chapter 5

1566 Words
Hindi ko na binanggit sa kahit sino sa kanila ni Violet at Kenny iyong tungkol sa encounter ko roon sa Carson na kapre. Gwapong kapre nga lang ang isang iyon, pero kailangan muna akong patayin bago ko iyon aaminin. Hangga't maaari ay iniwasan ko ring mag-usisa tungkol sa bumisita kay Tita Ava. Ayokong may marinig na kung ano tungkol sa kapre na iyon. Hanggang ngayon ay parang nararamdaman ko pa rin iyong kamay niyang nakahawak sa braso ko. Maging iyong mga asul niyang mga mata ay ayaw akong tantanan at napanaginipan ko pa ang mga iyon! "Bev, nakikinig ka ba?" Napaigtad ako at nabalik sa kasalukuyan nang marinig ang tanong ni Kenny. Awtomatiko akong ngumiti sa kaharap naming si Mrs. Lim upang hindi nito mapansin ang paglalakbay ng isip ko habang pinag-uusapan namin ang tungkol sa gusto niyang ipagawa sa'kin. Si Mrs. Lim ay ang sinasabing client ni Kenny na nangangilangan ng serbisyo ko. Kailangan niya ng isang maganda at sexy na babae upang masundan ang asawa niya at ang kinababaliwan nitong babae. At ngayon ay nasagot na kung bakit gano'ng babae ang kailangan ni Mrs. Lim upang gawin ang gusto niya. Kasali pala sa gagawin kong trabaho ang pagpasok bilang dancer sa high-end club na palaging pinupuntahan ni Mr. Lim. Pwede naman sanang direktang komprontahin ni Mrs. Lim ang asawa niya at kabit nito pero mas gusto pa yata nitong pare-pareho kaming mahihirapan. Babayaran naman ako kaya okay lang iyon sa'kin, iniisip ko lang iyong pera nilang masasayang dahil sa walang kwentang pinapagawa niya sa'kin. Isang dancer ng nasabing club ang diumano ay kinababaliwan ni Mr. Lim. Gusto ni Mrs. Lim ay pumasok ako sa club upang sundan ang dalawa kong target. Kailangan kong maaktuhan ang asawa niya at ang babae nito, kunan ko ng video ang pagmemekus-mekus nila at viola, tapos ang trabaho ko. May private investigator na palang inupahan itong si Mrs. Lim kaya may ilang mga impormasyon na kami tungkol sa babae. Mautak din itong si Mr. Lim dahil hindi lumalabas ng club kasama ang babae. Mayroon kasing private rooms ang nasabing club. Exclusive sa mga mayayaman ang club kaya maging iyong mga dancer nila ay protektado ang mga pribadong impormasyon. Nalula ako bigla nang malaman ko kung magkano ang sahod ng mga dancer. Parang bigla ay gusto kong mag-change career, kung hindi lang nakakatakot na baka bigla ay magustuhan ako ng isang mayamang amoy lupa. Pwede naman daw tumanggi sa gano'ng mga offer pero mukhang pera ako kaya tiyak na mahihirapan akong gawin iyon. Mahirap na baka literal na amoy-lupa ang makinabang sa katawan ko. Nakakakilabot! Kung hindi lang sana nangabit itong si Mr. Lim ay hindi ako mapapasabak sa ganitong klase ng sitwasyon. Pero sa kabilang banda ay hindi rin sana ako kikita ng malaking pera. Sa ibabayad sa'kin ni Mrs. Lim ay mababayaran ko na ang kalahati ng interes sa nakasanglang bahay at lupa ng namayapa kong mga magulang. Pwede ko naman sanang pabayaan iyon, pero naisip ko na iyon lang ang natira nilang alaala sa'kin. Kahit iyon man lang ay pwede kong maipamana sa susunod kong lahi. "Kaya mo ba talaga ang trabahong ito?" seryosong tanong sa'kin ni Mrs. Lim. "Oo naman po," mabilis at walang kakurap-kurap kong sagot sa aristrokatang ginang na kaharap. Hindi ko maisip kung bakit kailangang mambabae ni Mr. Lim gayong kahit na may edad na ay hindi pa rin naman kumukupas ng ganda ni Mrs. Lim. "Magiging substitute dancer ka kaya limitado ang pananatili mo sa club," pahayag ni Mrs. Lim. "Kailangan mo nang magawa ang utos ko bago makabalik ang pinalitan mo." Medyo matagal na ako sa ganitong trabaho kaya naugali ko nang hindi magtatanong sa mga pinapagawa sa'kin kahit deep inside ay curious din ako. Kung ano ang kailangan ng client ay iyon ang gagawin ko. Mas maigi na rin iyong wala akong gaanong alam basta gagawin ko lang kung ano ang dapat kong gawin. "Kung tama ang mga impormasyong binigay ni'yo sa'kin, Mrs. Lim ay magagawa ko ang trabaho sa unang gabi ko mismo," puno ng kumpyansa kong pahayag. Bahagyang tumiim ang anyo ng ginang. Hindi ko hiniwalang ang titig sa kanyang mukha. "Sa tingin mo, g-gagawin nila agad iyon sa unang gabi mo?" mahina niyang tanong. Lumarawan sa mukha ng ginang ang sakit at galit na pilit nitong pinipigilan. Kahit pala kumpirmado na ang tungkol sa babae ng asawa nito ay hindi pa rin lubusang tanggap iyon. "Tatlong beses sa loob ng isang linggo nagpupunta roon ang mister ni'yo, Mrs. Lim," mahinahon kong wika. "Tiyak na iyon ang ginagawa nila tuwing nagkikita sila." Nahagip ng tingin ko ang mariing pagkuyom ng kamay ng ginang na nakapatong sa mesa. "May matatanggap kang karagadagang bayad kapag matapos mo ang trabaho nang mas maaga," saad niya kapagkuwan. Isang ngiti nag sumilay sa mga labi ko. Totoo nga ang sinabi ni Kenny na galante si Mrs. Lim. Nang magtagpo ang paningin namin ni Violet ay tagumpay na ngiti ang binigay niya sa'kin. "Maaasahan ni'yo po, Mrs. Lim," sigurado kong pahayag. Ilang sandali pa at hinatid na namin ng tingin ang papalayong bulto ng ginang. "Sa tingin mo ay hindi ba delikado itong gagawin natin?" may pag-alalang tanong ni Violet. Kasama ko rin kasi sila ni Kenny para sa trabahong ito. Kailangan ko ng back-up para kapag magkaroon ng aberya ay hindi ako maiipit. "Tinanggap na natin kaya 'di na tayo pwedeng umatras," sagot ko. "Bakit kasi ang bilis mong tinanggap," paninisi pa sa'kin ni Violet. "Ang laki no'ng bayad," balewala kong sagot. "Hindi ito katulad no'ng mga nauna nating raket. Big time 'to." "Ayon na nga, malaki iyong bayad kaya nga medyo nakakaduda, 'di ba?" "Masyado ka talagang nega, bakla," sabi ni Kenny kay Violet. "Sa tingin mo ay ano naman ang maaaring kapahamakang naghihintay kay Bev doon?" "Aba malay ko!" iritableng sagot ni Violet. "Kaya nga ako hindi mapakali dahil hindi natin alam kung ano ba talaga ang naghihintay sa kanya roon sa loob. Medyo kakaiba kasi 'to sa mga nauna nating raket." "Ayaw mo sa ganito?" bulalas ni Kenny. "Nabawasan iyong trabaho natin dahil kumpleto na agad tayo sa mga impormasyong kailangan natin. Iyong client na mismo ang nagbigay." "Paano kung may mali sa mga iyan?" tanong ni Violet. Napatigil naman si Kenny bago kami sabay na napatingin sa envelope na kinalalagyan ng mga impormasyon para sa gagawin naming trabaho. "Iyong club pa lang ay medyo kahina-hinala na," dagdag pa ni Violet. "Huy! Sikat iyon sa mga mayayaman," kontra ni Kenny. "Hindi mo lang siguro alam ang tungkol doon dahil sanay kang laging nakamukmok sa bahay at—" "Oo na, hindi ko afford iyong ganyan kamahal na lugar," pairap na putol ni Violet kay Kenny. "Para namang afford mo." "Hindi rin, pero at least ako ay may ideya sa existence ng lugar na iyan," pasaring ni Kenny. "Tapos? Kinaganda mo ba?" buwelta ni Violet. "Nagka-matres ka? Nawala iyong itlog mo?" "Grabe ka na sa'kin, Violet, ha!" napahawak sa tapat ng dibdib na reklamo ni Kenny. "Kahit bakla ako ay may damdamin pa rin akong katulad mo na nasasaktan din!" "Ay, sorry naman," labas sa ilong na paumanhin ni Violet. "Huwag mo kasing ipamukha sa'kin ang pagiging slap soil ko para hindi ko rin ipaalala sa'yo na isa kang Adan!" "Naligaw lang ako sa katawang ito," madamdaming pahayag ni Kenny habang tinapik ang sariling dibdib. "Pero babae ako, sa puso, sa salita at sa kaluluwa!" Naiiling na lang akong pilit na bina-block ang iringan ng dalawa at sinimulan nang pag-aralan ang iniwang mga impormasyon ni Mrs. Lim. Kung sakaling magkaroon ng problema sa trabaho naming ito ay kailangan kong mag-isip ng paraan upang mailigtas ang sarili at dalawang kaibigan. Kung tutuusin ay sobrang dali lang naman talaga ng gagawin ko. Infiltrate, kuha ng video tapos alis! Pakiramdam ko tuloy ay isa akong undercover agent, iyon nga lang illegal kong gagawin ang trabaho ko. Kapag mahuli ay maaari akong ipakulong, pero iyon ay kung mahuhuli nga ako. Ilang beses nang muntikang mangyari ang gano'n pero lagi akong pinapanigan ng swerte. "Sa tingin ni'yo ay pwede akong mag-apply na dancer dito sa club?" maya-maya ay tanong ni Kenny na umagaw sa atensiyon ko. Hawak-hawak nito ang impormasyon tungkol sa club na papasukin ko bilang substitute dancer. "Babaeng may matres lang ang tinatanggap nila riyan," sagot ni Violet. "Huwag mo nang ipilit." "Nagtatanong lang naman," pairap na tugon ni Kenny. "Ang laki kasi ng kita. Paano kung gagawin kang regular, Bev, papayag ka ba?" baling nito sa'kin. "Uy, huwag ha," mabilis na sabat ni Violet. "Kahit na sosyalin at pangmayaman iyang club ay wala pa rin iyang kaibahan sa mga bar diyan sa tabi-tabi kung saan ay may mga babae ring sumasayaw-sayaw." "Oo may tama ka, pero at least dito sa pangmayamang club ay amoy pera iyong mga customer," saad ni Kenny. "Di bale nang magtitinda ako ng anting-anting at gayuma habang buhay," paingos na pahayag ni Violet. "Ikaw iyon, pero si Bev ang tinatanong ko," maarteng sabi ni Kenny kay Violet bago bumaling sa'kin at tinaasan ako ng kilay. Mukhang hinihintay niya ang sagot ko. Nakipagtagisan muna ako ng tingin sa kanya habang iniisip ang isasagot ko. May isa pa kasi akong problema tungkol sa gagawin naming trabaho. "Guys, nakalimutan ko palang sabihin sa inyo na hindi ako marunong sumayaw," nakangiti kong imporma sa kanila. Magiging substitute dancer na ako sa makalawa, pero iyong mga paa ko ay parehong kaliwa. Paano kaya 'to?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD