. Parang umalingawngaw sa isip ko iyong sinabi ni Carol tungkol sa private shows. May pakiramdam ako na mukhang napagkatuwaan yata akong piliin ni Killian Carson para doon. "Pwedeng tumanggi, 'di ba?" mabilis kong baling kay Dora. Nanlaki ang mga mata nito sa gulat bago ako mabilis na sinamaan ng tingin. "Excuse us for a minute, Mr Carson," magiliw na kausap ni Dora kay Killian bago ako pasimpleng hinila sa isang tabi ilang hakbang mula sa lalaki. "Baliw ka ba?" mahinang asik sa'kin ni Dora. "Hindi pwedeng tanggihan si Killian Carson!" nanggigigil niyang sabi. "Bakit hindi?" maang kong bulalas. "Eh, sa ayaw ko—" "Tumigil ka nga," sansala niya sa'kin. "Pareho tayong malalagay sa alanganin kung hindi mo pagbibigyan si Mr. Carson. Alam mo bang lahat ng mga babae rito ay pinapangarap ang mapansin ng magkapatid na iyan? Unang gabi mo pa lang pero sinuwerte ka na! Gagawin kitang regular dito kapag—" "Ayoko nga!" mabilis kong tanggi kahit na hindi niya pa tapos iyong huli niyang sinabi. Alam ko na ang pagiging regular dancer ko ang tinutukoy niya. Hindi ako dancer, kaya pass agad ako! "Makinig ka sa'kin, okay!" mahinahon pero mariin niyang sabi. "Hindi ka naman pipiliting gawin ang ayaw mo." "Pero pamimilit na 'tong pinapagawa mo sa'kin," namaywang saad. "Sasamahan mo lang naman sila sa VIP room," mahinahon niyang paliwanag. "Aasikasuhin mo sila at susundin ang anumang gusto nila. Wala kang ibang gagawin na labag sa loob mo." Magkasalungat yata ang mga sinasabi niya, lalo tuloy akong naguguluhan kung ano ba talaga dapat. "Paano kung marami pala silang utos, eh 'di marami akong gagawin niyan," napangiwi kong reklamo. Iyon pa lang ay labag na sa kalooban ko. Ang labo ng paliwanag ni Dora. "Promise na kapag ginawa mo 'to ay hahayaan kitang gawin ang lahat ng gusto mo sa susunod na mga gabi mo rito hanggang sa matapos ang pagiging substitute dancer mo." Agad nakuha ang atensiyon ko nang sinabi ni Dora. Sinulyapan ko ang direksiyon ni Mr. Lim. Hindi nito kasama si Lyliah, pero sigurado akong magkikita ang dalawa sa private room. "Promise?" naninigurado kong tanong kay Dora. Kung gagawin ko ang gusto niya ay mas maging malaya akong gawin ang totoo kong pakay sa susunod na mga gabi at hindi ko na kailangan pang sumayaw tulad no'ng pinapangunahan kong mangyari. Ako iyong substitute dancer na hindi sasayaw kahit kailan, galing!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD