Hindi kinaya ng dalawang araw na pagtuturo nina Kenny at Violet upang matuto agad ako sa pagsasayaw.
Kung sana ay may anting-anting na pwedeng isuot upang gumaling agad sa pagkimbot o 'di kaya paggiling ay pinakyaw ko na.
Wala na talagang pag-asa, maging ang dalawa kong kaibigan ay suko na.
Bilin pa nga nila ay hangga't maaari iiwasan kong sumayaw dahil tiyak na pagdududahan ako at papalpak ang plano.
Baon ko lang talaga ay ganda at self-confidence nang unang tuntong ko sa Club-45. Tulad nga ng instructions ni Mrs. Lim ay hinanap ko iyong taong mag-aasikaso sa pagiging substitute dancer ko sa club.
"Maganda, sexy, bata— perfect!" pumalakpak na pahayag ng baklang kumilatis sa'kin matapos akong paikot-ikutin sa harapan nito.
Ito si Dora, hindi iyong lakwatserang bata kundi ay ang baklang may malulusog na hinaharap na immediate boss ng lahat ng mga dancer. Habang kaharap ito ay pinipigilan ko ang sariling huwag mapatitig sa dibdib nitong agaw-pansin talaga.
"Sa sidelines muna iyan mamayang gabi, bukas ng gabi na iyan isalang sa show," utos nito sa kasama ko ng si Carol na siyang kapit ni Mrs. Lim dito sa loob.
"Anong gagawin no'ng nasa sidelines?" mahina kong tanong kay Carol nang tumalikod na si Dora.
Masyadong busy si Dora dahil hindi lang naman ang mga dancer ang sinu-supervise nito kundi maging iyong trabaho ng mga waiter at waitress.
"Magpapa-cute," nakangiting sagot ni Carol. Isa rin si Carol sa mga dancer dito. Kaibigan niya iyong pinalitan ko.
Hindi kapani-paniwala na nasa ganitong trabaho ang katulad ni Carol na artistahin iyong ganda at pang-Miss World iyong tindig.
Alam ko sa sarili ko na maganda ako, pero kung itatabi ako rito kay Carol at sa ilang mga babaeng nagtatrabaho rito sa club ay magmumukha akong alalay.
Sarado pa ang buong club para sa mga customer at ang kasalukuyang mga nandito ay staffs at iyong mga dancer na nagpa-practice para sa show nila mamayang gabi.
Hindi lang basta giling-giling ang gagawin ng mga dancer dahil may matino talaga silang choreography. Sobrang taray no'ng baklang nagtuturo. Kailangan ay perfect at bawal magkamali.
Lalo tuloy akong naging pursigidong tapusin ang trabaho mamayang gabi at hindi na pwedeng umabot bukas dahil 'pag nagkataon ay kailangan kong sumayaw. Hidden talent ko iyon na sa sobrang pagka-hidden ay maging ako hindi iyon mahagilap.
Habang pinapanood ko kanina iyong mga babaeng sumasayaw ay pinagpapawisan ako bigla nang malamig.
Hindi ko kaya iyong gano'n, juice-colored orange!
"Halika, ililibot kita sa taas," makahulugan sabi sa'kin ni Carol na nagpaalala sa'kin sa totoo kong pakay sa lugar na ito.
Pasimple kong pinilig ang sariling ulo upang iwaksi sa isipan ang pamomroblema ko tungkol sa hindi ko mahanap-hanap na galing sa pagsasayaw. Kailangan kong mag-focus kung gusto kong matapos agad itong trabaho.
Sa ibaba ng club ay naroon ang mismong dressing area ng mga dancer. Nailibot na ako ni Carol doon kanina bago kami nagpunta sa opisina no'ng baklang floor manager na si Dora.
Sa ikalawang palapag na pakay namin ni Carol ay naroon ang mga VIP rooms. Tahimik akong sumunod kay Carol habang pinag-aaralan ang paligid. Kailangan kong masaulo ang pasikot-sikot ng lugar.
"Meron tayong limang VIP rooms kung saan ay pwedeng mag-request ng private show ang customer," paliwanag sa'kin ni Carol habang paakyat kami sa taas ng club.
Pagkarating sa taas ay bumungad sa'kin ang isang central bar na maliit lang nang konti sa bar na nasa baba. Magarbo at mas komportable tingnan ang naglalakihang couches na nagkalat sa paligid.
"Nasa third floor iyong VIP rooms, piling customer lang ang pwedeng makaakyat roon," pahayag ni Carol. "Iyong mga customer naman na gusto ng medyo tahimik pero hindi naman gano'n kalayo sa kasiyahan sa baba ay rito nagpupunta," pagpapatuloy niya.
Hinayaan niya muna akong tumingin-tingin sa paligid bago sinenyasan na sumunod sa kanya na mabilis ko namang ginawa. Nilagpasan namin ang ilang mga staff na naglilinis at dumaan kami sa isang makipot na hagdan paakyat sa taas.
"Mga nagtatrabaho sa club ay rito dumadaan paakyat, customer lang ang pwedeng gumamit ng elevator at hagdanan sa harapan," sabi niya sa'kin.
Pagkarating namin sa ikatlong palapag ay may mga nakasalubong kaming mga naglabas-masok sa mga silid na naroon. Maririnig sa paligid ang ingay ng vacuum at ilang cleaning equipment.
"Araw-araw nililinis ang mga VIP rooms," baling sa'kin ni Carol. "Alam mo na, maarte ang mga customer natin kahit sila-sila lang din naman iyong nagkakalat."
May kutob ako na ibang pagkakalat ang tinutukoy ni Carol. Ayaw ko na lang imagine-in kung ano ang nangyayari sa loob ng isang VIP room kung saan ay may mga private show.
"Sa taas ay naroon ang private rooms," nakaturo sa taas niyang saad. "Sampong silid para sa mga guest na hindi na makatiis," nakangisi niyang dagdag.
Napatingin ako sa hagdan paakyat doon. Isa sa mga tinutukoy na silid ni Carol ang pakay ko mamayang gabi. Hindi ko man alam kung aling silid ang gagamitin ni Mr. Lim at ng babae niya ay alam ko naman kung sino ang susundan ko mamaya.
"Sa tingin mo ay may makakahalata kung mawawala ako mamaya sa sidelines?" tanong ko kay Carol.
"Babahain tayo ng customer mamaya kaya kung walang magkainteres sa'yo ay walang makakahalata," nakangiti niyang sagot.
"Anong ibig mong sabihin?" kunot-noo kong tanong.
"Kailangan ay hindi ka makakuha ng atensiyon mula sa kahit na sinong parokyano ng club," paliwanag niya. "Kasi pwede kang i-request na i-table o 'di kaya ay imbitahan para sa private show ng sinumang magkainteres sa'yo."
"So, kailangan kong maging pangit sa paningin ng mga customer para malaya akong makakilos mamaya," tumango-tango kong usal.
"Tama!" kumindat na tugon ni Carol. "Pero may make-up artist tayo at stylist kaya medyo mahirap i-achieve kung plano mong magmukhang pangit."
"Sa rami ng mga magaganda rito ay sigurado naman akong walang magkainteres sa'kin kahit ilagay pa ako sa spotlight," kumpyansa kong pahayag.
"Don't underestimate yourself, girl," pumapalatak na pahayag ni Carol. "Pero huwag kang mag-alala, sasaluhin ko kung may darating na gano'ng problema."
Ngayon ko lang nakilala itong si Carol pero nagugustuhan ko na siya.
"Paano pala kayo nagkakilala ni Mrs. Lim?" bigla kong naitanong.
"Ssshh..." nagpalinga-linga sa paligid niyang pagpapatahimik sa'kin. "Manganganib ang trabaho ko 'pag may ibang makarinig sa'yo," matigas niyang sabi.
"Sorry," mabilis kong paumanhin. Bigla kong nakalimutan na trabaho ang pinunta ko rito at hindi tsismis.
Pinangunahan ako ng kuryusidad, nawaglit sa isip ko na katulad ko ay may nakataya rin sa ginagawang ito ni Carol.
"Basta, kapag magkahulihan ay hindi tayo magkakilala," mahina niyang sabi sa'kin.
Seryoso naman akong tumango.
"Mag-ingat ka mamaya, iwasan mo si Dora," bilin niya pa.
Agad kong naalala iyong baklang floor manager, wala naman kasing ibang Dora na nandito sa club.
Hindi na ako umimik pa at tahimik na sumunod kay Carol nang bumaba na kami pabalik sa dressing area.
Kailangan pa kasi akong sukatan para sa isusuot ko mamayang gabi.
May mga nakakasalubong kaming katrabaho ni Carol na nakipagbatian sa kanya. Kapansin-pansin na hindi niya ako pinakilala sa alinman sa mga ito.
Hindi rin naman nag- initiate ang mga ito na magpakilala sa'kin. Pakiramdam ko nga ay bigla akong nagkaroon ng invisible power dahil parang hangin lang ako na hindi nakikita ng mga ito.
Sa tingin ko rin ay mas maigi nang ganito dahil hindi naman ako magtatagal dito. Kung suswertihin ay hanggang mamayang gabi lang ako. Siguro ay iyon din ang nasa isip ni Carol kaya hindi na siya nag-abala pang ipakilala ako sa iba.
Iwas sabit din kung ganitong walang gaanong nakakilala sa'kin.
Pero in fairness sa mga nagtatrabahong mga babae sa club na ito ha, pare-parehong fresh. Iniisip ko talaga na medyo haggard na iyong nasa ganitong trabaho, pero iyong mga nakikita ko ngayon ay halatang alagang-alaga ang mga sariling katawan.
Puhunan nga naman iyon kaya dapat lang na ginagastusan nila. Pakiramdam ko ay bigla akong napadpad sa ibang mundo kung saan ay puro magaganda iyong nakikita kong mga babae.
Bawal pangit yata rito.
Ngayon ay may ideya na ako bakit natuksong mambabae si Mr. Lim. Katukso-tukso naman kasi talaga ang mga babae sa lugar na ito.
Kahit sinong lalaki siguro kapag marupok iyong paninindigan ay talagang bibigay. Pero wala naman sigurong lalaki ang nagpupunta sa lugar na ito upang uminom lang.
Parang gusto ko tuloy kabahan para sa sarili ko.
"Lyliah, it's so good to see you," magiliw na bati ni Carol sa partikular na babaeng kasalubong namin pagkaliko sa pasilyo papunta sa dressing room na pakay namin.
"Carol, you're early," komento no'ng Lyliah matapos makipagbiso sa kaharap.
Pasimple kong pinasadahan ng tingin ang babae. Sa tingin ko ay may ibang lahi ito dahil sa mestiza feature nito. Iba rin ang kulay ng mga mata nito, para itong buhay na manika. Pwede itong artista, pero nandito ito sa ganitong lugar at nakikipagrelasyon sa isang lalaking may asawa.
Oo, itong si Lyliah ang diumano kabit ni Mr. Lim. Ito ang babaeng kailangan kong sundan mamayang gabi at kunan ng video habang may ginagawa sila ni Mr. Lim.
Sayang talaga itong si Lyliah. Ano kaya ang kwento nito kung paanong napunta ito sa ganitong trabaho? Hindi ko mapigilang maging curious lalo na at ang daming oportunidad sa labas ang pwede para sa ganito kagandang babae.
Pero siguro ay may mga tao talagang ayaw magbanat ng buto , at mas piniling gamitin ang ganda upang mapabilis ang pag-ahon sa hirap.
Siguro, pangarap ng mga babaeng nagtatrabaho rito sa club-45 ang makahanap ng lalaking magbibigay sa kanila ng mala-fairy tale na buhay.
Hindi man lang nila naisip na isang bagay lang ang pakay ng mga mayayamang kalalakihang nagpupunta sa ganitong mga lugar, at iyon ay hindi ang paghahanap ng babaeng mapapangasawa.
Gagawin lang silang pampalipas-oras ng mga aroganteng mayayaman na iyon. Hindi ko na kailangang maging legit na manghuhula upang malaman ang magiging kapalaran ng sinumang babaeng nagkamaling umasang seseryosohin ng gano'ng klaseng mga lalaki.
Habang pinanood na nag-uusap sina Carol at Lyliah ay may isang bagay rin akong napagtanto. Hindi lahat ng mga nakangiti sa harap mo ay kaibigan , iyong iba ay may lihim na inggit sa'yo at naghihintay lang ng pagkakataong tuklawin ka.
Gusto ko sanang maawa kay Lyliah, pero trabaho lang... kanya-kanya kaming diskarte para may pagkakitaan.